Thursday, May 11, 2006

Separation Anxiety (Sapantaha column)

Separation Anxiety

Mahirap daw magpaalamanan sa kulturang Filipino. Tignan mo na nga lang si Rizal, napasulat pa ng mahabang tula sa gabi ng kanyang kamatayan. O si Florante na nanagnoy pa tungkol sa loob at labas ng kanyang bayang sawi habang nakagapos sa puno sa gubat at naghihintay ng mga leon at tigre.

Parati, may mabigat na dinadala sa harap ng mga ngiti at kasiyahan. At kahit gaano kadalas ang pamamaalam, parating mabigat dahil walang kasanayan. Kung iipunin ang luhang ibinuhos sa international airport—may 6,000 OCW na nangingibang-bansa araw-araw—baka wala na tayong shortage sa tubig. Sa yugto pa naman ng masibong pagkilos ng mga tao sa multinasyonalismo, hindi minsan na may mawawala at may bagong darating.

Kasama na ako rito. Tutungo ako sa Osaka para sa dalawang taong pagtuturo sa Philippine Studies program doon. May bago na akong identidad, overseas contract worker. Sasama ako sa pitong milyong Filipinong pwersa nito. Kaya hindi ako nag-iisa sa anxiety na nararamdaman ko.

Sa paglapit ng petsa ng pag-alis, lalong tumataas ang anxiety level ko. Ang mga plinano kong tapusin bago ako umalis ay hindi na mangyayari. Naparami tuloy ang mga materyales at librong ipapa-DHL ko roon. Pakiramdam ko’y tratrangkasuhin na ako, at talaga namang nagkasipon ako. Hanggang sa ginive-up ko na nga ang planong maging dakila’t nagpaubaya na lamang sa mga bagay na hindi ko lubos na mababago. At kahit papapaano’y gumaan ang pakiramdam ko.

Hahayo ako hindi dahil gusto ko. Pero dahil na rin sa pangamba sa hinaharap—na tatanda ako sa U.P. na wala pa ring kapasidad na magkaroon na finansyal na seguridad. Ang paranoia ko talaga’y ang literal na pagpapalayas sa aking faculty housing kapag nagretiro na ako, at ang kawalan ko ng lugar na malilipatan. Kaya OCW mode muna ako, dalawang taong pagsasakripisyo’t pag-aagam-agam para magkaroon ng katubusan sa pangamba sa hinaharap, kahit hindi lubos.

Habang nagtatagal, naiisip kong ako’y isang walking anxiety. Hindi ba ito tulad ng burgis na flaneur ni Benjamin na gumagawa ng politikal na statement sa kanyang kakaibang nahihinuha sa paglalakad—may inilalakad na pagong, halimbawa—para pagtuunan ng pansin ang aktibidad at ang kapasidad na maunawaan siya ng kanyang kapaligiran, at ng kapaligiran sa kanyang ginagawa. Dahil sa walang katapusang kontradiksyon sa buhay—peti-burgesyang intelektwal sa marami sa atin—wala ring katapusan ang anxiety attacks natin. Ito ang puno ng aking separation anxiety. Nawawalay tayo pero hindi sa ating anxiety.

Lalo lamang napapatingkad ang ganitong anxiety sa kapaligiran ng U.P. Summer na naman. Tapos na ang semester pero tila mayroong hindi natatapos sa atin. Parang may bahagi na nagpapatuloy pa rin. Tulad ng maganda o pangit na sine, kahit wala na tayo sa loob ng sinehan ay hindi pa rin natin malubos-mawari kung bakit tayo nababagabag. Ano itong labi na ayaw mawalay?

Ang U.P., bilang isang institusyon, ay tila nasa loob ng sarili nitong bubble. Mayroon itong sariling pamahalaan at paraan ng pagpapatakbo sa mga bagay-bagay. Mayroong sariling inog ang mundong ito. Sa espasyo, tila hindi nagbabago ang disenyo ng U.P. Ito pa rin ito noon, ganito pa rin ito ngayon. Mayroong nadagdag, pero sa esensya, ito ay pareho pa rin.

Kaya rin nostalgic ang mga tao sa U.P., tila nagiging ideal ito, kahit pa sa unang usapin naman ay hindi naman o wala naman talagang ideal. Sa graduates nito, aalis sila at magiging perfekto ang mga hindi perfektong bagay sa pagdaan ng panahon. Maalaala nila tayo bilang moment at monumental sa kanilang buhay, kahit hindi naman tayo kahit kailan naging perfekto. Kung literal silang babalik sa U.P., hindi nagbago ang kapaligiran ng campus. Tila pareho pa rin ang mga akasya at building sa University Avenue, damo sa Sunken Garden, pareho pa rin ang tindi ng panghi sa banyo sa Shopping Center.

Kaya madaling maging trippy sa arkitektura ng U.P., parang nandiyan lang kahit matagal ka nang di bumabalik. Kahit taga Fairview ka lang o Project 7, tila ito abot-tanaw lang. Pero mas madalas kaysa hindi, hindi naman gagawa ng pilgrimage rito. Kung hindi nagbabago ito, paano pa ang sariling relasyon dito? Paano rin ang inbibidwal at panlipunang relasyon natin sa isa’t isa dulot ng pananatili at pag-alis natin sa U.P.?

