Introduksyon: Ang Mga Pinakamabuting Kwento ng 2000
Pangalawang beses na itong naiatas sa akin, ang pagpili ng mga pinakamabuting kwento. Noong una, sa taong 1997, binanggit ko ang pamantayan ng pagpili—una, ang kasinsinan, kundi man inobasyon, sa gamit ng kumbensyon sa pagkukwento; at ikalawa, ang kasinsinan sa politikang tinangkang gamitin at palawigin. Tatlong taon matapos, sa taong 2000, hindi naman lubusang nagbago ang pamantayang iyon.
Sa unang pamantayan, dapat ay higit ang lamang ng “senior” sa nakakabatang manunulat. Pero kapansinpansin ang interaksyon ng mas nakakatanda at batang manunulat. Nandito sina Reynaldo Duque, at ang henerasyon ng Katha—sina Eli Rueda Guieb III, V.E. Nadera Jr. at Orlando Maliwanag. At nandito rin ang umuusbong na bagong henerasyon ng kwentista—sina Daniel ______, Mario L. Cuezon, Alwin Aguirre, Libay Linsangan Cantor, Jose Maria Bayani, Alva Pao-Pei Marano, at marami pang iba. At ito ang nakakatuwa sa kwento ng 2000: kahit pa limitado ang publikasyon, patuloy pa rin ang mayamang produksyon ng kwento. Integral ang mga publikasyong ito sa pasusustena ng buhay at pag-unlad ng panitikang Filipino.
Patuloy ang Liwayway, kung iisipin natin ang bilang ng kwentong nailathala, na siyang pangunahing lagusan ng mga kwento. May kakaibang inobasyong ginagawa ito para higit pang makahimok ng pagsulat at pagbasa ng kwento: nilalangkap ng publikasyon ang tradisyong oral at katutubo. Matutunghayan sa Liwayway ang tradisyon ng naunang konsepto ng panitikan: mga kwentong-buhay o karanasan ng mambabasa na nirebisa ng manunulat ng publikasyon; mga kwentong pambata at oral (tulad ng alamat at kwentong bayan); mga unang kwento ng baguhang manunulat; mga kwento na ang pangunahing gamit ay magkwento. Tampok rito ang mga bagong karanasan—overseas contract work, migration sa iba’t ibang bansa, diasporisasyon ng Filipino, inter-racial na relasyon at kasal, bilang halimbawa—sa klase ng pinapaksa ng makabagong kwento. Sa aking palagay, ito ang nagsusustena sa Liwayway sa kanyang historikal na posisyon bilang pangunahing lagusan ng kathang Filipino. Niriembento ng Liwayway ang nakalathalang bersyon ng kwento at tradisyong oral ng panitikang Filipino. At dahil sa kasalatan ng publikasyong Filipino sa bansa, ang Liwayway ay nagiging lagusan din ng mga akda ng mga manunulat sa akademya.
Maasahan din ang campus publications bilang isang mahalagang daluyan ng panitikang Filipino. Pangunahin dito ang mga publikasyong nakabase sa pamantasan sa Maynila, tulad ng Dawn ng U.E., Philippine Collegian ng U.P., Varsitarian at Tomas ng U.S.T., Malate Journal ng De La Salle University, at Heights ng Ateneo. Lumalago ang interes sa malikhaing pagsulat sa hanay ng kasalukuyang henerasyon ng kabataan sa paglaganap na rin ng programa (undergraduate at graduate), kundi man ng ilan piling kurso, sa mga pangunahing unibersidad. Sa U.P. na lang halimbawa, marami sa mga nakasama sa seleksyon ay produkto ng mga kurso’t programa sa malikhaing pagsulat. At ito marahil ang kadahilanan kung bakit nakakasabay ang kabataang manunulat sa mga nakakatanda. Sa mas murang edad ay pulido na ang kanilang trabaho—masinsin ang kanilang craft at stilo ng pagsulat. Pero ito rin ang drawback sa mga bagong manunulat sa labas ng pangunahing institusyon ng akademya—lalong nagiging teritoryo ng apat o limang unibersidad ang produksyon ng panitikang Filipino at ng mga susunod na henerasyon ng manunulat na magsusulat nito.
At dahil nakasentro ang produksyon ng panitikan sa Maynila, narereprodyus ang makasentrong diin ng panitikang pambansa—ang sentro ang nagdidikta ng hugis, laman at substansya ng panitikang makakasaklaw sa pambansang karanasan. Ibig sabihin nito, ang filter ng sentrong pamantayan at karanasan ang siyang sumasala sa panitikan mula sa rehiyon--kung ito ay mailalathala at maisasama sa gahum ng pambansang panitikan. At kontraryo sa interes ng panitikang Filipino sa ingles, hindi lubos na prinoproblematisa ang belonging-ness o afinidad ng ganitong panitikan sa pambansa, na maaring analisahin bilang posturang kahandaan ng panitikang nakasulat sa ingles para sa isang inii-imagined na global na audience.
Bukod sa mga magazin tulad ng Liwayway at Mirror Weekly, at mga publikasyong nakabase sa mga institusyong pang-akademya at pansining (tulad ng Ani ng Cultural Center of the Philippines), ang isa pang mahalagang daluyan ng panitikan ay ang sektor ng kilusang masa. Ang Ulos ay ang kultural at panitikang publikasyon ng kilusang andergrawnd ng National Democratic Front. Sa kilusang hayag naman, tumatampok ang Polyeto bilang isang lagusan ng mga manggagawang cultural sa hanay ng kabataan, ang grupong Karatula. Mahalaga ang dalawang publikasyong ito dahil sa pagbibigay fokus sa mga sektoral at pambansang isyu para, sa pangunahin, sa kanilang mga kasapi.
Iba ang political economy ng publikasyong kultural ng kilusang masa dahil hindi ito sumasaklaw sa pangunahing kahilingan ng kasiningan ng unibersidad at institusyong pansining o ng komersyo tulad ng mga magazin. Ang Ulos at Polyeto ay patunay sa komitment sa produksyong pampanitikan para sa nakikibakang sektor. Ang panitikan ng kilusang masa ay nagsisilbing sandata sa pagmulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng mamamayan para sa tunay at ganap na panlipunang pagbabago.
Batay naman sa ikalawang pamantayan, ang mga napiling kwento sa seleksyon ay may kanya-kanyang advocacy o ipinapaglaban. Bagamat marami pa rin ang nalathala para ilahad ang personal na saloobin ng manunulat (ala journal writing), bawat akdang nalathala ay nakatakdang makapanghimok—maaring sa personal na paraan ng closure sa kwento, sa politikal na aspirasyon, sa mga fantasy-ideal na tulad ng scenario ng pelikula, at iba pa. Dahil ito ay nakalathala, ang saloobin ng manunulat ay pumapaloob sa mas malaking tereyn ng publiko—para sa nakakarami, para sa literate at literary na mambabasa. Kaya kahit akalain pa ng manunulat na para lamang sa kanyang sarili ang kwento, sa akto ng publikasyon nito (o sa mas maagang yugto ng submisyon sa publikasyon, editing at lay-outing), ang kwento ay hindi na lamang nagiging pribadong karanasan. Nagsisimula nang magmaterialisa ang pampubliko nitong karanasan. Binabasa ito dahil may nakukuha ang mambabasa ng karanasang kahalintulad ng sa kanya—at kung sakaling hihigit pa rito, ng mga ideang kahalintulad ng kanyang karanasan.
Lahat ng ating paniniwala--sinasabi at ikinikilos—ay usaping ideolohikal. May pinapanigan itong interes sa lipunan—mas kampi o kaaway ba ito ng naghahari o pinaghahariang uri, makababae ba o sexista, reaksyonaryo o rebolusyonaryo ba—hindi man ito lantarang inihahayag ng kwento at ng kanyang manunulat. Ang mga kwentong napabilang sa koleksyon ay mas masinop na pagtatangkang bigyan-linaw—kahit hindi bigyan-resolusyon—ang mga politikang sinasambit ng naratibo. Ano ang politika ng pagbabagong inaasam at sinasambit ng mga kwento? At tulad ng ating mismong pagkilos sa highly stratified na lipunan, ang mga kwento ay representasyon ng ating pang-araw-araw at pangmatagalang pakikitunggali sa personal at politikal na karanasan.
Kaya mapangahas itong aktibidad ng pagkukwento—naghaharap ito ng sitwasyong may familiaridad tayo, bilang kabahagi ng lipunan at kasaysayang iniinugan nito, at nagprepresenta, sa dinami-dami ng posibilidad—ng, sa karaniwan, isa lamang resolusyon. At ito ang pinaninindigan ng kwento. Kaya ang kwento ay isang manifesto ng isang karanasan: paano dadanasin at bibigyan-substansya ang karanasan, halimbawa, ng paghihiwalay sa kwento ni Ellen Sicat, o ng pagdanas ng sakit at paggaling kay Cuezon.
Dito pumapailanlang ang isang matingkad na katangian ng kwentong Filipino. May alegorikal itong dimensyon—tulad ng isang sintomas, nagpapahiwatig ito ng mas malaking panlipunan at historikal na dimensyon. Ito ang atas ng at sa kwentong Filipino—na kontraryo sa interes ng aroganteng baguhan at postmodernong manunulat—ang pagbibigay ng materialisasyon ng naratibo. Hindi nakalutang sa ere o alapaap ang kwentong Filipino, ito ay nakaapak sa material na batayan ng kultura. Produktibo ito dahil nalilinawan tayo sa pagkaugat at pagkasanga ng karanasan. Nagkakaroon ng kolektibong dimensyon ang idea, naratibo at karanasan na sentral ang likhang kwento—ang produksyon at resepsyon nito. Samakatuwid, ang lipunan at kasaysayan na filter sa produksyon ng kwento ay siya rin namang finifilter sa resepsyon ng kwento. Sa alegorikal na dimensyon, dialektikal ang aktibidad at karanasan sa kwento at lipunan-kasaysayan.
Kaya mas umaangat (kahit nakaapak) ang mga kwento sa seleksyong ito—hindi lamang kahilingang kasinsinan sa kasiningan ng stilo ng pagsulat, maging kasinsinan sa politika ng pagsulat at pagbasa ang naging pamantayan ng inklusyon. Marami ang hindi naisama, marami rin ang hindi man lang nakonsidera. Dahil kung ang seleksyon ay tunay na representasyon ng mga nalathalang kwentong Filipino, may kahinaan pa rin sa pagpapaunlad ng makinarya ng paghagilap sa mga kwentong hindi nakasulat sa Tagalog o accommodated na Filipino lamang. Hindi malinaw ang search network para sa rehiyonal na panitikan. At shielded naman ang seleksyon mula sa dominasyon ng panitikang Filipino na nakasulat sa ingles. Mayroon itong hiwalay na seleksyon. Ang atas ng pagpili ay atas ng akomodasyon. Ito lamang—ang publikasyong nakabase o may akses ang sentro—ang napasama sa konsiderasyon. Hindi pa natutugunan ng U.P. Creative Writing Center ang ganitong problema, na maari rin naman na ang di-pagtugon ay siya nang tugon sa pagpapanatili ng problematikong status quo ng ingles, Filipino at panitikan sa ibang wika.
Gayunpman, may apat na tendensiya (dahil hindi nga kasing sistematiko kagaya ng inaasahan sa anumang seleksyon na nagpapangalandakang pinakamabuti) ang kwentong Filipino sa taong 2000. Masusuma ito ng apat na lumalaganap na konsepto:
Tradisyonalisasyon. Mas umiigting ang pag-iral ng mga katangiang katutubo at oral na panitikan, partikular pa sa malaganapang gamit sa tradisyonal ng Liwayway. May dalawa itong dimensyon. Una, kino-codify ng nakasulat at nakalathalang panitikan ang kalakarang katutubo at oral. Ang kodifikasyon ay hindi lamang limitado sa transformasyon ng porma, pero maging ang transformasyon ng esensya ng porma ay ipinapaloob din. Ibig kong sabihin dito, pati ang radikal at subersibong potensyal ng oral at katutubong kwento—halimbawa, ang kawalan nito ng awtor, ang sporadiko at spontanyo nitong paglaganap, ang kalakarang paglalagay ng kanya-kanyang additive o dagdag, maging ang pagbabawas—ay naiibsan na rin sa kodifikasyon ng kwentong oral at katutubo sa kwentong nakasulat at nakalathala. May kabig naman sa ikalawang dimensyon. Maging ang karanasang kontemporaryo ay ipinapaloob sa gahum ng tradisyonal (para nga sa Liwayway, ang pagpapalaganap ng tradisyonal na pamamaraan ng kwento, at ang tradisyonalisasyon ng porma ng maikling kwento sa pamamagitan ng kodifikasyon ng katutubo at oral na panitikan).
Experimentasyon. Pangunahin naman itong dulot ng akademisasyon ng malikhaing pagsulat, partikular nga sa pangunahing pamantasan sa Manila. Bahid na rin ng impluwensya ng boom sa publikasyon ng kanluran at ang dominasyon ng ingles sa market sa bansa, marami sa manunulat sa sentro ay naimpluwensyahan ng kwento, katha, panitikan at iba pang sining (pelikula bilang pangunahing impluwensya) na galing sa labas ng bansa. Maging ang manunulat sa Filipino ng sentro ay nagsisimula nang bumigwas sa tradisyong ipinamalas ng kasaysayan ng maikling kwento. Humahanap na ito ng iba pang vernakular na galing sa ibang bansa para isalin ang kanyang karanasan. Pero dahil sa igting na katangian ng Filipino—bilang isang problematikong pambansang wika na salat sa internasyonal na sakop maliban sa sarili nitong mamamayan—ang aspirasyong internasyonalismo ng panitikang Filipino ay hindi nagiging lubos. Kulang pa rin sa mabilisan at masinop na pagsasalin ng mga akdang Filipino sa iba pang wika, maging ng mga akdang Filipino sa iba’t ibang wikang rehiyonal. Ang akademisasyon ng panitikan ay nagdudulot ng mas malaganapang aral at globalisadong experimentasyon sa kwento. Mapapansin sa seleksyon, halimbawa, ang napakaraming pagtatangkang mag-experimento sa porma at substansya ng maikling kwento. Hindi pa lubos na maipapahiwatig ang kumbensyon ng experimentasyon—oxymoronic ito, dahil kung matatalakay naman na ang kumbensyon ng experimentasyon, natatapos na ang experimentasyon at nagiging kumbensyonal na kwento na rin ito. Sa koleksyon, matingkad ang experimentasyon sa science fiction—experimentasyon ito dahil bago pa lamang itong porma sa panitikang Filipino, at dulot na rin ng impetus ng Palanca Memorial Awards for Literature na nagpalaganap ng ganitong larangang pampanitikan sa pinakabagong kategorya ng “future fiction.” Ito ang drawback ng experimentasyon, malinaw ang financial at cultural motivation kung bakit sa ganitong paraan at hindi sa iba nauuwi ang mga pagtatangka.
Sektoralisasyon. Dahil na rin sa kasalatan nga ng masaklaw na networking ng panitikang Filipino sa iba pang rehiyonal na wika, ang nabibigyan-diin na karanasan ay ang mga sektoral na identidad at politika, tulad ng kababaihan, overseas contract worker, maralitang tagalunsod, estudyante at kabataan. Bagamat may mga manunulat din na naglulunan sa kanilang kwento sa pook sa labas ng Maynila, ito ay limitado lamang sa mga manunulat na galing sa rehiyon na kasalukuyang nagsusulat sa sentro. Mas nahuhulma ang sektoral na identidad kaysa sa vernakular na karanasan. Ang produktibong dulot ng sektoralisasyon ay ang pagpartikularisa sa karanasan sa at ng pambansa. Hindi na lamang mamamayan o masang Filipino ang sinasambit, kundi ang partikular na karanasan ng mga sektor na nagbibigay-substansya sa bansa at pambansa. At ito ang dimensyon na mas kailangan pang pagtuunan ng masusing pag-aaral: dahil hindi naman bago ang identidad ng mga sektor at maging mga rehiyon, bakit tila ito ang tumitingkad—o pinapatingkad ng mga kritiko—bilang kasalukuyang pangunahing pagsusuri sa panitikan? Binabantayan din ba ng mga pampanitikang kritiko ang kanilang sariling tendensiya na gamitin ang kanluraning pamantayang nagbibigay-diin sa identity politics at postmodern being sa paghulma ng panitikan sa bansa? Maari kayang itong sektoralisasyon (at ang nawawalang rehiyonalisasyon sa seleksyong ito) ay matagal nang nagaganap sa panitikan, sa ibang mga paraan, na umiigpas sa daloy, periodisasyon at historisasyon ng kanluran. Maari kayang isipin ang sektoral at rehiyonal na panitikan bilang isang konstruksyong “pre-nation,” o ang formasyon ng bansa bago pa man ipinasok ng kanluran ang konsepto ng bansa bilang konstruksyon ng politikal, kultural, historikal at panlipunang kaunlaran? Iniisip ko na ang ganitong susing imbestigasyon ang makakapagpalawig pa sa dinamismo ng panitikang Filipino na siniil ng konstruksyon ng panitikang nakabatay sa kanluraning pamantayan.
Nasyonalisasyon. Bagamat mayroong problema sa pag-unawa ng sektoral at rehiyonal na isyu sa panitikan, ang kapansinpansin naman sa mga akda sa seleksyon ay ang ugnay ng mga lokal na karanasan sa mas masaklaw na matrix ng nasyonal o pambansa. Dahil nga sa alegorikal na katangian ng kwentong Filipino at ang diin nito sa materialisasyon ng karanasan, ang mga kwento ay hindi lamang limitado sa naratibo maangkat sa mismong kwento, pero mga kwentong may masaklaw na hagip sa kolektibong buhay, kaganapan at karanasan ng bansa. Nangyayari ito sa “double talk” sa kwento: ang kinukwento ay ang kwento ng mga tauhan (sa pananaw ng manunulat) na nakakapagkwento rin sa kwento ng buhay-mamamayan (o ang parallel na universe ng kwento—ang aktwal na lipunan). Ang bawat kisot at kataga ng mga tauhan at ng manunulat ay pumapaimbabaw sa karanasang lumalampas sa kwento. Kaya hindi lamang familiar ang mga kwento—na parang narinig, nadama, naamoy, nakita at nalasahan na natin—ito rin ay mga kwentong familial. May afinidad tayo sa kaganapan sa buhay ng mga tauhan dahil may kamag-anakan tayo sa kanyang karanasan. Halimbawa, sa mga kwentong OCW, sa walong milyong Pilipinong OCW, tiyak naman na mayroon man lamang tayong kakilala at kamag-anak na nakapaloob sa ganitong karanasan? Hindi lamang familiar ang kwento nito, familial dahil kadugo natin ang sinasambit ng tamis-pait na karanasan ng kabuhay at kabuhayan natin. Ang kwentong OCW, marahil, ang pinakamatingkad na nasyonalisadong karanasan sa kasalukuyang panahon.
Ikinatutuwa kong ialay sa mambabasa—kahit pa sa mismong manunulat na napasama sa seleksyong ito, at maging ang kanilang kaibigan—ang napiling pinakamabuting kwento ng 2000. Tunay na naipapagpatuloy ang tradisyon at experimentasyon, ng sektoral (at rehiyonal) at nasyonal na konsern ng maikling kwentong Filipino. Dahil ito ang seleksyong may posturang maging hegemonikal (kahit ito ay inihayag naman na arbitraryo lamang), ito pa rin ang mga land mark na kwento na kailangang basahin ng lahat na gustong magsulat para malaman ang posibilidad at limit ng kwento sa pag-igpaw at mas lalo pang ikauunlad nito. Sa mambabasa, lalong pinagyayaman ng inyong aktibidad ang karanasan sa kwento. Binibigyan nyo ng mas substansyal na karanasan ang pagkukwento ng manunulat sa ating mga indibidwal at kolektibong buhay. Mabuhay ang kwentong Filipino!
12 Pebrero 2002
Hardin ng Rosas
Tuesday, May 23, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
13 comments:
hi!!!!!!!!!!
i cant understand what you mean in your text but then my friends told me that they love your work. well then take care and good luck
ahm... ei.. you.. whu ever you are.. can u pliz give a maikling kwento.. kelangan ko kasi ipasa sa guro ko eh.. plizz. ung mukhang jologs para parang ako tlaga ung gumawa.. tska kung pede ung mdyo romantic.. ung normal na lavlyf ng isang college.. tnxxx..
cge naman oh pls.....magpost ka ng halimbawa ng maikling kwento,alamat, kwentong bayan,sanaysay,nobela at paglalahad........pls,pls,pls,pls....hintayin ko bukas kasi gagawa ako ng assignment ko para ibase ko sa ipopost mo.........pls..pls..pls..pls.........thank you very much.........
hey!! who ever are you, i love your work, at gusto ko sana ng panitikan, plz naman oh?>!!!! bigyan mo ako noon, kahit anu, vasta, maganda.......... tnx.......
ei enge nmn ako ng kwentong pampanitikan dyan o pls
enge nmn po dyan ng kwentong pampanitikan pls....
pinagagawa po kami ng aming propesor ng pagsususring pampanitikan..
wala po kong alam na nobelang pwede kong suriin..mga bagong nobela daw po kasi ang gusto nya..
wala kong makita..
me alam po ba kayo?..
salamat po..
may bagong nobela si alvin yapan, pinublish ng ateneo press last year. i-google mo na lang ang title.
best, roland
Hi i don't understand the language but could someone please translate this to english for me?
Anu po b ung meaning ng sanaysay?
that would be great if anyone could help. thanks!
sanaysay = essay
hi, I remember my college days with you blog... I failed my PanitikanI subject kasi... goodluck.
i think your so intelegent.,thanks for giving me a info,.about ur sub.
sir, can you please tell me all about your story "Palabok"? what does it mean? we have to critique you're work but apparently i really have no idea what to do. please enlighten me. a big thanks.
Post a Comment