Search for the Bench Underwear Models
Ang katawan ang simptomas at reseptakel ng orihinalidad at reprodyusabilidad sa kulturang popular. Kapag sinabing “search,” may hinahanap na inaasahang makatagpo at bigyan-rekognisyon. Ibig sabihin, bago sumali, hindi kinikilala, walang personalidad, di entidad, walang pagkatao. Ang tatak na Bench ang awtor ng paghahanap, ito lamang ang proper—angkop, lehitimo, may kapangyarihang makapaghanap at makapagbigay-rekognisyon--na pangalan sa titulo.
Ang Bench ang benefactor dahil ito ang mag-aangat sa pinaka-deserving na katawan para bigyan ng proper na rekognisyon, “Bench model.” “Underwear” na modelo ang hinahanap. Domestiko, itinatago, tinatakpan ng iba pang saplot, pribado, at sexually sterile ang underwear na sa pamamagitan ng awtorial na “Bench” ay nililikha bilang negosyo, trabaho, ibinubuyanyang, hyper-sexual at publiko. Paano matagumpay na nagawang negosyo ang bagay na itinatago lang naman?
Kailan pa darating ang manaka-nakang pagkakataon na kailangan mong maghubad at mapahiya kapag gulanit, may butas at mantsa, at bacon na ang garter ng underwear? Ang hinahanap ay modelo na kakatwa rin naman dahil hindi ito ang pagdakila sa modelo-bilang-moral na nakakaangat at sa kanyang pagkabayani, kundi literal ngunit kopya ng idinadakilang pisikalidad—kabataan; matikas na pangangatawan, may abs at pecs kung lalake; balingkinitan at mahihin kumilos kung babae.
Kung ang naunang modelo ay kailangang magpakita ng kanyang pagkabayani, ang kasalukuyang ipinaghahanap na modelo ay kailangan nandoon lang kahit pa sinasabing may X-factor o di-kilala (unknown) na substansyal na faktor na isinasaad. Sa pamamagitan ng catch phrase na “X-factor,” binubura ang obhetismo, ginagawang mas patron ang Bench o ang representatibong pipili ng modelo nang mga modelo.
Ang itatanghal na modelo ay yaong pinakalapat sa ideal ng combo meal ng komersyal na sexualidad ng Bench, tulad ng kanilang underwear. Sa partikular, komersyal na heterosexualidad ang hinahanap dahil isang pares ng lalake at babae bilang target market ng Bench underwear kahit pa maaring magkaroon ng in-mixing o underwear shifting ang lalake at babae sa panlalake at pambabaeng underwear dahil mismo sa kalikasang katangian ng underwear—nakatago ito at hindi ibinubuyanyang, maliban sa pagkakataon tulad ng lingguhang search.
Ang matikas na hubad na katawan na lingguhang ipinaparada sa telebisyon, kinatulong pa ng print ads, giant billboards sa EDSA at iba pang pangunahing daan, at nang taunang fashion event na may proper name na namang “Bench underwear fashion show,” ay reproduksyon ng matagumpay na negosyo at ng gamit nito sa katawan—silang may kakayanang bumili ng damit kahit walang pangangatawang modelong makakapagsuot nito sa heterosexual na kapamaraan (ang pagtampok sa finasyal kasya sa corporeal na kapital) ay bumibili nang damit na itatago, o patuksong ihahayag sa low-waist jeans at baby t-shirts, higit sa lahat, para magkaroon ng indibidwal na lehitimasyon sa karanasan gitnang uri at ng pangako nito ng urbanidad at kosmopolitanismo.
Balikan na naman natin ang kumpesyonal sa simbahan at paghihinala sa terorismo, ang reafirmasyon ay tungo sa pagdisiplina ng katawan tungo sa debosyon sa gitnang uring panuntunan. Pribadong kaligayahan dulot ng pribadong pagtatangka ng indibidwal na makaagapay sa pinalawak na panuntunan ng gitnang uri—tunay na pribatisasyon ng pagnanasa.
Hinihikayat ng “Search for the Bench Underwear Model” ang pagtangkilik di lamang sa produkto, kundi sa inuusad na agendang tila orihinal at ang reproduksyon nito sa bawat modelong malalaglag na nagpapatingkad sa pagdamdana sa magiging modelo ng mga modelo o Model with a capital M gaya nang isinasaad ng titulo ng palabas.
Auto-referential ang palabas ng Bench dahil isinasaad nito kung paano ito, sa ngalan ng komersyo, lumilikha o nagmamanufaktura ng bagong pagpapakahulugan sa orihinalidad, at ang reprodyusabilidad nito sa pamamagitan nang panghihikayat na pagtangkilik sa hanay ng representatibong mamimili—ang unti-unting sinisibak na bilang ng kandidaturang modelo (balik sa pagiging anonymous, di famous, gaya nang isinasaad ng tagline ng model search)—na ang pamantayan nang gitnang uring kagalingan ay nakabatay hindi sa simpleng kaalaman sa brand kundi sa akto ng pagtangkilik.
Biswal at afektwal tayong pinapatangkilik ng palabas bilang rehersal sa aktwal na pagtangkilik sa produkto, kung hindi pa nga tayo nakaranas ng kumbersyon para paboran ang brand na ito na, tulad nang palabas, ibinubuyanyag ang pag-aari ng awtorial at proper na orihinaryo. Tayo na nagsusuot ng Bench na nakabandera sa makakakita ay inaako bilang katuwang na pag-aari ng Bench. Ang ating pag-aari ay ngayon, nag-aari na sa atin. Na kakatwa dahil ang pag-aari at nag-aari ay nakabatay sa sentralidad ng komersyal na heterosexualidad—ang mga ari, at sa partikular na kasong ito ng konsumeristang kapitalismo, ng may-ari.
1 comment:
tama,tatak nga lamang ang basehan ng marami po sa atin.ngunit hindi nla pansin ang tunay at nais na iparating.parang sa lipunan yaman ang basehan.....
Post a Comment