Wednesday, October 03, 2007

Sa aking mga guro (sa pagdiriwang ng World Teachers' Day, 5 Oktubre 2007)

Sa aking mga guro

Sa Oktubre 5 ay taunang ipinagdiriwang ang World Teacher’s Day. Bigla kong nagunita ang sarili kong mga naging guro.

Noong Grade I ako, malaki ang kumpiyansa ng aking guro. Pinasali ako sa Best in Penmanship Contest, Spelling Bee, at pati Filipiniana na sayaw sa Christmas Night ng eskuwelahan. Noong Grade II ako, parati naman akong nagpapanggap na masakit ang tiyan o ulo, di makalakad, para lamang hindi pumasok at makita ang aking guro. Takot na takot ako sa guro na mas gugustuhin ko pang magkasakit kaysa pumasok at matunghayan siya sa Homeroom. Malaon ko na lang na naisip na hindi naman dahil ayaw niyang magturo pero dahil marami rin itong prinoproblema. Hindi masabi sa mga batang mag-aaral gayong hindi minsan na nakita ko itong umiiyak kapag tanghali na akala ay nag-iisa lang ito sa kwarto.

Ang Math teacher ko noong Grade III, pinagkakakitaan kami. Nagbebenta ito ng coconut-peanut na kendi, at may plus points ang mga bibili batay sa dami. Dahil pwedeng kumain sa loob ng klase, na pangkaraniwan ay ipinagbabawal, bumibili kami at tila hindi naman nauumay sa lasa. Grade Seven naman ako nang ma-attach sa aming klase ang aming guro. Ni-request pa niya sa aming principal na kami pa rin ang kanyang klase sa susunod na taon. Dito ko unang nakita ang giliw ng pagtuturo: kung paano higit pa sa profesyonal na relasyon ang guro at mag-aaral sa bansa.

Si Rosario Lucero ang aking guro sa English. Mukhang probinsyana kung manamit ito, pero mabusisi sa pagwasto ng papel. Madalas, mas marami ang kanyang pulang marka sa mga sinulat ng estudyante. Naging guro ko rin ang manunulat na si Alfredo Navarro Salanga. Graded recitation araw-araw, at apat na peryodikong papel ang requirements nito. Si Joi Barrios na kaedad ko ay nagtuturo na rin ng mga panahong ito. Naging guro ko sa panitikan. Magaan ang klase nito, maraming interaksyon dahil aspiring theater actress ang kanyang drama noon.

Sa masteral, naging guro ko muli sa Lucero. Si Isagani Cruz naman ang nagpatunghay sa akin ng mga teorya sa panitikan, na talaga namang nilalamlam naming mag-aaral na uhaw sa kaalamang tulad nito. Si Bienvenido Lumbera ay parating compose, tila binabasa mo kapag naglelektura.

Guro na rin ako, at magandang isipin na naiisip din ng mga naging estudyante ko. Hindi man ito madalas masabi, may nakapagsabi na rin naman. At kung malakas ang loob mo, i-search mo ang pangalan mo sa mga blog. Lalabas ang ilang banggit at komentaryo sa iyo. Kailangan lang handa dahil siempre ay may maganda at may di kagandahang isinisiwalat.

Naging colleague ko na si Lucero, naging matalik na kaibigan sina Barrios at Lumbera. Nagretiro na si Cruz, matagal nang pumanaw si Salanga. Naging Pambansang Artista si Lumbera. Una sa lahat sa aming henerasyon si Barrios. Kay rami nang napanalunan si Lucero sa kanyang mga isinusulat na kwento, kay layo sa pagiging guro sa pagsusulat.

Naging guro naman ako ni Elyrah Salanga, anak ng dati kong guro. Kasama ko na ring guro ang kasabayan kong manunulat, sina Joey Baquiran, Vim Nadera at Luna Sicat. Mataas ang pamantayan ng kagalingan na itinakda ng aking mga naging at kasabayang guro. Marami pa akong naging guro na hindi ko formal na nakahalubilo sa klase ay kay rami ko ring natutunan aral-buhay: si Judy Taguiwalo, kung paano maging guro ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas; sina Bomen Guillermo at Tonchi Tinio, kung paano maging aktibistang guro at organisador; si Sarah Raymundo, kung paano pagsabayin ang malumay at maanghang sa klase; sina Omeng Rodriquez at Roselle Pineda, kung paano magtanghal sa klase, ang mga kagyat kong naiisip.

Kasama ng pinakamaraming bilang ng empleyado sa pamahalaan, binabati ko ang aking mga kaguro at manggagawa sa edukasyon, maligayang kaarawan sa ating lahat! Ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa anim na porysento ng GDP bilang budget sa edukasyon! Karagdagang P125 at P3,000 across-the-board na taas sa sweldo sa kawani ng pribadong sektor at pamahalaan! Kapit-bisig para sa edukasyong tunay na naglilingkod sa sambayanan!

3 comments:

Anonymous said...

pagbati sa inyo sir roland. habang binabasa ko ang column niyo na ito sa Pinoy Weekly, naisip ko na kung susulat ako sa parehong paksa, isa ka sa mga natatanging gurong mababanggit ko. pagpupupgay sa iyo at sa iba pang mga guro na patuloy sa pagmumulat sa mga estudyante ng kung ano nga ba ang tunay sa esensiya ng edukasyon at na ang kaalaman ay hindi katumbas ng pera, kundi ng kakayahan upang makapagpabago at makapagpaunlad ng lipunan. muli, maraming salamat po.

Anonymous said...

Hi, Roland. Becca Chato here. Was reaserching in the internet and saw your name. Intrigue ako what you've been up to... so I visited your blog spot. Malalim at prolific pa rin. Mabuti ka pa... Iba talaga ang guro.

Anonymous said...

An daya pala. Mapupublish lang ang comment pag aprub mo, ha, ha, ha. So di pwedeng malapastangan ang blog author. Magpakape ka naman. Just search my name, may lalabas din naman para ma-trace mo where to call me for a cup of coffee. 3-n-1 ok na. But black coffee na lang po without sugar and cream. Becca Chato