Sunday, April 06, 2008

Second-Generation Mall ng Trinoma, KPK Column, 6-12 Abril 2008






imahen mula sa cocomidel.wordpress.com/.../
www.realliving.com.ph/blog/?m=200709

www.flickr.com/.../discuss/72157601895429747/
www.philippinerevolution.net/cgi-bin/ab/text....


Second-Generation Mall ng Trinoma

Hinuhudyat ng Trinoma Mall ang ikalawang henerasyon ng malls sa bansa. Mula sa kahong walang sentro, tumungo na ang pag-unlad sa mas maligoy na kurbang may sentro. At ang sentrong atrium--na natatanaw mula sa lahat ng palapag ng mall--ay paratihang busy sa mga shopping-related na aktibidad: mula sa paghahanap ng pagkakakitaan sa job fairs, at business at franchise expos; tungo sa pagkakagastahang showcase ng appliances at gadgets na mabibiling 12 gives, 0% interest; at hanggang sa mga palabas na sponsored ng damit o CD store na hindi nakakagulat na may outlet din sa mall, maging ng mall tour ng mga artista para sa bagong sine at produktong ineendorso.

Kumpara sa malls ng SM at Robinson na inspired ng kahon ng sapatos—na siya namang unang negosyo ni Henry Sy (pagtitinda ng sapatos, hindi ng kahon ng sapatos), ang pinakamasigasig na nagpalawak ng kulturang mall—ang malls ng Ayala, tulad ng Glorietta at ang pinakabagong mall nila, ang Trinoma ay clover ang disenyo: magkakasalikop ang curvilinear na seksyon na nagtatagpo sa gitnang atrium. Ang Trinoma Mall ang pinakabagong high-end mall di lamang sa Metro Manila kundi na rin sa bansa. Ito ay dinevelop ng Ayala Corporation—na tulad ng kasaysayan ng gamit ng malalaking real estate sa Metro Manila, nanggaling sa pagligwak ng squatters’ community at ang kabuhayan nila sa dating “Divisoria sa EDSA”—at nakabatay ang disenyo sa prototipo ng Glorietta Mall at Greenbelt Mall, mga high-end mall sa Makati. Na ang kasaysayan ng mall development sa bansa ay kasaysayan ng karahasan at demolisyon sa hanay ng maralitang tagalunsod.

“Bulaklak” ang disenyo ng Trinoma Mall, parang baroque architecture o urban planning, curvilinear (kumpara sa mas efisienteng grid ng SM at Robinsons) ang disensyo ng interiors, ang maliliit na aisle ay lalantad sa mas malalaking aisles, at ang lahat ng aisles ay papasok sa sentro, ang atrium na parang town plaza ang gamit—dito nagpapalabas, at nagaganap ang trade exhibitions at job fairs. Ito rin ang lohika ng disenyo ng Quezon City bilang kaisa-isang planadong syudad na ang georapikong sentro ay ang Quezon Memorial Circle.

Kumbinasyon din ang Trinoma Mall ng Greenbelt at Libis dahil ginagamit ang al fresco dining at promenading space. May pocket na outdoor na parke sa tuktok ng mall na terraced na bumababa sa iba pang palapag. Mayroon ding cascading na tubig at fountain areas sa bawat palapag nitong erya ng parke. Sa bamboo grove at modernong pond area sa pinakaitaas na bukas na palapag, may hamog (fog/mist) na lumalabas sa portals para i-simulate ang Baguio o Tagaytay-country feel.

Kaya mas nakakahilong mag-malling sa Glorietta at Trinoma dahil nakakaligtaan kung saan kang seksyong nanggaling at tutungo. Ang SM, maliban sa pinakabago at pinakamalaking Mall of Asia, at sa ilang pagkakahalintulad, ang Robinson malls ay padiretso lang ang direksyon ng magkabaligtad na paroon at paritong mga maller. Para ka ngang nasa loob ng kahon ng sapatos dahil sinadyang lumikha ng pagkalito sa distinksyon ng loob at labas—at ang pribilisasyon ng nasa loob bilang mas ligtas, malinis, kaiga-igayang lunan na lumilipas lang ang natural na panahon—na makakapagtiyak ng pagkawala ng oras, pagbagsak sa mas kaasam-asam na mundo at karanasan sa shopping.

Sa Trinoma Mall, magkakaiba ang sakop ng lebel. Nakakalito ang magkahiwalay na mga parking seksyon, ng pasukan at labasan ng tao. Kailangan ng mental compass para mawari ang direksyon ng EDSA at North Avenue. Sa anumang bagong bukas na mall, paratihang may pagkalito at simulang disaster na nangyayari (pagbagsak ng kisame sa fastfood section, pagbaha ng tubig ulan sa drug store sa basement). Hindi pa siempre kabilang dito ang kasalukuyang konfigurasyon ng kapangyarihang pang-estado, ng terorismo at konsumpsyon: ang pagbomba sa Glorietta 4. Nawawala pa nga dahil hindi pa namapa ng senses ang bagong espasyo, lalo na ang bagong karanasan sa second-generation mall. Pero sa katagalan, sa familiarisasyon at ritualisasyon (regular malling) sa lugar, mawawari na ang direksyon at espasyo.

Ang mismong pangalan ng mall ay isang reimbensyon—“Triangle North of Manila.” Wala naman sa mapa ang pangalan nito, kundi kinuha lang ng public relations para ibenta ang bagong produkto. Bago nga ang disenyo, at para sa akin bukod sa curvilinear na daloy ng shops at flows, ang pinakamatingkad na bago ay ang pagbubura ng distinksyon ng loob at labas. Parke ang pangunahing nadagdag sa second-generation malls, tulad sa naunang Gateway Mall ng mga Areneta sa Cubao. May parke—bamboo groves, cascading na tubig, fountains at pathway bridges, puno sa higanteng paso--sa rooftop na dumadaloy hanggang sa ground floor ang fountain. Maliban sa fake na puno ng niyog at fountains sa Glorietta, walang natural na kalikasan sa naunang mall na ito.

Sinilyado ng Trinoma Mall ang labas (kalikasan) bilang bahagi ng mall na loob nito. Nang sa gayon, mula sa mga lagusan ng kalikasan, matatanaw na tila napakalayo at kakaibang bahagi ng syudad maging ng naunang SM City. Na tulad ng “Go west!” na motibasyon para kolonisahin ng mamamayan ng Eastern States ang Midwest patungong California sa US, tila sinasambit din ito sa posisyong ang Trinoma ang bagong “city on the hill” na tumatanaw sa luma at bagong masasakop na lunan.

Na ang karatig lugar na dapat sanang sibikong sentral sa disenyo ng Quezon City bilang planned civic center ng bansa ay mas paborableng maookupa ng negosyo kaysa serbisyo publiko. “Go west” din ang pakiwari kapag nasa Mall of Asia, lalo na kapag nakatanaw sa Manila Bay, na ang idealismo ng modernidad, tulad ng namamasyal sa karwaheng si Ibarra sa lumang Maynila, ay nakatingin sa Kanluran at ibayong-dagat para sa higit pang global na kosmopolitanismo.

Ang ikalawang inobasyon ng mall ay ang integrasyon ng mga sistema ng transportasyon sa looban nito: MRT, FX, jeep, bus at pribadong sasakyan. Ginagawang hindi mulat na maller ang pedestrian. Dati ay mulat na indibidwal na subersyon itong aktibidad ng mga gustong magpalamig at magpalipat ng gusali tungo sa sakayan. Ngayon ay lahat ay nagiging pedestrian maller, ke gusto o hindi ng indibidwal dahil lahat ay kailangang dumaan sa tagiliran at loob ng Trinoma Mall para makalipat ng sakayan. Hindi ba magical ito, na sapilitan ay hine-hail na ang indibidwal na maging maller kahit hindi naman niya talaga gusto dahil wala naman siyang ibang lugar na paglalakaran maliban sa tagilaran at loob ng mall? Na pati ang subersyon ay ginawa nang konsumpsyon ng espasyo, tulad din kung paano inuugnay para sa pedestrian ang Gateway Mall at Farmer’s Plaza ng MRTs sa EDSA at Aurora?

Kume-cater ang Trinoma Mall sa eastern at northern Metro Manila, pati na rin sa karatig-probinsya ng Bulacan at Pampanga. Sa Trinoma Mall, nabuo na ng Ayala ang nexus ng high-end shopping sa Metro Manila: ang kanilang base sa Makati, ang niche-submarkets sa The Fort: Global City, at ngayon na nga ito. “Trinoma” dahil isinasaad ang pagkabuo ng heograpikal na nexus, tulad ng sinasaad ng mismong “Triangle” na pinapagitnaan ng Luzon, Visayas at Mindanao Avenues; at maging ng North, East at West Avenues. Ito ang bagong sentro ng naunang imahirnaryo ng ugnayan ng mga mayor na grupo ng isla, maging ng gitna ng compass ng lokasyon.

Ang second-generation mall sa Trinoma ang bagong “ground zero” ng mall development sa bansa, na mas may kaugnayan pa sa mga bagong mall sa Singapore na huma-harness sa ambience ng pisikal na lokasyon (tabing-dagat, paanan ng bundok, at iba pa). Ang kritisismo sa mall sa Pilipinas ay pare-pareho naman ang disenyo, pare-pareho rin ang laman. Na maliban sa isa o dalawang shops na galing sa rehiyon ng mall ay wala namang lokal na pagkakaiba ang SM Iloilo sa SM Cagayan de Oro, maging ng Glorietta sa Makati at Cebu.

Ang ginagawa ng Trinoma Mall ay kumilala sa pangkalahatang limitasyon ng malls: maximisasyon ng MRT at lokasyon sa bukana ng northern Metro Manila, kawalan ng luntiang espasyo sa syudad (dahil na rin sa okupasyon ng mga mall sa malalaking lupa), at pati na rin ng daluyan ng tubig. Idinagdag ito pati ang façade sa harap ng West Avenue na may light show, ang bloke ng pader ay nagbabago ng ilaw, tulad sa isang mall sa Orchard Road sa Singapore. Natural at teknolohikal ang inobasyon ng Trinoma Mall na sa pangunahin ay sinisikap ng Mall of Asia na tumbukin din.

Tila sa pagtatayo ng Trinoma Mall, nabuo ang konfigurasyon ay nabuo na: ng sentro at laylayan, ng kaisahan at diversity ng lunan at pook, at ng kaakibat na infrastruktura na mag-uugnay sa lahat ng mga ito. Pribado negosyong pangarap at inisyatiba ang Trinoma Mall, kasama ng pag-uugnay ng C-5 na magdurugtong sa North at South Expressways, ang North EDSA bilang dugtungan ng naunang MRT sa annex na yugto nito patungo sa Monumento, at ang pinakabagong itatayong mass transportation system, ang magdurugtong sa SM Fairview at SM North. Kung gayon, malaking bahagi ng jigsaw puzzle ng intermittent at protracted na pambansang pag-unlad ang napunan ng kabuuan piyesa ng Trinoma Mall.

Ang naging papel ng gobyerno ay administrasyon na lamang ng paper work. Nagpaubaya na ang gobyerno sa pagsandal sa malalaking negosyo para paunlarin ang mahalagang portal na ito sa Metro Manila. Na hindi na lang sa Makati nagsisiksikan ang high-end malls at shopping, ito ay napalawak na maging sa dating talahibang lugar ng North Triangle area. At ang pangarap na ito ay pangarap na nais maisakatuparan para sa pagpapaunlad ng buong bansa.

Ang second-generation na mall ay nagsakatuparan na gawing theme park ang estado ng kontemporaryong buhay: thrill ride (literal sa escalators at elevators, at figuratibo sa pag-akyat sa pinakamamahal na shops at engrandeng pribadong parke), walang admission fee pero may gastos ang bawat kilos, malayang labas-masukan ng boluntaryo at sapilitang mallers. Wala ring protesta at kilusang masa sa mall. Inaakalang killjoy naman ito sa joy ride ng malling. Na ang mall ay walang kasaysayan (wala nang nakakaalala kung ano ang lugar dati bago itinayo ang bago), at ang heograpiya nito ay walang kinalaman sa literal na heograpiya ng pook.

Sa lohika ng administrasyon Arroyo, ang second-generation na neoliberalismo ang ipinapatupad: pag-uubos ng maaring ibentang assets ng pamahalaan, at maging ang territorial rights nga ay kasama na rito; ekonomikong pag-unlad sa iilan; malawakan at guilt-free corruption bilang normal na kalakaran ng estado; repormang agraryong walang gulugod; call center bilang kanyang industrialisasyon; at serbisyo publiko bilang charity work. Na ang ipinapasok na end-game ni Arroyo ay ang mindset ng mallers sa second-generation malls: purong joyride at bawal ang killjoy (matalo ay pikon).

Kaya ito ay hamog lamang, tulad ng lumalabas sa portals sa daluyan ng tubig sa bamboo grove sa pinakaitaas na labas na bahagi ng Trinoma Mall. Tila kamangha-mangha na nadoon ang tubig sa lupa, hindi siya bumabagsak tulad ng ulan, kundi ay lumulutang-lutang sa era ng lupa. Hanggang sa ito ay maglaho, at muling palitan ng bagong ihip na simoy ng tubig sa makina. Nandoon at wala.

No comments: