Monday, April 14, 2008

Bakit madilim ang lansangan sa Pilipinas?, KPK Column, 13-19 Abril 2008



imahen mula sa www.filgifts.com/ffp/edsa.asp
bonski14.multiply.com/journal/item/66

sikwati.wordpress.com/category/politics/

Bakit madilim ang lansangan sa Pilipinas?

Kapag dumarating sa U.S., ang isang kapansin-pansin sa gabi ay ang liwanag ng mga kalsada. Parang tanghali ang ilaw, lalo na ang malalawak na highways. Ganito rin ang elevated highways ng Japan. Pero sa mas maliit na kalsada, tinitipid din ang pag-iilaw, parang sa Pilipinas.

Sa isang banda, pinapatingkad sa Japan ang dilim, lalo na sa Kyoto, ang pinakatradisyonal na lugar, para makita ang synergy ng ilog, taong naglalakad at nagbibisikleta at kapaligirang bahay at gusali. Kinikilala ang dilim bilang estetika—gabi kaya madilim, hindi kailangan ng sobrang ilaw, iyon lamang kailangan para makadaan na mga tagiliran ng bahay at pasukan ng restaurant.

Sa kabilang banda, ang dilim ay gamit din sa pagmamatyag at disiplina. Sa daanan ng ilog, walang ilaw dahil inaasahang delikado ito kapag gabi. Hindi pa dahil may magnanakaw sa iyo kundi dahil baka maaksidente kang bumagsak sa walang harang na daan sa magkabilang ilog. Kailangang maglakad sa lugar na may ilaw, sa elevated na sidewalk.

O gamit ang dilim sa paglabag rin ng pagmamatyag at disiplina. Pangunahin sa Kamu River, halimbawa, ang mga naglalakad ng kanilang mga aso para dumumi nang hindi ito dinadakot. Kaya kinaumagahan, kapag nagbibisikleta ako rito, tadtad ang daan ng dumi ng aso, at ang ilog, ng mga itinapong basura.

Sa Pilipinas, madidilim ang mga kalsada. At kahit maliwanag ito, tulad sa EDSA at Commonwealth, hindi ka pa rin nakakatiyak sa kaligtasan dahil maaring may nakatago sa pook na hindi naiilawan. Maliban sa expressways, walang katiyakang pang-indibidwal na kaligtasan ang mga kalsada sa Pilipinas. Kaya rin pinagbibilinan ang mga babae na umuwi nang maaga. At nag-iingat ang mga lalake sa pag-uwi ng gabi. Umiiwas sa mga taong nakaabang sa dilim.

Metro news na kapag naiilawan ang mga mahahalagang bahagi ng Manila, tulad ng ulat sa proyekto ni Mayor Alfredo Lim sa pag-iilaw ng Jones Bridge at Baywalk (di ba’t nailawan na ito ng dating Mayor Lito Atienza?), at ang susunod na mga tulay ng MacArthur, Del Pan, Ayala at Lambingan. Publishized ang pag-iilaw bilang literal at figuratibong proyekto ng serbisyo publiko: hindi regular na proyekto, manaka-naka lamang depende sa nakaupo sa kapangyarihan, pag-iilaw bilang proyekto ng city beautification, beautification ngayon bilang proyekto ng kalalakihang opisyal, at bilang deterrent sa krimen at anomalya sa kalsada.

Liwanag versus dilim ang retorika ng pag-iilaw. Parang noong panahon ng martial law, dineklara rin ni Ferdinand Marcos ang curfew mula hatinggabi hanggang alas-kwatro ng umaga. Pinapamukha sa mamamayan kung sino lang ang may hawak ng kapangyarihan sa liwanag at dilim, kung ano ang pwede at hindi. Sinisenyales ang simula at wakas ng curfew sa pamamagitan ng makina ng sirenang pinipihit sa munisipyo. Wala nang maaring makalabas nang walang dalang special permit.