Paano nakakalimutan ng alaaala ang nagaganap na pagbabago? Paano inaalaala ang luma sa sipat ng bago? Paano nade-depoliticize ang mga alaala at mismong pag-alaala? Na ito ay hindi negated para tumungo sa kontra-tesis nito, bagkus positivize pa nga para ang lahat ay gumanda at umiwalas?

Habang nagtatagal sa U.P., tila lalong nagiging mahirap humiwalay dito. Mas madali na lamang manatili rito kaysa umalis. At bakit naman hindi? Ang U.P. ay isang munting republika—may sariling kalendaryo ng mga aktibidad, sa pangunahin kultural. Ito ay munting uniberso na sa panipat ng marami, ay maaring higanteng kalawakan o kaya naman ay tunay na alikabok lamang.

Pero habang nagtatagal sa U.P., marami rin ang nagpapaalam. Maraming nawawalay, at maging ito ay dumaan sa mahabang paunti-unting proseso. Kadalasan, ang mga mas bata ang may mas lakas ng loob na magbago ng landas—mga young math professor, halimbawa, na bigla na lamang magko-corporate para sa mas malaking sweldo. May kaya at hindi kayang punan ang U.P.

May aalis akong kaibigan sa U.P. At ang kanyang desisyong umalis—ke temporary o tuluyan na—ay nakaka-disturb sa akin. Matapos nating gumawa ng relasyon sa isa’t isa, magkaroon ng intersubjective na komunidad, ay temporary lang pala ang mga ganito. May shelf life lang ang relasyon at komunidad. Ito naman ang ugat ng aking separation anxiety.

Sa kabuuan naman ng mga bagay, ganito ang buhay sa pangkalahatan. Parang may pangangailangan ng kahandaan parati sa kamatayan, o sa pagkaudlot ng buhay. Nang muling lumindol sa Baguio, halimbawa, nandoon kami sa tuktok ng three-story building. Nagmamadali ang mga taong bumababa sa kalsada. Naisip kong ok na siguro ako kung natuloy ang lindol. Masaya na ako sa nagawa ko sa aking buhay, in the grand schema of things.

Ganito sa isang banda, ang buhay ay temporal lamang na entidad. Ni hindi tayo ang maghuhusga sa kawastuhan at kaangkupan ng ating ginawa. May sustansya ang kasaysayan para sipatin ang ating kolektibong gawain. Sa kabilang banda, kailangang patuloy pa ring nabubuhay sa pang-araw-araw—hindi lamang sa pisikal pero sa worldliness o sa pagtuklas pa ng ngalan ng karanasan sa mundo. At maging ito ay isang nakakabaliw na palaisipan: paano ka mabubuhay na parang huling araw na ng iyong buhay?

Kaya naman pala may mga gumigising at natutulog na nagpapasalamat sa araw at gabing nakalipas. At ang husga ng kasaysayan ay kung gaano kasustansyal na nakaambag ang nilalang sa pagpapadaloy at pagsaka nito. Ganitong sinaryo o mamuhay sa plastic bubble.

Kung ang U.P. ay isang higanteng fossil, hindi ba’t lahat pala tayo ay frozen sa loob nito? Tulad ng Magnolia, frozen delights pala tayong lahat. Katakam-takam para sa nasa labas, pero may kamiserablihan sa loob. Produktibo ito para lalong baguhin ang loob, kontra-produktibo ito kung tunay na nagiging walking anxiety lamang. Nakakalungkot isipin na sa dinami-dami ng naglalakad sa University Avenue, bawat isa’y time-bomb na nag-aantay na lamang pumutok. Pero wala nga tayong nakikitang ganito. Madalang ang breakdown scene dahil may kapasidad tayong i-repress ang mga bagay. Nagtagumpay na ang sistema para supilin ang radikal na potensyal.

Kaya mainam ding nailalabas ang anxiety sa isang kolektibong gawain. Hindi masayang maging miserableng nag-iisa. Hindi rin masayang nanghahawa sa pagiging miserable. O nagpapataasan ng ihi kung sino ang mas miserable. Kung ang separation anxiety ay hindi phenomenal kung nominal state, kailangang gawing produktibo ang nararamdamang agam-agam. Para magkaroon ng buhay sa ating fossil na daigdig, munting uniberso at republika. Dito lamang maaring magkaroon ng buhay ang buhay.

5 comments:

Anonymous said...

Matutuloy pa po ba ang pag-alis ninyo?

ROLANDO B. TOLENTINO said...

oo e, six months beginning nov 1, 2007.

roland

Anonymous said...

kung gayon po ay hindi pala kayo magtuturo sa next sem. :-( sa june po ba magtuturo kayo ulet?

-pallas

ROLANDO B. TOLENTINO said...

yup. kitakits tayo ng june 2008.

roland

Anonymous said...

weee! thank you sir! :-) g'luck po sa Jap!
-pallas