Tuesday, April 22, 2008

Stockholm Syndrome kay Arroyo, Pasintabi Column




imahen mula sa www.oasisorg.com/
picasaweb.google.com/.../RtoNTQeQphQJ9_a2ejzSbQ
www.internationalist.org/philippinespresident...


Stockholm Syndrome Kay Arroyo

Masalimuot ang relasyon ng kidnapper sa kanyang kinidnap. Dahil maigting ang emosyon sa krimen, may pagkakataon ang kinidnap ay maari pa ngang mapaibig sa kanyang kidnapper. Nagiging dependent sa pagkain, inumin, atensyon, ugnay sa labas na mundo ang pagkatao--ang kabuuang buhay--ng kinidnap sa kanyang kidnapper.

Kakatwa itong pag-ibig dahil ang inherikong abang lagay ng kinidnap ay maaring matransforma mula sa pagkamuhi at pagnanais makaganti tungo sa erotisiko-sexual na relasyon. At kahit pa ito ang coping mechanism ng kinidnap para mabuhay, tunay na nang naging alipin ang kinidnap sa kanyang bagong among kidnapper.

Segue-way kay Gloria Arroyo. Nahigitan na ni Arroyo ang pandarambong ni Estrada dahil hindi lang iisang kaso—ang juenteng scandal na nagpabagsak pa nga—kundi serye ng anomalya ang track-record ni Arroyo, ng kanyang pamilya, politiko at ekonomikong alipores. Ang inaakalang “mother-of-all-scandals” ni Estrada ay regular na skandalo lamang kay Arroyo. Napantayan, kundi man nahigitan, na rin ni Arroyo ang lawak ng human rights violation ni Marcos na deka-dekadang nanungukulan bilang pangulo. Ang kakatwa pa rito, tila lahat ay napapalampas lamang, hindi man ng mamamayan kundi ng mga institusyong panlipunan at politikal.

May iba-ibang rasyonalisasyon ang mamamayan para hindi itatwa ang kanyang kidnapper: sino naman ang papalit, patapusin na lamang ng kanyang termino (rector ng UST), non-politikal naman talaga dapat ang militar (Arroyo), bumubuti naman ang ekonomyang indicators ng bansa (European Union), i-moderate na lamang ang pagkagahaman.

Na nagbibigay ng panibagong stratehiya ng pagkagahaman sa nais maging lider sibiko na may balak mangunrakot: una, kumuha ng popular pero mahinang klase ng bise-politiko, newscaster at artista na makakatulong ang popularidad pero hindi iisiping makakapalit sa pangunahing posisyon; ikalawa, mag-appoint ng mga alyado sa lahat ng sangay ng gobyerno, na tulad ng brace bands ni Wonder Woman, pwedeng mag-repel ng pinatatamang bala sa katawan, at kapag nagkaroon ng skandalo, ilipat lamang ng posisyon, mas lalo pa nitong matitiyak ang loyalty; ikatlo, kumuha ng mga heneral na pwedeng maging kabinete, lalo na iyong retiradong Chief-of-Staff ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na may hawak sa mga malalaking paksyon ng militar; at ikaapat, gamitin ang pondo ng casino (PAGCOR) at sweepstakes para magbigay ng subtansyal na kontribusyon sa mga proyekto ng sangay at liderato ng simbahan.

At sa ganitong paraan napatibay ang atraksyon ng mamamayan at institusyon kay Arroyo. Battered syndrome man, inaabuso, pinapipila sa mura ngunit mababang kalidad ng bigas na may mga nakatutok na armalite ng sundalo, ay may kakatwang kumpiyansa, kundi man loyalty, kay Arroyo. Una naman, pinagkakaitan ang nakararami ng mga batayang serbisyo publiko. Lahat ng engrandeng proyekto ni Arroyo ay tinatamasa lamang ng iilan—expressways na yung may kotse lamang at developer nito ang kumikita; cartel ng higanteng gasolinang nagtatakda ng presyo ng napakahalagang batayang komoditing ito; bilyones na broadband education kahit pa pinakamataas ang dropout rate, palakihan ng malls at land conversion kahit pa pinakamataas ang insidente ng kagutuman, at iba pa.

Gutumin at gawin mangmang nang hindi magkaroon ng pagkakataong makaalsa, tila ito ang layon ni Arroyo. Gawin kaaba-aba ang lagay nang sa gayon kapag binigyan ng ilang kilong bigas ay makukuha na ang loob ng naghihikahos, mabili sa murang halaga ang kanilang boto at simpatya. Papilahin ang naghihikahos para sa supply ng bigas nang sa gayon ay mas matingkad ang isinasakatuparang pamamatronahe kay Arroyo.

Ikalawa, kurakutin ang nalalabing pondo, kumuha ng malaking bahagi ng halaga ng papasok na proyekto, at mamursyento sa dayuhang utang dahil mamamayan naman ang magbabayad nito. Batas na naitatakda na ikatlong bahagi ng pambansang budget ay ilaan hindi para sa mamamayan kundi sa pagbabayad ng interes ng dayuhang utang. Paano masusuportahan ng ikatlong bahagi ng budget ang mga pangangailangan ng mamamayan? Sa mata ni Arroyo, mas naghihikahos ang mamamayan, mas madali itong makontrol, mas hindi ito titinag sa mas malalaking katiwalian.

Ikatlo, iasa ang katubusan sa sarili. Pamulaklakin ang mga pangako: matatag na republika, kahilingan sa bangkang papel na aabot sa palasyo ng Malacanang, legacy-building, error on judgment, katotohanan bilang executive privilege, krisis ng presyo hindi ng supply ng bigas, kakakurampot na dagdag na sweldo sa tumataas na cost of living, at iba pa. Kung naghihikahos ang mamamayan, hindi na ito magra-rali. Wala nang malawakang susuporta sa panawagang tanggalin si Arroyo.

Sa Stockholm syndrome, kahit na sila dinarambong, hindi pa rin itinitiwalag ang kidnapper. Ginagamit ng estado ang loyalty ng kanyang kinidnap na mamamayan para mamonopolisa ang anumang kapital na makakapagpaangat sa abang lagay ng bayan. Kaya madalas humantong ang resolusyon sa Stockholm syndrome sa marahas na kapamaraan—ang biglang pagkauntog ng kinidnap sa katotohanang nananatili siyang biktima lalo na’t inibig niya ang kanyang kidnapper, at ang marahas na pagbabalikwas niya laban dito.

Na tila naman hindi naiiba sa naratibo ni Arroyo sa sambayanan kanyang kinidnap. Abangan ang napipintong sandali ng pagkauntog ng mamamayan. Kung kagyat na mamulat, bago matapos ang termino ni Arroyo.

No comments: