Alak at Kababaihan
Inutusan na i-pull-out na ang ad ng Napoleon Brandy na may tagline na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Namumutiktik ang ads ng alak sa dobleng kahulugan—ang konsumpsyon ng alak at babae.
Inutusan na i-pull-out na ang ad ng Napoleon Brandy na may tagline na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Namumutiktik ang ads ng alak sa dobleng kahulugan—ang konsumpsyon ng alak at babae.
Sa isang banda, tila isinasaad ang mataas na pamantayan sa paglikha ng alak at ang pinong dekorum sa pagtangkilik nito, tulad ng panliligaw ng lalake sa babae. Sa kabilang banda, pinapag-ugnay ang asosyasyon ng alak at babae, na tulad rin ng sugal at iba pang bisyo, bilang marka ng pagkamacho at brusko.
Ang bisyo ay pamantayang may double-standard. May panlipunang pagtatwa at pagtanggap dito. Ayaw ang pagsusugal—gambling at lotto, halimbawa o sa mas malawakan, ang sakla at huweteng. Pero nagaganap din ito sa ibang panahon—sakla sa lamay—o sa patago at para-militar na sanksyon, tulad ng huweteng.
Kaiba sa ibang bisyo, maigting ang tunggaliang sexual sa alak at pag-inom. Oral ang yugto ng ugnayan ng babae at alak. Ipinapaloob ang kasiyahan ng pagtangkilik sa alak, gayundin sa babae. Literal at figuratibo ang paglaklak sa alak at babae. Literal dahil talaga namang iniinom ang alak at ang aura ng pagkamacho via sa babae. Figuratibo dahil primordial kontrol ang nais ng inkorporasyon ng babae, kanibalismo ng pagkatao nito para masustina ang lalake.
Dito madaling maunawaan ang nosyon ng babae bilang sex object. Sa sarili niya, wala siyang pagkatao maliban sa halagang sexual na ipinakat sa kanya ng produkto—bilang karagdagang kamit sa pagtangkilik sa produkto. Kaya siya nagiging komoditi, tulad ng alak, dahil siya mismo ay sangkap sa produksyon ng halaga ng alak at ng transformasyon nito ng labis pa sa alak.
Notorious ang kompanya ng alak sa pag-ugnay ng babae at alak. At hindi naman ito ang regular na babaeng nakikita natin sa bahay at kalsada. Ito ang babaeng itinampok bilang sex object sa mga pelikula, entertainment at sex industries. Sila ang mga babaeng may malalaking suso, mapuputi at makikinis na balat at may hourglass na figura. Wala silang tanging halaga at trabaho kundi manghalina sa komersyal, print ad, jingle, kalendaryo at iba pang give-aways ng mga kompanya ng alak.
Ang sex object, tulad sa babae sa alak, ay laging may panginib ng karahasan. Sa kaso nitong ad ng Napoleon Brandy, imbitasyon sa statutory rape ng mga menor. Sa mga babae ng White Castle Whisky na nagdedeliver ng mga bote nito na nakapulang bikini at nakasakay sa puting kabayo, ang fantasya ng moral righteousness—na inaasahan at magugustuhan naman ng object ang kanyang prinoprojek na katangian, ang tagapaghatid ng alak at kasiyahan ng machismo.
Ang sino ang calendar boy ng Napoleon Brandy sa matumal na pagkakataon lalake ang ginagamit na bentahe ng alak? Hindi ba’t ang figura ng fascismo na nasabwat sa madugo at hindi makataong Kuratong Baleleng na kaso? Sa isang banda, sanksyon ng estado at negosyong sumusuporta rito ang pagpapalaganap ng pagkalalake ng alak.
Sa kabilang banda, hindi ba’t mainit pa rin ang mga balita ng pagiging kloseta nitong figura? Na may itinatago ito sa pagiging super-macho niya? At ito naman ang magkabilang pisngi ng pagkalalake at heterosexualidad. Na kay daling masabwat ang itinatagong panig tuwing itinatampok ang pribilehiyong status ng sinaunang kaayusan.
Sa susunod na pagtagay, hindi lamang ito selebrasyon ng lalakeng nagkakaisa; ito rin ay lamay sa babaeng kinasangkapan sa kaisahan. Napagkaisahan na isahan ang babae sa tuwina at parati.
No comments:
Post a Comment