Wednesday, April 09, 2008

Walang tinapay sa mesa kung hindi aalsa ang masa, Pasintabi Column





imahen mula sa digitalchain.wordpress.com/.../
http://www.inq7.com
http://lfsnational.multiply.com/photos

Walang tinapay sa mesa kung hindi aalsa ang masa

Noon pang 1970s itong salawikain. Isa ito sa mga paborito kong kasabihan. Naalaala ko noong dekadang ito, pumipila ang mga tao dahil sa rice shortage. Hindi pa nagbubukas ang bahay namin, may nakaabang nang mga nakakatandang babae sa labas ng gate. Matapos ay gas shortage naman ang nagparasyon ng supply. Kahit may curfew ay nakapila ang mga sasakyan, lalo na ang pampasada, sa mga gasolinahan para mauna sa madaling-araw na pagbubukas at sa gasolinang ipapalit ng coupon. May alokasyon ang lahat ng sasakyan.

May gasolinahan at kono kami nang mga panahong ito sa Nueva Ecija. Kaya hindi ramdam ang alokasyong salop ng bigas at galon ng gasolina. Pero puno ng folklore ang pag-ubos ng pagkain, lalo na ng kanin sa plato. Bawat isang butil na naiwan ay katumbas ng isang salop na pupulutin isa-isa ng mga daliri. Maraming nagugutom at walang makain. Hindi pwedeng umalis ng mesa hanggang hindi malinis ang pinggan.

Dinahilan ni Marcos ang pandaigdigang kaganapan kaya kulang ang supply ng gas at bigas. Sinama ito sa “basic commodities,” at kung gayon, hindi pwedeng magtaas ng presyo ang manininda nang wala niyang pag-aproba. Batayang kalakal ang bigas at gas. Ilang beses nagkaroon ng aklasan at pinuntirya ang mga Tsinong mangangalakal na inakalang nagtataas ng presyo ng bigas. Hindi susulong ang bansa kung walang gasolina para sa kanyang kuryente at transportasyon. Hindi rin susulong kung walang bigas na makain ang mamamayan.

May politika ang langis at bigas. Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, tumataas ang presyo nang lahat ng produkto at serbisyong may pangangailangan nito: pamasahe, pagkain, tubig, kuryente, damit at iba pa. At dahil napako na ang sweldo ng manggagawa at empleyado, pati na ang maliit na kita ng magbubukid, mas lalong magiging mahal ang batayang pangangailangang mabuhay. Bigas ang fundasyon ng nutrisyon sa bansa, na kailangang makakain ng kanin para mabuhay at makapagtrabaho, kahit wala nang ulam.

Kahit pa ang mga ito ang batayang pangangailangan ng isang modernong bansa, mas matingkad ang bigwas ng pagtaas ng presyo at kasalatan ng supply sa naghihikahos na mamamayan. Kung tumaas ang presyo at kumitid ang supply, at ito na nga ang nagaganap sa administrasyong Arroyo, mas nahihirapang makaagapay ang naghihirap na ngang mamamayan.

Ugat ng nagaganap na krisis sa pagkain at presyo ang neoliberalisasyon ni GloriaArroyo. Natitiyak sa pagtatakda ng presyo ng higanteng cartel ng tatlong pangunahing supplier ng gasolina ang kanilang bilyones na kita. Ang resulta ng palsipikadong CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) na may rekurso sa korporatisasyon at reklasipikasyon ng sinasakang lupa ay ang nakakagulat na pababang bilang ng lupa para sa pagtatanim ng pagkain. Nagiging subdibisyon, golf courses, malls at economic zones ang libo-libong hektaryang lupa na sana ay magtitiyak ng seguridad ng pagkain ng bansa.

Oil-dependent ang bansa sa kanyang pangangailangan sa kuryente. Ang bansa ang may pinakamahal na halaga ng kuryente sa Asia, isang sagabal daw kung bakit mahina pa rin ang pagpasok ng dayuhang negosyo. At mula sa pagiging rice-exporter ng bansa, ang bansa ang pangunahing rice importer sa buong mundo. Ang supply ng bigas ay nakasalalay na sa pag-angkat sa Thailand at Vietnam. Na kapag ang mga bansang ito ay nakaranas ng disaster tulad ng bagyo, pagbaha at pagtuyot, uunahin kaya nila ang interes natin kapag bumaba ang supply nila ng bigas? Di ba’t mamamayan naman nila ang mag-aaklas?

Naalaala ko ang dalawang imahen sa rice shortage ng 1970s. Una ay dahil mabilis ang pagsalok ng bigas sa salop, at pagpantay nito sa bibig ng salop, may tumatapon sa lapag ng mga butil. Mayroong mga matatandang winawalis ang natapong bigas ng kanilang mga palad, kasama ng dumi, at isusupot pa rin ang mga ito. Ang ikalawa ay minsan mag-ring bearer ako sa kasal, at sa paglabas ng bagong kasal na sinabuyan ng bigas, mayroong mga matatandang babaeng nakaantay at ganoon din ang ginawa sa bigas na nahulog sa bukana ng simbahan.

Narito ang ikatlong imahen sa kasalukuyan: ang pagronda ni Arroyo, kasama ang rekisitong pagtantrum, sa mga nagtitinda ng bigas para raw matiyak ang supply at presyo nito. Labas sa kanyang inihasik na neoliberalisasyon ang kakayahang matyagan ang mababang presyo at malawakang supply ng bigas. Pandaigdigang krisis sa kapitalismo ang nagaganap: ang nalalapit na recession sa ekonomiya ng US, ang structural policies ng International Monetary Fund at World Bank na nagtanggal ng subsidyo sa mga pambansang agrikultura ng umuunlad na bansa, ang global na integrasyon sa World Trade Organization na lalong nagpahina sa lokal na agrikultura at nagpalawak ng paghihikahos, at iba pa.

Gustong magtanim ng magsasaka pero hindi sila makapagtanim. Gusto ng masang kumain pero wala silang makain. O bumili ng bigas pero limitado naman ang supply. Sa isang banda, tulad ni Marcos, ibabaling ni Arroyo ang sisi sa mamamayan—magkaroon ng rekurso sa pagtitipid sa kuryente, rasyon ng supply, at pagtatanim ng pagkain sa bakanteng lote. Sa kabilang banda, sa asulto ni Arroyo at ng kanyang mga polisiya, ni wala ngang bigas na tumilapon sa lupa na maaring malikom ang mga palad.

Tulad ng salawikain, kailangan ng apoy at pampaalsang yeast. Kailangan ng nagkakaisang hanay ng masa, at ang panlabas na magtratrasporma nito para maging kritikal na masa. Hanggang ang namulubing palad ay maging matigas na kamao, at ang kamao ay maging isang dagat na nag-aalsa at nagrerebolusyong hanay ng masa.

Narito tayo, hindi na sa bukana kundi sa looban na, ng politikal na pagkakataon.

No comments: