Wednesday, October 03, 2007

Sa aking mga guro (sa pagdiriwang ng World Teachers' Day, 5 Oktubre 2007)

Sa aking mga guro

Sa Oktubre 5 ay taunang ipinagdiriwang ang World Teacher’s Day. Bigla kong nagunita ang sarili kong mga naging guro.

Noong Grade I ako, malaki ang kumpiyansa ng aking guro. Pinasali ako sa Best in Penmanship Contest, Spelling Bee, at pati Filipiniana na sayaw sa Christmas Night ng eskuwelahan. Noong Grade II ako, parati naman akong nagpapanggap na masakit ang tiyan o ulo, di makalakad, para lamang hindi pumasok at makita ang aking guro. Takot na takot ako sa guro na mas gugustuhin ko pang magkasakit kaysa pumasok at matunghayan siya sa Homeroom. Malaon ko na lang na naisip na hindi naman dahil ayaw niyang magturo pero dahil marami rin itong prinoproblema. Hindi masabi sa mga batang mag-aaral gayong hindi minsan na nakita ko itong umiiyak kapag tanghali na akala ay nag-iisa lang ito sa kwarto.

Ang Math teacher ko noong Grade III, pinagkakakitaan kami. Nagbebenta ito ng coconut-peanut na kendi, at may plus points ang mga bibili batay sa dami. Dahil pwedeng kumain sa loob ng klase, na pangkaraniwan ay ipinagbabawal, bumibili kami at tila hindi naman nauumay sa lasa. Grade Seven naman ako nang ma-attach sa aming klase ang aming guro. Ni-request pa niya sa aming principal na kami pa rin ang kanyang klase sa susunod na taon. Dito ko unang nakita ang giliw ng pagtuturo: kung paano higit pa sa profesyonal na relasyon ang guro at mag-aaral sa bansa.

Si Rosario Lucero ang aking guro sa English. Mukhang probinsyana kung manamit ito, pero mabusisi sa pagwasto ng papel. Madalas, mas marami ang kanyang pulang marka sa mga sinulat ng estudyante. Naging guro ko rin ang manunulat na si Alfredo Navarro Salanga. Graded recitation araw-araw, at apat na peryodikong papel ang requirements nito. Si Joi Barrios na kaedad ko ay nagtuturo na rin ng mga panahong ito. Naging guro ko sa panitikan. Magaan ang klase nito, maraming interaksyon dahil aspiring theater actress ang kanyang drama noon.

Sa masteral, naging guro ko muli sa Lucero. Si Isagani Cruz naman ang nagpatunghay sa akin ng mga teorya sa panitikan, na talaga namang nilalamlam naming mag-aaral na uhaw sa kaalamang tulad nito. Si Bienvenido Lumbera ay parating compose, tila binabasa mo kapag naglelektura.

Guro na rin ako, at magandang isipin na naiisip din ng mga naging estudyante ko. Hindi man ito madalas masabi, may nakapagsabi na rin naman. At kung malakas ang loob mo, i-search mo ang pangalan mo sa mga blog. Lalabas ang ilang banggit at komentaryo sa iyo. Kailangan lang handa dahil siempre ay may maganda at may di kagandahang isinisiwalat.

Naging colleague ko na si Lucero, naging matalik na kaibigan sina Barrios at Lumbera. Nagretiro na si Cruz, matagal nang pumanaw si Salanga. Naging Pambansang Artista si Lumbera. Una sa lahat sa aming henerasyon si Barrios. Kay rami nang napanalunan si Lucero sa kanyang mga isinusulat na kwento, kay layo sa pagiging guro sa pagsusulat.

Naging guro naman ako ni Elyrah Salanga, anak ng dati kong guro. Kasama ko na ring guro ang kasabayan kong manunulat, sina Joey Baquiran, Vim Nadera at Luna Sicat. Mataas ang pamantayan ng kagalingan na itinakda ng aking mga naging at kasabayang guro. Marami pa akong naging guro na hindi ko formal na nakahalubilo sa klase ay kay rami ko ring natutunan aral-buhay: si Judy Taguiwalo, kung paano maging guro ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas; sina Bomen Guillermo at Tonchi Tinio, kung paano maging aktibistang guro at organisador; si Sarah Raymundo, kung paano pagsabayin ang malumay at maanghang sa klase; sina Omeng Rodriquez at Roselle Pineda, kung paano magtanghal sa klase, ang mga kagyat kong naiisip.

Kasama ng pinakamaraming bilang ng empleyado sa pamahalaan, binabati ko ang aking mga kaguro at manggagawa sa edukasyon, maligayang kaarawan sa ating lahat! Ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa anim na porysento ng GDP bilang budget sa edukasyon! Karagdagang P125 at P3,000 across-the-board na taas sa sweldo sa kawani ng pribadong sektor at pamahalaan! Kapit-bisig para sa edukasyong tunay na naglilingkod sa sambayanan!

Meong Rosete's Children' Games and OCW Painting (2007)

Sipat-Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbasa, Pagturo at Pag-aaral ng Panitikan (book cover)

Search for the Bench Underwear Models (Pasintabi column)

Search for the Bench Underwear Models

Ang katawan ang simptomas at reseptakel ng orihinalidad at reprodyusabilidad sa kulturang popular. Kapag sinabing “search,” may hinahanap na inaasahang makatagpo at bigyan-rekognisyon. Ibig sabihin, bago sumali, hindi kinikilala, walang personalidad, di entidad, walang pagkatao. Ang tatak na Bench ang awtor ng paghahanap, ito lamang ang proper—angkop, lehitimo, may kapangyarihang makapaghanap at makapagbigay-rekognisyon--na pangalan sa titulo.

Ang Bench ang benefactor dahil ito ang mag-aangat sa pinaka-deserving na katawan para bigyan ng proper na rekognisyon, “Bench model.” “Underwear” na modelo ang hinahanap. Domestiko, itinatago, tinatakpan ng iba pang saplot, pribado, at sexually sterile ang underwear na sa pamamagitan ng awtorial na “Bench” ay nililikha bilang negosyo, trabaho, ibinubuyanyang, hyper-sexual at publiko. Paano matagumpay na nagawang negosyo ang bagay na itinatago lang naman?

Kailan pa darating ang manaka-nakang pagkakataon na kailangan mong maghubad at mapahiya kapag gulanit, may butas at mantsa, at bacon na ang garter ng underwear? Ang hinahanap ay modelo na kakatwa rin naman dahil hindi ito ang pagdakila sa modelo-bilang-moral na nakakaangat at sa kanyang pagkabayani, kundi literal ngunit kopya ng idinadakilang pisikalidad—kabataan; matikas na pangangatawan, may abs at pecs kung lalake; balingkinitan at mahihin kumilos kung babae.

Kung ang naunang modelo ay kailangang magpakita ng kanyang pagkabayani, ang kasalukuyang ipinaghahanap na modelo ay kailangan nandoon lang kahit pa sinasabing may X-factor o di-kilala (unknown) na substansyal na faktor na isinasaad. Sa pamamagitan ng catch phrase na “X-factor,” binubura ang obhetismo, ginagawang mas patron ang Bench o ang representatibong pipili ng modelo nang mga modelo.

Ang itatanghal na modelo ay yaong pinakalapat sa ideal ng combo meal ng komersyal na sexualidad ng Bench, tulad ng kanilang underwear. Sa partikular, komersyal na heterosexualidad ang hinahanap dahil isang pares ng lalake at babae bilang target market ng Bench underwear kahit pa maaring magkaroon ng in-mixing o underwear shifting ang lalake at babae sa panlalake at pambabaeng underwear dahil mismo sa kalikasang katangian ng underwear—nakatago ito at hindi ibinubuyanyang, maliban sa pagkakataon tulad ng lingguhang search.

Ang matikas na hubad na katawan na lingguhang ipinaparada sa telebisyon, kinatulong pa ng print ads, giant billboards sa EDSA at iba pang pangunahing daan, at nang taunang fashion event na may proper name na namang “Bench underwear fashion show,” ay reproduksyon ng matagumpay na negosyo at ng gamit nito sa katawan—silang may kakayanang bumili ng damit kahit walang pangangatawang modelong makakapagsuot nito sa heterosexual na kapamaraan (ang pagtampok sa finasyal kasya sa corporeal na kapital) ay bumibili nang damit na itatago, o patuksong ihahayag sa low-waist jeans at baby t-shirts, higit sa lahat, para magkaroon ng indibidwal na lehitimasyon sa karanasan gitnang uri at ng pangako nito ng urbanidad at kosmopolitanismo.

Balikan na naman natin ang kumpesyonal sa simbahan at paghihinala sa terorismo, ang reafirmasyon ay tungo sa pagdisiplina ng katawan tungo sa debosyon sa gitnang uring panuntunan. Pribadong kaligayahan dulot ng pribadong pagtatangka ng indibidwal na makaagapay sa pinalawak na panuntunan ng gitnang uri—tunay na pribatisasyon ng pagnanasa.

Hinihikayat ng “Search for the Bench Underwear Model” ang pagtangkilik di lamang sa produkto, kundi sa inuusad na agendang tila orihinal at ang reproduksyon nito sa bawat modelong malalaglag na nagpapatingkad sa pagdamdana sa magiging modelo ng mga modelo o Model with a capital M gaya nang isinasaad ng titulo ng palabas.

Auto-referential ang palabas ng Bench dahil isinasaad nito kung paano ito, sa ngalan ng komersyo, lumilikha o nagmamanufaktura ng bagong pagpapakahulugan sa orihinalidad, at ang reprodyusabilidad nito sa pamamagitan nang panghihikayat na pagtangkilik sa hanay ng representatibong mamimili—ang unti-unting sinisibak na bilang ng kandidaturang modelo (balik sa pagiging anonymous, di famous, gaya nang isinasaad ng tagline ng model search)—na ang pamantayan nang gitnang uring kagalingan ay nakabatay hindi sa simpleng kaalaman sa brand kundi sa akto ng pagtangkilik.

Biswal at afektwal tayong pinapatangkilik ng palabas bilang rehersal sa aktwal na pagtangkilik sa produkto, kung hindi pa nga tayo nakaranas ng kumbersyon para paboran ang brand na ito na, tulad nang palabas, ibinubuyanyag ang pag-aari ng awtorial at proper na orihinaryo. Tayo na nagsusuot ng Bench na nakabandera sa makakakita ay inaako bilang katuwang na pag-aari ng Bench. Ang ating pag-aari ay ngayon, nag-aari na sa atin. Na kakatwa dahil ang pag-aari at nag-aari ay nakabatay sa sentralidad ng komersyal na heterosexualidad—ang mga ari, at sa partikular na kasong ito ng konsumeristang kapitalismo, ng may-ari.