Si Bienvenido Lumbera sa Edad ng Nokia N92, Trinoma, BPO, at HSA
Ngayong kinailangan kong balik-aralin ang mga sanaysay ni Bien, nalungkot akong isipin na ang lahat pala ng aking itinatanong ay naitanong na ni Bien. Ano ang ugat ng tradisyon sa kasalukuyang panitikan, pelikula at kulturang popular? Nasagot na ito ni Bien, halimbawa, sa pagtunghay sa tulang-bayan sa fasinasyon ng deklarasyon ng pag-ibig sa Valentine greeting cards: “Tunay na sa ating panahon, lalo na sa mga taga-siyudad na ‘may mataas na piang-aralan,’ ang mga [tulang-bayan ay] malalabong larawan na lamang ng sinaunang lipunang agricultural. Ngunit ang damdaming pumipintig sa likod ng mga larawang iyan ay hingit na makatotohanan at matapat kaysa sa emosyong pilit na binibigyan-buhay ng mga Kupido, puso at bulaklak na kumbensyonal na palamuti ng mga Valentine card.” Mayroon pero nabahiran na ng kapitalismong imperatibo kaya nawala ang wagas na kaalaman-pamayanan ng naunang tradisyon.
Una si Bien sa paggiging multi-media at interdisiplinaryong kritiko. Siya ay kritiko ng panitikan, wika, edukasyon, pelikula at kulturang popular, mga erya ng sarili kong interes din. Una rin si Bien sa paggamit ng kulturang popular bilang historikal na artifact—pelikula bilang paraan ng pagdalumat sa Amerikanong kolonialismo, halimbawa, na hindi pa katanggap-tanggap ang ebidensya sa examinasyon ng pambansang kasaysayan. Higit sa lahat, una si Bien sa pagkilala sa mga hindi kinikilalang koneksyon sa kritisismong pampanitikan—ang ugnayan ng kasaysayan ng lipunan at pelikula, ang pangangailangang pagsubstansya ng panitikang rehiyonal sa pambansang panitikan, ang mismong kategorya ng pambansang panitikan, ang leksyon mula sa mga naunang manunulat, at ang pangako ng kabataang manunulat sa iba’t ibang henerasyon…. Inangkla ni Bien ang kalakhan ng kanyang pagsusuri sa nasyonalistiko o makabayang panuntunan. Nagsimula rin ito sa parang “Literature and Society” ni Salvador P. Lopez, ang preferensiya sa panlipunang laman kaysa sa sining para sa sining na panuntunan sa panitikan. Pero umigpaw si Bien. Makauring pagsusuri o class analysis ang malaking adbentaheng isiniwalat ni Bien sa kritisismo. Madalas niyang tinatanong, “Para kanino?” hindi bilang retorika, ampaw o thought balloon lang na wala namang tiyak na responsaryo kundi bilang diin sa mambabasa o publikong isinasaalang-alang sa produksyon ng anumang akda.
At dahil sa matalas na pag-uugnay ni Bien sa panitikan at uring pagsusuri, nagiging makabuluhan pa rin siya sa sumusunod na henerasyon ng mag-aaral, skolar at guro na sumususo sa kanyang kritisismo. Hindi, sa aking palagay, magiging irrelevant si Bien sa ilan pang henerasyon ng skolars. Ni hindi nga siya magiging historikal na dokumento ng naunang panahon at kritisismo, tulad ng kina Welleck at Warren, dahil pertinente pa rin ang mga tanong na una niyang pinalutang, at hindi pa lubos na nasasagutan dahil mas malaking resolusyon sa labas ng disiplinal na erya ng Panitikan—ang mismong kasaysayan at lipunan—ang kinakailangang matransforma. Ibig sabihin, tinanong ni Bien ang mahihirap na tanong, na tulad ng prinoblema ni Rizal sa kanyang mga nobela, ay hindi lubos na matutugunan sa pamamagitan ng pagkabaliw at pagkamatay ni Sisa, reimbensyon ng pagkatao ni Ibarra kay Simoun, ang pag-ampon at edukasyon ni Basilio, at ang pagtapon ng prayle sa kaban ng yaman sa karagatan. Pero hindi tulad ng itinapon na yaman, na inasa sa pagkahinog ng panlipunang kondisyong magsusuong sa kolektibong transformasyon ng susunod na henerasyon, si Bien ay tumataya sa mga estudyante, skolar at artista na kanyang minentor—sina Doreen Fernandez, Conrado de Quiros, Ricky Lee, Vim Nadera, at iba pa--para interhenerasyonal at intersubhetibong resolbahin ang atas pangkasaysayan. Malalaki ang mga tanong, tila hindi matitinag ang imperialismo, halimbawa, pero kailangang katunggaliin hindi lang para masabing hindi lahat ay nangatulog sa mga gabi ng tahimik at marahas na panunupil, kundi tunay na ginamit ang pluma sa paglaban sa estado poder ng politikal na kapangyarihan. At mabibilang ang mga kritikong tumaya ng sariling pagkatao at buhay para sa progresibong paniniwala.
