Friday, May 12, 2006

Paglulunsad ng Dalawang Isyu ng Plaridel (Pananalita)

Pananalita sa Paglulunsad ng Dalawang Isyu ng Plaridel

Ang anumang paglulunsad ay isang pagsukat ng tagumpay—at sa journal na ito, ng mahabang proseso ng pananaliksik at pagsusulat ng indibidwal na skolar at ang pag-uugnay nito sa mga pahina ng dalawang isyu. Naging masigasig ang maraming skolar. Dapat sana ay isang espesyal na isyu lamang ito ng kulturang popular. Pero sa dami at kalidad ng mga nagsipag-ambag, minabuti ng mga lupon ng editor na gawin na itong dalawang isyu, nang may malinaw na tinig ukol sa etnisidad na tinatahak ang iba pang mga artikulo.

Bilang isa ring mananaliksik, gusto ko ang larangan ng kulturang popular dahil sa sabayang sweet and sour na panlasa nito, ang Janus faced na figura nito—sabayang nakatingin sa nakaraan at sa hinaharap bilang pananaw ng kasalukuyan, at bagamat hindi ito ang panahon ng semana santa, ang figura ni Hesus, ng pagdurusa sa pangako ng katubusan. Ang kulturang popular ang ating pangunahing nakikita, inihihinga, nalalasahan, nararamdaman at napapakinggan. Ito ang buhay ng kontemporaryo at ng kabataan—ang isang daan at isang produktong itinapal sa mukha at katawan bago natulog at matapos gumising, ang mga panggitnang uring abibot na karagkarag natin sa ating mga bag, wallet at katawan bilang inaakalang kabuuan, at sa amnesiang madala ang mga bagay na ito—tulad ng cell phone o palm pilot—ang pakiwari ng pagkapilay, kakulangan at hindi buo.

Noong unang panahon, ang paniniwala sa kulturang popular ay pag-aakalang ito ay bahagi ng daloy ng tradisyon, ang pagsasanib ng bagong popular sa lumang popular. Dumating naman ang postmodernong pananaw, na ang kulturang popular ay liberal na demokrasya, at sa espasyo ng indibidwal na karapatan at kolektibong kabutihan, itong indibidwal at maykrokosmong grupo ay matutunghayan sa pang-araw-araw na praktis at politika. Pero dumating na tayo sa edad na ang kulturang popular ay direktang lumalahok na sa politika ng estado, hindi na lamang ang politika ng estado ang lumalahok sa paglimi ng mga produkto, karanasan at serbisyo sa kulturang popular. Ang inaakalang maningning na halimbawa nito ay ang impetus ng radyo at video camera sa EDSA 1, ng cell phone sa EDSA 2, at malamang ng internet ng susunod na EDSA, kung hindi man, sa naging karanasan sa protesta sa US War sa Iraq at ang susunod na anti-WTO meeting sa Hong Kong ngayong Disyembre.

Nananatiling madulas na usapin pa rin ang kulturang popular, lalo na sa bansang bawat hibla ng pang-araw-araw at panlipunang politikal na karanasan ay nababahiran pa rin ng pamomolitika ng mismong estado at ng pananalapi ng negosyo. Dati, kapag inaapi ka, sinabing mang-isa ka na lamang o ilagay mo sa kamay mo ang katarungan, tulad ng pelikula nina FPJ at Erap. Ang nakakalimutan, tulad sa pelikula nina FPJ at Erap, ay ang foregrounding ng pulis sa pagtatapos ng pelikula, matapos maghiganti ng bida sa lahat at sobra pang lumasptangan sa kanyang mahal sa buhay. Dati, kapag inaapi ka, humingi ka ng tulong sa peryodista para ipalaganap ang causa mo. Pero sa dami ng pinapaslang na journalist sa bansang ito, kanino ka pa maaring dumulog? Ngayon, kapag inaapi ka, isusumbong mo kay Tulfo, ipapa-hoy gising mo, hahanap ka ng palabas sa telebisyon na maari kang dumulog—mula Kapwa Ko Mahal Ko, kapag may karamdaman ka; Bantay Bata kapag binubugbog kang musmos, Magpakailanman kapag dati kang bold star at nagnanais mag-comeback. Ginagawang libangan ang buhay ng mamamayang nakalugmog sa pagdurusa at pighati. At ang karumaldumal pa nito, pinapanood natin ang karanasang ito na tila ba hindi rin ba kahalintulad ang ating karanasan. O baka naman, para masabing mas maganda pa pala ang ating nakakahingang buhay kaysa sa ating pinapanood na naghihingalong buhay.

Maging ang ating karanasan sa etnisidad ay dumadaan sa prismo ng kulturang popular na dumadaan sa prismo ng may interes na media at iba pang ideolohikal na aparato. Paano ba itinutuwid ang dila para mapagpag ang mga punto? O nalagay sa sizzling plate ng Trellis ang ordinaryong sisig para maging exemplaryo ng Kapampangan cuisine at ng pagiging Kapampangan? Bakit panlasa ang unang marka ng pagtanggap ng nakararami, tulad ng pagkaing Tsino, Kapampangan at Ilonggo, ng integrasyon sa sentro? Sa isang bansang multi-etniko, multi-relihiyon, multi-kultural at multi-linggwal, ang dibersidad ay unti-unting lumalapot sa panlasa ng sentro. Ito o ang enforced ethnic harmony, tulad ng mga bansang Singapore at Malaysia, na ang lahat ng politikal at pang-ekonomiyang karapatan ay nakabatay sa populasyon ng mga etnikong grupo. Ito o ang salad bowl at melting pot fantasy ng Estados Unidos bilang pangunahing bansa ng mga imigrante. Ito o ang modernisasyon ng estado ng India na naglagay sa sekularisasyon ng mga relihiyon sa larangan ng politika.

Ang mga artikulo at rebyu sa mga isyu ng Plaridel ngayong umaga ay patunay na marami pang kakaining bigas kahit pa marami nang naani sa kaban ng yaman ng larangan ng araling komunikasyon at media, sa pag-unawa ng politikang interbensyonista sa mga penomenon ng kulturang popular at pagkatao at modernidad ng etnisidad. Nais kong pasalamatan ang mga skolar, rebyuwer at referee sa pagtitiwala sa kanilang mga saliksik at sa Plaridel. Tatawagin na lamang sila—maliban ang referee—sa graduation portion ng programa, ang pamumudmod ng kopya sa mga hindi pa napamahagian nito.


8 Disyembre 2005

No comments: