Tuesday, April 22, 2008

Stockholm Syndrome kay Arroyo, Pasintabi Column




imahen mula sa www.oasisorg.com/
picasaweb.google.com/.../RtoNTQeQphQJ9_a2ejzSbQ
www.internationalist.org/philippinespresident...


Stockholm Syndrome Kay Arroyo

Masalimuot ang relasyon ng kidnapper sa kanyang kinidnap. Dahil maigting ang emosyon sa krimen, may pagkakataon ang kinidnap ay maari pa ngang mapaibig sa kanyang kidnapper. Nagiging dependent sa pagkain, inumin, atensyon, ugnay sa labas na mundo ang pagkatao--ang kabuuang buhay--ng kinidnap sa kanyang kidnapper.

Kakatwa itong pag-ibig dahil ang inherikong abang lagay ng kinidnap ay maaring matransforma mula sa pagkamuhi at pagnanais makaganti tungo sa erotisiko-sexual na relasyon. At kahit pa ito ang coping mechanism ng kinidnap para mabuhay, tunay na nang naging alipin ang kinidnap sa kanyang bagong among kidnapper.

Segue-way kay Gloria Arroyo. Nahigitan na ni Arroyo ang pandarambong ni Estrada dahil hindi lang iisang kaso—ang juenteng scandal na nagpabagsak pa nga—kundi serye ng anomalya ang track-record ni Arroyo, ng kanyang pamilya, politiko at ekonomikong alipores. Ang inaakalang “mother-of-all-scandals” ni Estrada ay regular na skandalo lamang kay Arroyo. Napantayan, kundi man nahigitan, na rin ni Arroyo ang lawak ng human rights violation ni Marcos na deka-dekadang nanungukulan bilang pangulo. Ang kakatwa pa rito, tila lahat ay napapalampas lamang, hindi man ng mamamayan kundi ng mga institusyong panlipunan at politikal.

May iba-ibang rasyonalisasyon ang mamamayan para hindi itatwa ang kanyang kidnapper: sino naman ang papalit, patapusin na lamang ng kanyang termino (rector ng UST), non-politikal naman talaga dapat ang militar (Arroyo), bumubuti naman ang ekonomyang indicators ng bansa (European Union), i-moderate na lamang ang pagkagahaman.

Na nagbibigay ng panibagong stratehiya ng pagkagahaman sa nais maging lider sibiko na may balak mangunrakot: una, kumuha ng popular pero mahinang klase ng bise-politiko, newscaster at artista na makakatulong ang popularidad pero hindi iisiping makakapalit sa pangunahing posisyon; ikalawa, mag-appoint ng mga alyado sa lahat ng sangay ng gobyerno, na tulad ng brace bands ni Wonder Woman, pwedeng mag-repel ng pinatatamang bala sa katawan, at kapag nagkaroon ng skandalo, ilipat lamang ng posisyon, mas lalo pa nitong matitiyak ang loyalty; ikatlo, kumuha ng mga heneral na pwedeng maging kabinete, lalo na iyong retiradong Chief-of-Staff ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na may hawak sa mga malalaking paksyon ng militar; at ikaapat, gamitin ang pondo ng casino (PAGCOR) at sweepstakes para magbigay ng subtansyal na kontribusyon sa mga proyekto ng sangay at liderato ng simbahan.

At sa ganitong paraan napatibay ang atraksyon ng mamamayan at institusyon kay Arroyo. Battered syndrome man, inaabuso, pinapipila sa mura ngunit mababang kalidad ng bigas na may mga nakatutok na armalite ng sundalo, ay may kakatwang kumpiyansa, kundi man loyalty, kay Arroyo. Una naman, pinagkakaitan ang nakararami ng mga batayang serbisyo publiko. Lahat ng engrandeng proyekto ni Arroyo ay tinatamasa lamang ng iilan—expressways na yung may kotse lamang at developer nito ang kumikita; cartel ng higanteng gasolinang nagtatakda ng presyo ng napakahalagang batayang komoditing ito; bilyones na broadband education kahit pa pinakamataas ang dropout rate, palakihan ng malls at land conversion kahit pa pinakamataas ang insidente ng kagutuman, at iba pa.

Gutumin at gawin mangmang nang hindi magkaroon ng pagkakataong makaalsa, tila ito ang layon ni Arroyo. Gawin kaaba-aba ang lagay nang sa gayon kapag binigyan ng ilang kilong bigas ay makukuha na ang loob ng naghihikahos, mabili sa murang halaga ang kanilang boto at simpatya. Papilahin ang naghihikahos para sa supply ng bigas nang sa gayon ay mas matingkad ang isinasakatuparang pamamatronahe kay Arroyo.

Ikalawa, kurakutin ang nalalabing pondo, kumuha ng malaking bahagi ng halaga ng papasok na proyekto, at mamursyento sa dayuhang utang dahil mamamayan naman ang magbabayad nito. Batas na naitatakda na ikatlong bahagi ng pambansang budget ay ilaan hindi para sa mamamayan kundi sa pagbabayad ng interes ng dayuhang utang. Paano masusuportahan ng ikatlong bahagi ng budget ang mga pangangailangan ng mamamayan? Sa mata ni Arroyo, mas naghihikahos ang mamamayan, mas madali itong makontrol, mas hindi ito titinag sa mas malalaking katiwalian.

Ikatlo, iasa ang katubusan sa sarili. Pamulaklakin ang mga pangako: matatag na republika, kahilingan sa bangkang papel na aabot sa palasyo ng Malacanang, legacy-building, error on judgment, katotohanan bilang executive privilege, krisis ng presyo hindi ng supply ng bigas, kakakurampot na dagdag na sweldo sa tumataas na cost of living, at iba pa. Kung naghihikahos ang mamamayan, hindi na ito magra-rali. Wala nang malawakang susuporta sa panawagang tanggalin si Arroyo.

Sa Stockholm syndrome, kahit na sila dinarambong, hindi pa rin itinitiwalag ang kidnapper. Ginagamit ng estado ang loyalty ng kanyang kinidnap na mamamayan para mamonopolisa ang anumang kapital na makakapagpaangat sa abang lagay ng bayan. Kaya madalas humantong ang resolusyon sa Stockholm syndrome sa marahas na kapamaraan—ang biglang pagkauntog ng kinidnap sa katotohanang nananatili siyang biktima lalo na’t inibig niya ang kanyang kidnapper, at ang marahas na pagbabalikwas niya laban dito.

Na tila naman hindi naiiba sa naratibo ni Arroyo sa sambayanan kanyang kinidnap. Abangan ang napipintong sandali ng pagkauntog ng mamamayan. Kung kagyat na mamulat, bago matapos ang termino ni Arroyo.

Kung may katwiran, i-blog mo, KPK Column, Apr 20-26, 2008





imahen mula sa http://www.chikatime.com/
www.mtvasia.com/News/200601/24013079.html
www.pnp.gov.ph/press/press/content/photo.html


Kung may katwiran, i-blog mo

Mainit na usapan sa mga may akses sa internet ang pagligwak ng isang HIV+ na Australyanong ipinagsisigawan sa blog na ginoyo siya ng kanyang Filipino lover. Two-timing ang at tinakasan ng $70,000 ng Filipino na miyembro ng pangkalahatang alta-sosyedad ng bansa, at sa partikular, ng “Gucci Gang” o ang elitistang lupon ng twentysomething na mayayamang nagpariwara sa walang patumangging shopping ng brand names at pagsinghot ng cocaine.

Matapos ay lumabas din ang chikatime blog, na ang modelo ay ang adaptasyon ng US na teen-drama show, “Gossip Girl,” ukol sa moral na uniberso (isla ng Manhattan sa New York) ng mga nagpapariwara at nagbabagong-landas ng mga ultra-mayaman at wanna-be mayaman na kabataan ng exlusibong preparatory high school. Nililigwak sa blog ang mga kasapi ng Gucci Gang, pati na ang iba pang prominenteng gawi at personalidad ng alta-sosyedad ng bansa. Pinalawak ng chikatime blog ang puntirya at komentong anti-personalidad ng alta-sosyedad.

Ang blog ang revenge ng “underclass” ng elite class, o yaong historikal pero mas malamang, yaong panlipunang inapi ng at kinaiinggitang elite class. Maliban sa kaso ng Australyano na sinasaad sa kanyang blog ang direktang pang-aapi via sa pagiging lumpeniko ng kanyang elitistang lover, ang entries sa chikatime blog ay bumabatikos sa indirektang karanasan—ang disenfranchisement ng mga may-ari at kontributor sa blog. Na tila sinasambit ng entries ang wanna-be attitude na mapasama sa alta-sosyedad dahil sa moral at estetikang kalabisan nitong manipis ngunit makapangyarihang hanay.

Sinasaad sa kritisismo at pangliligwak sa kalabisan ng alta-sosyedad na kayang mapabuti ito ng mga tao at sexualidad na direktang nasa ibaba nila. At itong nasa ibaba ay may class fantasy na mapabilang via sa pangliligwak sa aktwal na figura ng alta-sosyedad. Virtual ang identidad sa internet na kinukuha ng mga nasa ibaba dahil sa pamamagitan ng kritikal na postura sa alta-sosyedad, sinasaad nilang mas angkop ang kanilang personalidad at hanay sa kasalukuyang bumubuo alta-sosyedad.

Ang internet, tulad ng call center, ay nagbigay-akses sa gitnang uring kultura ng mga wanna-be. Tulad ng “Malate gay,” hindi lamang umuukol ang katawagan sa mga maykayang bading na naglilipana sa high-end gay strip sa Manila kundi pati na rin ang wanna-be na Malate gay na nagnanais mapabilang sa lehitimong kategorya kahit pa wala namang ganap na resources para sa lehitimong claim. Kaakibat ng anumang kultura ng nakakataas na uri ang formasyon ng mababang bersyon—tunay na DVD at music CD sa pirated; Miss Saigon sa Broadway sa Miss Saigon sa Cultural Center of the Philippines, kagarapalan ni Arroyo sa kanyang kids sa Kongresso, Trinoma sa Star Mall at Isetan, at iba pa.

Ang kritisismo ng nasa ibaba—hindi ang uring nasa ibaba, tulad ng anakpawis, kundi ang walang kapital ngunit may pagnanasang mapabilang sa alta-sosyedad—ay sabayang displacement (ang agam-agam nila sa sariling abang predikamento at ang rekurso sa internet at kalabisan ng alta-sosyedad na kayang batikusin sa arenang ito) at projection (na sabayang kalabisan ng imoralidad—kasama ang fashion at aesthetic faux pas—ng alta-sosyedad at kung gayon, ang kaangkupan ng inobasyon at sariwang pananaw mula sa nais umakyat ng panlipunang hakbang).

Anomalya ang alta-sosyedad ng bansa, lalo na sa pyramid scheme ng estadong Filipino kung saan sampung porsyento lamang ang nagmamay-ari ng mayoryang yaman, at ang mayoryang mamamayan ay bumubuo ng mas malaking porsyento ng pagwawalang-ari. Sa partikularidad ng blog, ang demograpiya ng may akses dito—may kaunting finansyal na kapital na makapag-internet, at may intelektwal at sosyal na kapital na makalahok sa blogs sa ingles, at may kakilala ng kakilala na makakapagpatotoo sa kalabisan ng alta-sosyedad—ay binubuo ng tunay at wanna-be na alta-sosyedad.

Ang moral na uniberso ng diskurso ng kalabisan ng alta-sosyedad at fantasyang mapabilang, gayong may imperatibong mababago pa ito, ay nakaangkla sa pagkilala sa realidad ng malawak at malalim na hidwaan ng mayaman at mahirap sa bansa, at sa pagpanig sa mulat-laban-sa-imoral na alta-sosyedad. Samakatuwid, parang diskurso ng superhero ang piniling ilatag ng mga nasa ibaba: na may mabuting superhero at may masamang kalaban ito, pero pawang kabahagi ng iisang uri aktibo sa transformasyon ng pasibong nakararaming mortal.

Na imbis na pumanig sa sariling lakas ay nakakiling ang diskurso sa rekursong mababago kundi man magbabago (tulad ng pag-amin ng mga kinauukulan ng kanilang pagiging drug addict at mas mainam, ang nagiging familiar na “It was an error in judgment. I am sorry” mode ng mga ito). Sa minimum, ang fantasya ay magbabago ang kinauukulan o malilipol ang mga ito sa dust-bin ng kasaysayan ng alta-sosyedad. Sa maximum, ang fantasya ay mapabilang dahil sa uri ng enamored na pananaw hinggil sa nililigwak, na isang paraan din ng pagsaad na mapapabuti ng nasa kritikal na ibaba ang exsesibong nasa itaas.

Ang rekurso sa blogging para ilabas ang hinanaing at komentaryong pang-indibidwal at pang-uri ay may kasaysayan. Dati ay sulatan-portion para idulog ang malimit ay karumal-dumal na karanasan ng indibidwal para basahin at isadrama sa radio at sumunod sa telebisyon. Sa telebisyon, mas naging hayagang hinanaing panlipunan ang mga naunang palabas na balita: mula sa simulaing charity work sa mga palabas na “Kapwa Ko, Mahal Ko” at ni Rosa Rosal, hanggang sa susunod na henerasyon na public service news shows na “Isumbong kay Tulfo,” “Kung May Katwiran, Ipaglaban Mo,” at “Magandang Gabi, Bayan,” bilang ilang halimbawa.

Kalakaran sa mga palabas na ito ang pagdulog sa mga personalidad ng public service host sa telebisyon ng mga mamamayang may hinanaing: una’y sa pangangailangan ng medikal na atensyon at sumunod ay mula sa pagkabiktima sa krimen, kalsadang baku-bako, kawalan ng tubig, pati karumal-dumal na sityo ng imoralidad. Ang una ay tunay namang sala-set ang format ng isa-isang panayam at konsultasyon sa doktor ng mga nangangailangan ng medikal na atensyon. Na habang tinatanong kung ano ang bumabagabag sa maysakit ay sabay din ang panayam ng host sa spesyalista na parang case-in-point na lamang ang pasyenteng nakaupo sa tabi.

Ang ikalawa ay mas media-savvy dahil may reenactment portion, pagdulog ng host sa kinauukulang politiko at opisyal, pati surveillance camera at entrapment operation. Nasa kamay ng host ang kapangyarihang di lamang maging tagapag-ugnay ng inaapi sa kanyang katubusan, tagapagpadaloy ng hinanaing sa awtoridad, kundi maging ng pagiging patron ng inaapi.

Kaya hindi kataka-taka na naggradweyt mula rito ang mga naging pambansang opisyal sa bansa—mula kay Orly Mercado na host ng “Kapwa Ko Mahal Ko” naging kay Francis Pangilinan ng “Baranggay” at ang pinakamatagumpay, si Noli De Castro ng “Magandang Gabi, Bayan.” Nakakaangat si De Castro kaysa sa isa pang personalidad ng kanyang henerasyon, si Loren Legarda dahil pinili ng una ang public service format kaysa sa news magazine ng huli. Sa mas kasalukuyang pagkakataon, hindi na mga action king at junior action star ang namumutiktik na nahahalal sa Senado.

Ang kasalukuyang rekurso sa demokratikong panlipunang akses ay bumalik sa charity work para sa naghihikahos na uri. “Wish ko Lang,” na namumudmod ng indibidwal na atensyon sa nangangailangan, ang pinakamatingkad na halimbawa nito. At para sa may limitado hanggang angkop na finansyal at quasi-intelektwal (hindi naman kailangan ng degree sa kolehiyo, savviness lang) na akses, narito na nga ang blogging. Kapag may katwiran, i-blog mo!

At ito ang nagsisilbing worst nightmare ng cultural gatekeepers ng alta-sosyedad: na mapukol hindi lamang dahil sa nagkamali ng attire sa fashion gala event, kundi ang mapukol ng isa mula sa ibaba. Kasama rito ang vulnerabilidad ng isang HIV+ na foreigner sa pag-ibig, atensyon at pagnanasa ring mapasama sa pambansang alta-sosyedad.

Pwedeng magwala ang mga nasa laylayan. Kung ito ay masa, spontanyong mag-riot dahil sa kawalan ng bigas, at kitang makakaakibat sa tumataas na presyo ng batayang komoditi ng buhay. Na siya ring worst nightmare ni Gloria Arroyo: ang hindi matinag ng political correctness na People Power 4 na napipigil pa rin ang malawakang paglahok ng gitnang uri, kundi matinag ng nag-aalsang masa—ang alaala ng People Power 3 na nilusob ang Malacanang ng nahimok at binayarang mga lumpen at naghihikahos.

Pero madaling dispatsahin at lalong ietsapwera ang nagra-riot na mob. Walang natinag nang balahurain ang mga karapatang pantao ng mamamayang lumahok sa People Power 3. Spontanyo rin itong reaksyon nang mag-noise barrage laban sa pandaraya ni Marcos sa lokal na eleksyon at nilusob ng masang mob ang Kadiwa sa Espanya, ang bentahan ni Marcos ng murang bigas at iba pang batayang komoditi.

Naalarma si Marcos, at kailangan muling ipatupad ang alituntunin ng batas. Ang mga nakuhanan ng photojournalists na naglo-looting ay ipinatukoy at ipinaaresto ni Marcos. Ganito rin ang ginawa sa mga African American matapos ang mag-looting sa Los Angeles Riots—ang arestuhin ng National Guard ang mga lumabag sa indibidwal na karapatan sa ari-arian ng nakakaangat na mamamayan. Ang riots ay naganap matapos ang verdict na not guilty kay Rodney King, na kahit pa nakunan ng video ay ipinawalang-sala ng hukom ang nambugbog dito.

Spontanyo rin ang rioting laban sa pribadong ari-arian ng alta-sosyedad sa blog. Quiet riot pero riot pa rin, na sabayang nakakatawa at nakakadismaya. Na ang riot na ito ay ukol sa sabayang nakakatawa at nakakadismayang moral na kalabisan ng alta-sosyedad ay patunay sa twice-removed na kalidad ng riot sa blog: pinagtatawanan at pinagdidismayahan ng ibaba ang nakakatawa at nakakadismayang kalakaran ng itaas.

At walang (lubos na) magawa ang nais itaas. Kahit pa kumpiskahin ang computer ng Australyano, walang kasong maiharap laban sa kanya dahil mula sa Australia ito nagra-riot. Nasa virtual space na ang kanyang isinisigaw at wala pang makakapagpatanggal nito, maliban ang pribadong may-ari. Walang magawa ang winawafung sa chikatime blog dahil sa liberal na espasyo ng blogging ito nagaganap. Opinyon ito, na protektado ng right to speech or executive privilege, tulad ni Neri.

At ito ang panibagong extra-challenge sa aktibismo: paano hihimukin itong ibabang uri na may finansyal at intelektwal na kapital, kahit pa limitado, na isalabas (exteriorize) ang isyu mula sa pag-atake sa kalabisan na may caveat na “wish ko lang” na mapabilang din sa alta-sosyedad, at matransforma ang espasyo sa politikal na larangan? Ang kinahaharap ng aktibismo sa ibabang uri ay mababa; kaya nga ang piniling atakihin ay ang alta-sosyedad sa virtual na espasyo ng internet ay dahil may pag-aalinlangan sa fantasya ng pagtatanggal kay Arroyo. Kung gayon, paano pagra-riot-in at pagrerebolusyonin ang nakakaraming hanay ng mamamayan laban kay Arroyo sa edad na mas marami nang natutunghayang komplex na katangian ang mga hanay na bumubuo ng sektor, at mga sektor na bumubuo ng lipunan?

Kaya sa fantasya na lang na OK naman sila, may ilan lang bugok na itlog na nagpapasira at nagpapabaho sa kanila. O lilipas din ang skandalo. Pero ang skandalo ay natransforma na rin—sa pagpasok nitong riot blogs, nagkaroon ng fasinasyon sa alta-sosyedad bilang tao kaysa kay Arroyo bilang representatibo ng paratihang krisis sa estado: na ang krisis ay naging hiwalay sa representatibo, at ang representatibo ay hindi ang aktwal na kabuuang alta-sosyedad at estado.

Kung sa blogging, ang pagpukol ng unang bato ay susundan ng avalanche ng komento, sa politika ng lipunan, hindi nangangahulugan nang gayon. Maging ang avalanche ay kayang pigilan ng aktwal na kapanyarihan ng estado kapag piniling gawin ito. Pero nasa interes ng pamahalaan ni Arroyo na tahimik na kumilos para protektahan ang representatibong kliyente nito. Sa aktwal na politika, mas hayagan ang pagmaniobra ng pabor at parusa sa tumitiwalag at nag-eendorso kay Arroyo.

Kaya ang blogging ay nananatiling virtual na liberal na demokrasya sa pawala nito sa aktwal na lipunan. At ito ang antas ng paglahok sa virtual na aktibismo, ang katiyakan na ang tinig sa virtual na palengke ng idea ay maririnig dahil nga quiet riot lamang ito, kahit pa kahilingang operasyonalisasyon ng liberal na demokrasya ang kahilingan. Na ang pinakaparaan ng pagbabalikwas dito ay ang pagligwak sa personalidad na kayang mantsahan ang dangal bilang pribilehiyo ng alta-sosyedad, kahit pa hindi naman matitinag ang aktwal nilang yaman.

Kaya ang pinakapeligroso ang status sa nililigwak ng blog ay si Tim Yap, ang “eventologist” (ano raw?!) ng high society—dahil siya man ay may limitadong finansyal at intelektwal na kapital kumpara sa aktwal na alta-sosyedad. Siya na nagge-gatekeep sa lifestyles-of-the-rich-and-famous (Philippine edition) ay gine-gatekeep rin naman ng mismong alta-sosyedad at ang mga cottage industry na sumusuporta sa kanila (events management at public relations, halimbawa) Naalaala ko sa Singapore daily na ni hindi man lang kilala si Yap nang atakihin nila ang usual na fashion gear na suot nito sa event sa syudad, tinukoy lang ang faux pas bilang Filipino wanna-be na tipo.

Sa blogging, ang naunang makapanghimok ng pinakamalaking publiko, ang lupon ng virtual na kalahok (kaya nga may counter ang blogs) ang siyang hari. Belated ang reaksyon ng Filipino lover, at maging ang pagpapalawak na tinutumbok ng chikatime blog. Gayunpaman, ang maaring matamasa sa anti-personalidad pero hindi ng alta-sosyedad na blogging ay ang tahimik na riot bilang ehersisyo ng liberal na demokratikong karapatan.

Sa aktwal na lipunan, sa tiyak na krisis dulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagkasaid ng supply ng bigas, ang riot ay spontanyong rekurso ng naghihikahos na lumpen na mamamayan. Aktibismo ang politikal na rekursong maaring ialok ng kilusang masa.

Kung may katwiran, imulat-pakilusin-organisahin mo!

Monday, April 14, 2008

Bakit madilim ang lansangan sa Pilipinas?, KPK Column, 13-19 Abril 2008



imahen mula sa www.filgifts.com/ffp/edsa.asp
bonski14.multiply.com/journal/item/66

sikwati.wordpress.com/category/politics/

Bakit madilim ang lansangan sa Pilipinas?

Kapag dumarating sa U.S., ang isang kapansin-pansin sa gabi ay ang liwanag ng mga kalsada. Parang tanghali ang ilaw, lalo na ang malalawak na highways. Ganito rin ang elevated highways ng Japan. Pero sa mas maliit na kalsada, tinitipid din ang pag-iilaw, parang sa Pilipinas.

Sa isang banda, pinapatingkad sa Japan ang dilim, lalo na sa Kyoto, ang pinakatradisyonal na lugar, para makita ang synergy ng ilog, taong naglalakad at nagbibisikleta at kapaligirang bahay at gusali. Kinikilala ang dilim bilang estetika—gabi kaya madilim, hindi kailangan ng sobrang ilaw, iyon lamang kailangan para makadaan na mga tagiliran ng bahay at pasukan ng restaurant.

Sa kabilang banda, ang dilim ay gamit din sa pagmamatyag at disiplina. Sa daanan ng ilog, walang ilaw dahil inaasahang delikado ito kapag gabi. Hindi pa dahil may magnanakaw sa iyo kundi dahil baka maaksidente kang bumagsak sa walang harang na daan sa magkabilang ilog. Kailangang maglakad sa lugar na may ilaw, sa elevated na sidewalk.

O gamit ang dilim sa paglabag rin ng pagmamatyag at disiplina. Pangunahin sa Kamu River, halimbawa, ang mga naglalakad ng kanilang mga aso para dumumi nang hindi ito dinadakot. Kaya kinaumagahan, kapag nagbibisikleta ako rito, tadtad ang daan ng dumi ng aso, at ang ilog, ng mga itinapong basura.

Sa Pilipinas, madidilim ang mga kalsada. At kahit maliwanag ito, tulad sa EDSA at Commonwealth, hindi ka pa rin nakakatiyak sa kaligtasan dahil maaring may nakatago sa pook na hindi naiilawan. Maliban sa expressways, walang katiyakang pang-indibidwal na kaligtasan ang mga kalsada sa Pilipinas. Kaya rin pinagbibilinan ang mga babae na umuwi nang maaga. At nag-iingat ang mga lalake sa pag-uwi ng gabi. Umiiwas sa mga taong nakaabang sa dilim.

