Leksyon sa Eleksyon
Hindi na maitatatwa na ang laman ng balita sa bawat oras sa telebisyon at dalawa hanggang tatlong beses sa tabloid ay patungkol sa eleksyon. Ni hindi mo na nga mapapansin, tila nalalaktawan na ang popularidad ng telenovellas ang isyu ng eleksyon.
Habang papalapit ang eleksyon, tunay na umiinit ang kapaligiran. At hindi lang dahil umiigting na rin ang tag-init. Lalo pa ngang ganito dahil tila mathematically ay pwedeng magkaroon ng upset o di inaasahang pagkatalo. Kung mahati ang boto kina GMA at FPJ, halimbawa, pwedeng manalo si Roco o Brother Eddie.
Siempre, habang umiinit, lalong di nagiging rasyonal ang pag-iisip. Mas lumalaki ang sentimental na bagahe para sa mga inaakalang kawastuhan ng pagpanig. Sa kasagsakan ng init, lalo ngang napupuwersa ang mga tao na mamili, pati yaong wala pa ring desisyon kung sino nga ba ang kanilang iboboto o kung boboto man.
Ano ba ang leksyon na dapat isaalang-alang sa eleksyon?
Una, at kaya nga tayo “ganito,” ay wala naman talaga sa darating na eleksyon ang katubusan ng ating kalagayan. Sa dinami-dami ng eleksyon, tulad ng dami ng tag-init at bagyo, wala naman kalitatibong pagbabagong naganap sa pag-angat sa buhay ng nakararami. At hindi lubusang natatangi ang eleksyon sa Mayo.
Ikalawa, kung gayon, ang katubusan ng mga tao ay nasa mismong mga kamay nila. Sa pamamagitan pa rin ng kolektibong pakikibaka magkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa lipunan at bansa. Ang mapagpalayang kilusan pa rin, sa huling pagtutubos, ang last and only hope.
Ikatlo, sa mismong nagbabansag nga ng gayong linya, ang dapat hindi iboto. Gusto ba nating muling manungkulan ang kasalukuyang administrasyon na pinakamaningning na ehemplo ng bangkaroteng pamunuan? Ilang beses ba tayong magpapagamit sa kanya at kanyang alipores?
Inuluklok natin siya pero wala naman siyang ginawa para iangat ang kalidad ng ating buhay. Bagkus, ang pinakamatingkad niyang nakamit ay ang hayagang pagpapakabusabos sa giyera laban sa terorismo ng U.S. Si GMA, kasama ang pangulo ng Japan at Pakistan, ang pinakagalamay ni Bush sa Asya.
Ngayon lamang nagkaroon ng tropang Amerikanong kalahok sa ofensibo ng lokal na militar. Kung gayon, ano ang muli pang aasahan kay GMA?
Sa sektor ng edukasyon, ang millennium curriculum ay hahantong sa higit pang paninilbihan ng mga manggagawa sa dayuhang negosyo. Kinaltasan ng P4 bilyon ang badget sa edukasyon ngayon taon na lalong gigipit sa lumalaking populasyon ng mag-aaral at gastos sa pagmintina ng paaralan.
Ang sukdulang leksyon sa eleksyon at sa hinaharap ay simple lamang: kaninong interes ba talaga ang dinadala? Pumanig, kumilos at mag-organisa sa ngalan ng interes ng nakararaming inaapi.
Monday, May 08, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment