Introduksyon sa Serye ng Libro:
Ang Imported na White Rabbit, Nakakain ang Puting Balat (Para sa Vol. 2—Disaster, Droga at Skin Whitener)
Walang loob, walang labas. Ang loob ay labas, ang labas ay loob.
Ang pabalat ay siya ring loob. Ang loob ay siya ring pabalat.
Ang papel ng estado ay lumikha ng paranoid na lipunan. Tulad ng patriyarkal na lipunan na sine-second guess ng babae ang maaring magustuhan ng lalake, ang mamamayan ay ginagawang hilong talilong sa double-standardisasyon ng buhay sa lipunan. May ibang batas para sa babae at lipunan, naka-legislate man o bilang naunang kaayusang panlipunan; gayundin, may ibang batas para sa mayayaman at mahihirap. Kaya wala pang mayamang nasintensyahan ng death penalty—kahit pa ako mismo ay labag dito—dahil may kakayanan silang makakuha ng mas dekalibreng abugado at manuhol sa corrupt na judicial na sistema sa bansa. Wala rin sila sa death ward dahil ang mga krimeng pinaparusahan ng death penalty ay wala sa aktwal na realm ng maykaya sa lipunan—hindi mo maasahan ang mga Zobel na makasama sa negosyo ng iligal na droga o ang mga Gokongwei na makasama sa kidnapping gang. At sa huling pagtutuos, mismong ang mga represibong aparato ng estado—ang pulis, militar, politiko, korte, batas, bilangguan—ay kasama sa sindikasyon at kriminalisasyon ng buhay sa bansa.
Lumilikha ng paranoia ang estado na tila paminsan-minsang kaganapan. Sa isang bansang dinadagsa ng eskandalo, tulad na lamang ng natural na pagdagsa ng bagyo taon-taon, wala nang nagtatanong kung bakit. Ang tanging nasa isip ng mamamayan ay talagang ganyan lang ang buhay. Napapatanggap ng estado ang karumal-dumal nitong gawain dahil sa paglikha ng mismong mga eskandalong kanyang bibigyan-pansin. Lumilikha ng kaguluhan para mapagtakpan ng estado ang internal na kaguluhan sa kaayusan nito. Ang disaster ng mga paglubog ng barko na taon-taong nagaganap, ang kawalan-katarungan pa rin sa mga biktima—namatay at nabuhay na sunog—ng Ozone disco inferno, maging ang paggamit ng skin whitener ay mga katiwaliang panlipunan na pinapapelan ng estado para muli’t muling iangat ang antas nito sa publikong paningin.
Ang realidad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) ay ginagawang malaking panakot sa mamamayan, na kahit ang estado at ang kasangkapan nito—Department of Health, mga device na kumukuha ng temperatura ng mga arriving passenger sa airport, quarantine, at iba pa—ay tiyak naman na hindi nakalulubos para makontrol ang sakit. Pero pinili itong itampok kaysa sa mga kaganapan sa digmaan ng U.S. sa Iraq o ang bumabagsak na kabuhayan sa bansa. Pinili ng gitnang uri na lumikha ng paranoia—naubos ang surgical masks sa mga botika gayong hindi naman naubos ang laman ng malls sa panahon ng tag-init. Ginagamit ng estado ang ganitong mga isyu para naturalisahin ang mga kalakaran kung saan matatampok ito bilang panguhaning administrador ng pambansang buhay. Ang krisis ay hindi pana-panahong nagaganap, ang krisis, sa huling usapin, ay pang-araw-araw na nagaganap, hindi nga lamang natatampok.
Ang krisis na nilikha ng estado ay krisis na bibigyan-katumbasan nito para ipakita ang kapangyarihan nito sa bansa. Walang himala. At sa pagkakataong nagtatampok ang estado ng piling-piling krisis, yaong kaya nitong i-handle, papanigan siya ng liga ng gitnang uri na nauubusan na ng interes sa mga ordinaryong bagay at karanasan sa pang-araw-araw. Ang gitnang uri ay sanay maghanap ng problema sa sarili—kukuha ng katulong pero hindi magugustuhan ang paglilinis nito, bibili ng damit pero hindi makukuntento sa nabili, kakain sa restaurant pero pagagalitan ang serbisyo ng waiter, at iba pa. At pipiliin niya ang inihahain ng estado dahil sa huli, ito ay safe naman. Hindi naman sila ang mamamatay sa nagsisiksikang barko dahil hindi naman sila sasakay ng barko. Hindi naman sila magsasayaw sa jologs na Ozone Disco inferno dahil mas saucy ang dance clubs sa Makati at Malate. At ang kanilang pananaw ay maniniobrahin ng estado para maging ofisyal na pananaw. Nalulusaw ang kontraryong interes ng masang may kapasidad na mag-aklas o ng jologs na walang ipanlalaban sa legal na baril at makapal na pananalapi.
Ang imahen ng pulahang banner at taas-kamaong masang mamamayan ay tunay na kahindik-hindik sa estado, at sa ilang pagkakataon ay seduktibo sa gitnang uring nadedehado na rin ng estado. Nagagamitan ito ng estado ng karahasan—pagpatay ng human rights activists, halimbawa—para ipakita ang aktwal na potensyal nito kung sakaling lumampas pa sa kilos protesta ang gawin nitong grupo. Ang mga jologs naman, kapag nagwala, ay binabatuta, tulad sa EDSA 3. At walang umangal dahil sa mga imahen ng looting, rampage, destruksyon ng publiko at pribadong ari-arian. Kaya nawawalan sila ng karapatang pantao. Mas madaling maniobrahin itong hanay ng masa dahil nabibili ang kanilang pagkatao, nagpapabili sa maraming pagkakataon sa pwersa ng politika sa bansa.
Ang estado ng gitna. Ang karanasan natin sa kulturang popular ay isang mediated na bagay, may pumapagitna sa anumang aspektong nakakarating sa atin, o sa napapaabot natin. Kakatwa ang karanasang ito dahil hindi ito atin, kahit pa tila sa atin. Ipinapaako ang isang malawakang karanasang ipinakete bilang ideal na maaabot at mararating, makakamit at matatamo, at bilang isang personalisadong bagay. Parang tayo lamang ang kinakausap ng produkto at mensahe. Parang sa atin lamang nakaukol ang ngiti ng modelo ng Close-up. Parang tayo rin ang sinasabihan ng “I love you”ng bida sa pelikula. Kahit hindi tayo. Kahit ilang milyong tayong nakapanood at tumangkilik ng produkto, di lamang familiar, intimate ang ating relasyon sa produkto na siyang nagdudulot ng susi sa pintuan ng karanasan. Kaya rin maraming produkto, kahit anong sabon naman ay maaring makalinis ng katawan o kahit anong shampoo naman, ng buhok. Pero iba-iba ang kaakibat na karanasan na dulot ng iba-ibang produkto. Kaya lalo tayong nawiwili, natutuwa, nagdadalamhati, nagsasawa para muling mawili sa iba, yung mas mahal, yung mas maganda ang packaging, yung mas kaiga-igaya ang sambit na karanasan. Sa kalaunan, bonus lang ang produkto. Mas ang karanasan ang bentahe. Matutuklasan din natin na hindi lubos ang produkto para matunghayan ang idealismo ng karanasan.
At ano ang basehan ng karanasan, kundi mga imaheng nagsisiwalat ng wagas at dalisay na mga nilalang at partikularidad ng karanasan? Kung sisipatin natin ang ating mga katawan, wala tayong sariling imbensyon sa ating pag-aari. Hindi tayo ang may kontrol dito dahil hiyaan na natin ang mga negosyo na magdikta kung ano ang gagawin natin sa mga bahagi at kabuuan nito—kung ano ang tabas ng ating buhok (mula sa uso sa magazine at pelikula), kung paano ngingiti (mula sa mga komersyal ng toothpaste), iiyak (sa mga telenovella), paano makipag-break sa relasyon (sa mga romance novel), ma-in love (sa buhay ng ating ininiidolo, sa mga fan magazine), kung paano huminga, mabuhay at mamatay. Kung iisipin natin, ang kaibahan (uniqueness) natin bilang indibidwal ay hindi naman natin sariling undertaking. Ito ay summation ng ating mga piniling produktong tatangkilikin.
Kung ano tayo ay dulot ng mga produktong nagpapahiwatig ng ideal na karanasan. Mga imahen ang nagtatakda ng ating buhay, na kahit napakataas man ay maabot din kung magsisikap lamang tayo, kung papaloob tayo sa umiiral na sistema, kung magtitiyaga tayo. Hindi ba’t ito ang fantasya ng laissez faire sa kapitalismo? Kaya nga konektado ang kulturang popular sa liberal na demokrasya dahil ito ang gaas ng kapitalismong nanghihikayat ng ideal ng enterpreneurship, pioneer spirit, pagtitiyaga’t pagsusumikap—na kung magsisikap lamang ang sangkatauhan, gugulong ang lipunan sa kolektibo nitong pagkaunlad. Hindi sinasabi sa atin na sa lipunang ito, mas may kikita at mas may madedehado. Ipinapalaganap ng kulturang popular ang mito ng liberal na demokrasya—na ito ay para sa lahat—at egalitaryong kapitalismo—magsikap at makakamit mo ang iyong pangarap.
Ang ginagawa ng makapangyarihang imahen ay turuan tayo sa kaayusang politikal at pang-ekonomiya. Ginagawang kasiya-siya (pleasurable) ang pagfafantasya sa imahen (dahil nga makakamit ang mga ito). Kahit pa nga hindi, ginagawang aliwan ang pagkaaliw sa mga produktong may kaakibat na karanasan. Kung tutuusin, napakataas pa rin ng mga marka ng kulturang popular, kahit pa nga sa panggitnang uri. Ang tinatabunan sa proseso ng pagfafantasya ay ang puwang ng pasakit at pighati. Walang nagbre-breakdown scene sa loob ng mall dahil hindi nila kaya ang mga bilihin dito. Walang humahagulgol sa publikong pook dahil hindi nila mabili ang cellphone na nais nila. Tanging puwang na lamang ng mga musmos ang pagmamaktol. Tangi rin ang giliw ng kasiyahan ng mga musmos kapag nakamit nila ang mga bagay na gusto nila ang maaring maging reaksyon ng nakakatanda. Ibig sabihin nito, ang access na lamang ng nakakatanda sa inner child nila ay sa akto ng pagtangkilik, hindi sa pagkakait.
Sa huli, ang pasakit at pagtangis ay isinasantabi para sa posibilidad ng pangako ng politikal at pang-ekonomiyang sistema. May basbas sa atin ang ating sariling paghagupit at pagbugbog dahil sa pangako ng katubusan, sa akto ng pagbili. Pero temporal lang ang kaligayahan sa pagbili, dahil mayroon na naman tayong mapupusuan na bagong bukal ng ating pagnanasa (desire)—iyong hindi pa makakamit. Magpapakasakit muli tayo dahil naehersisyo na tayo sa walang patumangging pasakit, dahil nga may siwang ng katubusang isinasaad ang mga imahen, may pangakong sinasambit na makakamit ng bawat isang gumamit ng sabon, shampoo, conditioner, deodorant at kung ano-ano pa. Nasanay na tayong tanggapin ang self-inflicted na pasakit. Dahil sa akto ng pagbili at pagtatagumpay, tanging ang sarili rin naman ang itinatakda natin bilang nagdulot ng naturong kaligayahan. Tila tayo empowered beings kahit hindi naman lubos, kahit pamandalian lamang, kahit mas mabigat pa rin ang timbang ng pasakit kaysa lualhati.
Ang imahen ang seduktibong bagay na nanghahalina’t nangangako, na kahit mapako ay ok lang sa atin dahil wala naman ibang maaring pagdaluyan ng ating enerhiya kundi ang umasa sa posibilidad ng mga bagay. Parang kung napangitan ka sa sine, hindi mo idi-dismiss ang karanasan ng panonood ng sine. Tatanggapin mo na lamang ito bilang miskalkulasyon. Aasa ka pa rin na may maganda kang sineng mapapanood sa hinaharap. At pagbibigayan ka ng sistema. Maglalabas ito ng sineng ikawiwindang mo. Hanggang sa mapatawad mo na ang iyong sarili sa nakaraang minor trauma. Tulad din ng pagkain ng sirang mani o bugok na balot. Sa dinami-dami ng maisusubo mo mula sa pinagpilian, tatanggapin mo na lamang na itoý isang pagkakamaling wala kang lubos na masisi. Nagkataon lang. Para tayong karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain, 24 hours a day, seven days a week. Handa na naman tayong magpatangay sa sinuman o anumang nangangakong magpapaangkat sa ating mga paang nakatungtong sa tuyong putik, kundi man nakalusong sa kumunoy. Handa tayo dahil sa posibilidad lamang. Hindi ba kakatwa ito? Kung sa tao nga ay hindi tayo kaagad nagtitiwala para ibigay ang ating sarili, bakit sa imahen ok lang?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment