Sunday, May 07, 2006

Semana Santa (Pasintabi column)

Semana Santa


Ang semana santa ay bahagi ng ritmo ng buhay ng bansa. Kung sa kapaskuhan ay kinetikong enerhiya ang pag-aalumpihit ng pagkilos at paggastos ng mga tao, tila naman minimal ang enerhiya sa panahon ng kuwaresma.

Pangingilin ang atas ng kapanahunan. Kung gayon, pagninilay-nilay. Di tulad ng pagninilay-nilay sa Bagong Taon na nakapaloob sa kasiyahan ng paggastos at kalabisan, tulad ng kaligayahan sa paputok at lusis, ang pagninilay-nilay sa kuwaresma ay tinatampukan ng kasalatan.

Walang kailangang gastos, bagkus ay kinakailangan pa nga ng katipiran at pagpipigil. Bawal ang karne, bawal ang maligo sa ilog, bawal ang pag-inom. Ang pagbabawal ay reafirmasyon ng alituntunin ng Katolikong diin sa pagkabansa.

Tila sinasabi rin pati sa ibang panahon sa lipunan—bawal mag-jaywalking, bawal manigarilyo sa publikong lugar, bawal mag-overspeeding, bawal umihi, bawal mag-rally ng walang permit. Natatampok lamang naman ang bawal kapag nahuli. Dahil kung hindi nahuli, sino ang makakapagsabing may paglabag sa bawal?

Kung ang kaayusan ng kapaskuhan ay pag-alaala sa biyayang natamo, ang sa kuwaresma naman ay ang pag-alaala sa kasalatan batay sa pamantayang Katoliko. Paano nga naman tutumbas ang indibidwal na debosyon kung sa sukdulang ginawa ng anak ng diyos—ang pagkanulo ng mga sariling disipulo, ang pagpapahirap at pagpapakamatay sa ngalan ng sangkatauhan?

At ganito ang retorika ng mga pangangako sa eleksyon. Di kakatwa na parati itong kabuntot ng kuwaresma. Sa extensyon ng panahon ng Katolikong pangingilin, isinasaalang-alang ang kasalatan ng botanteng mamamayan—kung bakit kinakailangan nilang kapitan ang mga pananalitang binibitiwan ng mga politiko ukol sa indibidwal at kolektibong katubusan.

Iboboto si GMA dahil ito ang last, best hope. Iboboto si Lacson dahil walang takot. Iboboto si Rocco dahil sa pangakong libreng edukasyon. O si Osmena dahil baka hindi lamang cell phone ang panibago nitong maipakilala sa bansa. Sino ang tatanggi sa ganitong panuntunan?

At bakit hindi makakatanggi ang nakararami? Dahil kulang ang nakararami at ang mga pangako ang retorika ng kalabisan at kakulangan. “Ipinapangako ko sa inyo.” Dahil ito ang kulang sa atin, dahil ito ang gusto nating marinig, dahil ito ang pinapaniwalang kulang at pupunan sa atin.

Sila na nangako ay pumoposisyong bagong sugo at sugo ng bago. Ang messiah sa ating katubusan. At tayo na pinapangakuan ay mga bagong disipulo ng luma at sinauna.

Tulad ng ritmo ng ating buhay bilang bansa, hanggang sa susunod na eleksyon. Kung may leksyon ang kuwaresma, ito ay ang paniniwala na ang tanging maipapangako ay napapako ang anumang pangako.

Sa mga gustong mangako, kaya kayang magpapako sa krus para sa katubusan ng higit na nakararami?

No comments: