Tuesday, May 23, 2006

Ang 20 Pinakamabuting Kuwentro ng 1997

ANG 20 PINAKAMABUTING KWENTO NG 1997


Ang pagpili ko ng pinakamabuting kwento ng 1997 ay halaw sa isang mahabang tradisyon ng seleksyon pampanitikan o kanonisasyong sinimulan at pinaunlad nina Jose Garcia Villa, Clodualdo del Mundo Sr., Alejandro G. Abadilla at Isagani Cruz. Sa dinami-dami ng akdang nalathala, ano ang aking inaakalang dakilang mga kwento ng nakaraang taon?
Ang interes ko ay mga kwentong nakakapagbigay ng bagong perspektiba at pananaw hinggil sa mismong paraan at paksa ng pagkukuwento. May dalawa akong hinahanap sa aking pagsala ng kwento, parehong umuukol sa isyu ng kasinsinan. Una, binabasa ko ang mga kwento na naghahanap ng kasinsinan, kundi man inobasyon, sa gamit ng kumbensyon sa pagkukwento. Sa inobatibong gamit ng kumbensyon matutunghayan ang inobasyon sa paksa na ikinukuwento.

Ang paghahanap ng kasinsinan ay hindi na maitatawa bilang isang formalistikong panuntunan sa pagkukwento. At bakit naman hindi ito aasahan sa mga kwento? Kalakhan ng nalalathala, sa unang banda, ay mayroon namang exposure sa kanonikong definisyon ng panitikan. Nakapag-aral ang manunulat na nalalathala; marami pa nga na kasama rito ay guro at estudyante ng malikhaing pagsulat. Bagamat kung titignan natin na ang porma ng maikling kwento ay ang pinakabunso sa mga genre--ipinakilala sa sistemang pang-edukasyon sa panahon ng Amerikanong kolonialismo--nasagad na rin ang gamit sa mga kumbensyon ng pagkukwento. Kaya may matindi akong pagnanais na makatunghay ng inobatibong paraan ng pagkukwento bilang pagsagka sa politika ng kumbensyonal at kolonyal na orientasyon at gamit sa maikling kwento. Ang pagkakaroon ng kasinsinan sa maikling kwento ay paglalahad ng kakaibang masteri sa porma nito, mula sa kolonyal tungo sa paraan ng pagtuklas at pagdala sa atin, bilang mambabasa, sa mga makabansa, komunidad at lokal na karanasan.

Ang ikalawa kong hinahanap ay kasinsinan pa rin, kasinsinan sa politikang tinangkang gamitin at palawigin. Bawat kwento ay may panlipunan at pangkasaysayang saklaw. Kumikilos ang mga tauhan sa isang karanasang dulot ng kanyang interaksyon sa lipunan at kasaysayan. May tinatangka siyang igpawan, mga pwersang mas malaki sa kanya. Ang mga pwersang ito ay umuukol sa mga institusyong nagkakahon sa kanya, at nagdudulot din ng posibilidad ng kanyang paglaya. Ang kasinsinan sa politika na hinahanap ko ay hindi lamang simpleng umuukol sa tagumpay ng kanyang mga pagsisikap mapalaya ang kanyang sarili sa mga predikamento ng kanyang buhay bilang indibidwal at sosyal. Ang kasinsinan sa politika ay paglalahad ng mga masalimuot--parehong mapanupil at mapagpalaya--na kontexto na siyang makakapagpaunawa sa atin kung bakit siya nagtagumpay o sumablay sa kanyang pagtatangka. Nasa yugto rin tayo ng ating kasaysayan na naipakilala at lumalaganap na ang rekognisyon sa iba=t ibang identidad--partikular yaong mga historikal na naisantabi sa lipunan, tulad ng mga kababaihan, bakla at lesbiana, anakpawis, rehiyonal, at iba pa. Hindi na nararapat, kung gayon, na muli tayong mabalik sa mga feudal, kolonyal, patriyarkal at makauring kaisipan. Ang kahilingan ng kasinsinan sa politika ay ang kakayahang matalakay sa angkop at mapanuring paraan ang mga isyung politikal na ini-implicate ng manunulat o ng kanyang paksa.

Mula sa napiling dalawampung "pinakamabuting" kwento ng 1997, ano ang ating matutunghayang ukol sa ilang pag-unlad ng kwentong Filipino?
Una, lubhang malaki ang isinulong ng sektoral na panitikan, lalo na ang pagpasok ng maraming kababaihang manunulat sa larangan ng maikling kwento. Kabilang sa seleksyong ito ang mga beteranang kwentista, tulad nina Genoveva Edroza-Matute, Gloria Villaraza Guzman at Liwayway Arceo na patuloy na tumatalakay sa mga isyu ukol sa babae at pagkababae sa kanilang mga kwento. Pinapatnubayan ng kanilang nabuong tradisyon sa panitikang kababaihan ang mga iba pang henerasyon ng babaeng manunulat, tulad nina Ellen Sicat, Luna Sicat-Cleto, Glecy Atienza, Mayette Bayuga, Ina Alleco R. Silverio at Arlene Bongon, na mas hayag ang proyektong feminismo sa mga akda. Bahagi ng sektoral na panitikan ang patuloy na pag-usbong ng panitikang gay. Narito ang kwento ni Eugene Y. Evasco.

Ang isa pang uri ng sektoral na panitikan ay yaong likha ng anakpawis. Kabilang dito si Pedro Bundok, isang talipanpan. Gayunpaman, kalakhan ng nalalathalang akda at manunulat ay nakabase sa unibersidad. Nakapaloob sa pantikan ng anakpawis ang panitikan ng migranteng manggagawa. Bagamat hindi naman lehitimong overseas contract workers (OCW), madiin pa rin ang simpatya ng mga kwento nina Rommel Rodriguez at Elmer Antonio Dm. Ursolino sa mga isyung kinahaharap ng mga OCW.

Ikalawa, di pa rin nakakapasok sa mga publikasyon sa Manila, kabilang ang mga likha ng mga estudyante sa unibersidad, ang panitikang rehiyunal. Malinaw na ang bumubuo nitong seleksyon ay panitikang Tagalog at nakabase sa Manila at karatig pook. Samakatuwid, maliban sa akda ni Bundok, hindi pa rin bukas ang mga publikasyon ng sentro sa akdang rehiyunal. Maging ang proseso ng pangangalap ng materyales para sa seleksyon ito ay limitado--sa panahon, lohistika at network--sa mga publikasyong abot-kamay ng mga mananaliksik para sa proyekto. Malamang, dapat na baguhin ang titulo ng artikulo at gawing, "Ang dalawampung pinakamabuting kwentong napablis sa Manila ng 1997." Pero maging ito ay hindi sasapat sa naging kahinaan at limitasyon ng pananaliksik, dahil maging ang nasarbey na materyales ay yaong kagyat na makukuhanan ng kopya. Maraming mga patlang, bungi at kakulangan ang pananaliksik, gayunpaman, maari pa ring tumukoy ng seleksyon dahil may mga sinasabing inobasyon ang mga napiling kwento.

Ikatlo, ang pagbubunsod at pagpapaunlad ng iba't ibang inobasyon ay nagmumula sa bukal ng kabataang manunulat. Ginagabayan ng mga naunang henerasyon ng manunulat, bukod sa nabanggit na ay kasama rin dito sina Rogelio Sicat, Domingo Landicho at Benigno R. Juan, ang mga mas nakakabatang henerasyon ng manunulat. Kasama rito sina Danilo R. Dela Cruz Jr., Jose Edison C. Tondares at Michael Labrado Gulla. Ang isang impetus sa inobasyon at experimentasyon ng mga kabataang manunulat ay nakasampa sa institusyonal na makinarya ng malikhaing pagsulat, kasama rito ang programang akademiko at gradwado, workshop, publikasyon, komunidad ng manunulat at pamantayang pampanitikang kaakibat ng mga ito. Maging itong seleksyon ay pinopondohan at inilalathala sa pamamagitan ng institusyon ng malikhaing pagsulat. Samakatuwid, ang mga akdang dumaan sa programa ng malikhaing pagsulat ay nagkakaroon ng afirmasyon sa isang publikasyon ng malikhaing pagsulat.

Dalawa ang dulot ng ganitong kalakaran: una, ang aura ng institusyonal na rekognisyon sa akda at manunulat; ikalawa, ang aura ng transhenerasyonal na kagalingan. Ang aura ng institusyonal na rekognisyon ay isang vertikal na antas--ang sukdulang afirmasyon ay nanggagaling sa posisyon ng isang sentro ng malikhaing pagsulat na siyang tumutunghay sa taunang produksyon ng panitikan. Ang nabanggit kong limitasyon at kahinaan ay dapat maisaalang-alang dito para madispel ang aurang ito. Ang aura ng transhenerasyonal na kagalingan ay isang horizontal na antas--ibig sabihin, magkakahanay sa seleksyong ito ang nakakatanda at nakakabatang henerasyon ng manunulat, gayundin ang babae at lalakeng manunulat, at iba pang kultural na kategoryang siyang nagpapaiba sa mga manunulat. Kung tatanggalin ang mga kaibahang ito, ang tanging matitira ay ang hegemonikal na konsepto ng "magandang panitikan."

Binabalikwas ko ang konseptong ito. Sa aking pakiwari, hindi universal at timeless ang panitikan. Ito ay nakapaloob sa parametro ng spesipikong lipunan at kasaysayan. Kaya mas interesado ako sa mga akdang nagbibigay kumplexipikasyon sa ating pang-araw-araw at historikal na realidad kaysa sa mga pagtatangkang magbigay ng unibersal na tema ukol sa kabutihan ng tao at sangkatauhan, konserbatibong moralidad at kaayusan, at iba pa.

Ang seleksyon ay nahahati sa dalawang mahalagang bahagi, pawang nakabatay sa formasyon ng dalawang uri ng identidad--pagkamamamayan, at pagkataong sexual at kasarian. Ang unang bahagi ay tumatalakay sa mga paraan--epektibo't taliwas, indibidwal at kolektibo--ng pagkakaroon at pagkawala ng identidad ng mamamayan. Ang mamamayan ang ideal na identidad ng opisyal na konstruksyon ng bansa. Nagdudulot ng kaakibat na pribilehiyo ang pagkakaroon ng ganitong status, tulad ng access sa edukasyon, pabahay, serbisyong publiko, disenteng pamumuhay, at iba pa. Sinusuri ng mga kwento ang iba't ibang aspekto ng pagkamamamayan at paraan ng asersyon ng iba't ibang kahilingan (claim) nito, na kahit na kontrayong identidad ang nakakasulpot, may pagtatangka pa ring gawing accountable ang estado ng bansa.

Ang ikalawang bahagi ay tumatalakay sa mga paraan ng pagkakaroon ng identidad na sexual at pangkasarian. Pinapalawig ng mga kwento ang mga isyung nagdudulot ng napakarami at napakahabang paghihirap at panunupil batay sa pagkapanganak at pagpili ng mga ganitong identidad. Tinatalakay din ng mga kwento ang ligaya, kahit pa pamandali o tolerable lamang, ng paninindigan sa identidad na sexual at pangkasarian.

Ang unang bahagi ukol sa pagkamamamayan ay binubuo ng tatlong seksyon. Ang unang seksyon ay ukol sa isang subaltern na figura, hindi matutukoy ang mental na struktura ng nagkukwento, ang kawalan ng seguridad sa buhay dulot ng kanyang bikultural na background. Ang ikalawang seksyon ay ukol sa pagbubuo ng mamamayan sa loob at labas ng bansa. Mediated ng teknolohiya--telepono, telebisyon, pelikula, balikbayan box--ang identidad, tulad ng nagbabagong realidad at aspirasyon sa pag-unlad ng bansa. Ang huling seksyon ay ukol sa iba't ibang salasalanit na yugto ng buhay, mula pagkabata hanggang sa pagtanda, na bagamat pinagdadaanan ng lahat ng mamamayan ay hindi pare-pareho ang pagkakadanas nito..
Ang ikalawang bahagi ukol sa pagkataong sexual at pangkasarian ay may tatlo ring bahagi.

Ang una ay ukol sa isyu ng pagkababae--kung paano ang mga feminine na isyu at katangian ay siyang humuhubog ng pagnanasa tungo sa pagbabago sa kwento. Ang ikalawa ay ukol sa pagkalalake at pagkabading. Ang isyu ng pagkalalake ay tinatalakay sa unang kwento sa seksyong ito; ang pagkabading, sa ikalawang kwento. Sa dalawang kwento, ipinapaliwanag ang ilang operasyon ng patriyarka na siyang humuhubog--kahit pa tinutuligsa--ng mga pangunahing tauhan sa kwento. Ang huling seksyon ay mga kwentong may hayag na feministang proyekto. Lantad sa mga kwento ang pagsisiwalat ng kondisyon at kontexto ng mga babae, at ang pagnanasa na baguhin--gawing katanggaptanggap sa sarili (ang babae)--ang taliwas na kalakaran.

Samakatuwid, ang mga kategorya ng identidad sa dalawang bahagi, maging ang mismong kanong ito, ay matutunghayan bilang isang konstruksyon. Arbitrayo ang naging pamantayan sa pagpili ng mga seleksyon, sa pagtakda ng inaakalang dakila't mabuti, sa sequencing ng mga kwento, maging sa pagpasok ng iba't ibang motif na sasaklaw sa mga kwento. Sa isang banda na lumikha ako ng kanon para dakilain ang 20 kwento ng 1997, sa kabilang banda rin naman ay ipinaliwanag ko ang mga kontextong siyang humubog ng pagpiling ito. Binuo ko itong kanon na malinaw, kung sa akin man lamang, ang mga panuntunan, pati na rin ang kahinaan at limitasyong maari ring magtibag nito. Gayunpaman, narito ang mga kwentong inakala kong pinakamabuti para marapatin din o hindi ng iba pang mambabasa. Kung magkagayon, kayo man ay humuhubog na rin ng sarili ninyong kanon at kontra-kanon.

Introduksyon sa Aklat Likhaan 1997

3 comments:

Anonymous said...

manhusay ka kaibigan!

Anonymous said...

shy 2.... mgaling , can u make some kind of more kwentong feminismo na pwede kong e project? e2 lng ksi mhirap sa lahat. ty idol!

Anonymous said...

next week open ko ulit kung may kwentong feminismo na hmm? thanks again....Gud day nd God bless!!!!