Hinawi ng skolarsyip at pagiging intelektwal ni Bien ang mahahalagang angas na dapat sana ay kinaharap ko rin. Heto ang isang mahalagang anekdota ni Bien:
After a year at Indiana University, driven by a perception that contemporary Tagalog poetry was not at par with the poetry that had been turned out in Europe early in the twentieth century, I began writing what I presumptuously thought would be “modern” Tagalog poetry. In my final year on campus, I got approval for a dissertation topic which would take me on an exploration of the history and aesthetics of English writing by Indian fictionists. It was 1960, and a young writer, Rony V. Diaz, had just arrived in Bloomington from the Philippines where a resurgent nationalism was directing the minds of the young to things Philippine. He asked me when he found out what I was goint to write on. “Why not write on a Philippine topic?” I was flabbergasted. I had not until then thought it important to relate my intellectual work to the culture of my native land.
Nang magtungo rin ako sa Amerika para sa aking graduate studies, ni hindi na sa akin sumagi na kailangan kong magsulat ng paksa tungkol sa Pilipinas. Naging guro ko si Bien sa M.A. at nabasa rin ang kanyang mga sinulat, marami na ito noon pa man. Hindi na ako dumaan sa angas na pagtingin na mababang uri ng kalidad ang anumang paksaing Pilipinas. Tinunghayan ko ang kaso ng Pilipinas bilang exemplaryo ng diskursong global, kung paano ang ating karanasan, problematisasyon at rekurso ay makakapagbigay-alam at karunungan sa inaakalang world standard sa pagsusuring kultural. Lumaktaw ako sa banging maraming kinahulugan ng mga nauna at sumunod sa akin. Wala kasi silang Bien na gumabay sa kanila, o nagbigay man lamang ng safety net.
Pinarangalan si Bien noong 1993 ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts “for asserting the central place of the vernacular tradition in framing a national identity for modern Filipinos.” Kakatwa na matapos ng halos isang daan taon ng opisyal na kalayaan ay wala pa rin tayong idioma ng pambansang identidad maliban sa opisyal na artikulasyon ng estado. Pinaparangalan si Lumbera dahil mayroon siyang tila bagong sinasabi—ang substansasyon ng etnisidad at ethno-lingwistikang kaibahan para sa pagsasabansa. Ano kung gayon ang sinasabi ng pagpaparangal kay Lumbera sa pwersa ng negosyo na buwagin ang etho-lingwistikang kaibahan sa pamamagitan ng standardisasyon ng punto at dilang pabigkas sa call centers at ang alat-tamis-asim ng ketsap sa French fries sa fastfoods? O ang paraan na pagkamangmang na mamamayan ng pamahalaan na pulbusin ang mga inakusahang rebelde at terorista sa Basilan at Sulo, matapos ay gawing mabilisan ang kumbersyon sa turismo at konsumerismo, magtayo ng resorts at malls kung gayon?
Nilulusaw ng estado ang vernakular at iba pang marka ng pagkakaiba para umugma sa opisyal na dikta ng pagkamamamayan—nakakapag-ingles na kosmopolitanismo; tradisyong pangmuseo; urbanidad ng billboards, sex work at sex video na naipalaganap sa cellphone; at di lamang pagsawalang-kibo kundi pagsang-ayon sa pasismo. Kaya mahalaga pa rin ang asersyon ni Bien: iginigiit dahil literal at epistemikong nilulusaw. Kung gayon, makabuluhan pa rin ang mga akda ni Bien hindi sa antas ng paghahawan ng landas (pioneering) ng kanyang mga pagsusuri sa multidisiplinal na larangan ng panitikan, teatro, wika at edukasyon, pelikula at kulturang popular ng bansa, kundi dahil hindi pa tapos ang laban sa mapang-uring (class) usapin sa likod ng mga disiplina na ito at sa pagsasabansa ng mga ito. Kung tapos na ang laban, sana ay papuri sa Diyos na testimonial na lamang ang ating maririnig na talumpati ngayong hapon. Pero hindi, dahil wala pang kolektibo at pambansang resolusyong nabubuo sa tunggaliang pang-uri sa bansa.
Tinanong na ni Bien ang mahahalagang usapin sa ating panahon. Ang ilan sa mga ito, at may partikular na halaga sa akin bilang skolar ay: Bakit astang mayaman si Juan Maralita? (Ito rin ang aking prinoproblematisa sa usapin ng kulturang popular at ang produksyon ng gitnang uring pakiwari sa hanay ng di naman gitnang uring nakararami. Gaya ni Bien, sinisipat ko naman ang informal na edukasyon ng kulturang popular na nagsisiwalat ng nakakaangat na pakiwari kahit pa mababa naman ang antas ng pagkasadlak sa lipunan.) Ano ang papel ng akademiko sa lipunang nagbabago? (Kung alam natin ang sagot, di sana ay sulat na lang tayo nang sulat. At dahil naitanong ito ni Bien, parati na itong espada sa ating ulunan kada nagsusulat tayo. “Para kanino?” na kailangan nating paratihang tinatanong sa bawat tipak sa ating computer.) Ano ang pamana ni Mao Zedong sa mga manlilikha? (Kung isinasaalang-alang ang “para kanino?” ang sunod na pagdaloy ang “pagsulat para sa masa” na pag-abante pang lalo sa usaping panlipunang laman unang inilahad ni S. P. Lopez, at bilang pag-abante sa isang rebolusyong kultural sa anumang kasalukuyan.) Ano ang rugged terrain ng vernakular na panitikan? (Sa akin ay kung paano integral ang karanasang vernakular sa pribilehiyadong status ng pambansa. At kung magpakagayon, ang inklusyon ng pagkakaiba hindi bilang anyo ng diversity kundi ng kolektibong kaibahang siya namang dapat pagsubstansyahin ng karanasang pambansa.) Ano ang pelikulang Filipino sa manonood nito? (Kung sa panitikan ay tinutungo pa lamang ang ideal ng pambansang panitikan, sa pelikula ay tila malinaw na itong usapin kay Bien: ang pambansang cinema bilang sinisiwalat ng artistang intelektwal at tinatangkilik at muling dinidiskurso ng mga manonood nito. At kung gayon, dayalektikal na paghulma ng anumang pagsasabansa sa laylayan ng estadong kapangyarihan.) Ano ang ideolohiyang nakatago pero dapat ilantad sa mainstream mass media, tulad ng Time magazin at palabas pantelebisyon na John en Marsha? (Sa Time, bilang instrumento ng kulturang imperialismo; sa lokal na media, bilang hugutan ng produktibo at kontra-produktibong pagpapahalaga. Ito rin ang aking agenda sa pag-aaral ng kulturang popular, tulad ng malls, droga, video games, skin whiteners, at iba pa—paano kritikal na babasahin ang mga akda bilang kritikal na pagdalumat sa kolektibong pagkatao at kontraryong pagkamamamayan.)
Ngayong matanda-tanda na ako, at mistulang pagod na sa tila walang katapusang pagsulat ng mga akda at pag-aaral dahil tila ito naman ang bansang di lamang di maubos-ubusan ng panlipunang suliranin, bagkus ay paratihan pang nanganganak ng mga perversyong variedad, parati, hindi ko man basahin nang paulit-ulit, ay sumilong sa lilim ng nauna at kasalukuyang skolarsyip ni Bien, magpahinga at kumuha muli ng lakas, para muli’t muling gawin ang nararapat sa isang bansang walang realisasyon ng mga dapat para sa mamamayan, sa estadong pinagkakamali ang pagpapatupad ng dapat bilang ehersisyo ng pagpapakitid ng indibidwal at kolektibong karapatan mabuhay ng may dangal. Sa lilim ni Bien at ng kanyang ideal na ideal ng bayan, sa pagtamlay ay panunumbalik sa pagsulat at pakikibaka para sa sambayanan.
1 comment:
Sumasangayon ako sa'yo. Si Bien Lumbera ay pundasyon ng pangkulturang aralin sa Pilipinas, na kung mawala ay hindi lamang hindi mapapalitan, ngunit maari pang magdulot ng krisis. Bilang batang (ahem ahem ahem)estudyante mapalad ako na makabasa ng kanyang akda, gayun din ang susunod pang henerasyon.
Post a Comment