Thursday, September 27, 2007

Japan Memory 5

Pahayag sa Peace Concert


Narito tayo ngayon para ipahayag ang ating pakikiisa para sa kapayapaan ng Pilipinas at ng mundo. Apektado tayo sa kampanya laban sa terorismo ng U.S. President George W. Bush. Kasama rito ang giyera sa Afghanistan, ang susunod na giyera laban sa Iraq, at ang paggamit sa Pilipinas bilang base militar para sa mga giyera nito. Apektabo tayo sa pagiging sunod-sunuran ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga polisiya ni Bush.

Pinayagan niya, kahit labag sa ating konstitusyon, na pumasok ang may 3,000 sundalong Amerikano sa war games sa Basilan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang war games ay naganap sa isang hostile area. Tutulungan daw tayo para kubkubin ang Abu Sayyaf. Matapos ng anim na buwan, sa awa ng Diyos, gumagala pa rin ang Abu Sayyaf sa Basilan.

Lalo lamang lumakas ang kaguluhan sa bansa natin—pagbomba sa sinehan at bus, pagdami ng insidente ng mga paglabag sa karapatang pantao ng militar, maging ng Amerikanong sundalo, pag-alis ng gobyerno sa peace talks sa National Democratic Front, pagbansag na terorista si Jose Maria Sison, mga eskandalo tungkol sa illegal na kita ng Meralco, bribery sa kabinete ni Macapagal-Arroyo.

Samantala, lalong naghihirap ang nakararami sa bansa. Lalong umiigting ang krisis sa bansa. Marami pa rin ang walang trabaho at napipilitang umalis sa bansa para maging overseas contract worker. Alam natin ang hirap ng pagiging OCW at migrante sa ibang bansa. Kaya may responsibilidad tayong umalam at makialam sa nagaganap sa Pilipinas.

Sa araw ng pagdiriwang ng kapayapaan, iparinig natin ang ating nagkakaisang tinig—NO TO WAR, YES TO PEACE!

Sa pamamagitan ng ating musika at awit, alalahanin natin ang ating bansa, lalo na sa darating na kapaskuhan, ang dakilang araw ng kapayapaan. Iparating natin sa muling pagdalaw ni Macapagal-Arroyo ang sentimento natin para sa kapayapaan, para sa bayan—NO TO WAR, YES TO PEACE!

Maalab at kapayapaang hapon po sa ating lahat!

No comments: