ANG PANITIKANG FILIPINO SA IKA-20 SIGLO: PERSPEKTIBO, REALISMO AT NASYONALISMO
May magkatambal na kabanata sa Noli Me Tangere na nagpapahiwatig ng relasyon ng perspektibo, realismo at nasyonalismo. Ito ang Kabanata 8 “Mga Alaala” at 9 “Mga Bagay-bagay ng Bayan.” Sa Kabanata 8, ipinapakitang lulan si Ibarra ng karwahe at nagbibiyahe sa iba’t ibang lugar ng Maynila. Tila siya isang flaneur ni Benjamin na nakakatanaw ng iba’t ibang aspekto ng syudad, at nakakapagmuni-muni hinggil dito. Mula sa daang wala pang latag ng bato, napagnilayan ni Ibarra ang ubo’t pagkabulag ng mga nagdaraan kapag tag-araw, at ang pag-iwan sa pagkabaon ng mga tsinelas sa putikan tuwing tag-ulan. Ang kakatwa sa perspektiba ng nagsasalaysay, kung saan naaninag ng mambabasa ang naratibo, ay doble ang isinusulat na kwento. Ang una ay ang literal na kwento, kung ano ang natatanaw ni Ibarra sa kanyang paglalakbay at kung ano ang kanyang pinag-iisip hinggil dito. Ang naunsyaming pagkaunlad ng Maynila ang axis ng pakahulugan dito. Maging ang kanyang magandang alaala tungkol sa Europa ay nanggagaling mula sa abang kondisyon ng syudad. Ang ikalawa ay ang pagpasok ng nagsasalaysay--third person omniscient--ng kamalayan sa mga natatanaw. Sa daang ito, halimbawa, may isang bangkay na walang pumapansin, maliban sa isang bata. Ayon sa salaysay, “sa kanya lamang, batang labing-isang taon, na kagagaling sa kaniyang bayan, nakapangilabot ang gayon, siya lamang ang binangungot dahil doon, sa kinagabihan.”[1]
Paano naaninag ng nagsasalaysay mula sa natanaw ni Ibarra ang kwento ng bata--ang impormasyon hinggil sa edad, sa pinanggalingan at ang kinahaharap ginagabihan? Kung gayon, kaninong perspektibo ang bumubukadkad sa naratibo? Mahalagang usapin ang perspektibo dahil dito nanggagaling ang realismo o ang estetika ng pagkaunawa sa mundo ng naratibo. Susi ang perspektibo sa interpretasyon ng realismo, ng mundo ng naratibo, at ng mundo sa labas ng naratibo. Ang diskurso ng perspektibo ang bumabalangkas ng pagkaunawa sa ating pagpapakaranasan. Sa loob ng nobela, halimbawa, kung paano babasahin at mauunawaan ang naratibo. Maging sa labas ng nobela, ang diskurso ng perspektibo ay nagsisiwalat ng kapamaraanan kung paano tayo mabubuhay, iibig, magsho-shopping, o makikinig sa mga papel sa kumperensya. Kaya maging ang mismong diskurso ng perspektibo ay perspectival, nakabatay kung sino ang nagsisiwalat ng diskursong ito.
Sa Kabanata 8, ang pagtanaw ni Ibarra sa syudad ang axis ng pakahulugan sa texto. Mula sa kanyang nakita, may ibang ipinapakita sa mambabasa, ang kwento ng kanyang nakikita. Sa kabanatang ito, may dalawang perspektibo na nagsisilbing impetus sa pamumukadkad ng naratibo. Ang pananaw ni Ibarra ay sinasaad bilang kontradiktoryo, nakikita niya sa syudad ang ibang bagay: sa dagat, ang Europa bilang pangako ng mga liberal na posibilidad; sa bundok sa likod ng Luneta, ang pangaral ng isang matandang pari hinggil sa kahalagahan ng puso sa karunungan; at ang kanyang pabulong na tugon sa sarili, ang primordial na puridad ng bayan. Sa pananaw ng narrator naman, sinisiwalat ang mga detalyeng nagpapatingkad sa kontradiksyon ni Ibarra. Halimbawa, ang patuloy na paggulong ng sasakyan sa gitna ng kontradiksyon ng pag-iisip ni Ibarra at ang kontradiksyon ng lugar. Mula sa narrator, matutunghayan na ang mismong pagkilos ni Ibarra sa lugar ay maaring basahin bilang pagkilos ng lugar kay Ibarra. Ang pagpasok ng kontradiktoryong pagkilos ng syudad kay Ibarra, ang internalisasyon sa di-pantay na pagkaunlad ng kolonya, ang siyang magbabadya ng transformasyon ng aksyon ng pangunahing tauhan. Hindi ang kanyang kamalayan ang nagbago, sa tingin ko. Ang pangunahing nagbago ay ang pagpili ng ibang aksyon para matugunan ang tumitingkad na kontradiksyon ng kanyang kamalayan. Sa huling bahagi ng nobela, masyado nang matingkad ang kontradiksyon ito na kinailangan na ni Ibarra na lisanin ang kanyang tauhan, naging si Simoun na sa sequel na nobela. Sa gayon, muling niriimbento ni Ibarra kay Simoun ang kanyang kontradiksyon.
Sa isang banda, tila ang pananaw ni Ibarra ay nagsisilbing geometric-optical plane lamang. Ito ang nagbibigay-puwang para sa kahulugan hinggil sa isinasaad pang iba ng kwento. Mas maraming alam ang narrator, kaya tila may mas sentralidad ito sa pamumukadkad ng naratibo. Pero hindi ito ganap. Sa kabilang banda, ang nangyayari pa nga, ang pananaw sa kaganapan sa syudad ang nagsisilbing tindigan ng pananaw at kamalayan ni Ibarra. Kung gayon, hindi lang literal na plane ng kahulugan ang pananaw ni Ibarra; ito, higit sa lahat, ay nagsisiwalat ng hierarchical plane--kung ano ang mas pinaniniwalaan, at kung ano ang sandigan ng kanyang paniniwala.
Sa kabanatang ito, masisiwalat na ang paniniwala ni Ibarra, pati na rin ang sandigan ng kanyang paniniwala. Wala sa literal na espasyo ng Pilipinas ang katugunan sa kontradiksyon sinasambit ni Ibarra. Ang pangako ng transformasyon ay galing sa Europa, sa ibayong dagat. Habang hindi pa yumayabong ang liberalismo ng kanluran, kailangang panatilihin ang Pilipinas bilang isang purong entidad ng pananakop at kolonialismo—ng idea ng kontra-liberalismong espasyo--hanggang sa kakayanin. Ang kakatwa sa sinisiwalat ng kamalayan ni Ibarra ay ang realidad ng kontexto ng pagkakasulat ng tauhang ito, at maging ang nobela ni Rizal. Kinilala ni Ibarra at Rizal ang opresibong realidad ng Pilipinas, ang armadong kilusan na naglalayong mabago ito, at ang kontradiksyon ng pagpapanatili ng posisyon ng bansa bilang isang purong entidad.
Mahalagang i-implicate si Rizal sa diskurso ng perspektibo dahil ang kanyang stilo ng paglalahad ng perspektibo at kamalayan ni Ibarra ay gumagamit ng essayistic mode ng panulat. Ibig sabihin, ipinapasok ni Rizal sa kamalayan ni Ibarra ang kanyang mga idea hinggil sa nasyonalismo at pagkabansa. At mula sa kamalayan ni Ibarra, hinihimok ang mambabasa hinggil sa ganitong larangan ng paniniwala, pati na ang mga kontradiksyong kaakibat nito.
Sa pagtukoy ng perspektibo, maaninag din ang ideolohiya ng pinanggagalingan nito. Kung ang perspektibo ay tumutukoy sa relasyon ng ‘laki’ o density ng isang bagay sa kaayusang kinapapalooban nito (tulad ng prutas sa mesa sa painting o tao sa lipunan), ito rin ay pumapatungkol sa perspektibo hinggil sa relasyong pangkapangyarihan. Kung gayon, ang perspektibo sa naratibo ay isang naratibo ng kapangyarihan sa perspektibo.
Ang perspektibo ang nagbubukas at nagbibigay-impetus sa pagkaunawa ng mambabasa di lamang sa nagaganap sa kwento, pati na rin ang hindi nagaganap dito. Ang tinutukoy ko rito ay ang pagkawala ng pinagmulan at pinatunguhan ng interpretasyon matapos matukoy ang fundasyon ng mga ito. Ang pagkatukoy sa pananaw ni Ibarra bilang perspektibo ng kabanata’nobela ay siya rin namang nagbukas ng maraming pagpapakahulugan nito. O ang pagtukoy sa mga kahulugan ang siya rin namang nagbukas sa iba’t ibang dumudulas na perspektibo sa nobela. Ayon nga kay Michel Foucault sa kanyang pagsusuri ng painting na “Las Meninas” ni Velazquez, “In the middle of dispersion which it is simultaneously grouping together and spreading before us, indicated compellingly from every side, is an essential void: the necessary disappearance of that which is its foundation--of the person it resembles and the person in whose eyes it is only a resemblance.”[2] Ang perspektibo ng representasyon ni Rizal kay Ibarra sa kamalayang makabansa ay ang pangunahing daluyan ng representasyon ng realismo.
Ayon kina Lumbera, “Noli Me Tangere marks the first time realism as a literary concept entered Philippine writing.”[3] Dahil sa kondisyon ng Pilipinas sa panahon ng pagkasulat sa nobela, tila lubos naman na nagagap ni Rizal ang kolektibong karanasan sa sa literal at epistemikong karahasan sa ilalim ng tumitinding kolonialismo at ang mga kilusang bumabatikos dito. Pinatingkad ni Rizal sa mga kabanata ng kanyang nobela ang mga karahasang ito. Realismo ang pangunahing estetika ng pagsisiwalat nitong katiwalian sa Pilipinas. Pero dahil ang panahon ding ito ang nagbadya ng maturidad ng anyong nobela sa Europa, may paggagap din si Rizal sa mga kontradiksyon ng pagsusulat ng nagaganap sa Pilipinas. Modernismo naman ang daluyan ng kontradiksyon ng kamalayan, sa partikular ang politikal na komentaryo hinggil sa disenchantment sa kolonyal na kaayusan.
Kung gayon, ang inaakalang pagpasok ng realismo sa panulatan sa Pilipinas ay hindi exaktong obserbasyon sapagkat ang pumaloob sa panitikan ay higit pa sa realismo. Dahil na rin ang proseso ng pagsasabansa at ang modernisasyon nito ay naganap lamang sa pangunahin sa nakaraang siglo, tila hindi na pumasok ang panitikan sa tradisyon ng realismo. Kaagad nang sinambulat ng produksyon ng popular na panitikan ang welding ng romantisismo at realismong may palamang modernismo. Ang mga politikal na nobela ng unang apat na dekada ng ika-20 siglo ay hindi nakasulat sa realismong kapamaraanan. Walang lantarang idealisasyon ng humanismo at sibilisasyon, tulad ng kaganapan sa kanluran. Wala ang mga paknat na pagpapabuti sa pagkatao ng nilalang sa layong mapabuti ang pagkatao ng sangkatauhan, o ang pagdakila sa trajectory ng kanluraning sibilisasyon, at ang kapasidad nito para alamin at kolonisahin ang lahat, maging ang representasyon ng dakila at pang-araw-araw na buhay. Bagkus, puno ang mga akdang pampanitikan ng perspektibo at naratibo ng disenchantment sa imperial na kaayusan sa panahon ng Amerikano. Sa panahon ng matinding panunupil sa karapatang pamamahayag, lalo pang nag-morph ang mga nobela tungo sa kontradiktoryo at sosyalistang pamamaraan ng pagbabalikwas. Maging ang sosyalismo bilang kapamaraanan ng pagbalikwas, sa simula, ay isang import mula sa kanluran. At sa kanluran, ito ay tumutuligsa sa idealisasyon ng kondisyon sa lipunan.
Kung gayon, ang pambansang panitikan ay kaagad napaloob sa kontradiksyong isinisiwalat ng modernismo. May pesimismo sa mismong mga kamalayang inihahayag sa panitikan. Ang tinutukoy ko rito ay hindi lang naman ang “pagpula ng silangan” bilang wakes na imahen ng mga akda bilang paghudyat sa tagumpay ng pag-aaklas ng mamamayan. Mismong ang pesimismo ay maaaninag sa konstruksyon ng pagduda sa posibilidad ng tagumpay—dahil nga ang aktwal na realidad ay nagbabadya ng sukdulan at malawakan pagtatagumpay ng mamamayan sa isang sistematikong mapanupil na makinarya ng kolonyalismo. At dito nanggagaling ang lakas ng pwersa ng naging gamit ng realismo-modernismo sa Pilipinas, nasustena ng ganitong pesimismo ang pagtahak ng landas tungo sa kasalukuyang patuloy na pagyabong ng mga panitikan sa Pilipinas.
Ang pagkilos ng lugar sa kamalayan ni Ibarra ay may paralel na kaganapan kay Julio Madiaga, ang pangunahing tauhan sa nobelang Sa Kuko ng Liwanag. Pinatingkad ng pang-araw-araw na buhay ni Julio sa syudad ang kontradiksyon sa kanyang kamalayan. Ang aktwalisasyon ng pagnanasang mapatay si Ah-tek, ang dayong nagsimbolo ng kanyang kaapihan sa espasyo ng syudad, ang naging katugunan ni Julio para magkaroon ng katarungan. Sa huli, nasukol ng lokal na pwersa si Julio sa isang eskinita at dito siya pinaslang, tulad ng imahen na sinasambit ng narrator—naulol na asong di na nakayanan ang regularisadong pang-aapi sa kanya. Masyadong matindi ang naging implikasyon ng kontradiksyon ng kanyang kamalayan gayong wala naman itong aktwal na kapangyarihan sa mas malaking makina ng syudad. Nilamon si Julio ng syudad, naging bagsak na marka ng mga taong naglalagay ng katarungan sa sarili nilang mga kamay sa panahong walang malakihang kilusang masa sa kalunsuran. Nanghihimok ang nobela ng opinyon sa mambabasa hinggil sa kinahinatnan ni Julio.
Ang pambansang panitikan ay may essayistic mode, nanghihimok ito ng opinyon ng mambabasa hinggil sa nosyon ng katarungan, demokrasya, pakikibaka, politika at kultura. Sa maraming pagkakataon pa nga, ito ay tila nag-uutos ng mga dapat gawin. Kung susuriin ang maraming kritisismong panitikan, ang essayistic mode ay nakapaloob sa kapamaraanan ng imperative function—pautos kung magsalita ang tinig ng sanaysay o ang perspektibong gamit nito. Ang mga pangungusap ay tadtad ng “dapat” at “kailangan.” Impassioned ang nagsasalita dahil na nga rin sa pagtingin na ang kritisismong pampanitikan ay kritisismong panlipunan at kasaysayan. Tunay naman na naging substansyal ang papel ng panitikan sa transformasyong panlipunan at pangkasaysayan. Ito ang inaalingawngaw ng mga kritiko—ang historikal na papel ng panitikan sa transformasyong panlipunan. Kaya ang tinig at perspektibo ay pumapaloob sa diskurso ng moralidad ng pagbabago, pagkilos at pagsasabansa dahil ang mga isyung ito ay matatalakay lamang kapag inangat sa ethics ng katarungan, demokrasya, pag-ibig at pakikibaka.
Sa kondisyon ng pambansang panitikan na di pa lubos na konkreto ang aktwal na pagsasabansa, mayroong ethical dimension ang isinasaalang-alang ng produksyon nito. Para kanino nga ba ang panitikang nililikha, ang perspektibo ng naratibo na isinisiwalat? Kaya paratihan, may inaakalang mambabasa ang manunulat sa Pilipinas. Dahil kahit pa sa limitadong produksyon at sirkulasyon kumpara sa di hamak na mas malaking populasyon ng bansa, may nagbabasa pa rin. At higit sa lahat, may nagsusulat pa rin. Mayroon pa ring nakakapag-bigay artikulasyon sa mga kaganapan sa bansa. Kaya mataas ang anxiety level ng manunulat. Bukod sa isyu ng inaakalang invisible na mambabasa, ang kanyang isinusulat ay hindi lang naman kanyang obra, ito ay isang diskurso hinggil sa mga etikal na bagay at konsepto. Sa maraming pagkakataon, ang obra ay hindi lamang akdang pampanitikan pero ito ay isang manifesto sa papel ng panitikan sa pagbibigay representasyon at artikulasyon sa relasyong pangkapangyarihan sa buhay at lipunan.
Sa isang maikling kwento “Dugo at Utak” ni Cornelio S. Reyes, inilarawan ang sandali ng paghagupit ng naputol na kableng ibinababa ng barko sa ulo ng isang manggagawa. May katiyakan ang kamatayan. Ang kakatwa rito, mismong manggagagawa ang nagsasalaysay ng sandaling ito. At ang sandali ng paghagupit ang kabuuang nilalaman ng kwento. Mula sa perspektibo ng manggagawang nagsasalaysay binuo ang kwento. Ang kondisyon ng paggawa ay unti-unting kumitikil sa manggagawa. At ang aktwalisasyon ng panganib sa trabaho ang totoong kumitil sa manggagawa sa kwento.
Sa kwentong ito, pesimistikong isinasalaysay ng manggagawang napipintong mamatay ang kanyang buhay. Skeptikal ang perspektibo sa kakanyahan ng panitikang may magawa pa bukod sa pagbibigay representasyon sa mga panganib ng nominal na buhay ng manggagawa. Ang nagagawa ng akda ay inaangat ang talakayan—mula sa indibidwal na buhay tungo sa isang panlipunang identidad, mula sa generic tungo sa pagbibigay ng “proper” na identifikasyon sa panlipunang karakter at katangian nitong ordinaryong tao. At ito ang afinidad ng panitikan sa iba pang kilusang pang-sining, tulad halimbawa ng social realism sa sining biswal. May hinihimok na pagkilos, hindi lamang pagdulog ng mambabasa sa klima ng intelektwal na katiwasayan. Precisely, ang perspektibo sa realismo ay nanghihimok ng destabilisasyon sa realidad. Kaya sa mga akda, parating may nangyayari, kahit pa ito Guy de Maupassant o Henry James na uri ng kwento. Tahimik man o nagsusumigaw, ang panitikan ay may panghihimok—mula sa perspektibo ng tauhan at manunulat--sa mambabasa na gulantagin ang kanyang posisyon sa lipunan, ipakita at ipaunawa na ang mismong posisyon ng mambabasa ay hindi naman talaga isang stableng bagay. Ito ay isang artiface lamang. Samakatuwid, ang pagsuhay ng balangkas ng perspektibo sa panitikan ay nagbabadya ng destabilisasyon at interogasyon. Sa huling pagtutuos, ang sinasakdal ay ang mismong posibilidad at limitasyon ng panitikan sa panlipunan at pangkasaysayang pagbabago.
Sa isang kwento naman ni Luna Sicat “Lohika ng Bula ng Sabon,” isiniwalat ang nagaganap sa kamalayan ng isang babaeng naghihinagpis ukol sa nasirang pagmamahal. Tila isang panaginip ang naratibo ng kwento, disjointed at fragmented, pero ini-implicate ng perspektibo ang mambabasa na magtanong hinggil sa lagay ng narrator. Ang proseso ng pag-implicate sa mambabasa bilang co-dependent ng persona ay kahalintulad ng mismong seduksyon ng mambabasa sa mamamayan, ng panitikan sa lipunan. Ang interogasyon ng persona ng kwento ang nagpapahiwatig ng pagiging di stable ng posisyon ng artikulasyon, at kung gayon, ang posisyon ng pagbasa at pag-unawa, ng mismong pagbibigay kahulugan at artikulasyon sa binabasa. Kakatwa na ang inaakalang incoherence sa kwento ay madi-diagnose sa formalistikong pamaraan—mayroon itong banghay, tunggalian, ending at iba pang elementong nagpapakat sa kabuuan ng isang kwento. Ginamit lamang ang perspektibo sa pagsiwalat ng psyche at kamalayan para ipakita ang artiface ng kwento. Ang kwento ay hindi lamang ang nagaganap sa utak ng persona, ang kwento ay ang kahalintulad na nagaganap sa utak ng mambabasa, kung paano bubuuin ang kwento. Dahil hindi naman matatakasan ang kolonyal na kalakaran at idea ng kwento, maari pa rin itong tawagin ang pansin sa mas produktibong interaksyon sa kwento. Ang psyche ay materyal, ang incoherence sa kwento ay isang ring pagkabuo sa proseso ng pagbibigay-kahulugan at representasyon sa buhay at lipunan.
Ang panitikan ay may posibilidad at limitasyon sa pagbibigay representasyon at artikulasyon sa mga karanasan sa buhay at lipunan. Ito ang sakop ng panitikan. Ang kalakaran sa kasalukuyang produksyon pampanitikan sa huling siglo ay tungo sa pagtawag pansin sa kakanyahan nitong panitikan—ang bawat pag-akda ng pagsulat at pagbasa ay pagbigkas ng manifesto tungkol sa potensyal at limit ng panitikan. Dahil ang Pilipinas ay paratihang kagyat na nakapaloob sa isang global na kalakaran sa mas industrialisadong mga bansa, ang panitikang nalilikha rito ay paratihang kagyat rin na may kosmopolitan na katangian. Artikulado man o hindi, ang panitikang nalilikha rito ay mga elaborasyon ng pambansa at transnasyonal na mga lokasyon. At kung ganito, sopistikado ang mga kapamaraanan ng pagsisiwalat ng kamalayan umiiral sa panahon ng pagkasulat ng panitikan, kahit pa ang realismo ay tila hindi gaanong nagbabago at nag-i-inovate. Tila ang pangunahin sa agenda ng pambansang panitikan ang pagsambulat ng kamalayan mula sa materyal na kondisyon ng lipunan at kasaysayan kaysa sa sopistikasyon ng gamit sa formal na katangian ng panitikan. Ang kwento ay kwento at hindi na lamang kwento.
[1] Jose Rizal, Noli Me Tangere, tinagalog ni Patricio Mariano (Manila: Roberto Martinez & Sons, 1957), 72.
[2] Michel Foucault, The Order of Things: An Archeology of the Human Sciences (New York: Vintage Books, 1973), 16.
[3] Bienvenido Lumbera at Cynthia Nograles Lumbera, Philippine Literature: A History and Anthology (Manila: Anvil, 1997), 43.
Thursday, May 25, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Very informative. I find this post cool. Well, I just read the part about C. Reyes' "Dugo at Utak" for my Filipino class. Thanks so much for sharing that insight which led me into illumination of what really happened to Korbo's last moments. The different thing here is, he talked to the cable as if he knows he was going to be hit.
He was able to remember significant moments he spent with Karelia. An that, I guess, is what makes this story different. Thanks so much!
-Karlo Avenido, Ateneo High School
salamat sa iyong comment, karlo. kapag nirebisa ko ang sanaysay,isasama ko ang iyong mahalagang punto ukol sa alaala ng karakter.
ingat, roland
Post a Comment