Media at Kulturang Popular
Malaki ang papel ng media sa pagpapalawak at pagpapalalim ng kulturang popular. Hindi nga ba’t hindi magiging popular ang kulturang popular kung walang media na nagbibigay katangian ng mass (pangmalawakan, lalo na sa hanay ng underclass), mediated (pinatagos at intervened ng media) at overdetermined (kay Althusser na konsepto ng interrogated ng mga aparato ng estado, kung saan ang media ay may malaking bahagi dito)?
Matingkad ang media sa pag-unawa kung paano gumagana ang kulturang popular. Ang media ay ipinopostura bilang egalitaryo, may misyon at serbisyo ang pangunahing layunin. Sinasambit ng media na para ito sa paghahatid ng balita at programang walang pinapanigan. Walang self-reflexivity ang media dahil tila hindi nito pinag-uukulan ng interes ang sarili gayong wala naman talaga itong layunin, tulad ng kalakaran sa negosyo, kundi kumita. Nagbabalita ito para kumita, nakikipagkapwa-ko-mahal-ko para kumita, umuugnay sa mga kapuso’t kapamilya para kumita. Ginagawa ang pagkita na tila nanunuluyan sa mamamayan at sambayanan, kaya paratihan, may periodikong serbisyo publiko ang media lalo pa sa pahanon ng likhang tao’t kalikasan na disaster. Hinihimok tayong magbigay sa mga nasalanta ng bagyo at pagguho ng mga kabundukan kahit pa walang paghihimok na tumulong sa pagsasakdal ng mga salarin gayong nasa puwesto naman para gawin ito.
Itinatago ng industriya ng media ang kanyang sariling interes sa pamamagitan ng paglalatag ng mga misyong pangkorporasyon, tulad ng “in the service of the Filipino people.” Kagyat tayong ginagawang poder ng paglilingkuran at hinihimok tungo sa mabuting pagkamamamayan. Serbisyo-publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong makakapagpadesisyon sa mamamayang manonood-tagapakinig-tagapagtangkilik tungo sa ikabubuti ng kanilang panlipunan at historikal na posisyon. Minamaso ang serbisyong ito na tila nga ba hindi nakakawing sa pangunahing interes ng industriya ng negosyo. Sa kasalukuyang punto ng ating pagtunghay sa telebisyon, ang balita ay nagiging “infotainment,” kumpleto sa music track sa pagdulog ng pinakamarahas na karanasan sa krimen, kawalang-katarungan at kahirapan. Ibinebenta ang mga tagapaghatid ng balita bilang mga personahe ng showbiz, at ang mga ito ma’y ginagawang endorsers na manghihimok sa odyens na tumangkilik ng mga produkto.
Ang balita ay nagiging showbiz at ang showbiz ay nagiging balita. Tila mas naninikip ang mga dibdib ng mga tao sa proliferasyon ng sex videos nina Piolo Pascual at Ethel Booba kaysa sa 66 na pinatay na peryodista simula pa 1986 at 49 na aktibistang lider ng mga progresibong organisasyon simula noong 2001. Ang korporasyon na nagpasikat sa mga personahe sa multi-media na telebisyon, pelikula, publikasyon, musika at radyo ay siya ring gumagawa sa mga naturang personahe—tulad ng 24 oras na serbisyo ng pandesal de pugon--bilang pinakamainit na balita. Sila na may kontrol sa industriya ang siyang may hawak ng mga iba’t ibang pinto nito—mula sa sandamakmak na aspirants ng star searches hanggang sa grupong exklusibong humahawak ng kanilang training, hanggang sa drama serye, noontime show at gameshows na kanilang lalahukan, hanggang sa recording studio na maglalabas ng kanilang album at magtitiyak ng kanilang promotion sa mga fiesta, mall at bar tour, hanggang sa may dambahin ang masa bilang natatangi. At ang kawawang Cinderella/o, pupulbusin ng mismong korporasyon ang mahabang maigsi nitong komersyal na buhay hanggang sa marami sa kanila ang matira na lamang sa laylayan—mga labi at latak ng nauna’t nagtangka, nagtagumpay pero hindi lubos, tinangkilik sa isang partikular na panahon at pangangailangan ng fans at mamimili.
Ang interarktibong partisipasyon ng fans, personahe at korporasyon ay nagtitiyak na ang fans ay hindi lamang mga sekular na relihiyoso kundi mga mamimili, ang artista bilang komersyal na santo at ang korporasyon bilang dambana ng pangangailangan, pananalig at pag-asa. Sa bawat pagtext sa Debate, pagpila ng kontestant at papili ng home partner, sa direktang pag-adres ng tagapaghatid ng balita, tinutunghayan ang manonood bilang hayagang kinakausap para mamili (to choose at to shop), na kakatwa ang salita dahil sabayan nitong natuhog ang dalawang akto na kalahok sa serbisyo-publiko ng media. Namimili tayo ng impormasyon na papaniwalaan, papanigan, paninindigan, at sa maraming pagkakataon, tila at aktwal na ipagpapatayan.
Sa huling usapin, hindi naman nagsisinungaling ang media kapag sinabing serbisyo ang hatid nito. Bahagi ang media ng sektor ng serbisyo (service sector) na nagbibigay-diin sa mga negosyong hindi lumilikha ng produktong yaman kundi ng finansyal na yaman. Kabilang sa sektor ng serbisyo ang entertainment, hotel at turismo, fastfood at retail, edukasyon at kalusugan. At sa hampas ng neoliberal na globalisasyon, ang lahat ng serbisyong kalahok nito ay unti-unti nang binubuksan para sa kompetisyon at partisipasyon ng mga higanteng manlalaro.
Ang dulot ng lahat ng kaganapan sa media ay ang konstruksyon ng afekt o dating na nagbibigay-diin sa panggitnang uring konsumeristang identidad. Sa aking palagay, ang usapin at identidad ng pagkamamamayan (citizenship) ay pumapailalim na lamang sa mas binibigyan ng importansyang identidad ng konsumerista. Ang mabuting mamamayan ay sa unang usapin, mabuting mamimili. Ang papel ng ganitong media ay para bigyan ng paglilimian at pagpipilian ang mamimili kundi man para makapamili ito o maging mulat man lamang sa aspirasyon ng posibilidad. Lumilikha ang media ng dating ng pag-asa para sa konsumerista—na kahit wala siyang kakayahang bumili ng pinakabagong modelo ng cellphone ay magiging mulat naman siya sa pamamagitan ng malawakang direkta at pisan na marketing sa kaalamang mayroon nang modelo at produktong hihigit pa bago pa man siya makabili ng kanyang maaabot-kaya. Ginagawang abot-tanaw ng media ang pangarap tungo sa posibilidad na akses sa komoditi.
Tayo na mamimili ay overdetermined naman ng aparato ng media—katuwang ang iba pang ideolohikal at represibong aparato—ang ating pagkatao. Sa pang-araw-araw na seduksyon ng media, tulad ng pang-araw-araw na aktibidad ng malling at panonood ng sine, ginagawang plebisito ang kumpiyansa sa ating panggitnang uring konsumerista at postmodernong pagkatao. Tila tayo nag-eehersisyo ng ating karapatan para sa impormasyon at pamimili gayong lahat ng ating kalistenikong pag-eensayo sa konsumeriso—pati na rin ng liberal na demokrasya—ay humahantong, sa huling usapin, sa pagtataguyod ng negosyong interes ng media.
Iisipin ng mambabasa nitong introduksyon na napaka-party pooper ko naman gayong kay raming ligayang handog ng pagtunghay sa mga texto-produkto ng media. Hindi naman maitatatwa ang katangiang ito ng media—nakakapanghalina ang seduksyon ng konsumerismo at liberalismo. Ang saya-saya ng mundo ng showbiz na kasalukuyang nagbibigay ng lehitimong akses sa iba pang tradisyunal na pag-aaring kapital—lupa at finansyal na yaman, maging ng edukasyon. Kung maganda ang pangangatawan at makinis ang mukha, kung bata’t may determinasyon, ang pag-aartista sa pangunahin at pagmomodelo, pagiging beauty queen o bikini winner, maging ang pagiging pinakamagaling na a-go-go o macho dancer sa mga pipitsuging bars, sa sekundaryo ang panibagong pasaporte sa aspirasyon ng panlipunang mobilidad. Paano ko ito itatatwa sa napakaraming umaasang makilahok, maging bahagi at maging integral?
Nakakalungkot na aminin na labas na ito sa poder ng kritikal na pag-aaral ng media. Ang media advocacy ay kinakailangan ng paglahok sa mga aktwal na industriya ng media. Ang puwang sa edukasyong media ay ang paglalatag hindi pa ng fundasyon dahil hindi naman kohesibong infrastruktura ang pag-aaral ng media o ang tertiaryong edukasyon, kundi ng pagtatanim sa puwang ng mismong infrastruktura sa alternatibong kakanyahang panunuri o kritikalidad sa mismong operasyon at praxis ng media, kasama ng napakaraming nag-aaral para maging media practitioners rito. Sa isang banda, magkahalintulad na spero ang media at edukasyon dahil mayroon itong kakanyahang maging pro-active sa transformasyong panlipunan. Tinatanggap ang mga debate sa loob at katuwang na labas ng mga sperong ito gayong sa huli, hindi naman talaga nababago ang substansya ng mundo ng sperong ito. Pero may nababago at may mababago kahit paano—ito ang pananalig kaya marami pa rin ang nakikibaka mula sa loob nitong spero. Sa kabilang banda, ang produksyon ng impormasyon at kaalaman mula sa mga sperong ito ay nagtitiyak, higit sa lahat, ng substansasyon ng hegemoniya ng parehong naghahari at pinaghahariang uri.
May tasitong pagtanggap na ang sperong intelektwal ay kapital na kayang bilhin at ipamili ng may hawak na aktwal na kapital. Pero wala namang mundo na nasa labas ng mga magkakasalikop na sperong ito. Ang pagbabago—radikal at reformismo man—ay nangangailangang isaalang-alang ang intrinsikong hegemonikal na katangian ng mga spero. Kaya ang kakanyahan ng edukasyong media ay ang pakikipagtunggali sa mismong refleksyon at representasyon nito: na ang texto-produkto ng media, sa kasalukuyang antas ng negosyong media, ay matutunggali lamang mula sa labas nito, sa edukasyong media na ang kinakausap ay hindi ang mismong negosyo ng media kundi ang itinatanging sektor ng edukador at skolar sa media.
Ito ang naghahabi ng mga sanaysay na kasama sa espesyal na isyung ito. Tinutunggali ni Sarah Raymundo ang nosyon ng popular, hinihimay ni Emil Flores ang nosyon ng Pinoy superhero, binabatikos ni Soledad Reyes ang AM airwave comradeship, tinatalikdan ni Danilo Arao ang politikal na kulturang nagpapatanggap sa serialidad ng pagtaas ng presyo ng presyo ng gasoline, binibira naman ni Ruben Canete ang konstruksyon ng pagkalalake at urbanidad sa mga billboards ng Bench underwear, at pinaangat naman ni Shirley _____ ang nosyon ng panahon sa pelikula ni Lino Brocka sa pagtahak ng transnasyonal na panahon sa pelikula ng Hong Kong na direktor na si Wong Kar Wai. Sa madali at mahirap na salita, binibigyan ng kontexto ang pag-unawa sa mga kulturang popular na karanasan tungo sa pagsisiwalat ng anyo, laman at substansya ng textualisasyon at komodifikasyon nito.
Bilang isyu editor, nagpapasalamat ako sa mga skolar sa pagtitiwala sa kanilang mga sanaysay, rebyu, panayam at anotasyon na malathala rito; sa mga referee na sila man ay humimay sa mga akda sa proseso ng pagpapabuti ng pag-aangkop ng historikal at panlipunang kontexto; kina _____ at Berinice _____ at ng Office of Research and Publication ng College of Mass Communication; at kay Dekano Nicanor G. Tiongson na hindi lamang nagbigay ng napakahalagang suporta kundi nagpatibay sa pangangailangan ng gawaing skolarship sa kolehiyo.
Hardin ng Rosas
25 Abril 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
ang galing mo naman...
pwedeng irepost? :D
Post a Comment