Metro news na kapag naiilawan ang mga mahahalagang bahagi ng Manila, tulad ng ulat sa proyekto ni Mayor Alfredo Lim sa pag-iilaw ng Jones Bridge at Baywalk (di ba’t nailawan na ito ng dating Mayor Lito Atienza?), at ang susunod na mga tulay ng MacArthur, Del Pan, Ayala at Lambingan. Publishized ang pag-iilaw bilang literal at figuratibong proyekto ng serbisyo publiko: hindi regular na proyekto, manaka-naka lamang depende sa nakaupo sa kapangyarihan, pag-iilaw bilang proyekto ng city beautification, beautification ngayon bilang proyekto ng kalalakihang opisyal, at bilang deterrent sa krimen at anomalya sa kalsada.

Liwanag versus dilim ang retorika ng pag-iilaw. Parang noong panahon ng martial law, dineklara rin ni Ferdinand Marcos ang curfew mula hatinggabi hanggang alas-kwatro ng umaga. Pinapamukha sa mamamayan kung sino lang ang may hawak ng kapangyarihan sa liwanag at dilim, kung ano ang pwede at hindi. Sinisenyales ang simula at wakas ng curfew sa pamamagitan ng makina ng sirenang pinipihit sa munisipyo. Wala nang maaring makalabas nang walang dalang special permit.

Sa isang banda, tulad ng tunog ng kampanilya ng simbahan, ang mga hindi nakakarinig nito ay nagpapaunawa ng hindi pagsasailalim sa rehimen ng kapangyarihan: historikal ang tinaguriang mga “taga-bundok,” “taga-bukid,” “taga-labas.” Piniling maging nasa labas ng kapangyarihan ang tinaguriang “criminal character” at “enemies of the state.” Sa kabilang banda, ang pagtatakda ng curfew ng kapangyarihang pang-estado ay nagsasaad na mayroon din silang itinatago sa mamamayan. Kaya kailangan din nila ang dilim para maplano at maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.

Bakit matapos ng ilang taon, nawala rin ang curfew ni Marcos? Bakit nagpa-curfew rin si Gloria Arroyo matapos ang pagbomba sa Glorietta 4, at higit na maraming gitnang uring hindi makagimik sa ibang lugar ang nadismaya? Bakit kahit walang curfew ay may curfew pa rin? Ang hindi sinasabi ay bakit nananatiling madilim ang napakaraming kalsada sa Metro Manila at maging probinsya at iba pang syudad. Ang may hawak ng pag-iilaw ay may hawak ng kapangyarihan sa diskurso at implementasyon ng panunupil at rekurso rito, ng pagbagsak ng modernidad na ideal ng enlightenment sa bansa.

Kinailangan ni Marcos na tanggalin ang curfew dahil sa seasonal demand para sa manggagawa sa pabrika, lalo na sa itinakda niyang export-processing zones, na makapagtrabaho ng tatlong shifts, na kakain pati sa oras ng curfew. Dagdag sa panahon ni Arroyo, hindi maaring pigilan ang kanyang bagong army ng call center agents na makapasok sa mas malaking demand na night-shift na trabaho.

Kahit pa sa global na demand napapasunod sa indak sina Marcos at Arroyo sa paghawak sa kapangyarihang mag-ilaw, sa global na kondisyon din sila napapanghina ang kontrol. Nag-daylight saving time si Marcos, inatras ng isang oras ang takdang oras sa bansa nang mas makatipid daw sa kuryente at langis. Dahil sa walang paknat na pagtaas ng presyo ng langis, ang himok ngayon ay patayin ang mga ilaw sa publikong lansangan simula alas-nwebe ng gabi.

Kung gayon, ang ilaw sa kalsada ay may gamit na lamang mga dalawang oras kada gabi, mula alas-syete hanggang alas-nwebe ng gabi. Kakakurampot na nga ang kalsadang may matinong ilaw ay nililimitahan pa ang akses ng mamamayan dito! Pati ang serbisyo publiko ng gobyerno ay nauwi na rin sa “tinge economics” o ang pagtitinda ng tinge-tingeng produkto makakayanan lamang ng masang mamimili. Sa pagkakataong ito, tila ipinagpapatuloy ang tingeng serbisyo publiko ng pamamahalaan sa ibang mga larangan: sampu-sampung mag-aaral sa elementarya para sa isang libro, 100 mag-aaral sa isang klasrum, kakakurampot na kalsada mula bukid tungo sa palengke, kakakurampot na supply ng bigas sa nagugutom na mamamayan, at kakakurampot na trabaho sa milyon-milyong nangangailangan nito.

Tinanggal ng sunod-sunuran sa global na neoliberalismo ni Arroyo ang anumang safety net sa mamamayan. Bahala na kayo, ika niya bilang pagsasawalang-bahala sa pangangailangang pondohan ang serbisyo publiko, lalo na sa panahon ng krisis sa pagkain, langis, recession ng US at iba pa. Charity work ang turing sa publiko serbisyo—sa panahon lang ng krisis maiisip na kailangan di lamang ng pondo kundi ng pambansang fokus sa rekisitong food security sa isang umuunlad na bansa, na kailangan ng wage increase para mademokratisa ang bilang ng mamamayang makakapamili ng pangangailangang mabuhay nang disente, na kailangang pagtuunan ng atensyon ang budget sa edukasyon nang makaakibat sa pangangailangan sa lokal at global na market, kahit pa ang huling dalawa ay wala namang atensyon na ibinibigay si Arroyo.

Ang pangarap ng mga syentista, pilosopo, intelektwal at artista noong Edad ng Enlightenment sa Europe ay isuka ang kamangmangan na dulot ng Medieval na simbahang Katoliko, at magtaguyod ng bagong kaalaman batay sa syensya at artistikong katagumpayan. Edukasyon ang pangunahing behikulo para makamit ang enlightenment—na sa pamamagitan ng kaalaman at pagiging kritikal dito, matatagpuan ng indibidwal at humanidad ang iba pang larangan ng buhay na hindi pa niya natutunghayan.

Paano mangyayari ang ganito sa bansa kung ang dilim ay pinanatili bilang paratihan nandiyan at nandoroon? Na ang liwanag ay isang komoditi na kundi man ipinapamahagi lang nang manaka-naka ng gobyerno ay iniaasa sa pribadong negosyo para pamunuan ang mga ito—Bantay Bata at La Mesa reservoir ng ABS-CBN, Children’s Hour ng Ayala Foundation, Gawad Kalinga, at maging ang mga ilaw sa billboards at bus stops para magkaroon ng liwanag sa mga nag-aantay ng sakay na mamamayan, o pag-aantay ng sasakyan sa liwanag na dulot ng fastfood at mall na neon?

Na sa pananatili ng dilim ay nananatili rin ang sistematikong pandarambong sa mamamayan—pagpapatuloy ng illegal logging at pagyurak sa kalikasan, tulad ng condos ng dayuhang negosyo sa bundok at gubat ng Subic, pangungurakot sa limitadong pondo ng bayan, pagbanggit sa “executive privilege” bilang makapangyarihang shield sa pagtuklas sa katotohanan, pananatiling confidential ng mga kasangkot sa swine scandal, at iba pa. At ito pa lamang ang natuklasan, paano pa kaya ang hindi na natukoy sa dilim?

Madilim ang kalsada sa Manila dahil nasa interes ito ng may hawak ng kapangyarihan. Sila ang nagtatago sa dilim nang sa gayon ay maipagpatuloy ang sistematikong pangungurakot at pandarambong sa kaban ng bayan. At kung manaka-nakang mailawan ang kalsada, ang mga lumpen ay binibigyan ng pagkakataong nakawin ang ilang mahahalagang kableng maibebenta.

Ayon nga sa isang opisyal ng baranggay, “Mayroon kasing ibang mga tao na walang pakialam sa kapwa at ang tanging nasa isip ay iyong makinabang sila sa pamamagitan ng pagnanakaw." Sino kaya ang tinutukoy ng opisyal—ang lumpeng magnanakaw o ang mga opisyal ng gobyerno?

Sa kadiliman binabagsak ang katawan ng sinalvage, at nakakatakas ang mga tinotortyur. Sa kadiliman, nangongotong ang nag-o-overtime na pulis, inilalabas ang mga trosong iligal na pinutol sa kabundukan, o ang smuggle na kargamento mula sa pier. Pinapangarap nilang sana ay 24 oras ang kadiliman. Pero sa kadiliman din, nagpupulong ang mga aktibista, nagtatasa at nagplaplano para makapagbigay liwanag sa sarili at iba pang nangangailangan nito.

Naka-display ang higanteng mukha ni Arroyo at ang MMDA (Metro Manila Development Authority) Chair Bayani Fernando sa mga tarpaulin na nakasabit sa mga mahahalagang kalsadang nailawan o “napaganda,” bilang benefactor ng serbisyo publiko. “Brought to you by the President” o “Gwapo,” na sa isang banda ay nagbibigay-ngalan sa politikong nais pang magpabanggit sa isang gawaing itinakda naman ng kanilang inasam na posisyon. At sa kabilang banda rin naman, nagbibigay-mukha, hindi pa sa kaguwapuhan o kagandahan ng kalsada kundi sa figurang malamang ay may nakurakot sa proyekto, pati ang proyekto ng pag-iilaw.

Wednesday, April 09, 2008

Yoshino World Heritage Site, sabi ng mga Hapon, pinakamagandang lugar sa buong Japan na mag-hanami (cherry blossom viewing), 8 Apr 08





Walang tinapay sa mesa kung hindi aalsa ang masa, Pasintabi Column





imahen mula sa digitalchain.wordpress.com/.../
http://www.inq7.com
http://lfsnational.multiply.com/photos

Walang tinapay sa mesa kung hindi aalsa ang masa

Noon pang 1970s itong salawikain. Isa ito sa mga paborito kong kasabihan. Naalaala ko noong dekadang ito, pumipila ang mga tao dahil sa rice shortage. Hindi pa nagbubukas ang bahay namin, may nakaabang nang mga nakakatandang babae sa labas ng gate. Matapos ay gas shortage naman ang nagparasyon ng supply. Kahit may curfew ay nakapila ang mga sasakyan, lalo na ang pampasada, sa mga gasolinahan para mauna sa madaling-araw na pagbubukas at sa gasolinang ipapalit ng coupon. May alokasyon ang lahat ng sasakyan.

May gasolinahan at kono kami nang mga panahong ito sa Nueva Ecija. Kaya hindi ramdam ang alokasyong salop ng bigas at galon ng gasolina. Pero puno ng folklore ang pag-ubos ng pagkain, lalo na ng kanin sa plato. Bawat isang butil na naiwan ay katumbas ng isang salop na pupulutin isa-isa ng mga daliri. Maraming nagugutom at walang makain. Hindi pwedeng umalis ng mesa hanggang hindi malinis ang pinggan.

Dinahilan ni Marcos ang pandaigdigang kaganapan kaya kulang ang supply ng gas at bigas. Sinama ito sa “basic commodities,” at kung gayon, hindi pwedeng magtaas ng presyo ang manininda nang wala niyang pag-aproba. Batayang kalakal ang bigas at gas. Ilang beses nagkaroon ng aklasan at pinuntirya ang mga Tsinong mangangalakal na inakalang nagtataas ng presyo ng bigas. Hindi susulong ang bansa kung walang gasolina para sa kanyang kuryente at transportasyon. Hindi rin susulong kung walang bigas na makain ang mamamayan.

May politika ang langis at bigas. Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, tumataas ang presyo nang lahat ng produkto at serbisyong may pangangailangan nito: pamasahe, pagkain, tubig, kuryente, damit at iba pa. At dahil napako na ang sweldo ng manggagawa at empleyado, pati na ang maliit na kita ng magbubukid, mas lalong magiging mahal ang batayang pangangailangang mabuhay. Bigas ang fundasyon ng nutrisyon sa bansa, na kailangang makakain ng kanin para mabuhay at makapagtrabaho, kahit wala nang ulam.

Kahit pa ang mga ito ang batayang pangangailangan ng isang modernong bansa, mas matingkad ang bigwas ng pagtaas ng presyo at kasalatan ng supply sa naghihikahos na mamamayan. Kung tumaas ang presyo at kumitid ang supply, at ito na nga ang nagaganap sa administrasyong Arroyo, mas nahihirapang makaagapay ang naghihirap na ngang mamamayan.

Ugat ng nagaganap na krisis sa pagkain at presyo ang neoliberalisasyon ni GloriaArroyo. Natitiyak sa pagtatakda ng presyo ng higanteng cartel ng tatlong pangunahing supplier ng gasolina ang kanilang bilyones na kita. Ang resulta ng palsipikadong CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) na may rekurso sa korporatisasyon at reklasipikasyon ng sinasakang lupa ay ang nakakagulat na pababang bilang ng lupa para sa pagtatanim ng pagkain. Nagiging subdibisyon, golf courses, malls at economic zones ang libo-libong hektaryang lupa na sana ay magtitiyak ng seguridad ng pagkain ng bansa.

Oil-dependent ang bansa sa kanyang pangangailangan sa kuryente. Ang bansa ang may pinakamahal na halaga ng kuryente sa Asia, isang sagabal daw kung bakit mahina pa rin ang pagpasok ng dayuhang negosyo. At mula sa pagiging rice-exporter ng bansa, ang bansa ang pangunahing rice importer sa buong mundo. Ang supply ng bigas ay nakasalalay na sa pag-angkat sa Thailand at Vietnam. Na kapag ang mga bansang ito ay nakaranas ng disaster tulad ng bagyo, pagbaha at pagtuyot, uunahin kaya nila ang interes natin kapag bumaba ang supply nila ng bigas? Di ba’t mamamayan naman nila ang mag-aaklas?

Naalaala ko ang dalawang imahen sa rice shortage ng 1970s. Una ay dahil mabilis ang pagsalok ng bigas sa salop, at pagpantay nito sa bibig ng salop, may tumatapon sa lapag ng mga butil. Mayroong mga matatandang winawalis ang natapong bigas ng kanilang mga palad, kasama ng dumi, at isusupot pa rin ang mga ito. Ang ikalawa ay minsan mag-ring bearer ako sa kasal, at sa paglabas ng bagong kasal na sinabuyan ng bigas, mayroong mga matatandang babaeng nakaantay at ganoon din ang ginawa sa bigas na nahulog sa bukana ng simbahan.

Narito ang ikatlong imahen sa kasalukuyan: ang pagronda ni Arroyo, kasama ang rekisitong pagtantrum, sa mga nagtitinda ng bigas para raw matiyak ang supply at presyo nito. Labas sa kanyang inihasik na neoliberalisasyon ang kakayahang matyagan ang mababang presyo at malawakang supply ng bigas. Pandaigdigang krisis sa kapitalismo ang nagaganap: ang nalalapit na recession sa ekonomiya ng US, ang structural policies ng International Monetary Fund at World Bank na nagtanggal ng subsidyo sa mga pambansang agrikultura ng umuunlad na bansa, ang global na integrasyon sa World Trade Organization na lalong nagpahina sa lokal na agrikultura at nagpalawak ng paghihikahos, at iba pa.

Gustong magtanim ng magsasaka pero hindi sila makapagtanim. Gusto ng masang kumain pero wala silang makain. O bumili ng bigas pero limitado naman ang supply. Sa isang banda, tulad ni Marcos, ibabaling ni Arroyo ang sisi sa mamamayan—magkaroon ng rekurso sa pagtitipid sa kuryente, rasyon ng supply, at pagtatanim ng pagkain sa bakanteng lote. Sa kabilang banda, sa asulto ni Arroyo at ng kanyang mga polisiya, ni wala ngang bigas na tumilapon sa lupa na maaring malikom ang mga palad.

Tulad ng salawikain, kailangan ng apoy at pampaalsang yeast. Kailangan ng nagkakaisang hanay ng masa, at ang panlabas na magtratrasporma nito para maging kritikal na masa. Hanggang ang namulubing palad ay maging matigas na kamao, at ang kamao ay maging isang dagat na nag-aalsa at nagrerebolusyong hanay ng masa.

Narito tayo, hindi na sa bukana kundi sa looban na, ng politikal na pagkakataon.

Sunday, April 06, 2008

Sakura Lane, Kyoto, 080403





Second-Generation Mall ng Trinoma, KPK Column, 6-12 Abril 2008






imahen mula sa cocomidel.wordpress.com/.../
www.realliving.com.ph/blog/?m=200709

www.flickr.com/.../discuss/72157601895429747/
www.philippinerevolution.net/cgi-bin/ab/text....


Second-Generation Mall ng Trinoma

Hinuhudyat ng Trinoma Mall ang ikalawang henerasyon ng malls sa bansa. Mula sa kahong walang sentro, tumungo na ang pag-unlad sa mas maligoy na kurbang may sentro. At ang sentrong atrium--na natatanaw mula sa lahat ng palapag ng mall--ay paratihang busy sa mga shopping-related na aktibidad: mula sa paghahanap ng pagkakakitaan sa job fairs, at business at franchise expos; tungo sa pagkakagastahang showcase ng appliances at gadgets na mabibiling 12 gives, 0% interest; at hanggang sa mga palabas na sponsored ng damit o CD store na hindi nakakagulat na may outlet din sa mall, maging ng mall tour ng mga artista para sa bagong sine at produktong ineendorso.

Kumpara sa malls ng SM at Robinson na inspired ng kahon ng sapatos—na siya namang unang negosyo ni Henry Sy (pagtitinda ng sapatos, hindi ng kahon ng sapatos), ang pinakamasigasig na nagpalawak ng kulturang mall—ang malls ng Ayala, tulad ng Glorietta at ang pinakabagong mall nila, ang Trinoma ay clover ang disenyo: magkakasalikop ang curvilinear na seksyon na nagtatagpo sa gitnang atrium. Ang Trinoma Mall ang pinakabagong high-end mall di lamang sa Metro Manila kundi na rin sa bansa. Ito ay dinevelop ng Ayala Corporation—na tulad ng kasaysayan ng gamit ng malalaking real estate sa Metro Manila, nanggaling sa pagligwak ng squatters’ community at ang kabuhayan nila sa dating “Divisoria sa EDSA”—at nakabatay ang disenyo sa prototipo ng Glorietta Mall at Greenbelt Mall, mga high-end mall sa Makati. Na ang kasaysayan ng mall development sa bansa ay kasaysayan ng karahasan at demolisyon sa hanay ng maralitang tagalunsod.

“Bulaklak” ang disenyo ng Trinoma Mall, parang baroque architecture o urban planning, curvilinear (kumpara sa mas efisienteng grid ng SM at Robinsons) ang disensyo ng interiors, ang maliliit na aisle ay lalantad sa mas malalaking aisles, at ang lahat ng aisles ay papasok sa sentro, ang atrium na parang town plaza ang gamit—dito nagpapalabas, at nagaganap ang trade exhibitions at job fairs. Ito rin ang lohika ng disenyo ng Quezon City bilang kaisa-isang planadong syudad na ang georapikong sentro ay ang Quezon Memorial Circle.

Kumbinasyon din ang Trinoma Mall ng Greenbelt at Libis dahil ginagamit ang al fresco dining at promenading space. May pocket na outdoor na parke sa tuktok ng mall na terraced na bumababa sa iba pang palapag. Mayroon ding cascading na tubig at fountain areas sa bawat palapag nitong erya ng parke. Sa bamboo grove at modernong pond area sa pinakaitaas na bukas na palapag, may hamog (fog/mist) na lumalabas sa portals para i-simulate ang Baguio o Tagaytay-country feel.

Kaya mas nakakahilong mag-malling sa Glorietta at Trinoma dahil nakakaligtaan kung saan kang seksyong nanggaling at tutungo. Ang SM, maliban sa pinakabago at pinakamalaking Mall of Asia, at sa ilang pagkakahalintulad, ang Robinson malls ay padiretso lang ang direksyon ng magkabaligtad na paroon at paritong mga maller. Para ka ngang nasa loob ng kahon ng sapatos dahil sinadyang lumikha ng pagkalito sa distinksyon ng loob at labas—at ang pribilisasyon ng nasa loob bilang mas ligtas, malinis, kaiga-igayang lunan na lumilipas lang ang natural na panahon—na makakapagtiyak ng pagkawala ng oras, pagbagsak sa mas kaasam-asam na mundo at karanasan sa shopping.

Sa Trinoma Mall, magkakaiba ang sakop ng lebel. Nakakalito ang magkahiwalay na mga parking seksyon, ng pasukan at labasan ng tao. Kailangan ng mental compass para mawari ang direksyon ng EDSA at North Avenue. Sa anumang bagong bukas na mall, paratihang may pagkalito at simulang disaster na nangyayari (pagbagsak ng kisame sa fastfood section, pagbaha ng tubig ulan sa drug store sa basement). Hindi pa siempre kabilang dito ang kasalukuyang konfigurasyon ng kapangyarihang pang-estado, ng terorismo at konsumpsyon: ang pagbomba sa Glorietta 4. Nawawala pa nga dahil hindi pa namapa ng senses ang bagong espasyo, lalo na ang bagong karanasan sa second-generation mall. Pero sa katagalan, sa familiarisasyon at ritualisasyon (regular malling) sa lugar, mawawari na ang direksyon at espasyo.

Ang mismong pangalan ng mall ay isang reimbensyon—“Triangle North of Manila.” Wala naman sa mapa ang pangalan nito, kundi kinuha lang ng public relations para ibenta ang bagong produkto. Bago nga ang disenyo, at para sa akin bukod sa curvilinear na daloy ng shops at flows, ang pinakamatingkad na bago ay ang pagbubura ng distinksyon ng loob at labas. Parke ang pangunahing nadagdag sa second-generation malls, tulad sa naunang Gateway Mall ng mga Areneta sa Cubao. May parke—bamboo groves, cascading na tubig, fountains at pathway bridges, puno sa higanteng paso--sa rooftop na dumadaloy hanggang sa ground floor ang fountain. Maliban sa fake na puno ng niyog at fountains sa Glorietta, walang natural na kalikasan sa naunang mall na ito.

Sinilyado ng Trinoma Mall ang labas (kalikasan) bilang bahagi ng mall na loob nito. Nang sa gayon, mula sa mga lagusan ng kalikasan, matatanaw na tila napakalayo at kakaibang bahagi ng syudad maging ng naunang SM City. Na tulad ng “Go west!” na motibasyon para kolonisahin ng mamamayan ng Eastern States ang Midwest patungong California sa US, tila sinasambit din ito sa posisyong ang Trinoma ang bagong “city on the hill” na tumatanaw sa luma at bagong masasakop na lunan.

Na ang karatig lugar na dapat sanang sibikong sentral sa disenyo ng Quezon City bilang planned civic center ng bansa ay mas paborableng maookupa ng negosyo kaysa serbisyo publiko. “Go west” din ang pakiwari kapag nasa Mall of Asia, lalo na kapag nakatanaw sa Manila Bay, na ang idealismo ng modernidad, tulad ng namamasyal sa karwaheng si Ibarra sa lumang Maynila, ay nakatingin sa Kanluran at ibayong-dagat para sa higit pang global na kosmopolitanismo.

Ang ikalawang inobasyon ng mall ay ang integrasyon ng mga sistema ng transportasyon sa looban nito: MRT, FX, jeep, bus at pribadong sasakyan. Ginagawang hindi mulat na maller ang pedestrian. Dati ay mulat na indibidwal na subersyon itong aktibidad ng mga gustong magpalamig at magpalipat ng gusali tungo sa sakayan. Ngayon ay lahat ay nagiging pedestrian maller, ke gusto o hindi ng indibidwal dahil lahat ay kailangang dumaan sa tagiliran at loob ng Trinoma Mall para makalipat ng sakayan. Hindi ba magical ito, na sapilitan ay hine-hail na ang indibidwal na maging maller kahit hindi naman niya talaga gusto dahil wala naman siyang ibang lugar na paglalakaran maliban sa tagilaran at loob ng mall? Na pati ang subersyon ay ginawa nang konsumpsyon ng espasyo, tulad din kung paano inuugnay para sa pedestrian ang Gateway Mall at Farmer’s Plaza ng MRTs sa EDSA at Aurora?

Kume-cater ang Trinoma Mall sa eastern at northern Metro Manila, pati na rin sa karatig-probinsya ng Bulacan at Pampanga. Sa Trinoma Mall, nabuo na ng Ayala ang nexus ng high-end shopping sa Metro Manila: ang kanilang base sa Makati, ang niche-submarkets sa The Fort: Global City, at ngayon na nga ito. “Trinoma” dahil isinasaad ang pagkabuo ng heograpikal na nexus, tulad ng sinasaad ng mismong “Triangle” na pinapagitnaan ng Luzon, Visayas at Mindanao Avenues; at maging ng North, East at West Avenues. Ito ang bagong sentro ng naunang imahirnaryo ng ugnayan ng mga mayor na grupo ng isla, maging ng gitna ng compass ng lokasyon.

Ang second-generation mall sa Trinoma ang bagong “ground zero” ng mall development sa bansa, na mas may kaugnayan pa sa mga bagong mall sa Singapore na huma-harness sa ambience ng pisikal na lokasyon (tabing-dagat, paanan ng bundok, at iba pa). Ang kritisismo sa mall sa Pilipinas ay pare-pareho naman ang disenyo, pare-pareho rin ang laman. Na maliban sa isa o dalawang shops na galing sa rehiyon ng mall ay wala namang lokal na pagkakaiba ang SM Iloilo sa SM Cagayan de Oro, maging ng Glorietta sa Makati at Cebu.

Ang ginagawa ng Trinoma Mall ay kumilala sa pangkalahatang limitasyon ng malls: maximisasyon ng MRT at lokasyon sa bukana ng northern Metro Manila, kawalan ng luntiang espasyo sa syudad (dahil na rin sa okupasyon ng mga mall sa malalaking lupa), at pati na rin ng daluyan ng tubig. Idinagdag ito pati ang fa├žade sa harap ng West Avenue na may light show, ang bloke ng pader ay nagbabago ng ilaw, tulad sa isang mall sa Orchard Road sa Singapore. Natural at teknolohikal ang inobasyon ng Trinoma Mall na sa pangunahin ay sinisikap ng Mall of Asia na tumbukin din.

Tila sa pagtatayo ng Trinoma Mall, nabuo ang konfigurasyon ay nabuo na: ng sentro at laylayan, ng kaisahan at diversity ng lunan at pook, at ng kaakibat na infrastruktura na mag-uugnay sa lahat ng mga ito. Pribado negosyong pangarap at inisyatiba ang Trinoma Mall, kasama ng pag-uugnay ng C-5 na magdurugtong sa North at South Expressways, ang North EDSA bilang dugtungan ng naunang MRT sa annex na yugto nito patungo sa Monumento, at ang pinakabagong itatayong mass transportation system, ang magdurugtong sa SM Fairview at SM North. Kung gayon, malaking bahagi ng jigsaw puzzle ng intermittent at protracted na pambansang pag-unlad ang napunan ng kabuuan piyesa ng Trinoma Mall.

Ang naging papel ng gobyerno ay administrasyon na lamang ng paper work. Nagpaubaya na ang gobyerno sa pagsandal sa malalaking negosyo para paunlarin ang mahalagang portal na ito sa Metro Manila. Na hindi na lang sa Makati nagsisiksikan ang high-end malls at shopping, ito ay napalawak na maging sa dating talahibang lugar ng North Triangle area. At ang pangarap na ito ay pangarap na nais maisakatuparan para sa pagpapaunlad ng buong bansa.

Ang second-generation na mall ay nagsakatuparan na gawing theme park ang estado ng kontemporaryong buhay: thrill ride (literal sa escalators at elevators, at figuratibo sa pag-akyat sa pinakamamahal na shops at engrandeng pribadong parke), walang admission fee pero may gastos ang bawat kilos, malayang labas-masukan ng boluntaryo at sapilitang mallers. Wala ring protesta at kilusang masa sa mall. Inaakalang killjoy naman ito sa joy ride ng malling. Na ang mall ay walang kasaysayan (wala nang nakakaalala kung ano ang lugar dati bago itinayo ang bago), at ang heograpiya nito ay walang kinalaman sa literal na heograpiya ng pook.

Sa lohika ng administrasyon Arroyo, ang second-generation na neoliberalismo ang ipinapatupad: pag-uubos ng maaring ibentang assets ng pamahalaan, at maging ang territorial rights nga ay kasama na rito; ekonomikong pag-unlad sa iilan; malawakan at guilt-free corruption bilang normal na kalakaran ng estado; repormang agraryong walang gulugod; call center bilang kanyang industrialisasyon; at serbisyo publiko bilang charity work. Na ang ipinapasok na end-game ni Arroyo ay ang mindset ng mallers sa second-generation malls: purong joyride at bawal ang killjoy (matalo ay pikon).

Kaya ito ay hamog lamang, tulad ng lumalabas sa portals sa daluyan ng tubig sa bamboo grove sa pinakaitaas na labas na bahagi ng Trinoma Mall. Tila kamangha-mangha na nadoon ang tubig sa lupa, hindi siya bumabagsak tulad ng ulan, kundi ay lumulutang-lutang sa era ng lupa. Hanggang sa ito ay maglaho, at muling palitan ng bagong ihip na simoy ng tubig sa makina. Nandoon at wala.

Pag-angat ng Starbucks sa Ordinaryong Pag-angat, KPK Column, 30 Marso-5 Abril 2008




imahen mula sa http://www.inquirer.net/
http://www.pbase.com/uteh/coffee
www.viewimages.com/Search.aspx?mid=1871265...


Pag-angat ng Starbucks sa Ordinaryong Pag-angat

May 131 branches ng Starbucks sa Pilipinas, 113 ay nasa Manila, kalakhan ay nasa Luzon, anim ang nasa Cebu. Bagong career option na ang “barista” o isang experto sa preparasyon ng expresso na inumin. Na ayon sa isang salary search, ay dapat kumikita ng $17,000 kada taon. Sa harap ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, ang Starbucks ay tambayan ng mga estudyanteng nag-aaral o gustong makipagkwentuhan nang medyo seryoso—dahil iba naman ang “distinctive Starbucks experience” (non-smoking para manatiling puro ang aroma ng kape, trained na baristang gumagawa ng kape, at kapeng inani ng kamay).

Katabi ng Starbucks Katipunan ang isang Mexicanong inuman, Shakey’s Pizza, McDonald’s at Jollibee. Angat sa angat ang Starbucks. Para kang nasa mamahaling sala, hindi sa cafeteria na upuan ng McDonald’s at Jollibee, hindi rin sa family restaurant mode ng Shakey’s, at ng hile-hilerang mesa sa tambayang inuman. Itinaas ng Starbucks ang benchmark ng “gitnang uri” sa bansa: mas angat sa gitnang uring may akses na sa fastfood at gimikang lugar.

Ang karanasang Starbucks at gitnang uri ay nagsasaad ng bagong auratiko o ang pakiwari na ginawa ang lugar para sa iyo lamang: lugar na pwedeng pagtrabahuan ng notebook computers (may wi-fi card na pwedeng bilhin para sa internet), pwedeng pag-aralan bitbit ang makakapal na librong binabasa at minememorya (parang haven ng mga estudyanteng sawa na sa ingay at gulo ng dorms nila), wholesome pero angat na date place (pwedeng makapag-usap nang maayos nang hindi nabibingi sa ingay ng banda o ang inarmirol na paligid ng mamahaling restaurant), at lugar ng business meeting (informal pero dahil sa paligid, kailangan pa rin ng dekorum).

Sa Japan, dahil sa limitadong espasyong pwedeng pagtipunan, ang Starbucks at iba pang coffee shops ay lugar na pwedeng magtutorial ng ingles at iba pang wika. Tinatangkilik ito ng maraming babae sa kolehiyo at trabaho dahil “safe” ang pakiwari sa paligid. Neutral din daw itong lugar sa imbitasyong mag-usap ang lalake at babae. Kapag sa Italian o French restaurant ay imbitasyon na rin para formalisahin ang relasyon. Kaya kung ayaw ng babae ay tatanggi ito sa, gamit ang kung ano-anong dahilan maliban sa hindi niya gusto o mahal ang, lalake.

Hindi lang kape ang Starbucks. Sa isang banda, espesyalisadong kape ito. Bawat order ng hindi coffee-of-the-day ay ginigiling ang beans para isilbi sa espressong batayan ng bawat order ng latte, cappuccino at frappe. May ibinebentang coffee paraphernalia para sustenidong ipagpatuloy ang Starbucks experience sa loob at labas nito: tumblers, grinders, coffee press, beans, mugs at iba pa. Ang sala set ay tinaguriang “Third Space” sa pagitan ng bahay at trabaho. Mas relaxed kaysa sa trabaho, mas formal kaysa sa bahay. Laking gulat ko nang ang isang kaibigang nagtratrabaho sa Citibank ay biglang pumunta sa counter at sinabing hindi niya nagustuhan ang lasa ng unang higop na Caramel Machiatto, at dagling gumawa ang nadismayang barista ng ibang pamalit dito.

Sa kabilang banda, kape and more ang mabibili sa Starbucks. Hinihimok tayong kumain dahil tunay namang kumakalam ang sikmura kapag apat na oras ka nang nagkakape. May pang-light meals: sandwiches, pastries at cakes. Bagamat kami ng mga kaibigan ko ay nagsasalitang lumabas para kumain nang mas mabigat (at mas masarap) o sila para manigarilyo, wala namang nagpapaalis sa aming pwesto. Ito o ang paulit-ulit na ambient music na mabibili rin sa counter. Habang may nakalapag na produktong may insignia ng sirena ng Starbucks, may karapatan at entitlement sa mesa at karanasan.

Hindi naman rocket science kung bakit namamayagpag ang Starbucks sa bansa sa kasalukuyan. Hindi nga ba’t ang Starbucks ay fixture din sa mga gusali ng call centers na 24/7 na umaariba ang manggagawang may sobrang kita para sa luho ng kape at beer bilang pang-araw-araw na fixture ng pagiging angat sa piniling trabaho at kita? Hindi nga ba’t ang anunsyo ng ekonomiyang statistika ni Gloria Arroyo ay umaangat ang bansa, at kung gayon, patunay nga na may nabibiyayaan ay ang liga ng pila at tambay sa mga super-elite na establisyimento, tulad ng Starbucks?

Na tulad ng bagong Greenbelt Mall na laman ay higanteng shops ng fashion brand names, pero maliban sa nagtitinda ay wala halos katao-taong nagsya-shopping dito? Na kaiba rin sa naging stratehiya ng unang high-end shopping mall, ang Shangrila na dahil nilalangaw at nakakalito ang espasyo ng escalators na hindi tiyak ang floor na kalalagpakan ay kinailangang magpasok ng fastfood, Bench at iba pang so-so na establisyimento at nagsisiksikang mini-carts na outlets sa eskinita para kumita?

Malaki ang kaibahan ng call center agent na may kita sa mga Henry Sy at Zobel de Ayalas ng bansa. Yung una ay pulutong na kailangang kumayod sa disoras ng gabi, gabi-gabing may peligro sa pagpasok at pag-uwi sa trabaho, tinitilian at binabagsakan ng racial slurs ng kausap. Yung huli ay kinakailangang mamolitika sa bawat pambansang administrasyon para matiyak ang pagpapalawak ng kita.

Kaya hindi rin kakatwa na ang nagdala ng Starbucks sa bansa ay ang pamilya ng Tantoco na nagmamay-ari ng Rustan’s, ang una’t nananatiling high-end department store sa bansa. Ang pakiwari dati, at malamang pati ngayon dahil dito pa rin makakabili sa malilinggit na pwesto ng mga isang daan at isang brand names, ay para ka ring maliit kumpara sa sabayang kalakihan at kamahalan ng department store. Na kapag sinusundan ka ng saleslady ay hindi ka makapalag, at nasa depensibo kapag tinanong na “Can I help you?”

Kung gayon, pinapatingkad ng Rustan’s at Starbucks ang class-distinction. May pakiwari namang maliit kung hindi naman solido ang mataas na posisyon. Na kahit na nakakapag-Starbucks ka sa dapat ay demokratikong espasyo ng mall, ginagawa ito dahil mas gustong makaangat sa iba pang mallers. Di nga ba’t ang sumpa ng malling, dahil sa kawalan ng maramihang libreng upuan, ay tulad ni Grasshopper (sa “Kung Fu” series) na maglakad nang maglakad (“walk the earth”)? At kung may kapasidad na mag-ubos ng oras sa Starbucks, kumportableng nakaupo at nakakapagmamahaling kape, may invisible na pogi o ganda points na nadaragdag sa auratikong sabjek?

Pinapakipot ng Starbucks ang lagusan ng gitnang uri, na kahit hindi kalakihan ang populasyon nito sa bansa ay lumilikha ng bagong kaantasan sa gitnang uri: aktwal na gitnang uri (na hindi naghihikahos kapag nakaranas ng peligro, aksidente, sakuna, sakit at trahedyang makakapagpabaon sa utang) o nakakataas na gitnang uri (pero kulang pa rin sa iba pang burgesyang marka para mapabilang sa mas exclusibong hanay na ito).

Ang ginagawa ng neoliberal na kapitalismo ay distinksyon ng panlasa at uring makakaranas nito. May exlusivity ang gitnang uri sa bansa, sa kalagayang 60 porysento ng populasyon ay naghihikahos—nagugutom, walang matirhan, walang akses sa malinis na tubig o edukasyon. Pero kapag nademokratisa—sa dagdag na bilang, hindi pa sa pagbibigay ng politikal na karapatan—ang akses na ito, tulad sa 200,000 ahente ng call centers at iba pang nabiyayaan ng naghaharing sistema, at kasama rito ang sobrang remittance ng OCWs (overseas contract workers na ginagasta ng pamilyang hindi naman aktwal na kumita ng padalang ito), makakaisip na naman ang sistemang kapitalismo na muling itaas ang panuntunan ng gitnang uring karanasan.

Fetishismo ang tawag dito. Sa isang banda na tila maabot na ang fastfood bilang normal na aktibidad ng gitnang uring indibidwal o pamilya, itataas na naman ito. Starbucks, hanggang sa dumating ang Dean and DeLuca, at lumawak ang nakapasok na Max Brenner (ay chocolate bar naman pala ito, kaya walang kumpetisyon). Tulad ng modelo ng cellphones, pantalon at damit na gamit, kailangang mas umangkop—mas mataas sa aktwal na material na lagay ng indibidwal. Ang trahedya nito, siempre, ay ang imahen ng carrot-and-the-stick: tinutugis ng kabayo ang carrot na nasa patpat at nakatali sa leeg ng animal, ginagawang napakalapit lamang gayong kahit kailan ay hindi naman aktwal na makukuha ito.

Sa isang entry ukol sa “Starbucks phenomenon” sa blog na “Method to my madness,” sinulat ng may-ari:

Why Pinoy? Why do you have to pretend? OK, I know, you're saying, well coffee here is expensive, and only us rich people and cool people hang out here. Sorry, but I don't view Starbucks coffee drinkers in that light. Starbucks is Starbucks.
I'll have my usual, please. Venti Moca Frap, light whip cream.

May virtual na realidad na sinasambit ang nagsulat: na mayaman siya (at kaya nga siya mayaman ay dahil maraming mahirap sa bansa), na pwede siyang umorder ng drink na nakabatay sa kanyang panlasa (at may barista na gagawa nito para sa kanya), na may pwestong nakalaan sa kanyang paboritong outlet (na parang nakareserba lang ito sa kanya), at hindi siya guilty (wala namang sarap na humigop ng mahal na kape kung may bumabagabag sa sarili).

Na hindi naman hiwalay sa overdetermination ng lugar: may posters ng kape mula sa puno, pinapatuyo, tinotosta at isinisilbi bilang self-reflexive gesture sa mahabang proseso para dalhin ang karanasang Starbucks sa mamimili, na siyang naratibo rin ng kosmopolitan na gitnang uring sabjek (mula agrikultura tungo sa serbisyong sektor, mula lupa tungo sa kultura), at pangarap na First World status para sa bansa.

At ang pakiwaring ito, tulad ng iba pang global brand products, ay nakakapagtago sa anomalya ng Starbucks: anti-competitive na stratehiya na mahilig sa buyout ng mga kalaban, anim na porsyento lamang ng kape nito ang galing sa fair trade (ang bulto ay mula sa mga malalaking ahensya at middle persons na higit na nakikinabang sa pinaghirapan ng magsasaka ng kape), labor disputes (kasama ang matagumpay na $100 milyong kaso ng back tips sa baristang nakihati ang mga superbisor sa California), destruksyon ng kalikasan (10 porsyento lamang ay gamit sa paper cups, gayong 1.5 bilyong cups sa US pa lamang ang isinisilbi kada-taon), at ang Ethos Water na sa label ay nakabanderang “helping children get clean water” gayong $.05 lamang ng $1.80 na halaga ng bote ang aktwal na pumupunta para rito.

Guilt-free feeling na tulad ng Diet Coke, non-fat milk at light whip cream ay nakakapagbaon sa calories, health risk at social injustice. Hindi naman kataka-taka na ganito ang pakiwari ng mga tumatangkilik sa Starbucks. Hindi naman ito hiwalay sa pambansang pamunuan ni Arroyo na nagsasabing tama kahit mali, umaangat kahit naghihirap, bumubuti kahit hindi: tumawag kay Garci, nag-sorry, pero hanggang doon lang; fertilizer scam pero hindi na-impeach; nagplanong mangurakot, na-expose, binitawan ang executive privilege; sinegundahan ng Supreme Court; sistematikong politikal na pagpaslang, nag-Melo Commission, ina-appoint si Melo bilang puno ng Commission on Elections, umaming “ally” ni Arroyo.

Sa huli, tulad ng pagsulat at pagtawag ng barista sa ngalan ng mamimili sa Starbucks, sa mamimili na nagdesisyong higit pang pag-angat sa ordinaryong pag-angat, na mapapangiti lang dahil sa rekognisyong para sa kanya lang ang ginawang kapeng produkto, na ang kanyang Venti Mocha Frap at siya ay itinakdang maging isa. Mabuhay ang bagong kasal!