Tuesday, April 22, 2008

Kung may katwiran, i-blog mo, KPK Column, Apr 20-26, 2008





imahen mula sa http://www.chikatime.com/
www.mtvasia.com/News/200601/24013079.html
www.pnp.gov.ph/press/press/content/photo.html


Kung may katwiran, i-blog mo

Mainit na usapan sa mga may akses sa internet ang pagligwak ng isang HIV+ na Australyanong ipinagsisigawan sa blog na ginoyo siya ng kanyang Filipino lover. Two-timing ang at tinakasan ng $70,000 ng Filipino na miyembro ng pangkalahatang alta-sosyedad ng bansa, at sa partikular, ng “Gucci Gang” o ang elitistang lupon ng twentysomething na mayayamang nagpariwara sa walang patumangging shopping ng brand names at pagsinghot ng cocaine.

Matapos ay lumabas din ang chikatime blog, na ang modelo ay ang adaptasyon ng US na teen-drama show, “Gossip Girl,” ukol sa moral na uniberso (isla ng Manhattan sa New York) ng mga nagpapariwara at nagbabagong-landas ng mga ultra-mayaman at wanna-be mayaman na kabataan ng exlusibong preparatory high school. Nililigwak sa blog ang mga kasapi ng Gucci Gang, pati na ang iba pang prominenteng gawi at personalidad ng alta-sosyedad ng bansa. Pinalawak ng chikatime blog ang puntirya at komentong anti-personalidad ng alta-sosyedad.

Ang blog ang revenge ng “underclass” ng elite class, o yaong historikal pero mas malamang, yaong panlipunang inapi ng at kinaiinggitang elite class. Maliban sa kaso ng Australyano na sinasaad sa kanyang blog ang direktang pang-aapi via sa pagiging lumpeniko ng kanyang elitistang lover, ang entries sa chikatime blog ay bumabatikos sa indirektang karanasan—ang disenfranchisement ng mga may-ari at kontributor sa blog. Na tila sinasambit ng entries ang wanna-be attitude na mapasama sa alta-sosyedad dahil sa moral at estetikang kalabisan nitong manipis ngunit makapangyarihang hanay.

Sinasaad sa kritisismo at pangliligwak sa kalabisan ng alta-sosyedad na kayang mapabuti ito ng mga tao at sexualidad na direktang nasa ibaba nila. At itong nasa ibaba ay may class fantasy na mapabilang via sa pangliligwak sa aktwal na figura ng alta-sosyedad. Virtual ang identidad sa internet na kinukuha ng mga nasa ibaba dahil sa pamamagitan ng kritikal na postura sa alta-sosyedad, sinasaad nilang mas angkop ang kanilang personalidad at hanay sa kasalukuyang bumubuo alta-sosyedad.

Ang internet, tulad ng call center, ay nagbigay-akses sa gitnang uring kultura ng mga wanna-be. Tulad ng “Malate gay,” hindi lamang umuukol ang katawagan sa mga maykayang bading na naglilipana sa high-end gay strip sa Manila kundi pati na rin ang wanna-be na Malate gay na nagnanais mapabilang sa lehitimong kategorya kahit pa wala namang ganap na resources para sa lehitimong claim. Kaakibat ng anumang kultura ng nakakataas na uri ang formasyon ng mababang bersyon—tunay na DVD at music CD sa pirated; Miss Saigon sa Broadway sa Miss Saigon sa Cultural Center of the Philippines, kagarapalan ni Arroyo sa kanyang kids sa Kongresso, Trinoma sa Star Mall at Isetan, at iba pa.

Ang kritisismo ng nasa ibaba—hindi ang uring nasa ibaba, tulad ng anakpawis, kundi ang walang kapital ngunit may pagnanasang mapabilang sa alta-sosyedad—ay sabayang displacement (ang agam-agam nila sa sariling abang predikamento at ang rekurso sa internet at kalabisan ng alta-sosyedad na kayang batikusin sa arenang ito) at projection (na sabayang kalabisan ng imoralidad—kasama ang fashion at aesthetic faux pas—ng alta-sosyedad at kung gayon, ang kaangkupan ng inobasyon at sariwang pananaw mula sa nais umakyat ng panlipunang hakbang).

Anomalya ang alta-sosyedad ng bansa, lalo na sa pyramid scheme ng estadong Filipino kung saan sampung porsyento lamang ang nagmamay-ari ng mayoryang yaman, at ang mayoryang mamamayan ay bumubuo ng mas malaking porsyento ng pagwawalang-ari. Sa partikularidad ng blog, ang demograpiya ng may akses dito—may kaunting finansyal na kapital na makapag-internet, at may intelektwal at sosyal na kapital na makalahok sa blogs sa ingles, at may kakilala ng kakilala na makakapagpatotoo sa kalabisan ng alta-sosyedad—ay binubuo ng tunay at wanna-be na alta-sosyedad.

Ang moral na uniberso ng diskurso ng kalabisan ng alta-sosyedad at fantasyang mapabilang, gayong may imperatibong mababago pa ito, ay nakaangkla sa pagkilala sa realidad ng malawak at malalim na hidwaan ng mayaman at mahirap sa bansa, at sa pagpanig sa mulat-laban-sa-imoral na alta-sosyedad. Samakatuwid, parang diskurso ng superhero ang piniling ilatag ng mga nasa ibaba: na may mabuting superhero at may masamang kalaban ito, pero pawang kabahagi ng iisang uri aktibo sa transformasyon ng pasibong nakararaming mortal.

Na imbis na pumanig sa sariling lakas ay nakakiling ang diskurso sa rekursong mababago kundi man magbabago (tulad ng pag-amin ng mga kinauukulan ng kanilang pagiging drug addict at mas mainam, ang nagiging familiar na “It was an error in judgment. I am sorry” mode ng mga ito). Sa minimum, ang fantasya ay magbabago ang kinauukulan o malilipol ang mga ito sa dust-bin ng kasaysayan ng alta-sosyedad. Sa maximum, ang fantasya ay mapabilang dahil sa uri ng enamored na pananaw hinggil sa nililigwak, na isang paraan din ng pagsaad na mapapabuti ng nasa kritikal na ibaba ang exsesibong nasa itaas.

Ang rekurso sa blogging para ilabas ang hinanaing at komentaryong pang-indibidwal at pang-uri ay may kasaysayan. Dati ay sulatan-portion para idulog ang malimit ay karumal-dumal na karanasan ng indibidwal para basahin at isadrama sa radio at sumunod sa telebisyon. Sa telebisyon, mas naging hayagang hinanaing panlipunan ang mga naunang palabas na balita: mula sa simulaing charity work sa mga palabas na “Kapwa Ko, Mahal Ko” at ni Rosa Rosal, hanggang sa susunod na henerasyon na public service news shows na “Isumbong kay Tulfo,” “Kung May Katwiran, Ipaglaban Mo,” at “Magandang Gabi, Bayan,” bilang ilang halimbawa.

Kalakaran sa mga palabas na ito ang pagdulog sa mga personalidad ng public service host sa telebisyon ng mga mamamayang may hinanaing: una’y sa pangangailangan ng medikal na atensyon at sumunod ay mula sa pagkabiktima sa krimen, kalsadang baku-bako, kawalan ng tubig, pati karumal-dumal na sityo ng imoralidad. Ang una ay tunay namang sala-set ang format ng isa-isang panayam at konsultasyon sa doktor ng mga nangangailangan ng medikal na atensyon. Na habang tinatanong kung ano ang bumabagabag sa maysakit ay sabay din ang panayam ng host sa spesyalista na parang case-in-point na lamang ang pasyenteng nakaupo sa tabi.

Ang ikalawa ay mas media-savvy dahil may reenactment portion, pagdulog ng host sa kinauukulang politiko at opisyal, pati surveillance camera at entrapment operation. Nasa kamay ng host ang kapangyarihang di lamang maging tagapag-ugnay ng inaapi sa kanyang katubusan, tagapagpadaloy ng hinanaing sa awtoridad, kundi maging ng pagiging patron ng inaapi.

Kaya hindi kataka-taka na naggradweyt mula rito ang mga naging pambansang opisyal sa bansa—mula kay Orly Mercado na host ng “Kapwa Ko Mahal Ko” naging kay Francis Pangilinan ng “Baranggay” at ang pinakamatagumpay, si Noli De Castro ng “Magandang Gabi, Bayan.” Nakakaangat si De Castro kaysa sa isa pang personalidad ng kanyang henerasyon, si Loren Legarda dahil pinili ng una ang public service format kaysa sa news magazine ng huli. Sa mas kasalukuyang pagkakataon, hindi na mga action king at junior action star ang namumutiktik na nahahalal sa Senado.

Ang kasalukuyang rekurso sa demokratikong panlipunang akses ay bumalik sa charity work para sa naghihikahos na uri. “Wish ko Lang,” na namumudmod ng indibidwal na atensyon sa nangangailangan, ang pinakamatingkad na halimbawa nito. At para sa may limitado hanggang angkop na finansyal at quasi-intelektwal (hindi naman kailangan ng degree sa kolehiyo, savviness lang) na akses, narito na nga ang blogging. Kapag may katwiran, i-blog mo!

At ito ang nagsisilbing worst nightmare ng cultural gatekeepers ng alta-sosyedad: na mapukol hindi lamang dahil sa nagkamali ng attire sa fashion gala event, kundi ang mapukol ng isa mula sa ibaba. Kasama rito ang vulnerabilidad ng isang HIV+ na foreigner sa pag-ibig, atensyon at pagnanasa ring mapasama sa pambansang alta-sosyedad.

Pwedeng magwala ang mga nasa laylayan. Kung ito ay masa, spontanyong mag-riot dahil sa kawalan ng bigas, at kitang makakaakibat sa tumataas na presyo ng batayang komoditi ng buhay. Na siya ring worst nightmare ni Gloria Arroyo: ang hindi matinag ng political correctness na People Power 4 na napipigil pa rin ang malawakang paglahok ng gitnang uri, kundi matinag ng nag-aalsang masa—ang alaala ng People Power 3 na nilusob ang Malacanang ng nahimok at binayarang mga lumpen at naghihikahos.

Pero madaling dispatsahin at lalong ietsapwera ang nagra-riot na mob. Walang natinag nang balahurain ang mga karapatang pantao ng mamamayang lumahok sa People Power 3. Spontanyo rin itong reaksyon nang mag-noise barrage laban sa pandaraya ni Marcos sa lokal na eleksyon at nilusob ng masang mob ang Kadiwa sa Espanya, ang bentahan ni Marcos ng murang bigas at iba pang batayang komoditi.

Naalarma si Marcos, at kailangan muling ipatupad ang alituntunin ng batas. Ang mga nakuhanan ng photojournalists na naglo-looting ay ipinatukoy at ipinaaresto ni Marcos. Ganito rin ang ginawa sa mga African American matapos ang mag-looting sa Los Angeles Riots—ang arestuhin ng National Guard ang mga lumabag sa indibidwal na karapatan sa ari-arian ng nakakaangat na mamamayan. Ang riots ay naganap matapos ang verdict na not guilty kay Rodney King, na kahit pa nakunan ng video ay ipinawalang-sala ng hukom ang nambugbog dito.

Spontanyo rin ang rioting laban sa pribadong ari-arian ng alta-sosyedad sa blog. Quiet riot pero riot pa rin, na sabayang nakakatawa at nakakadismaya. Na ang riot na ito ay ukol sa sabayang nakakatawa at nakakadismayang moral na kalabisan ng alta-sosyedad ay patunay sa twice-removed na kalidad ng riot sa blog: pinagtatawanan at pinagdidismayahan ng ibaba ang nakakatawa at nakakadismayang kalakaran ng itaas.

At walang (lubos na) magawa ang nais itaas. Kahit pa kumpiskahin ang computer ng Australyano, walang kasong maiharap laban sa kanya dahil mula sa Australia ito nagra-riot. Nasa virtual space na ang kanyang isinisigaw at wala pang makakapagpatanggal nito, maliban ang pribadong may-ari. Walang magawa ang winawafung sa chikatime blog dahil sa liberal na espasyo ng blogging ito nagaganap. Opinyon ito, na protektado ng right to speech or executive privilege, tulad ni Neri.

At ito ang panibagong extra-challenge sa aktibismo: paano hihimukin itong ibabang uri na may finansyal at intelektwal na kapital, kahit pa limitado, na isalabas (exteriorize) ang isyu mula sa pag-atake sa kalabisan na may caveat na “wish ko lang” na mapabilang din sa alta-sosyedad, at matransforma ang espasyo sa politikal na larangan? Ang kinahaharap ng aktibismo sa ibabang uri ay mababa; kaya nga ang piniling atakihin ay ang alta-sosyedad sa virtual na espasyo ng internet ay dahil may pag-aalinlangan sa fantasya ng pagtatanggal kay Arroyo. Kung gayon, paano pagra-riot-in at pagrerebolusyonin ang nakakaraming hanay ng mamamayan laban kay Arroyo sa edad na mas marami nang natutunghayang komplex na katangian ang mga hanay na bumubuo ng sektor, at mga sektor na bumubuo ng lipunan?

Kaya sa fantasya na lang na OK naman sila, may ilan lang bugok na itlog na nagpapasira at nagpapabaho sa kanila. O lilipas din ang skandalo. Pero ang skandalo ay natransforma na rin—sa pagpasok nitong riot blogs, nagkaroon ng fasinasyon sa alta-sosyedad bilang tao kaysa kay Arroyo bilang representatibo ng paratihang krisis sa estado: na ang krisis ay naging hiwalay sa representatibo, at ang representatibo ay hindi ang aktwal na kabuuang alta-sosyedad at estado.

Kung sa blogging, ang pagpukol ng unang bato ay susundan ng avalanche ng komento, sa politika ng lipunan, hindi nangangahulugan nang gayon. Maging ang avalanche ay kayang pigilan ng aktwal na kapanyarihan ng estado kapag piniling gawin ito. Pero nasa interes ng pamahalaan ni Arroyo na tahimik na kumilos para protektahan ang representatibong kliyente nito. Sa aktwal na politika, mas hayagan ang pagmaniobra ng pabor at parusa sa tumitiwalag at nag-eendorso kay Arroyo.

Kaya ang blogging ay nananatiling virtual na liberal na demokrasya sa pawala nito sa aktwal na lipunan. At ito ang antas ng paglahok sa virtual na aktibismo, ang katiyakan na ang tinig sa virtual na palengke ng idea ay maririnig dahil nga quiet riot lamang ito, kahit pa kahilingang operasyonalisasyon ng liberal na demokrasya ang kahilingan. Na ang pinakaparaan ng pagbabalikwas dito ay ang pagligwak sa personalidad na kayang mantsahan ang dangal bilang pribilehiyo ng alta-sosyedad, kahit pa hindi naman matitinag ang aktwal nilang yaman.

Kaya ang pinakapeligroso ang status sa nililigwak ng blog ay si Tim Yap, ang “eventologist” (ano raw?!) ng high society—dahil siya man ay may limitadong finansyal at intelektwal na kapital kumpara sa aktwal na alta-sosyedad. Siya na nagge-gatekeep sa lifestyles-of-the-rich-and-famous (Philippine edition) ay gine-gatekeep rin naman ng mismong alta-sosyedad at ang mga cottage industry na sumusuporta sa kanila (events management at public relations, halimbawa) Naalaala ko sa Singapore daily na ni hindi man lang kilala si Yap nang atakihin nila ang usual na fashion gear na suot nito sa event sa syudad, tinukoy lang ang faux pas bilang Filipino wanna-be na tipo.

Sa blogging, ang naunang makapanghimok ng pinakamalaking publiko, ang lupon ng virtual na kalahok (kaya nga may counter ang blogs) ang siyang hari. Belated ang reaksyon ng Filipino lover, at maging ang pagpapalawak na tinutumbok ng chikatime blog. Gayunpaman, ang maaring matamasa sa anti-personalidad pero hindi ng alta-sosyedad na blogging ay ang tahimik na riot bilang ehersisyo ng liberal na demokratikong karapatan.

Sa aktwal na lipunan, sa tiyak na krisis dulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagkasaid ng supply ng bigas, ang riot ay spontanyong rekurso ng naghihikahos na lumpen na mamamayan. Aktibismo ang politikal na rekursong maaring ialok ng kilusang masa.

Kung may katwiran, imulat-pakilusin-organisahin mo!

1 comment:

kupao1502 said...

wow ang lalim ng tagalog. pinagpawisan ako!