Sa isang banda, tulad ng tunog ng kampanilya ng simbahan, ang mga hindi nakakarinig nito ay nagpapaunawa ng hindi pagsasailalim sa rehimen ng kapangyarihan: historikal ang tinaguriang mga “taga-bundok,” “taga-bukid,” “taga-labas.” Piniling maging nasa labas ng kapangyarihan ang tinaguriang “criminal character” at “enemies of the state.” Sa kabilang banda, ang pagtatakda ng curfew ng kapangyarihang pang-estado ay nagsasaad na mayroon din silang itinatago sa mamamayan. Kaya kailangan din nila ang dilim para maplano at maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.

Bakit matapos ng ilang taon, nawala rin ang curfew ni Marcos? Bakit nagpa-curfew rin si Gloria Arroyo matapos ang pagbomba sa Glorietta 4, at higit na maraming gitnang uring hindi makagimik sa ibang lugar ang nadismaya? Bakit kahit walang curfew ay may curfew pa rin? Ang hindi sinasabi ay bakit nananatiling madilim ang napakaraming kalsada sa Metro Manila at maging probinsya at iba pang syudad. Ang may hawak ng pag-iilaw ay may hawak ng kapangyarihan sa diskurso at implementasyon ng panunupil at rekurso rito, ng pagbagsak ng modernidad na ideal ng enlightenment sa bansa.

Kinailangan ni Marcos na tanggalin ang curfew dahil sa seasonal demand para sa manggagawa sa pabrika, lalo na sa itinakda niyang export-processing zones, na makapagtrabaho ng tatlong shifts, na kakain pati sa oras ng curfew. Dagdag sa panahon ni Arroyo, hindi maaring pigilan ang kanyang bagong army ng call center agents na makapasok sa mas malaking demand na night-shift na trabaho.

Kahit pa sa global na demand napapasunod sa indak sina Marcos at Arroyo sa paghawak sa kapangyarihang mag-ilaw, sa global na kondisyon din sila napapanghina ang kontrol. Nag-daylight saving time si Marcos, inatras ng isang oras ang takdang oras sa bansa nang mas makatipid daw sa kuryente at langis. Dahil sa walang paknat na pagtaas ng presyo ng langis, ang himok ngayon ay patayin ang mga ilaw sa publikong lansangan simula alas-nwebe ng gabi.

Kung gayon, ang ilaw sa kalsada ay may gamit na lamang mga dalawang oras kada gabi, mula alas-syete hanggang alas-nwebe ng gabi. Kakakurampot na nga ang kalsadang may matinong ilaw ay nililimitahan pa ang akses ng mamamayan dito! Pati ang serbisyo publiko ng gobyerno ay nauwi na rin sa “tinge economics” o ang pagtitinda ng tinge-tingeng produkto makakayanan lamang ng masang mamimili. Sa pagkakataong ito, tila ipinagpapatuloy ang tingeng serbisyo publiko ng pamamahalaan sa ibang mga larangan: sampu-sampung mag-aaral sa elementarya para sa isang libro, 100 mag-aaral sa isang klasrum, kakakurampot na kalsada mula bukid tungo sa palengke, kakakurampot na supply ng bigas sa nagugutom na mamamayan, at kakakurampot na trabaho sa milyon-milyong nangangailangan nito.

Tinanggal ng sunod-sunuran sa global na neoliberalismo ni Arroyo ang anumang safety net sa mamamayan. Bahala na kayo, ika niya bilang pagsasawalang-bahala sa pangangailangang pondohan ang serbisyo publiko, lalo na sa panahon ng krisis sa pagkain, langis, recession ng US at iba pa. Charity work ang turing sa publiko serbisyo—sa panahon lang ng krisis maiisip na kailangan di lamang ng pondo kundi ng pambansang fokus sa rekisitong food security sa isang umuunlad na bansa, na kailangan ng wage increase para mademokratisa ang bilang ng mamamayang makakapamili ng pangangailangang mabuhay nang disente, na kailangang pagtuunan ng atensyon ang budget sa edukasyon nang makaakibat sa pangangailangan sa lokal at global na market, kahit pa ang huling dalawa ay wala namang atensyon na ibinibigay si Arroyo.

Ang pangarap ng mga syentista, pilosopo, intelektwal at artista noong Edad ng Enlightenment sa Europe ay isuka ang kamangmangan na dulot ng Medieval na simbahang Katoliko, at magtaguyod ng bagong kaalaman batay sa syensya at artistikong katagumpayan. Edukasyon ang pangunahing behikulo para makamit ang enlightenment—na sa pamamagitan ng kaalaman at pagiging kritikal dito, matatagpuan ng indibidwal at humanidad ang iba pang larangan ng buhay na hindi pa niya natutunghayan.

Paano mangyayari ang ganito sa bansa kung ang dilim ay pinanatili bilang paratihan nandiyan at nandoroon? Na ang liwanag ay isang komoditi na kundi man ipinapamahagi lang nang manaka-naka ng gobyerno ay iniaasa sa pribadong negosyo para pamunuan ang mga ito—Bantay Bata at La Mesa reservoir ng ABS-CBN, Children’s Hour ng Ayala Foundation, Gawad Kalinga, at maging ang mga ilaw sa billboards at bus stops para magkaroon ng liwanag sa mga nag-aantay ng sakay na mamamayan, o pag-aantay ng sasakyan sa liwanag na dulot ng fastfood at mall na neon?

Na sa pananatili ng dilim ay nananatili rin ang sistematikong pandarambong sa mamamayan—pagpapatuloy ng illegal logging at pagyurak sa kalikasan, tulad ng condos ng dayuhang negosyo sa bundok at gubat ng Subic, pangungurakot sa limitadong pondo ng bayan, pagbanggit sa “executive privilege” bilang makapangyarihang shield sa pagtuklas sa katotohanan, pananatiling confidential ng mga kasangkot sa swine scandal, at iba pa. At ito pa lamang ang natuklasan, paano pa kaya ang hindi na natukoy sa dilim?

Madilim ang kalsada sa Manila dahil nasa interes ito ng may hawak ng kapangyarihan. Sila ang nagtatago sa dilim nang sa gayon ay maipagpatuloy ang sistematikong pangungurakot at pandarambong sa kaban ng bayan. At kung manaka-nakang mailawan ang kalsada, ang mga lumpen ay binibigyan ng pagkakataong nakawin ang ilang mahahalagang kableng maibebenta.

Ayon nga sa isang opisyal ng baranggay, “Mayroon kasing ibang mga tao na walang pakialam sa kapwa at ang tanging nasa isip ay iyong makinabang sila sa pamamagitan ng pagnanakaw." Sino kaya ang tinutukoy ng opisyal—ang lumpeng magnanakaw o ang mga opisyal ng gobyerno?

Sa kadiliman binabagsak ang katawan ng sinalvage, at nakakatakas ang mga tinotortyur. Sa kadiliman, nangongotong ang nag-o-overtime na pulis, inilalabas ang mga trosong iligal na pinutol sa kabundukan, o ang smuggle na kargamento mula sa pier. Pinapangarap nilang sana ay 24 oras ang kadiliman. Pero sa kadiliman din, nagpupulong ang mga aktibista, nagtatasa at nagplaplano para makapagbigay liwanag sa sarili at iba pang nangangailangan nito.

Naka-display ang higanteng mukha ni Arroyo at ang MMDA (Metro Manila Development Authority) Chair Bayani Fernando sa mga tarpaulin na nakasabit sa mga mahahalagang kalsadang nailawan o “napaganda,” bilang benefactor ng serbisyo publiko. “Brought to you by the President” o “Gwapo,” na sa isang banda ay nagbibigay-ngalan sa politikong nais pang magpabanggit sa isang gawaing itinakda naman ng kanilang inasam na posisyon. At sa kabilang banda rin naman, nagbibigay-mukha, hindi pa sa kaguwapuhan o kagandahan ng kalsada kundi sa figurang malamang ay may nakurakot sa proyekto, pati ang proyekto ng pag-iilaw.

No comments: