Saturday, May 06, 2006

Pancreas (dagli)

Pancreas
para kay Jeng


Sa pagitan ng itaas ng gitna ng sikmura, at pinapaligiran ng tiyan, maliit na bituka, atay at pantog, matatagpuan ang pancreas. Mahalaga ang pancreas dahil una, ito ang lumilikha ng pancreatic juices na lagakan ng importanteng enzymes para matunaw ang pagkain, at ikalawa, ito ang lumilikha din ng ilang hormones, kasama ang insulin, na kinakailangan ng katawan para magamit at maimbak ang enerhiyang mula sa pagkain.

Sa pagitan ng ikalimang palapag ng Philippine General Hospital, at pinapaligiran ng iba pang pasyenteng may malubhang karamdaman, Birhen sa maliit na altar, nakaasul na personel ng ospital at madilim na koridor, matatagpuan ang Lungkot na tila slow-motion na bumabalot sa kapaligiran.

Tahimik ang mga bulungan tungkol sa alamat ng pancreas at ang epikong pakikibaka ng Kalungkutan habang ang bitbit na prutas na hindi makakain ng Lungkot ay inimbak sa ibabaw ng mesa, katabi pa ng ibang pagkaing pagsasaluhan na lamang ng nakikiisa kay Lungkot.
Tahimik ang bulungan na tila bagang wala si Lungkot kahit pa siya nakahimlay, madiin pa ang kamay at nakakakilala pa sa kapwa nalulumbay. Paano mamaalam ang Lungkot?

At slow-motion kaming umalis, tumungo sa Jollibee sa Philcoa upang lamlamin ng may lungkot na ngiti ang Chicken Joy, cheeseburger, at ang bagong labas na chicken sotanghon soup. Nilamlam ang higop at kagat habang tahimik na nag-usap tungkol kalakaran sa unibersidad--sa kabang bigas na kahilingan ng kawani, ang pagsasara ng marangyang kainan sa lilim ng institute para sa maliliit na negosyo, at ang bagong magiging presidente.

Sa paghatid sa isa’t isa, sa pag-iisa at pangungulila, sa pagitan ng biyahe at bulungan; sa paghatid ng demerol at neoliberalismo, sa islets of Langerhans at burukrata kapitalismo, sa pagitan ng imperialismo at pancreaticoduodenectomy, parating kapiling ng Lungkot ang bawat sandali.

17 Setyembre 2004
Cine Adarna

No comments: