Pepsi Paloma
Pepsi Paloma, under-aged Amerasian bold star at drug user, nag-suicide
Pepsi. Kabahagi ng cola beauties ng kapitana ng Quiapo, Dr. Rey de la Cruz, ophthalmologist at star builder ang iba pa nitong credential. Credible tuloy, may credit, pwedeng umutang, pwede rin sigurong magpautang—pera, katawan, regulasyon at deregulasyon. Pati kaya oil price hike, kaya rin niyang pigilan? But no, patay na si Dr. Rey, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Malapit naman ang kanyang kaluluwa sa espiritu santo ng Quiapo, ang puso ng Metro Manila, lahat ng trafiko ay hindi maaring hindi huminto sa Quiapo. Simbolo ng modernisasyon ng infrastruktura sa bansa—unang anderpas; nandito pa rin ang kabuuan ng pinakamagandang tulay, para sa akin, sa bansa, ang Quezon Bridge, sa kanyang steel structure sa art deco; at isa sa pinakamalaking dambana sa bansa.
Nazareno. Patron ng mahihirap. Marami iyon. Dinudumog araw-araw, gabi-gabi. Pinapangakuan kapalit ng katubusan. Pinagdarasalan, prinuprusisyon, pinapahiran ng panyo. Salatin nyo ako, tila winiwika nitong nakahimlay na katawan. Sa ibang pagkakataon, pasan nya ang krus. Mas matimbang pa rin kaysa kay Sharon na pasan ang daigdig. Pinapasan nya ang kasalanan ng mundo, at pinapasan nating tao ang mundo. Sino ang pumapasan kanino? Kung pinapasan na, bakit pa kailangang pahiran at ipahid sa sariling katawan? Binabawasan ba ang bigat, ang timbang? Tinimbang ngunit kulang, pelikula naman ito ni Lino Brocka, ang pinakapolitikal na direktor ng kanyang panahon. Nag-iiba ang panahon, lumilipas at dumarating. Bakit tila hindi nag-iiba ng pumapasan at ng pinapasan?
Pasan. Pinapasan ng mga kargador ang kamada sa pier sa North Harbor. Isa-isang inaakyat o binababa sa bapor. Labor-intensive. Pinapasan ng mga pahinante ang burgis na babae, ang maysakit o polio, tulad ni Apolinario Mabini, ang sublime paralytic (kung sino man ang nakaimbento nitong titulo ni Apo ay saludo ako), ang may-edad. Si Apo, para ibiyaheng patakas sa mga Amerikanong mananakop; ang may-edad, para sa pagkakataong kinakailangang lumisan at bumalik; ang burgis na babae, para humayo at mamanata sa Birhen ng Antipolo, ang patrones ng paglalakbay. Di ba’t lahat tayo ay naglalakbay? May pinanggagalingan at pinatutunguhan, alam man natin ito o hindi? Na ang sabi nila ay hindi mahalaga ang destinasyon, mas mahalaga ang pagtungo doon. Ang biyahe.
Biyahe. “Kyapo, kyapo!” paulit-ulit na sigaw ng colboy, mga musmos na dapat ay nasa eskwelahan pero sa kalsada na natuto sa kanilang paglaki. Barker, sa matanda. Taga-anunsyo ng destinasyon—saan ka patungo, panganay ko? ano ang hinahanap mo? Kapag sumakay ka ba sa biyaheng ito, matutubos ka rin ba? Hindi ba’t ang pagdaan ng jeep sa simbahan ay parang pagpunas na rin ng panyo sa imahen ng Nazareno? Nagbiyahe ang mga sako ng bigas at asukal at pasahero sa pier, nagbiyahe ang babae sa Birhen ng Antipolo, si Apo sa bundok ng Sierra Madre. Ang naglalakad ng paluhod sa gitna ng simbahan ay nagbibiyahe rin patungong altar. Nakita kaya nila ang gusto nilang makita? Ang kanila bang pagtakas ay pagtuklas din ng bagong landas? Hindi iisa ang landas patungong Quiapo. Hindi iisa ang imahen ng Nazareno.
Imahen. Imahen ng Nazareno, imahen ng Birhen ng Quiapo, imahen ni Sharon Cuneta, imahen ng paghihirap at katubusan. Ano ito’t napapaniwala tayo ng imahen—na ok lang itong paghihirap dahil may katubusan, ok lang itong magbiyahe sa landas ng pagdurusa dahil sa huli ay babangon ako at dudurugin kita, ay hindi pala. Babangon ako, yayaman o sisikat, makakaganti sa umapi sa akin, pero patatawarin ko sila. Sila na umapi sa akin ay tutumbasan lamang, hindi paglalamangan. Hustisya, walang labis, walang kulang. Muling tinimbang, pero kulang pa rin. Kailan ba makakasapat ang lahat ng paghihirap at pasakit na ito? Kailan hahahantong sa destinasyon ang pagbibiyahe? Kailan magiging totoo ang imahen? Ang imahen sa pelikula o sa altar ay imahen ng imahen ng totoong bagay. Paano magiging totoo ang hindi totoo? Totoong may tunay na Sharon pero hindi 100 percent nang pagkakilala natin sa pelikula at iba pang media. Siya ay imahen ng imahen, na siya mismo ay marahil naliligaw kung paano magiging tapat sa sarili. Ang kagandahan ng imahen ay nagsasabing maganda ang nagmamaganda.
Maganda. Ayaw ng lipunan ng pangit. Walang santo at birhen na pango, may peklat, maitim, mataba. Maganda ang nagmamaganda. Kahit pangit ang nagdarasal, maganda ang kanyang pinagdarasalan. Kahit salat ang mortal, maganda ang ideal. Walang makatapat sa ideal ng ideal. Kahit pasanin pa ang daigdig at sanlibutan. Tanging ang imahen ang nakakapasan ng krus, hindi ang mortal, kahit ang mortal na kaaway. Hindi si Catwoman kay Batman, si Lex Luther kay Superman, si Cherie Gil kay Sharon Cuneta, si Lucifer kay Hesus. Pero hindi ba ang iba ay ang imahen ng sarili rin. Ang nagmamaganda sa maganda ay nakikita ang sarili sa kagandahan ng maganda. Ang maganda na iniirita ng nagmamaganda ay wala namang alam sa kagandahang nakakagambala sa nagmamaganda. Madalas kasi ay nakakasilaw ang kagandahan, lalo pa kung may kasalatan nito. Kung maganda ka na kasi—at sa maraming pagkakataon ay alam naman iyon ng mismong nilalang, aminin…--ay hindi na dapat ipinangangalandakan ito. Tahimik nang nakakapambulabog ang kagandahan. Nakakabulag.
Bulag. Ipikit ang mga mata. Ano ang nakikita ng bulag? May nakikita ba ito na hindi nakikita ng nakakakita? Tanging ang pagkita ba ang ipinagkaiba ng bulag sa nakakakita? Ito ba ang lamang ng nakakakita sa bulag? Paano manood ng sine ang bulag? Nakakaramdam din ba ang kanyang mga daliri, nakakabasa ng mga angat na tuldok at ang mga pagitan nito? Paano niya tinutunghayan ang imahen ng paghihirap at katubusan? Ang ecstasy ng mga mukha at katawang naghahalikan at nagse-sex. Dumadampi ang mga pisngi ng labi, naghuhulihan ang mga dila, pumapatong at pumapailanlang ang mga katawan? Paano ba mangarap ang mahirap? Paano ba tayo nagbubulag-bulagan sa realidad? Na tila ang luningning ng mga produkto at serbisyo sa loob ng mall ay nagpabulag at nag-desensitize sa atin sa realidad ng mga namamalimos, polusyon, trafiko, init at krimen? Di ba, mas gusto na natin ang nakakabulag na kinang sa loob ng mall kaysa sa aktwal nating realidad sa labas nito?
Loob at labas. Filipinolohiya ito, konsepto ng pakikipagkapwa ng isang pinoy. Paano nakikitungo ang loob sa labas, paano pinatutunguhan ang labas ng loob? Ayaw ni RC Asa niyan. Ahistorikal! Paano lalagyan ng kasaysayan ang loob at labas, ang kasalukuyang sandali, ang patlang sa sarili? Paano gagawing historikal ang imahen para umalinsabay sa mga bugbog na katawan ng mga dumadambana? Paano gagawing mortal ang immortal? Na kaabot-abot ang ideal? Kailangan bang dito tumungo ang destinasyon ng biyahe? Di wala nang magmamaganda, wala nang sasantuhin, walang papasang birhen, walang maluluklok sa kapangyarihang umaasa sa pasakit ng iba at ng malawakang paghihirap? Delikadong maging historikal. Nagiging laman ang kahoy ng Nazareno, dugo ang bakal ng birhen, maasim na pawis ang higanteng imahen ni Sharon. Sa gayon, naging tao ang lampas sa tao. Parang tatay natin, si Marcos, ang lengguwahe, ang batas. Hindi tayo makakapagsalita sa labas nila. Bakit ganito?
Anito. Anito Lodge, ang pamantayan ng motel service sa bansa. Ang sagradong mga salita sa pagtataguyod ng pagkalalake. Sino na naipasok mo rito, sa biglang liko? Tunay ba na may pag-iwas sa establisyimentong ito, kaya kailangan ay hindi prumeno at bigla na lamang yuko at liko. Kung nakakahiya, bakit yumuyuko? Kung yumuyuko, dapat ngang mahiya. Hindi ba ang pagyuko ay pagkilala rin ng kapangyarihan ng iba? Ng mga santo sa sumasamba, ng fans sa manonood? Kung maykaya kang fan ni Sharon Cuneta, nag-cut ng klase, tulad ng marami pang iba, para makapanood sa first day ng sine niya, yumuko ka at baka biglang may tv crew na nag-aantay sa marami pang lalabas, iilawan ka at tatapatan ng camera at mike, bakit ka yuyuko? Hindi ba’t ito na rin ang pagkakataon mong magmaganda, tulad ng kagandahan ng iyong imahen? Yuyuko ka sa kahihiyan, sa pagkilala sa nakakataas na kapangyarihan ng iba, sa pagkilala ng mortalidad ng sarili. Yumuyuko ang bold star sa ari ng kapartner nito. Aarte na in-ecstasy ang receiver. Ito rin kaya sa Anito Lodge? Accommodation, small house, hotel. Paano ka magiging kumportable sa isang binabayarang per ora na tirahan? De metro. Ganito ba kaganda ang bahay mo? Bakit hindi magawa sa sariling kama?
Angkop na Lugar. Kung paniniwalaan natin ang simbahang Katoloko, sasabihin nito, gawin ang gawaing-pagmamahal (making love) sa angkop na panahon (kasal) at lugar (matrimonial bed). Tila kulang sa imagination. Paano na lang ang imahen ng ecstasy na nakikita natin sa pagsesex sa kitchen table, sa waterfalls, sa ibabaw ng grand piano, sa motel? Hanggang imahinasyon na lamang ba ito, tulad ng pananampalataya natin? Umaasa tayong mapaniwala sa kapangyarihan ng imahen dahil nauna na ito, wala na tayong magagawa, hindi na ito mababago? Sa luma nakasalig ang ating paniniwala sa ating kawalan ng kapangyarihang maniwala sa labas ng ideal. Bakit walang ST film si Sharon? Bakit hindi tayo mapaniwala sa pagiging sexy star niya? Ang melodrama film lang ba ang angkop na lugar ni Sharon? Siya ba ang biktimang nakakulong sa hulmahan ng pelikula at expektasyon ng manonood? Ano ang angkop na lugar ng mga manonood na hindi lang naman si Sharon ang pinapanood, kahit siya pa ang piniling pinakatangkilikin?
Tangkilik. Tinatangkilik natin ang ideal. Tinatangkilik din naman tayo, kaya hindi ito bumaba sa altar, sumasayad sa lupa. Kung bababa man, kailangan itong hinahatak sa minsan sang taong pagprusisyon sa imahen. Kung bababa man, hindi rin lubos. Paano rin kaya sumamba na hindi sumasayad ang tuhod sa pagluhod, nang nakakapasok ng libre sa sinehan, nang ipinamimigay ng libre ang mga kumikinang na produkto sa loob ng mall? Hindi ito nagaganap. Walang angkop na panahon at lugar para sa libre. Maging ang pagtangkilik ay isang anyo ng pagpupursigi. Kailangang mayroong stamina tayo para tumangkilik, pera para makapagpursigi. Kailangan ng pera para pamasahe sa biyahe sa Quiapo, para abuloy sa simbahan, para ipambayad sa padasal. Tinatangkilik natin ang imahen hindi lamang ng ating mga bumubukang-labi o nagsisiksikang mga katawan, nagkakaamuyang mga pawis at anghit. Tinatangkilik ng imahen ng ating pananampalataya at salapi.
