Reality TV sa Mahirap na Bansa
ni Ilang-Ilang D. Quijano
Nakikipagsabayan ang reality TV shows sa telenovelas na tinatangkilik ng mga
Pilipinong manonood tuwing primetime. Hindi kasi nagkakalayo ang aksiyon,
drama, at katatawanan na nasasaksihan sa reality TV shows at telenovelas.
Parehong pinagbibidahan ang mga ito ng pinakasikat at pinakapaboritong mga
artista. Ito ang reality TV sa Pilipinas – halos walang pinagkaiba sa iba pang
porma ng libangan/aliw na ginagamit ang karaniwang pormula na “lights,
camera, action!” upang itakas ka mula sa katotohanan.
At tulad ng iba pang porma ng aliw, hinalaw ng Pilipinas ang reality TV shows
nito mula sa mga palabas na unang sumulpot at sumikat sa US tulad ng Survivor,
The Bachelor, Fear Factor, American Idol, at iba pa.
Binansagan na reality TV ang mga nasabing palabas dahil inilalagay nito ang mga
ordinaryong tao sa mga kakaibang sitwasyon upang maipakita kung ano ang
mararamdaman, maiisip at ikikilos ng mga ito. Pinagkukumpitensiya ang mga bida
sa isa’t isa upang makamit ang isang premyo tulad ng pera, pagpapakasal, o
career sa showbiz.
Sa Pilipinas, nag-umpisa rin ang reality TV sa pagtatampok sa mga ordinaryong
indibidwal na sinasabak sa iba’t ibang mga pagsubok, sa mga laro sa noontime
variety shows at quiz shows. Pero sa kalaunan, nagpokus ang reality TV sa mga
artista o ’di kaya’y sa mga taong nais maging artista.
Halimbawa nito ang Star Circle Quest at Starstruck, na pinipili at hinahasa ang
kontestant upang maging artista. Sa mga palabas na ito sumikat ang mga tulad
nina Hero Angeles, Sandara Parks, Jennylyn Mercado, at Mark Herras.
Samantala, sa Extra Challenge, sinusubok sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay ang
mga artista. Dito nasaksihan ng mga manonood maging domestic helper sa Hongkong
si Rosanna Roces, magpasada ng traysikel ang Viva Hot Babes, at iba pa.
Maging ang prank shows ay nagbago – lipas na ang Wow Mali ni Joey de Leon, uso
na ang pambibiktima sa mga artista sa Victim Extreme. Ang drama shows tulad ng
Maalala Mo Kaya ay nagmimistulan na ring reality TV, sa pamamagitan ng
pagtampok sa buhay ng mga artista kaysa buhay ng karaniwang letter-sender.
Showbiz: mabilisang pag-asenso
Ayon kay Rolando Tolentino, propesor sa University of the Philippines College
of Mass Communications at tanyag na kritiko ng kulturang popular, ang pagtampok
ng mga artista sa reality TV ay tinatawag na double spectacularization upang
tumaas ang ratings ng mga palabas.
“By itself, ginagawang spectacle ng mass media kung ano man ang ibalita nila,
pero kapag ginawa mo pang celebrity ang laman, mas patok,” paliwanag ni
Tolentino.
Sinabi ni Tolentino na ginagamit ng mga TV networks ang pagkahumaling ng mga
Pilipino sa mga artista at sa pangarap ng pagiging artista, o ang tinatawag na
celebrity worship syndrome.
Noong unang ipinalaganap ng mga Amerikano ang industriya ng showbiz sa
Pilipinas, kailangan ng diploma sa kolehiyo para maging isang artista, na
karaniwang mula sa hanay ng middle hanggang upper class. Pero dahil sa
katotohanang karamihan sa mga Pilipino ay hindi nakakapag-aral, nagiging
kapital laluna ng mga kabataan ang kanilang katawan para makapagtrabaho at
makapasok sa showbiz, lalo na sa mundo ng aliw. Dahil na rin sa kabiguan ng
estado na magbigay ng trabaho sa mamamayan, umaasa ang marami na sa
pag-aartista ang mabilis na paraan para kumita at umasenso sa buhay.
“Kung may hitsura ka naman, maganda ang iyong pangangatawan, pwede mong
pangarapin na iangat ang pamilya mo sa pamamagitan ng pagsali sa showbiz,” sabi
ni Tolentino.
Sa Star Circle Quest at Starstruck, pinapakita kung paano umaasa ang pamilya ng
mga kontestant na mareresolba ng kanilang pagsikat ang iba’t-ibang mga
problemang pampinansiya. Sa murang edad, inaasahang maging “breadwinners” ang
mga ito.
Mapupuna ito lalo na sa palabas na Starstruck Kids, na ang kontestants ay edad
5 hanggang 7 taong gulang. Nang itanong kung bakit sumali sa show, isinagot ng
mga bata ay: “Para magkaroon ng maraming pera” o “Para matulungan ang mommy at
daddy ko na makabili ng bahay.” Mahigit 30% ng mga bata ang nagsabing ang mga
magulang nila ang nagtulak sa kanilang sumali.
Ayon kay Tolentino, isang trahedya na ipapapasan ng pamilya sa bata ang
responsibilidad na iangat ang kabuhayan at iahon mula sa kahirapan.
Ngunit sa binibigay na “big break” ng mga networks sa kanilang mga alagang
kontestants, umaasa ang maraming pamilya na mai-aangat ang kanilang kabuhayan
mula sa kahirapan. Sa kabilang banda, nagbibigay daan ito sa mga netwroks para
sa pagsasamantala. Naniniwala si Tolentino na higit pa ang nahuhuthot ng mga TV
networks sa mga advertisers mula sa talento ng mga nanalo sa reality TV shows
kaysa premyong napagwagian nila. Napabalita kamakailan ang umano’y pamamaos ni
Sarah Geronimo dahil sa sobrang dami ng komitment sa showbiz.
“Dahil sa horizontal production ng malalaking networks na mayroong TV,
recording, at pelikula, naipapasok sa lahat ng larangan ang nagwaging
kontestants habang mainit pa na tinatangkilik ng manonood, kaya’t burnout ang
kalalabasan ng artista…Nagtrabaho ka na para makasali sa kontest, nagtrabaho ka
na para manalo, nagtatrabaho ka pa para makuha yung premyo mo. Ito yung
sukdulang paghahawak ng kapitalista sa katawan ng mga gustong makaangat sa
lipunan,” sabi ni Tolentino.
Pagsubok lamang
Kung talento sa pag-aartista ang isinusubok sa mga palabas na Star Circle Quest
at Starstruck, pangaraw-araw na survival skills ng mga artista naman ang tampok
sa reality TV show na Extra Challenge.
Ayon kay Tolentino, ginagawang middle-class ang mga hanapbuhay ng mga Pilipino
na “kapit sa patalim” tulad ng pangingibang-bansa o pagsasaka. “May choice ang
mga artista. Ginagawa nila ‘yon para sa national television, ‘di tulad ng ng
ordinaryong tao na yun ang mode of existence.”
Dahil dito, ginagawa umanong lehitimo ng telebisyon ang mga problematikong
identidad ng OFWs (overseas Filipino workers), underemployed, at iba pang
mamamayan na naghihikahos upang mabuhay.
Sa mga ganitong palabas, nakikita rin ang laki ng agwat ng nakakaangat at
mahihirap sa lipunan. Halimbawa, nang mahimatay si Ciara Sotto habang
nangangalahig sa Payatas, agad itong sinugod sa kanyang magarang mansiyon sa
White Plains, isang kakaibang mundo kumpara sa pinasukang “challenge.”
Samantala, sa Victim Extreme, napapaganda ang delikadong pamumuhay sa bansang
Third World, ayon kay Tolentino.
Aniya, “Yung reality sa Pilipinas, nangyayari talaga yon kahit walang show,
nanakawan tayo ng cell phone, nahuhuli tayo ng pulis, nababangga yung kotse
natin. Kaya kung ilagay mo pa sa telebisyon, naga-glamorize yung materyal na
kondisyon na meron tayo. Ginagawang magaan ang isang bagay na
seryoso.”(lighthearted yung something very serious.”)
Sa kabilang banda, hindi naman pinapakita ang pampulitikang pambibiktima tulad
ng welga ng mga manggagawa o anupamang kilos-protesta, dahil “masyadong
radikal” ang mga ito sa totoong buhay.
Hindi rin nakakaaliw makita ang buhay ng isang kapwa-lugmok sa kahirapan, kaya
itinatambol maging ng drama shows tulad ng Maalala Mo Kaya at Magpakailanman
ang buhay ng mga artista, na bagaman dumaan sa mga problema ay itinawid sa
buhay ng kanilang kasikatan.
“Bakit mo gustong makita ang buhay ng kapwa mo, samantalang ganoon din ang
buhay mo? Gusto mong makita ang pagkakahalintulad ng buhay mo sa miserableng
buhay ng nakakaangat,” sabi ni Tolentino.
Katotohanandad nga ba?
Sinabi ni Tolentino na ang kapit ng showbiz sa reality TV shows ay bahagi ng
kabuuang trend sa mass media na “infotainment,” o paghahalo ng impormasyon at
aliw, para kumita ang networks sa isang banda, at para panatilihin ang
kasalukuyang kaayusan sa lipunan sa kabilang banda.
“Hindi na importante yung sumabog na bomba sa Iraq, mas interesado tayo sa
ending ng Sana’y Wala Nang Wakas,” aniya.
Bagaman halaw sa mga totoong buhay o pangyayari, tulad ng anupamang bagay na
ibinebentang pang-aliw, minamanipula ang reality TV shows upang maipakita ang
isang mundong malayo sa katotohanan.
Isang mundo na nagiging pobre ang artista matapos pagsawaan ng manonood at
pagkakitaan ng industriya, na hindi lamang pinagsasayaw ng otso-otso ng pulis
ang kinikidnap na kamukha ni Sandara, na ang anak ng isang senador ay hindi
naghahanap ng kanyang hapunan sa basurahan.