Friday, May 19, 2006

"Sa Tinubuang Lupa" (Pananalita)

Pananalita sa Paglulunsad ng “Sa Tinubuang Lupa”


Hindi salat ang panitikang Filipino at pambansang demokratikong kilusan sa paglikha ng makabayang panitikan. Mahaba rin ang kasaysayan ng produksyon ng ganitong mapagpalayang panitikan—mula sa prototipikong sa loob at labas ng bayan kong sawi ni Balagtas, tungo sa kadakilaan ng pag-aalay ng buhay para sa tinubuang lupa ni Bonifacio, sa nostalgia para sa pagtunghay sa matamis na huling bukamliwayway ni Rizal, o sa aspirasyong makita ang bayang sakdal laya kay Jose Corazon de Jesus, sa gusgushing republikang basahan ni Teodoro Agoncillo tungo sa pambansang demokratikong bansa ni Jose Ma. Sison.

Matutunghayan natin hindi lamang ang kaningningan at kasiningan ng makabayang panulaan ngayong gabi kundi maging ang pagkaunlad ng rebolusyonaryong diwa ng bayan at bansa—kung paano dinaranas ang paghihikahos at pambubusabos nito, at kung paano rin palalayain ang bayan. Malaki na ang inunlad ng rebolusyonaryong kilusan—mula sa kawalan-magawa ni Floranteng nakatali sa puno sa isang madilim, gubat na mapanglaw tungo sa kaisahan ng kataas-taasan, kagalanggalangan, katipunan ng mga anak ng bayan ni Bonifacio, at tungo sa diwang nagbibigkis sa atin di lamang ngayong gabi kundi sa maraming gabi at dekada ng digma at pakikibaka—ang pambansang demokratikong kaisipan at kilusan.

Saksi ang panitikan sa pagkaunlad ng ating mapagpalayang diwa at kilusan. Gayundin, ang panitikan ay kabahagi ng akto ng pagpapalaya ng bayan at bansa. Ito ay kasangkapang kultural sa pagtatakwil ng kolonyal at feudal na kaisipan at sa pagpapalaganap ng pambansa, demokratiko at siyentifikong kaisipan at edukasyon. Kung gayon ay makabuluhan ang proyektong naglalayong bigyan ng kasaysayan ang makabayang panulaang Filipino gamit ang sining ng video. Dahil sa pag-aaral lamang ng kasaysayan matutunghayan ang angkop ng laman at porma ng susunod pang produksyon ng sining para ipopularisa at itaas ang pamantayan ng pambansang demokratikong propaganda.

Gayunpaman, tulad ng blackhole ng panitikang Filipino, kinakailangang di lamang magsilbing inspirasyon ang mga napiling tula, kinakailangan ding igpawan ang politikal na ekonomiya ng panitikan, pati ang makabayang panulaan. Tulad ng kanon ng panitikang Filipino, puro mga lalaki, heterosekswal at dinadakilang makata, kalakhan ay nasa sentro, ang nakasama sa ating kanon. Nangangahulugan na itong panimulang proyekto ay kinakailangang sundan pa sa ibang larangan para makilala ang iba pang namumukod-tanging makabayang makata. Ang mga babae, bakla, lesbiana, pesante at manggagawa, mandirigma sa kilusan, pati ang mismong mga kolektibong kultural, ay kinakailangang mahikayat na makatula sa makabayang pamamaraan, maipopularisa at maitaas ang pamantayan ng kasiningan.

Ito ang atas ng kasaysayan sa kultural na kilusan sa yugto ng pagkikibaka sa umiigting na suliraning panlipunan at pangkasaysayan—ang bigyan di lamang ng puwang at tinig ang historikal na naisantabi sa kalabisan at karahasan ng pwersa ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at feudalismo kundi pati na rin ng kapasidad para sa politikal, ekonomikal at kultural na kapangyarihan.

Ang mga napiling makabayang tula ay nagsasatinig ng mga aspirasyon ng nakararaming inapi at nakikibakang masa. Ang mas maigting na papel ng kultural na kilusang kinabibilangan ng napakarami ngayon gabi—manunulat, kultural na manggagawa, estudyante, guro at iba pa--ay ang pagbibigay sa mismong masa na madanas ang kapangyarihan ng sariling pagsasatinig—ang pagkakaroon ng aktwal na boses—para mabigkas ang kolektibo at pambansang predikamento makakapagsabing bayan muna, una ang bayan, bayan ang pangunahin.

Sa ngayon, itong isa pang hakbang sa pagpapayabong ng daan-daang bulaklak, daan-daang kaisipang nagbabatbatan. Pagbati at maganda gabi.

Balay Kalinaw, UP, 17 Pebrero 2004

1 comment:

Anonymous said...

masyadong mahaba naman poh...kaylangan ko sana kaso dapat maikli lang...masyadong malaman naman...tnx..but it's a little pretty...