Salapi. Nagpapaikot ng mundo. Papel ng salapi na kumilos, hindi tumigil. Nagagawa ng salapi ang imposible—may pera at kapangyarihan na nga, nakukurakot pa ang yaman ng bansa; napapasayaw ng hubo’t hubad ang pinakasantang babae sa baryo sa men’s club sa Timog, o nang nakabikini habang nagtitinikling at pandanggo sa ilaw sa club sa Japan; natututong humalik sa kapwa lalake ang lalakeng GRO (guest relations officer); humahayang mapatigas ang ari ng Atenistang lalake habang vni-vtr ng baklang talent manager; at kung ano-ano pa. May milagrong nagagawa ang salapi. Hindi lamang milagro ang dulot ng mga imahen. Hindi kaya, kung malaki ang abuloy mo, mas doble ang milagrong makikinita mo? Nagkalat ang salapi sa taas ng trianggulo ng lipunan, salat sa bulong ibaba nito. Kumakapit sa patalim ng mga imahen nina Aquino at Macapagal ang mga mahihirap. Tulad ng prusisyon ng Nazareno, para sa posibilidad na masalat ang kaisa-isang imahen, madampian ng mga nagtatapunang mga panyo’t bimbo, makikipagsiksikan ang mga sumasampalataya. Ilan na kaya ang napisa sa kanilang kamatayan? O iniisip ba na kung isasaalang-alang ang dami ng deboto, ok lang ang mga sampung napipisa kada taon? Patuloy pa ring naglipana ang deboto taon-taon.
Deboto. Paano ba naging deboto? Saan nagrerehistro? Idedeklara mo lang ba ito, tulad ng mga fans ni Jolina at Sharon? Ililihim mo ba ito, tulad ng mga kasapi ng underground movement? Paano ba tayo natransforma para maniwala sa isa at hindi sa iba? Na patuluyin ang natatanging isa sa puso ng milyon-milyong napapaniwala? Paano tayo nako-convert at natratransforma? Nagbago nga ba tayo kapag tayo ay naging deboto? Bakit tayo nagkakaroon ng buhay sa buhay ng ibang tao at hindi sa ating sariling buhay? Bakit gusto nating buhayin ang ating sarili sa buhay ng ibang tao? Mawawala ba tayo? Bakit tayo nagpapakaalipin para sa kapakanan ng iniidolo? Sa dami-dami ng santo at artista, bakit may mga piling tinatangkilik? Paano sila sumikat kaya dumami ang kanilang tagapagtangkilik? Sa simula ng biyahe sa karera ng kasikatan, ano ang kanilang naging lamang? Paano nagkaiba ng destinasyon ang waging mga santo at artista? Paano nila tayo nahimok na sila na lamang at hindi na ang iba? Paano tayo naging deboto?
Pagiging. Tulad ng biyahe, ang mahalaga ay ang pagtungo, hindi ang mismong destinasyon. Walang naging, mas madiin ang pagiging. Hindi tayo naging deboto dahil hindi lang naman ito ang pwede pa nating gawin sa buhay. Tayo ay nagiging—kung ano man ito, pumipili lang tayo sa nakalaan na patlang ng posibilidad. Hindi tayo ang lubos na may hawak sa kung ano tayo magiging, ang may antas pa tayo ng indibidwal at kolektibong kapangyarihan ay ang pagiging. Magiging doktor o pari tayo, wika ng ating mga magulang noong tayo ay musmos pa lamang. Kahit wala naman silang pera. Feudal nilang iaasa ang ating edukasyon sa maykayang kumpare, politiko o padron. O kung pari naman, libre naman ang edukasyong ito. Dakila pa. Instrumento sa pagdadakila sa ibang nilalang, kaya nagiging dakila na rin dahil sa proseso. Hindi naman dakila itong tao na ito, nagiging dakila lamang siya dahil wala namang katapusan ang ritwal sa pagdadakila. Sa simula, wala naman nilalang na nag-ambisyong maging pari. Inambisyon ito ng mga nasa paligid niya, yung mas may kapangyarihan sa kanya. Sa proseso ng pagiging pari, maaring matuklasan niya ang batayang halaga ng pagiging indibidwal. Hindi ka naging tao, nagiging tao ka hanggang sa kamatayan mo. Pinipili mong maging tao—feudal o liberal, baklang straight-acting o macho, nambubugbog o nagpapabugbog, disente o hayop, maitim na budhi o wagas na puso. Hanggang sa huling hininga ng buhay mo. In retrospect lamang maaalaala na ikaw nga ay naging tao dahil pinili mong magpakatao. Hindi ka naging tao sa sandali ng kasalukuyan. Naging tao ka sa kasaysayan ng iyong pagkatao.
Tao. Hindi hayop. Hindi halaman. Nang-aabuso at nagpapaabuso. Nang-aapi at nagpapaapi. Di nga ba’t sabi nila ay dalawa lang ang tao sa mundo? Dalawang uri lang ng tao ang pinapasan ng krus, alin ang mas matimbang? Tila ang nang-aapi ang mas matimbang dahil kakaunti na nga sila ay mas maginhawa pa ang buhay nila. Ano ang bigat ng napakaraming inaapi? Kailangang takalin, pakyawin, masahin para magkaroon ng kabuluhan. Tulad ng walis tingting, walang halaga ang bawat piraso ng tingting. Nagkakaroon lang ito ng halaga sa pagbibigkis nito sa isang kolektibo. Kung ang tao ay hindi hayop, bakit maraming hayop na nag-aasal tao? Kung ang tao ay hindi tao, bakit ang hayop ay hindi pwedeng lumampas pa sa pagiging hayop? Pwera na lang kung thoroughbred kang chuwawa o doberman, pero kung askal ka, askal ang trato sa iyo. Laman-tiyan ka ng mga lasenggo kung sakaling magawi ka sa kanilang kinaroroonan. Kung ang tao ay tao, bakit napakahirap magpakatao? At hindi ito unibersal na tanong, bakit napakaraming paghihirap na ipinapasakit ng tao sa kanyang kapwa? Kung ang tao ay mas mataas sa hayop, ano ang giraffe? Kung ang tao ay mas mababa sa hayop, bacteria na lang ito sa apat na linggong kupal. Kung ang hayop ay tao, mistulang zoo at safari ang mundo? Ito na ang papasanin ng Nazareno. Kung ang hayop ay mas mababa sa tao, paano na si Tagpi, Bantay, Spot na binabasa natin sa ating reading and phonemes? Bakit bahagi sila ng pamilya? Kung ang hayop ay mas mataas sa tao, hitsurang pandak pala tayo sa mata nila. Kaya ang hayop ay hayop para ang tao ay nagiging tao.
Hayop. Parang mura. Pwedeng para kahit sa ano. Hayop sa ganda! Hayop ka! Hayop ka, men; ang galing mo! Hayop sa sarap. Masahol ka pa sa hayop! Hayop, kahayop-hayupan! Nasa paraan ng pagbigkas ang kahulugan ng salita. Kaya kailangang may social skill ka para makarinig di lamang ng salita, kundi ng tono ng pananalita at ng kontexto ng pagsasalita. Nagkakaroon ng kahulugan ang hayop dahil hindi ito tao, o ibang bagay o nilalang. Hindi ito halaman dahil kumikilos ito. Hindi ito tao dahil walang hayag na pakiramdam at intelihenteng pag-iisip ito. Kaya ang hayop ay hayop. Pero hindi lahat ng hayop ay magkakahulugan o magkakapantay ng sinasabi. Iba ang isda sa santo, iba si Spot kay Sharon. Iba ang talakitok sa maya-maya. Iba ang piranhang isda sa piranhang tao. Maraming kahulugan at salita ang dapat itabi at isaalang-alang para magkaroon ng kakaibang kahulugan ang kahit iisang salita. Sino ang nagbibigay-kahulugan sa mga bagay? Bakit pinag-aawayan ang kapangyarihang magbigay-kahulugan at ngalan sa mga bagay? Ang bagay ay isang karanasan, ang kapangyarihang bigyan ngalan ang isang bagay ay kapangyarihang bigyan ngalan ang karanasan, kung paano dinadanas ang bagay. Ang kapangyarihang bigyan ngalan ang karanasan ay kapangyarihan sa mundo. Walang nasa labas ng salita o kapangyarihan sa wika. Kaya ito ay pinag-aawayan. Hindi tayo, hindi hayop…
Olongapo. Puwang ng mga ligaw na kaluluwa. Tila magnet ito ng mga batang babaeng galing sa mahihirap na probinsya. Nagbibigay serbisyo sa service-man ng base military ng Amerikano, ngayo’y investment zone ng mga multinasyonal na negosyo at negosyante. Magnet pa rin. Napapalapit nito ang invisible na kaluluwa ng mga babae, at sa serbisyo sa ngalan ng salapi, nakakayanang gawin ang hindi ordinaryong nagagawa. Nakakakain ng bubog, nakakatulay sa alembre, nakakapatay ng apoy sa bibig. Kung todos los santos ay nangangaluluwa ang mga bata sa tarangkahan ng mga bahay, sila kaya ay nagugunita? Malamang ay hindi dahil todos los santos ang araw kaya hindi kaluluwa ang ipinagdirirwang. Tanging ang mga labi ang alaala ng paggunita—tuyong bulaklak, patak ng kandila, bagong kalburong puntod, at mga dasal na bumubulong pa rin sa paghangin sa sementeryo. Retrospective na naman. Inaalaala ang mga kaluluwa matapos alalahanin ang mga santo sa maling araw nito; at sa tamang araw ng mga kaluluwa, wala nang nakakaalaala sa kanila. Nahigop na lahat ng positive energies ng force field ng mga santo. Masusustina na naman sila hanggang sa isang taon ng kanilang nasamsam na energy. Kaya buhay ang Quiapo, magnet ng mga santo at santo-santito.
Magnet. Hindi pwedeng mag-attract ang similar poles, kailangang magkaibang poles. Pero bakit ang mayaman ay nakakaakit ng kapwa mayaman? Bakit tila si Sharon lang ang nagtatagumpay mula sa pamumulot ng basura sa Smokey Mountain at pamamalimos sa tagiliran ng simbahan, tungo sa pagiging sikat na mang-aawit sa kanyang pelikula? Bakit siya nakaakit ng lampas sa kanyang kondisyon? Paano niya nabitiwan ang daigdig? Sino na ang pumapasan ng kanyang daigdig? Si Atlas ba? Ang Santo Nino? pero cute lang naman ang tangan nitong daigdig. Mainam din ang konsepto sana ng magnet. Kaya hindi tayo natatakot na mahigop ng black hole sa mundo, dahil sa namementina ng force field ang attraction. Kung hindi, sana ay gumuho na ang mundo at nahigop na tayo paloob nito. Ang loob at labas ay magiging isa na lamang. Wala na ngang kaibahan ang mga kaibahan. Magiging isa na lang tayo sa uniberso ng kaisahan. Wala nang imahen dahil ang imahen at orihinal ay iisa na lamang. Wala nang Nazareno at Sharon dahil sumanib na sila sa pagiging ordinaryong nilalang. O sa fantasya ng ordinaryong nilalang, sila na ang superstar o megastar ng buhay na ito. Ito ang dilemma natin—isang mundo na may familiar na kaayusan at struktura ng ideal, o isang mundong pare-pareho lamang tayo. Sanay ba tayo sa ganito? Masasanay naman tayo.
Kasanayan. Favorite color? Blue. Favorite song? On My Own. Favorite Ice Cream Flavor? Cookies and Cream. Favorite Kasanayan? Ano ito?! Kung sanay tayo sa ating kasanayan, bakit hindi natin masagot ito. Bakit hindi ko masabing writing, halimbawa? O bigla kang tumiklop sa akala mo’y pagiging masaya mo sa cooking o amateur basketball? Bakit kapag naisulat ang kasanayan ay hindi na ito nagiging kasanayan? Hindi papasa ito sa kasanayan. Ito ay nagiging hobby na lamang, hindi na skill. Hobby kong maggardening, pero hindi ko skill. Kung mayaman ka, dahil may hardinero ka. Siya ang kailangang may kasanayan sa gardening. Ganoon din sa iba pang domestikong trabaho, na kaya nga domestiko dahil maliit lang ang uri ng ganitong trabaho. Kaunting skill lang ang dapat alam. Kaya maliit din ang sweldo. Kaya iba ang sweldo ng katulong sa saleslady sa SM dahil iba ang kanilang skill. Iba rin ang skill ng SM saleslady sa sex worker sa Olongapo. Kaya iba rin ang bayad o may pagkakaiba. Kung hindi tayo sanay, masasanay tayo. Mabilis makasanay ang pangangailangang makasabay sa inog ng salapi. Mabilis masanay ang katawan sa mga bagong bisyo. Tulad ng droga, nagiging addict pa nga ang katawan. Mula sa wala tungo sa sobra. At sa kasobrahan ng adiksyon, kahit ano ay nananatiling pamandaling pagpunan lamang sa lumalaking kawalan.
Kawalan. Bakit ba tayo nagsusulat? Bakit pa tayo nabubuhay? Bakit pa tayo humihinga? Bakit hindi na lamang kitlin ang buhay sa mundong ibabaw? Ang pagpasan sa mundo ay isang social construct. Guilt feeling ang parati inihahayag ng lipunan para akuin natin ang hindi lamang ang sa atin, pati ang sa ibang tao, pati ang buong mundo. Kung bawat isa sa atin ay may pasan na mundo, bakit hindi pa rin nababawasan ang ating pasanin? Bakit mabigat pa rin? Bakit nagsisiksikan pa rin tayo sa mundong ito? Bakit mahilig tayong magpataasan ng ihi sa kung sino ang mas mabigat na pinapasang mundo? Bakit mahilig tayong maging drama queen? Api ako, pasan ko ang mundo, apihin ninyo pa ako. Bakit may kasiyahang dulot ang pagiging melodramatic, na parang nakaharap ka sa kamera habang binibitawan ang mga linya sa yumao nang pelikula? Bakit tayo nagpapakasakit kung ang simula at hantungan nito ay ang kawalan? Para kanino ang pasakit na ito? Bakit pati ang pasakit ng ibang tao ay inaako natin?
Pag-ako. Ako, hindi siya, hindi ikaw, hindi tayo, hindi hayop. Ang pag-ako ay pagiging ako. Paano tayo nagiging ako sa panahong ang ako ay minamasa sa isang tumpok na basura? Sa kondisyong ang ako ay isang deboto at fan, paano nagkakaroon ng ako, na hindi siya at lalong hindi ikaw? Ang mundo ay atin, pinapasan at ipinapasa sa susunod na aako nito. At ganito inaako ang mundo, iginaganyak para sa isang bukas na hindi tulad ng kasalukuyan at ng nakaraan. Dahil ang lumipas at kasalukuyan ang hugis ng bukas, ayaw na nating gumising. Ang ako ay nagiging sa hinaharap, iba itong ako. Mas mabuti at mapagmahal na ako. Mapag-arugang ako, matapat na ako, matapat sa pangangailangan ng kapwa. Ang kapwa ay ang kasalukuyan, ang ako ang hinaharap. Gayong hindi mababago ang ako kung hindi babaguhin ang kasalukuyan ng kapwa. Paano bibigkasin ang kapwa sa ibang panahon? Iniuugnay ang kasalukuyan sa nakaraan ng kapwa. Ang ako ay sa hinaharap lamang magkakaroon ng pag-aako. Hindi masasabing ako sa kasalukuyan, dahil maari ka pang mag-iba bukas. Ang ako ay hindi rin sa nakaraan lamang mailalahad, ang ako ay hindi umako at iyon na. Ang ako ay batayang ako ng nakaraan. At sa kasalukuyan lamang malalaman na ang batayang ako. Na ang batayang ako ay maaring humigit pa sa ako at maging mapagpalayang ako sa hinaharap.
Hinaharap. Ano ang hinaharap? Bakit iba ang hinaharap sa kasalukuyan? Kung pareho pa rin ang hinaharap sa kasalukuyan, hindi ito bagong araw at gabi. Ito ay extensyon lamang ng nauna nang araw, ang kasalukuyang araw. Ang hinaharap ay bago gayong walang bagong-bago na maaring sumulpot. Hindi ito lumang bago o lumang kasalukuyang araw. Hindi rin ito bagong luma, gayong pwedeng maging kasalukuyang luma ang araw. Luma ito, tulad ng lamig na sinaing. Pero hindi mo malalamang lamig, kung hindi ito nanggaling sa bagong sinaing. Kung ito ay hinaharap, walang nasa likod nito. Hindi ka pwedeng humarap sa likod. Pwede kang nasa likod ng iba sa iyong pagharap. Katulad ng kasalukuyan, nasa anino tayo ng kapangyarihan ng iba. Nakasunod tayo. Tayo na anino ng kapangyarihan ay nagmimistulang mismong anino nito. Walang anino ang hinaharap. Wala itong bakas dahil puno pa ito ng pag-asa, na ang harap ay magiging bagong bukas.
Dasal. Hindi ba’t nagdarasal tayo para sa kapakanan ng katawan sa kasalukuyan at ng kaluluwa sa hinaharap? Tanging ang mga sex worker lamang ang may kaluluwa sa kasalukuyan. At dahil abnormal ito, luwa ang kanilang kaluluwa. Nakatago dapat, kinakalinga ng ako para sa hinaharap, o ng hinaharap para sa pagiging ako. Pero sa kasalukuyan pa lamang ay nakalabas na itong nakatago. Publikong sikreto na itong pribadong esensya ng pagkatao. Wala nang itatago pa dahil sa bawat pag-ikot ng salapi sa katawan ay naibubuyanyang na ang lahat. Ang lahat at walang iniisa-isa. Dahil kapag natutong magmahal ang sex worker sa kanyang kliyente, hindi na ito magiging kliyente. Ginagawa na niya ito hindi dahil kay Benigno at Diosdado, kundi dahil sa pagmamahal sa kapwa. Na walang katiyakan na kapag minahal mo ang iyong kapwa ay minamahal mo na rin ang iyong sarili. Paano mo mamahalin ang isang taong tumatangkilik ng sex worker? Pero nananatiling kaibigan, katrabaho, anak, ama, beautician, at kung sino-sino pang kakilala natin itong dapat maliitin tulad ng pagmamaliit sa sex worker. Ang luwang kaluluwa ng sex worker ay walang ipinagkaiba sa maraming tumatangkilik at nandidiri sa kanila. Maging ang kaluluwa ay kayang iluwa sa pag-inog ng salapi sa katawan.
Katawan. Mayroon tayo nito pero hindi natin labis na kilala. Wala tayong full-body na salamin. Tanging ang nakikita lamang natin ay ang bahagi ng ating katawan, partikular ang mukha. Ito lamang ang imahen ng ating sarili na ating natitigan at inaaruga sa tulong ng napakaraming kosmetikong ipinapahid natin. Sa inaakalang pagkalinga sa bawat pagpahid ng lotion o toner, UV ray ointment at anti-acne gel ay panunumbat. Mahal kita, mukha kong di kagandahan kaya kita papalitan ng pila-pilanit na mga imahen ng ideal. Mahal kita kaya buburahin kita para ang ako ay hindi maging ako, pero ang Akong hindi ko matutumbasan. Bakit natin ito ginagawa sa ating mga sarili? Ang katawang natutunghayan natin sa pang-araw-araw ay ang pinakamalaking kahinaan natin sa kasanayan. Magaling tayong magluto at gardening, magsulat at mag-computer, pero kahinaan pa rin ang ating katawan. Kahit ang modelo ay uyam sa kanilang katawan dahil parati pa ring may mas matingkad na abs, mas malaking pecs, mas malaking size ng boobs, mas balingkinitan ang waist. Ang modelo ay may sarili ring modelo, at sa imahen ng kanyang modelo, siya ay anino’t kupal nito.
Pamamaalam. Hindi ba’t ang pamamaalam ay pasasalamat sa pagkikita? Kaya matagal mamaalam daw ang mga pinoy, dahil gusto pa ring manatili ang kasalukuyang pagkikita. Paano mamaalam ng hindi sinasabing paalam? Maaring i-wave ang kamay. Small wave below the waist line kung nahihiya, small wave sa length ng breast kung beauty queen, big wave kung talagang sabik makita ang nakikita. Parang ang pagbati ng pamamaalam ay pagbati rin ng magandang pagkikita. May nakikita ba lampas sa nakikita? May itinatago ba ang pagkikita? May ipinapakita ba ang itinatago? Anxiety galore. Mahirap mamaalam sa kaibigan o pamilya dahil may separation anxiety. Na tila hindi na muling magkikita o matagal pa muling magkikita. Kaya nagkikita na lamang sa panaginip. Nagkikita na lamang sa text. Nagkikita na lamang sa mata. Kung bulag, sa boses, amoy, salat at lasa. Nakikita ang destinasyon ng pamamaalam, at nakikinitang hindi ito maganda. Hindi magandang mamaalam, magandang bumati ng mabuting pagdating. Pero kung paalis, paano darating? Sa alaala. Umuulit ito, maaring putol-putol pero umuulit. Tulad ng masamang panaginip o ng gunita ng pangit na pelikula. Kahit ayaw, kakatok ito, magpapakilala muli’t muli; kung hindi man, bigla na lamang papasok. Pakakapehin mo, aalukin ng kung ano-ano para lamang umalis kahit ayaw umalis. Walang balak mamaalam. At sa puntong hindi mo inaasahan, tulad ng kanyang pagdating, ang kanyang pag-alis ay inaanunsyo nang ganoong iglap.
Nasaan si Pepsi Paloma, ang kalapati ng Pepsi, ang Pepsing palipad-lipad, palipat-lipat, papalit-palit pero tulad ng pangako parating pumapaimbabalik, ang babaeng mababa ang lipad kahit mataas ang pangarap, ang babaeng may sariling trip, hanggat ang biyahe ay naging isang malaking bad trip, ang babaeng kagyat na namaalam?
Ang hindi pinag-uusapan ang talag
Thursday, May 11, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment