Berdeng Pasport
Madalas ko na ring nagamit ang aking pasport. Mula sa kulay lupang kayumanggi, bigla na lang itong naging luntian. Kulay ng pag-asa at kalikasan, di ba?
Pero walang bisa ang agimat ng berdeng pasport. Tila pa nga magnet ito nang mas mahabang interogasyon mula sa mga immigration officer. Minsan pumasok ako ng San Francisco, para akong nagte-thesis defense. Tinanong kung ano ang itinuturo ko. At nang sagutin kong “Philippine Studies” ay ipinapaliwanag ito nang hindi naman nakikinig sa akin.
Mabilis ang pagpihit ng mga pahina ng aking pasport. Mukha pa naman Filipino itong immigration officer. Mas galing ka sa mas mahirap na bansa, mas suspetsado ka bilang magt-TNT (tago nang tago) kung sa Amerika, O (bilog) kung sa Japan, terorista, katulong o entertainer.
Mabuhay ang latak ng mundo! Ang mga Filipino na naninilbihan sa poder ng mayayamang bansa, integral sa pagsulong ng kapital, ay tinitiris naman sa bawat pagkakataon. At sa pagkakataong ito, parang pinagsasayaw sa bubog bago tatakan ng selyo ng opisyal.
Pinagdusa na nga tayo sa pagpila at pangangatog sa mga embahada ng bansang ating papasukan, pagdating pa sa mga bansang ito, lalo pang pinalalakas ang kabog sa ating puso. Bigla tayong maprapraning. Baka pabalikin ako, baka kulang ang aking papel, baka nagkamali lang sa embassy… Puro baka.
Sa maraming mauunlad na bansa, hindi na kailangan ng visa para magbiyahe. Hindi ba kay ginhawa nito? Bibili ka lang ng tiket sa eroplano para sa bansang gusto mong puntahan at parang magic, fly ka na doon.
Walang paglalakad ng paluhod sa simbahan para dumulog sa mga santo’t Nazareno na paboran ng consul ang kapalaran ng aplikasyon. Walang pamamawis nang butil-butil. Pero mayroon pa ring pistang padespedida o jeep-jeep na kamag-anak na maghahatid sa airport.
Kaya pinangarap ko ring maging Hapon, Canadian o Singaporean, mga mamamayan na hindi na nga kailangang sandamakmak na gintong halagang sticker na visa ang nakadikit sa pasport. Unang pahina pa lamang, kasama ng larawan, matunghayan pa lamang ang nasyonalidad, keri na. Mabuhay, welcome to the Bahamas, Brazil, United States, United Kingdom!
Pero kung Filipino ka, kahit sampung milyon na ang nasa labas ng bansa bilang OCWs (overseas contract worker), walang paggalang sa berdeng pasport. Kaya naiinsulto ang tunay na mayayamang Filipino dahil nakakaangat man sila sa sarili nilang bansa, sa labas naman, bigla silang nagiging katumbas lamang ng iba pang mayroon ganitong nasyonalidad.
Sa Detroit naman, napagkamalan akong seaman. Magluluto raw ba ako sa bapor? Sa Osaka naman, nang makita nilang profesor ako sa isang unibersidad doon, bigla akong nakadama ng paggalang. Napabilis ang proseso ng aking pagbabalik sa trabaho.
Maliit na booklet ang berdeng pasport pero nakataga sa bato ang maraming bagay. Nakasulat dito kung ano ang pasport number na paulit-ulit na tinatatong at pinapasulat sa mga dokumento, kasama ng petsa ng pagkaisyu at expirasyon ng pasport. Nandoon ang litratong pilit man ngumiti ay medyo hirap pa rin ilusot ang agam-agam ng realidad ng pangingibang-bayan.
Ang litrato ay mayroon sariling kodifikasyon. Mula sa size nito, hanggang kung anong bahagi ng mukha ang dapat ipakita at itago, kung ano ang dapat isuot ng babae at lalake ay malinaw na nakasaad sa guidelines bago pa man mag-apply ng pasport at visa.
Mayroon ngang ipapalabas na sine dito, “La Visa Loca” ni Robin Padilla. Batay sa trailer, tungkol ito sa perenyal na aplikasyon at denial ng US visa ng isang taong tampok na pinangarap na makapunta sa bansa ng gatas, orange juice, tsokolate at hamburger. Ang nakakatawa sa trailer ay isang tila fantasy scene.
Binaligtad naman ang sitwasyon. Si Robin ang naging masungit na consul at bago pa man makapagsalita ang ninenerbyos na putting aplikante, ay kaagad itinatak ang denied na marka. Power-tripping lang siguro itong pantatak. Para kang mayroong magic wand kung ikaw si Tinkerbell, bato kay Narda, nunal sa tabi ng ilong kay Ate Guy, gavel kung ikaw ang judge.
Maari mong gawing maligaya at maaliwalas ang buhay ng aplikante. Maari mo ring kitlin ang lahat ng kanyang pangarap. Pero tulad ng kawayang hindi maputol-putol, magpapatuloy pa rin ang buhay ng abang aplikante—doon man o dito.
Kaya apply lang nang apply. Mahal man ang visa application, at para na lang lotto at sweepstakes ang paniniwala ng tao, e kung mabunot ang iyong numero at mabigyan ka nitong ginintuang biyaya? Sulit na rin. Sulit ang mga kalyo sa tuhod, mga isinanlang kalabaw at sakahan, mga panobena at pagdulog sa Birhen.
Para itong diploma. Gagawin ang lahat ng sakripisyo, makamit lamang itong mahalagang papel na inaakalang pasport sa mas mabuting buhay. Ito na ang huling pasport—mismong ang pagkakamit ng pasport ang pasport sa mabuting buhay. Wala na sa sariling bansa ang kaginhawaan, nasa ibang bansa na.
Kaya ang pasport ay indikasyon kung bakit tayo naroon at wala rito, kung bakit pag-alis at pagdating pa lamang ay masaklap na karanasan ng mas kababaang uri. Kay lungkot ng buhay pero ito ang buhay natin. At ang kalungkutang ganito, pagpasok pa lamang sa ibang bansa, ang naghuhudyat ng posibilidad na maari rin sumaya sa paraang sakripisyo.
Malungkot tayo sa ibang bansa para maging maligaya ang mga mahal sa loob ng Pilipinas.
Monday, May 08, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
magcocomment na nga ako, kawawa ka naman walang nagcocomment eh. .. ayun.. un na comment ko..
Post a Comment