Orihinalidad at Reprodyusabilidad ng Sining at Kulturang Popular
(papel na binasa sa “Obra Maestra Mamera Series” ng Lopez Memorial Museum at UP College of Mass Communications, CMC Auditorium, 25 Agosto 2007. Burador, hindi para ireferensiya nang walang permiso ng awtor.)
Ako ay hindi kritiko ng sining kundi skolar ng media at kulturang popular. Sa presentasyong ito, nais kong ilahad ang ilan, maaring di magkakalapat, na idea ukol sa orihinalidad at reprodyusabilidad ng sining at kulturang popular bilang paraan ng pag-iisip din ng mas malakihang isyu kung paano itinatanghal at itinuturo ang bago at orihinal sa mas malawak na usapin ng politika, ekonomya at kultura. May orihinal ba talaga? Bakit nirereprodyus ang kumikitang orihinal? At paano, sa mismong reproduksyon, ay tumitingkad ang orihinalidad ng bagay sa sining at kultura? Sa aking palagay, mahalaga ang talakayan ng orihinalidad at reprodyusabilidad dahil inilalarawan nito kung paano inoorganisa ang karanasan sa sining at kultura, ginagawang interesante para tangkilikin at painugin pa lalo sa daloy ng kapital. Ang proseso ng organisasyon at reorganisasyon ng seduksyon at pagnanasa (desire) ay hindi lamang insitutsyonal na isinisiwalat, ito ay nirereprodyus sa indibidwal na antas para mas maging katanggaptanggap ang orihinaryo o ang primordial na lokasyon ng karanasan sa bagay. Ang sumusunod ay mga preliminaryong idea sa daloy ng kamalayan, inisip bago matulog, na tila angkop naman sa pag-iisip bago pumalaot sa pagtulog at sa dreamwork, nakakapagmuni-muni muna tungkol sa kung ang iniisip nga ba ay orihinal o reproduksyon lamang ng realidad—kung ang mulat na pag-iisip ay reproduksyon ng di-kamalayan (unconscious) bilang orihinal, o ang di-kamalayan ay reproduksyon ng mga agam-agam sa mulat na realidad.
1. Habang naghahandang matulog, isang text joke
May isa akong text na natanggap noong nakaraang linggo. Na-delete ko na kaya ikukuwento ko na lang sa inyo: Nasa eroplano ang mag-anak ni Gloria Macapagal Arroyo. Sinabi ng pangulo, “Ano kaya kung magtapon ako ng isang tseke para sa isang milyon. May isang mamamayan na matutuwa.” Tugon ng First Gentleman, “Bakit hindi mo hatiin ang isang milyon sa tig-kalahating milyon nang may dalawang mamamayang matuwa.” Wika naman ng wanna-be na artistang anak, si Mikey Arroyo, “Bakit hindi mo hatiin sa sampung tig-wa-one hundred thousand nang sampung mamamayan ang matuwa?” Ang nag-iisang apo ang huling tumugon, “Bakit hindi si lola ang tumalon nang milyon-milyon ang matuwa?”
Maraming antas ng orihinal at kopya ang isinasaad ng text joke. Una, ang primordial na halaga ng orihinal na ligaya—isang milyon para sa isang tao, o ang reprodyusabilidad nitong ligaya sa dalawa, sampu at milyon-milyong katao. Sino ang nagdidikta kung ano ang halagang tumbas ng primordial na ligaya, sa paanong paraan, at kaninong interes ang isinisiwalat? Ano ang katumbas ng primordial na ligaya? Ano ang halaga ng orihinal na sining ng mga pambansang alagad ng sining? O ng maaring ibenta ang puri kapalit ng phone cards, gaya ng ginagawa ng mga batang sex worker sa Pasig City? Sa edad ng maigting na yugto ng kapitalismo, ano ang matatanggap mong halaga para maging maligaya, matupad ang pangarap, makaahon sa hirap, makatunghay ng sining na makakaantig sa iyong damdamin nang walang katulad? Sa kasalukuyang kapitalistang sistema, ang mga pangarap ay parating nasa ere, hindi maabot kaya paratihang nangangarap nang gising. Ipinaghehele ng kumpiyansa sa posibilidad na maaring matupad ang pangarap batay sa limitado o labis na kapital. At ito lamang ang pangako ng kapitalismo sa ating lahat: iprenepresenta ang mga sining at kulturang popular, at ang mismong karanasan sa mga ito bilang posibilidad na maaring makamit, hindi pa ang pangakong makakamit nga ang mga ito. Kaya ang kalakaran ay ang pag-agapay sa panuntunang itinakda. Dito papasok ang reprodyusabilidad ng bagay ng sining at kulturang popular—ang karanasang makatunghay pa rin sa karanasang orihinal. Ibig sabihin, pirated imbis na orihinal na DVD at softwares, downloaded imbis na bumibili ng orihinal na CDs, fake na branded imbis na orihinal na branded, ukay-ukay imbis na bagong orihinal, xerox imbis na orihinal na libro, at iba pa. Ang mga ito o tinging orihinal—sache economics na magpapapasa load sa halagang piso, electronic e-load na P15, pantanggal ng balakubak na P3.50 bawat pakete, gel na P4.50, pagbili ng softdrinks bilang climax na yugto sa karanasan ng malling, pagpag na chicken joy, at iba pa. Tila lahat ay binibigyan ng akses sa primordial na karanasan ng orihinal.
Ikalawa, ang simulation ng Unang Pamilya, ang kapasidad ng mamamayang i-reproduce ang mag-anak sa ibang paralel na sityo na may di katugmang kaangkupan ng kapangyarihan—pribadong eroplano para sa pinakamakapangyarihang pamilya pero may tinig ng di-pagsang-ayon at pakikitunggali sa musmos na figura, at kung gayon, ang pagtuya sa presidensyal na kapangyarihan. Ito at hindi ito ang Unang Pamilya. Hindi magkakaroon ng fantasya ng Unang Pamilya na maaring pagtawanan kung walang indexical na referensiya sa tunay at historikal na Unang Pamilya. Ang sityo ng joke ay ang pamilya at ang eroplano. Ang pamilya ang minamapa bilang familiar at familial na entidad ng sosyalisasyon sa biro, karanasan sa kapangyarihan at pagbalikwas. Kung ito ay biro, ito ay postponement sa mismong orihinaryong kahulugan. Ibig sabihin, ang minamapa ay ang di familiar at di familial. Ang mga nakakabasa ng text ay hindi familiar sa tunay na operasyon ng pambansang kapangyarihan, pati na rin ang familial na dynamics ng Unang Pamilya. Ang pinopostpone ay ang orihinaryong sinasambit ng punchline. Dito papasok ang nosyon ng difference ni Jacques Derrida. Dine-defer ang kahulugan hanggang sa ang kabuuan ay matunghayan. Parang hindi mo malalaman ang puno ay nasa gubat kapag pinagmasdan lamang ang isang puno. Dini-differ din ang kahulugan dahil ang paghulog ng tseke ay kaiba na sa paghulog sa pangulo. Magkaiba pero paralel ang isinasaad sa sityo ng karanasan. Mahalaga ang maliit na disjuncture ng dalawang paralel na referensiya dahil dito papasok ang irony sa punchline—ang di magkapantay na pagsaad sa dalawang ipinapantay na siyang magtatahi sa kabuuan, kung bakit katawa-tawa ang biro, kung bakit may politikal na komentaryo ang birong nagsasaad na mag-self-sacrifice ang pangulo nang sa gayon ay milyon-milyon ang matuwa, magkaroon ng primordial na kaligayahan sa akto ng self-effacement bilang panibagong irony sa panahong naghahanap siya ng kanyang legacy sa natitirang panahon ng kanyang panunungkulan. Kung gayon, hindi pala kaiga-igaya ang paningin ng milyon-milyon sa pangulo, at itong reprodyusable na sinasambit ay nakaangkla sa primordial na pagnanasa ng milyon-milyon na matanggal siya sa panunungkulan, kundi man, magboluntaryong mawala sa poder ng kapangyarihan. Isa laban sa milyon-milyon na tila isinasaad na ang eroplano, ang isa pang sityo ng karanasan, ay di parating inaantay para dumating sa kanyang destinasyon. Mahalaga rin ang nagaganap sa proseso ng paglisan at pagdating. Ang liminalidad ng ere, ang mas mahabang panahon kaysa sa paglisan at pagdating, ay nagsasaad na ang gitnang posisyon sa magkadulong binaryong oposisyon ay pinaghahalawan ng kahulugan ng karanasan. Sa liminalidad, matutunghayan ang kontraryong posisyon ng intimate na kahulugan ng signifier (eroplano, Unang Pamilya) para hindi ito lubos na makarating sa kanyang destinasyon (awtoridad, kapangyarihan). Sa tiered diffusion ng kapangyarihan—mula Pangulo, tungo sa First Gentleman, anak at apo—dine-defer ang awtorial na kahulugan para ang pinakamahinang koneksyon sa kapangyarihan ang magsiwalat ng subversyon.
Ikatlo, ang reprodyusabilidad ay hatid ng teknolohiya ng media. Ang orihinalidad sa sining ay gumagamit ng hardline na media. Tanging ang amalgamasyon ng strokes sa pintura at kanvas na ang kaisa-isang akda ng sining ay nasisiwalat na ito ay natatangi. Hindi ito mass reproduced na entidad. Kaya lalabas rin na mas mahal dahil namumukod-tangi sa pag-iisa. Kaya nakakaangat ang gawa ng isang pintor sa kanyang exhibit kaysa sa tinatawag na “Mabini art” o gawang “Peck Pinon” dahil ang mga huli ay malawakan ang reproduksyon ng mga bagay ng sining. Kapag pumasok at pumaloob ang orihinal sa mass media, natitiyak ang reprodyusabilidad nito. Ang narereprodyus ay hindi ang orihinal kundi ang maramihang kopya. Sa pamamagitan ng ilang characters na sinend sa maramihang kaibigan, ang kopya ng biro ay nadi-disseminate sa maramihan. Manganganak pa ito hanggang sa mawalan na ng interes ang publiko (ang kasapian ng familiar at familial na komunidad ng nag-text) kahit pa manaka-naka naman kahit regular na sumusulpot ang politikal na biro. Ang digital na teknolohiya ang kaibahan ng orihinaryong sining (biswal, sayaw at tanghal, musika, at iba pa), na kahit pa ito photograph, prints at digital art na maramihan ang kopya, ang bawat isa ay inaakala at iniisip na natatanging gawa ng artist. Sa pagpasok ng mass media, ibig sabihin rin ang pag-igting ng komersyo sa sining, ang sining naman ay nagkaroon ng propensidad nang mas malawakan kaysa sa orihinal na diseminasyon. Ang patron sa renaissance ay tumatangkilik ng mga batang musikero at pintor hindi para makalikom ng sandamakmak na orihinal na gawa ng mga artista kundi para mareprodyus ang natatanging artista sa maraming orihinal na gawa. Ang artista ang primaryong orihinaryong bagay ng sining, hindi ng mga akda. Dito papasok ang fetishismo sa orihinal, na ang layon ay hindi para sa pagdambana sa orihinal na mga gawa ng sining kundi para idambana ang natatanging talento ng artista. Hindi magiging national artist sina Leandro Locsin, Virgilio Almario, Bienvenido Lumbera o Fernando Amorsolo kung iisa lang ang gawa mga nito. Naghahanap tayo ng orihinal gayong patay na ang orihinaryong bagay ng sining—ang artista. Ang kanyang mga akda ay mga tagni-tagning labi ng kabuuan na lamang ng kanyang orihinaryong posisyon, kung maabot man niya ang status ng pagiging artista sa kanyang tanang buhay o sa after-life—na ang ibig sabihin ay kung nabigyan na siya ng seal of approval ng kanyang tukayo, ng mga institusyon ng sining at kultura, ng mga patron ng kanyang akda, at ng mismong estado. Buhay man o patay, ang artista ay isa na lamang bakas (trace) ng orihinaryong bagay—ng kasiningan, kapangyarihang politikal, kultural o ekonomiya. Sa pamamagitan ng pagtunghay sa sining o sa aktwal na pagbili nito, ang orihinaryo ay namamasid pero hindi nang kabuuan nito kundi ng imahinaryo ng kabuuan—nandiyan sa harap ang orihinal na Van Gogh, halimbawa, pero ano naman ang orihinal at orihinaryong isinasaad nito, walang lubos na makakapagpaliwanag. Tanging sa pamamagitan ng teknolohiya na ang orihinaryo (artista, GMA) ay reprodyusable at malaon, nagiging kauna-unawa (discernable). Sa orkestrasyon ng politika at ekonomiya ng kapitalismo, sa naratibo ng pambansang pag-unlad, ang orihinaryo ay natutunghayan sa pamamagitan ng aktwal na reprodusibilad nito. Ibig sabihin, at ito ang paradox ng orihinalidad at reprodyusibilidad ng sining, kailangang magka-formula ang paulit-ulit na exekusyon ng artista sa kanyang mga akda—para gunitain (in retrospect parati) na may orihinal itong kontribusyon, at kung magpakagayon, sa reprodusibilidad ng orihinaryo matutunghayan ang orihinalidad.
Ikaapat, ang teknolohiya ng media ang nagsisiwalat ng paraan ng indibidwal sa kolektibong imahinasyon. Kung sa text joke, ang biglaang pag-aninag na nandiyan pala ang presidente ng bansa ay sa pamamagitan ng digital teknolohiya ng nagpapasa ng binabayarang impormasyon para matunghayan ang kakaibang spelling, kakaibang deferment ng punchline kabuuang kahulugan sa scrolling function ng cellphone, kakaibang aksyon (pagpapasa muli sa kinauukulang virtual na komunidad sa address book) o tugon (text back ng “hehehe” o smiley face, o delete). Kung may teknolohiya lang din na pwedeng i-delete ang mismong presidente kaysa abangang magpakahulog sa eroplano…. Pero wala pa. Ang text ang siyang media kung saan muling nabubuo ang trinatratong di magkakatugma, at kung gayon ay di magkakaugnay na mga bagay, ay integral sa karanasan ng sandali. Sa aktong sandali ng pagtanggap ng text, ang mga planetang politika, kultura, teknolohiya at ekonomiya ay biglang nagkakaroon ng temporal at paralel na realignment para mabuo ang kahulugan ng orihinaryo—temporal dahil bigla ang rekognisyon na tayo nga pala ay mamamayan ng Pilipinas, na mayroong presidenteng pinagdududahan ang kanyang pagkapangulo, na ang panunungkulan ay ibig sabihin ay self-sacrifice; at paralel dahil tayo ng konsyumer ng cellphone ay mamamayan na may komunidad at pamayanan, o may publikong inaadres. Sa panahon ng pagpapatalsik kay dating Pangulo Joseph Estrada, may comfort na ang cellphone ang nakakapanghimok sa maraming mamamayan, lalo na ang kabataan, hindi lamang para mag-ayaya na mag-EDSA, kundi para ireafirma, sa pamamagitan ng Erap jokes, na may moral na batayan ang paglahok—ang mga biro sa pagkakaroon ng maraming asawa, sobrang makainom, at sobrang walang alam ay nagsasaad ng moral na bankruptcy. Kakatwa rin na sa pagkalulok pa lamang ni Arroyo sa pagkapangulong pumalit kay Estrada na naglipana na naman ang serye ng text jokes tungkol sa kanya. Hindi na nag-antay para pagtawanan ang kanyang taas (o kakulangan nito), monotonong boses at postura, at ang tendensiya ng First Gentleman sa bagong masibong pangungurakot din. Kaya sa simula pa lang ay may pag-aatubili na sa pagkapangulo niya. Kahalintulad ito ng kung paano nagkakakumpyansa sa orihinalidad via reprodusibilidad ng orihinaryong figura. Sa pamamagitan ng reprodyusabilidad ng kumpiyansa at komersyo sa mga akda na ang sining ay nagiging masining, na ang pintor ay nagiging artista, na ang artista ay nagiging National Artist. Ibig sabihin, bawat artista ay nagpoposturang cottage industry para magtagumpay. Artisano itong nakakapaghanda ng sariling materyales na lilimiin at aakdain sa mga gawang-sining, pero kailangang may pakat ng komersyo para literal at figuratibong bumenta sa antas na sining. Ang hardline na media na kanyang pinili ay mangangailangan rin ng reprodyusibilidad sa iba pang media: maiimprenta kung ito ay panitikan, magiging cover ng libro kung ito ay sining biswal o peryodikong masasama sa retrospectives, theme song sa isang art film, at iba pa. Kung gayon, kailangang ang orihinal ay reprodyusable na sa simula pa lang. Maari rin, mula sa latak ay angkatin ito sa status ng sining, tulad ng pagpili ng kulturang popular para gawin indie digi film, o ang “Pamela-mela One” at “Otso-otso” ay awitin ng Madrigal Singers sa Main Theater ng CCP, o ang kakaning nilupak ay gawing Asian fusion cuisine ng Mandarin Hotel, at iba pa. Ang putik ay nagiging burnay na nagiging di na lamang anthropological object, kundi isang art objek na rin na kakailanganin ng sertipiko bago matanggal sa Baranggay Burnay sa Ilokos Sur. Nandadaya rin ang orihinaryo dahil ipinopostura ang pinaka-di-orihinal bilang orihinal. Ang pinakareprodyusable na bagay—kung ano ang hip sa kulturang popular—ay biglang nadidispley sa museo. Gumugunaw na ba ang mundo? Hindi naman, mahirap lang paratihang maging orihinal. Sa pamamagitan ng teknolohiya, ang imahinaryo—ang ideal na isinisiwalat ng indibidwal at kolektibo—ay napapadami at napapalawak. Ang kakatwa sa imahinaryo ay ang kawalan ng orihinalidad. Walang bagong fantasya, tanging mga bagong paraan lang ng pagpapatagos ng fantasya—kanino pang espasyo ito mapapadanas? Ang isinasaad ng teknoloniya ay ang kapasidad nitong dalhin tayo paratihan sa makabagong konfigurasyon ng mga espasyo at kaunay na paralel na mga mundo. Kung bago ang perspektiba, lokasyon, sityo, kanto, lunan at lugar na napapatagos ng lumang karanasan, nagiging tila bago na rin ito. “Tila” dahil, gaya nga ng idinidiin, wala naman talagang tunay na bago at orihinal; lahat pa ay tila nagiging orihinal at bago dahil sa reprodyusabilidad nito.
2. Mga iniisip bago matulog.
2.1 Mga preso sa Cebu na nag-eehersisyo sa musika ng “Thriller” sa Youtube.
Mula sa MTV ni Michael Jackson, ang orihinaryong figura ng musika at sayaw, isinasaad ang kasiyahan sa pag-terorize ng babaeng sinusuyo ng karakter ni Jackson. High school nostalgia ang espasyo, biglang matratransforma si Jackson bilang lider ng mga zombie at kolektibo nilang tatakutin ang babae. Sa huli, ang mangmang na babae ay iisiping masamang gunita lamang ang nangyaring pananakot habang yakap siya ni Jackson na nanlisik ang mga mata, pangitain na ang gunita ay may batayang katotohanan. Sa Youtube video, ang mga daan-daang preso sa Cebu ay kolektibong nag-eehersisyo sa musika ng “Thriller.” Ano ang ineensayo at ineehersisyo: ang kanilang kawalan ng kapangyarihan, ang di nakikitang may hawak ng kapangyarihan, o na kailangan pang daan-daan silang kolektibong mga markadong katawan—ang reproduksyon ng terorismo ng karakter ni Jackson sa inaakala ng estado bilang terror na sabjek, at kung gayon, tine-terrorize naman nito para sinkronisadong mapasayaw ng “Thriller”—bago magkaroon ng MTV moment, sa pamamagitan ng demokratikong akses na ipinapahintulot ng Youtube. Sa isang banda, ang zombie na katawan ni Jackson ay reprodyusable sa daan-daang katawan ng preso, mga katawang nakondena sa pagkaagnas at kawalan ng sariling disposisyon? Kung ang zombie ay ang orihinaryong figura ng indibidwal na pagkatao na nabitag sa buhay na patay na katawan, ang daan-daang preso, kung gayon, ay reproduksyon ng reproduksyon: kopya ng kopya ng orihinaryong indibidwal na pagkatao, na tulad ng high school nostalgia, ay kailanman hindi maibabalik. Sa milyon-milyong malayang tumunghay sa Youtube video, ang tinutunghayan nila ay ang kanilang kolektibong indibidwalidad na nawala sa panonood at nanumbalik sa pagtatapos—na pasasalamat na sila ay nasa labas na tumutunghay sa loob, na ang loob naman, sa Youtube, ay paratihan na lamang nakakulong bilang digital na impormasyon sa internet. Silang mga preso ay patuloy pa rin ang submisyon sa pwersa ng liberal na demokrasyang nagtataguyod ng indibidwal na kalayaan. Sila ay nakakulong at pinapanood na may fasinasyon dahil sa idea na may ginawa silang aspekto ng terorismo laban sa estado—terorismo na sa definisyon ng Human Security Act ng 2007 ay di na lamang sa pagbomba at koersibong taktika para mapasang-ayon ang gobyerno kundi mismong pag-iisip at pagpapaplano pa lamang ng mga bagay ay maari na ngang i-surveillance, i-wiretap, i-freeze ang bank account, i-warrantless arrest at i-extended detensyon—at heto sila, nagtatanghal ng kanilang di-kalayaan para sa inaakalang manonood na nakakapag-ehersisyo ng kalayaan. Sa batayan ng hinala pa lamang, terorista na ang pinagsususpetsahan, na tulad ng kumpesyonal sa Judeo-Kristianong tradisyon, ay nagkasala ka na kung inisip mong halayin ang iyong katabi, mamatay ang iyong kaaway, o mabuti nga sa kanilang sinapit ang gayong abang kalagayan dahil sila ay nagkasala sa lipunan. Walang nagkasala kung walang pinagkakasalaan, kahit pa sa guni-guni lamang ay may rekurso sa katarungan o pagtutumbas man lamang. Walang terorista kung walang pinagteterorisan. Walang estado kung walang mamamayang sinisikil. Walang daan-daan preso kung walang Michael Jackson na sa magkahiwalay ngunit paralel na universo ay sabay rin namang sumasayaw sa musika ng “Thriller.”
2. 2 Tsinelas, rubber slippers, Havaianas
Sa Japan, may tsinelas sa bawat kwarto. Tsinelas na tela sa pagpasok ng bahay at pagtanggal ng sapatos na gamit sa labas. Tsinelas na rubber para sa banyo. Ibang tsinelas na tela para sa nanay na nagluluto sa kusina. Lokasyon ang afinidad ng pagpapakahulugan sa tsinelas: pambahay ito, sa domestikong antas, at kung sa gayon, mas mababang uri kaysa sa de-balat na sumisimbolo sa white-collar jobs. Sa malls sa bansa, dati ay hindi ka papasukin kung nakasando at nakatsinelas ka. Sa pagpasok ng isang libong pisong tsinelas, ang Havaianas, tila hindi na sinusunod ang ganitong mall dress code. Kinailangan pang bigyan-lehitimasyon ng imported na tsinelas ang lokal na praktis ng pagtsitsinelas. Mahihiya nang sitahin ka ng security guard dahil mas mahal pa ang saplot mo sa paa kaysa sa kanyang de-balat. May kaantasan ang saplot sa paa: duhagi ka kung wala kang saplot sa paa, mahirap ka kung nakatsinelas ka lang, maaring taga-probinsya pa nga, at sosyal ka kung naka-high heels o de-balat ka. Wala nang gumagamit ng bakya dahil ayaw mapabilang sa luma, mumurahin at pedestriyanong saplot sa paa. Maliban sa mga pamilihan sa probinsya, wala nang iba pang mapapagbilhan ng bakya, ang representasyon ng lokal na inisyatibang tinibag ng dayuhang industriya ng sapatos, modernismo at kosmopolitanismo. Sa Pilipinas, tsinitsinelas ang mga batang di sumusunod sa magulang. Ang saplot-pampaa ay saplot-pandisiplina. Ang talampakan ay sinasabing pinakamarumi at pinakahindi disenteng bahagi ng nakikitang bahagi ng katawan, pangmababang gawain at kaya kapag tsininelas ka, para kang sinupalpal ng simbolo ng pedestrianong kabulgaran. Ang tsinelas sa mahirap, hindi itinatapon hanggang hindi napupudpod, at kung mapigtas, maari pang gupitin ang magagamit na bahagi, itagni-tagni at gawing door mat. Sa pang-uring katangian ng tsinelas, tulad ng sinasabi tungkol sa kawayan at puno ng buko, lahat ay pinapakinabangan, walang pag-aaksaya, nakakahanap ng bagong gamit sa luma. Tsinelas ang gamit sa larong tumbang preso. Hindi pwede ang bakya, hindi rin pwede ang sapatos. Kaya siguro hindi na nilalaro ang tumbang preso ay dahil sa publikong spero ng paaralan, hindi hinihikayat magtsinelas. Paano maglalaro ng tumbang preso kung walang tsinelas? Paano ang laro kung ang kagamitan ay di lapat? Nang mangyari ang Mendiola Massacre noong 1997 na kinamatayan ng mga magsasaka at ilang demonstrador, ang naiwang eksena matapos malikas ang mga patay ay mga nagkalat na tsinelas sa kapaligiran. Na ang kilos-protesta ay kinabilangan ng maraming magsasakang naghahangad ng tunay na agraryo sa lupa na lumuwas, at kung gayon ay nagtsinelas, at nagmartsa sa Mendiola para yanigin ng bala ng baril ng military habang kumaripas ng takbong papalayo, at sa pagkandakumahog ay nangaiwan ang di na magkakapares na tsinelas ay pumapatungkol sa kalidad ng pagtrato sa inaaping sektor, ang pinakamalaking bilang ng mamamayan sa bansa. Walang opisyal na pagtanggap kahit pa sila ang nagpapakain sa bansa. Di makataong pagtanggap sa silang lumuwas nang nakatsinelas at umuwing nakayapak. Kung gayon, ang tsinelas bilang representasyon ng domestikong spero, mababang uri, naunsyaming kamusmusan at pambansang industrialisasyon, biktimasisasyon ng karahasang pang-estado, at bulgaridad ay binabagabag sa intimasyon ng pagpapakahulugan sa pagpasok ng Havaianas, o hindi nga ba? Sa isang banda, hindi ba’t ang orihinaryong bagay (tsinelas) ay dumulas na ang kahulugan dahil sa pagpasok nang mas mahal at inaakalang mas matibay na Havaianas? O mas nagiging reprodyusabol ba ang orihinaryong bagay dahil sa paulit-ulit na pagpapaugnay nito sa multinasyonal na tsinelas ng mundo? Sa kabilang banda, hindi ba’t ang Havaianas ay reifikasyon ng tsinelas sa edad ng multinasyonalismo? Nailabas sa domestikong spero ang tsinelas, naging lehitimong pampublikong saplot-paa na maari di gamiting pantsinelas ng mga sutil na bata dahil baka masira ang mamahaling tsinelas. Nailabas pero muling naipaloob sa reprodyusabilidad ng Havaianas ang tsinelas. Pinapatingkad nito ang distinksyon sa kung sino lamang ang makakagawang publiko ang pribadong entidad, at sa gayon ay makakadanas ng pang-iistorbo sa autoritarinismong kahulugan. Sino ang pinapalaya, sino ang ikinukulong? Sino ang may kapangyarihang manawid sa dalawang spero ng realidad, makapagdanas ng asersyon ng indibidwalidad sa publikong spero ng pagbibigay-kahulugan, ngalan at substansya sa mundo? Na maaring isipin na kung ang fake na Havaianas ang suot, wala namang magma-magnifying glass para sabihin ang tunay na estado nito. Pero sa kalakaran ng pangungimpisal sa simbahan at paghininala sa terorismo, dahil alam mo na di tunay ang saplot sa paa, hindi ka maaring magka-chinup na attitude. Sa imahinaryo at historikal na mundo ng kasalukuyang karanasan sa kapitalismo sa bansa, dahil may pagkakasala, kinakailangang maglakad ka na nakatungo. Na ang Havaianas ay fake na Havaianas ay pagdirekta ng ugnay sa orihinaryong tsinelas. Tanging ang Havaianas ang natatangi at nakakapagbigay-tangi. Na ang tsinelas ay mamahaling Havaianas pero nananatiling tsinelas pa rin sa Brazil na nagbibigay-diin kung bakit ang gitnang uri sa bansa ay nagnanais magkatsinelas ng ibang bansa at itakwil ang lokal na tsinelas. Sa huli, sino ang mga paang nagsusuot ng kung anong tsinelas, at kung ano ang kamay na humahawak ng tsinelas ng kapangyarihan?
2.3 Search for the Bench Underwear Models
Ang katawan ang simptomas at reseptakel ng orihinalidad at reprodyusabilidad sa kulturang popular. Kapag sinabing “search,” may hinahanap na inaasahang makatagpo at bigyan-rekognisyon. Ibig sabihin, bago sumali, hindi kinikilala, walang personalidad, di entidad, walang pagkatao. Ang tatak na Bench ang awtor ng paghahanap, ito lamang ang proper—angkop, lehitimo, may kapangyarihang makapaghanap at makapagbigay-rekognisyon--na pangalan sa titulo. Ang Bench ang benefactor dahil ito ang mag-aangat sa pinaka-deserving na katawan para bigyan ng proper na rekognisyon, “Bench model.” “Underwear” na modelo ang hinahanap, na tulad ng paradigmatikong pagtutuligsa ng Havaianas, ay may kapangyarihang ibuyanyang ang orihinaryong bagay sa ibang antas ng pagpapakahulugan. Domestiko, itinatago, tinatakpan ng iba pang saplot, pribado, at sexually sterile ang underwear na sa pamamagitan ng awtorial na “Bench” ay nililikha bilang negosyo, trabaho, ibinubuyanyang, hyper-sexual at publiko. Paano matagumpay na nagawang negosyo ang bagay na itinatago lang naman? Kailan pa darating ang manaka-nakang pagkakataon na kailangan mong maghubad at mapahiya kapag gulanit, may butas at mantsa, at bacon na ang garter ng underwear? Ang hinahanap ay modelo na kakatwa rin naman dahil hindi ito ang pagdakila sa modelo-bilang-moral na nakakaangat at sa kanyang pagkabayani, kundi literal ngunit kopya ng idinadakilang pisikalidad—kabataan; matikas na pangangatawan, may abs at pecs kung lalake; balingkinitan at mahihin kumilos kung babae. Kung ang naunang modelo ay kailangang magpakita ng kanyang pagkabayani, ang kasalukuyang ipinaghahanap na modelo ay kailangan nandoon lang kahit pa sinasabing may X-factor o di-kilala (unknown) na substansyal na faktor na isinasaad. Sa pamamagitan ng catch phrase na “X-factor,” binubura ang obhetismo, ginagawang mas patron ang Bench o ang representatibong pipili ng modelo nang mga modelo. Kung gayon, ang itatanghal na modelo ay yaong pinakalapat sa ideal ng combo meal ng komersyal na sexualidad ng Bench, tulad ng kanilang underwear. Sa partikular, komersyal na heterosexualidad ang hinahanap dahil isang pares ng lalake at babae bilang target market ng Bench underwear kahit pa maaring magkaroon ng in-mixing o underwear shifting ang lalake at babae sa panlalake at pambabaeng underwear dahil mismo sa kalikasang katangian ng underwear—nakatago ito at hindi ibinubuyanyang, maliban sa pagkakataon tulad ng lingguhang search. Kung gayon, ang orihinalidad ng karanasan sa pagsuot, pagtunghay at estetika ng underwear ay pinalitan na ng lente ng komersyal na heterosexualidad na siyang nagdidikta ng tila bagong pagtunghay sa underwear at katawang nagsusuot nito sa pamamagitan ng reprodyusabilidad—dito ay tunay na reifikasyon o reproduksyon ng bagay sa kapitalismo para estimahin ang gitnang uring panuntunan ng buhay at ligaya—ng reprodusabilidad, hindi ng orihinalidad, para magtaguyod ng tila orhinalidad. Ang matikas na hubad na katawan na lingguhang ipinaparada sa telebisyon, kinatulong pa ng print ads, giant billboards sa EDSA at iba pang pangunahing daan, at nang taunang fashion event na may proper name na namang “Bench underwear fashion show,” ay reproduksyon ng matagumpay na negosyo at ng gamit nito sa katawan—silang may kakayanang bumili ng damit kahit walang pangangatawang modelong makakapagsuot nito sa heterosexual na kapamaraan (ang pagtampok sa finasyal kasya sa corporeal na kapital) ay bumibili nang damit na itatago, o patuksong ihahayag sa low-waist jeans at baby t-shirts, higit sa lahat, para magkaroon ng indibidwal na lehitimasyon sa karanasan gitnang uri at ng pangako nito ng urbanidad at kosmopolitanismo. Balikan na naman natin ang kumpesyonal sa simbahan at paghihinala sa terorismo, ang reafirmasyon ay tungo sa pagdisiplina ng katawan tungo sa debosyon sa gitnang uring panuntunan. Pribadong kaligayahan dulot ng pribadong pagtatangka ng indibidwal na makaagapay sa pinalawak na panuntunan ng gitnang uri—tunay na pribatisasyon ng pagnanasa. Hinihikayat ng “Search for the Bench Underwear Model” ang pagtangkilik di lamang sa produkto, kundi sa inuusad na agendang tila orihinal at ang reproduksyon nito sa bawat modelong malalaglag na nagpapatingkad sa pagdamdana sa magiging modelo ng mga modelo o Model with a capital M gaya nang isinasaad ng titulo ng palabas. Auto-referential ang palabas ng Bench dahil isinasaad nito kung paano ito, sa ngalan ng komersyo, lumilikha o nagmamanufaktura ng bagong pagpapakahulugan sa orihinalidad, at ang reprodyusabilidad nito sa pamamagitan nang panghihikayat na pagtangkilik sa hanay ng representatibong mamimili—ang unti-unting sinisibak na bilang ng kandidaturang modelo—na ang pamantayan nang gitnang uring kagalingan ay nakabatay hindi sa simpleng kaalaman sa brand kundi sa akto ng pagtangkilik. Biswal at afektwal tayong pinapatangkilik ng palabas bilang rehersal sa aktwal na pagtangkilik sa produkto, kung hindi pa nga tayo nakaranas ng kumbersyon para paboran ang brand na ito na, tulad nang palabas, ibinubuyanyag ang pag-aari ng awtorial at proper na orihinaryo. Tayo na nagsusuot ng Bench na nakabandera sa makakakita ay inaako bilang katuwang na pag-aari ng Bench. Ang ating pag-aari ay ngayon, nag-aari na sa atin. Na kakatwa dahil ang pag-aari at nag-aari ay nakabatay sa sentralidad ng komersyal na heterosexualidad—ang mga ari.
2.4 Sex scandals na na-video at ipinapalaganap sa cellphone
May isang tulang-bayan sa panahon ng Amerikano, “Awit ng Manlalakbay,” tungkol ito sa paglalakbay ng persona sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pero nananatili pa rin ang orihinaryong pakiramdam—ang kalungkutan dulot ng kawalan ng pag-ibig na naglalahad ng irony ng pagbiyahe sa literal na espasyo gayong ang interyor na espasyo ng indibidwal ay nananatiling nakalugmok sa di mapukaw na kalungkutan. Ang tula ay tipikal sa mga tula sa panahon ng Amerikanong kolonialismo, romantikong nabigyan-diin ang kapasidad ng indibidwal na tanggapin ang intensifikadong pagdurusa bilang indibidwal na desisyon. Bahagi ng kontraryong liberalismo na isinisiwalat para lamang ikahon ang liberal na praxis at pagpapahalaga, ang tula ay una’t sa huli desisyon ng indibidwal na maging lugami dahil sa kawalan ng aalo. Na ang tula ay tulang-bayan—palipat-dila, walang awtor, popular sa masang hanay—ay nagsasaad ng malawakang diseminasyon ng tula at reprodyusabilidad ng bagong orihinaryong pagkatao (liberal na mamamayan). Flashforward sa mga indibidwal at pares na piniling i-video ang kanilang sexual praktis. Ang orihinaryong pagkatao na fantasy-ideal ng Amerikanong kolonialismo ay nahigtan na ng teknolohiyang nagsisiwalat ng pribadong praktis sa publikong spero—ibig sabihin, hindi na lamang ito ginagawa sa patagong kalakaran (tulad ng underwear), sa kakatwang paraan ng pagkakamali, pagkanakaw at iligal na upload ay nagiging publiko ang ilang segundong sex act. Hindi nagbago ang orihinaryo, nagbago ang paraan ng reprodyusabilidad nito. Naging mass ang paraan ng diseminasyon ng sex act at ng bagong reprodyusibilidad nito—matutunghayan kapag finorward sa ibang cell, idinownload sa websites o nabili sa enterpeneurial na taong kinolekta at pinirata ang mga ito sa DVD. Sa aking pakiwari, wala namang intensyon ang mga nagvideo na ibuyanyang sa publikong spero ang pribadong karanasan. May pagkakamali sa transmisyon ng diseminasyon. At ang pagkakamaling ito ay integral kung paano ang pribadong teknolohiya ng cellphone ay nakakapagreprodyus ng orihinaryong pagkamamamayan: nakawan ng pribadong ari (cellphone), iligal na forward-upload-download nito, iligal na reproduksyon at konsumpsyon nito sa DVD format. Ang ilang segundong pribadong karanasan ay nananatiling nakakulong sa virtual na espasyo ng internet, handa sa pag-download ng sinumang interesado sa publikasyon ng pribadong karanasan. At sino naman ang interesadong tunghayan at tangkilikin ito? Ang pribadong exhibisyonismo ay hindi katumbas ng publikong voyurismo. Sa isang liberal na pamayanan, kanya-kanya tayo ng preferensiya basta walang naapakang ibang preferensiya. Ibig sabihin, pinananatiling pribado ang konsumpsyon ng pribadong karanasan, kahit pa sexual nga ito. Pribatisasyon ito na kahalintulad at kaiba ng pribatisasyon ng pagnanasa at paraan ng pagtangkilik ng masa sa gitnang uring panuntunan, tulad ng Havaianas at Bench na kahit panloob at domestiko ay kayang kumawala at maging publiko. Pero mas inklusibo ang pribatisasyon ng cellphone sex videos dahil paratihan itong nakatago kahit sa reproduksyon nito—patagong download, patagong pirating, patagong pagbenta. Kung gayon, ang produktibo sa karanasan sa sex videos ay ang kapasidad ng reprodusabilidad nito na gawing tagong publiko ang tumatangkilik nito—andergrawnd sa pananaw ng liberalismo. Na sa ganitong mababang lebel—laylayan ng laylayan—ay nangingimi ang proper na munisipyo at iba pang lunan na maiugnay dito, hindi tulad ng pagbuyanyang ng Bench underwear sa awtorial nitong status. Tulad ng tula, mayroong Cagayan de Oro sex video, Siliman sex video, De La Salle sex video, Ateneo sex video, Baguio sex video, MRT sex video , at iba pa na nakaangkla sa iba’t ibang lunan gayon iisa ang substansyang nilalalaman—ang ilang segundo at sentimetro (depende sa size ng cellphone screen) na paggunita sa pribadong karanasang sexual. Ang irony ng panonood nito sa mas malaking screen ay mas malabo ang pixels at resepsyon na paratihang magsisiwalat ng visualidad ng naunang pribadong liberalismong karanasan. Ang bago sa reprodyusabilidad ng orihinaryo ay ang pagiging makaluma at kagyat ng pagtangkilik nito. Mayroon bang maa-arouse sa malabo at ilang segundong quickie sex? Novelty ito na siya namang nagsisiwalat ng alternatibong liberalismo, urbanidad at kosmopolitanismo sa mga lunang pinangalanan na ng panganganak ng sarili nitong bersyon ng sex video. Tila sinasabing, para ituring na liberal at modernong espasyo, kailangang nagkaroon nang sex video, na parang dagdag na rekisito ng modernisasyon lalo na sa probinsya—para masabing umuunlad ang bayan, ang bagong arkitektoniko ay nagdi-displace sa simbahan bilang primaryong sentro, nagiging Jollibee o MacDonalds na ito, kung walang magkaribal na mall, mga billboards ng Bench at iba pang nakabuyanyang na modelong nagpapakonsumo ng brands; kasabay ng trafik, batang lansangan, basura sa kalsada, at sex workers.
2.5 Litrato ni Sherilyn na parating nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda kapag nasa publiko
Walang palya na kapag nagsalita si Nanay Linda ukol sa abduction ng kanyang anak na si Sherilyn ay parati itong naluluha. Hindi Nora Aunor na ang pagluha na paisa-isang patak lamang pero mas Vilma Santos pa na napapagsabay ang fountain ng luha sa pagbigkas ng pananalita. Mapait ang kwento ni Nanay Linda bilang ina ng desaparasido, pero tiyak at malinaw ang kanyang pananalita. Ang orihinaryo sa karanasan ay ang kanyang anak at ang simbolo nito—pagmamahal, pagkalinga, pagiging anak, skolar ng bayan at iba pa. Kaya tila agimat ang litratong nakatapat sa dibdib ng ina dahil paratihan itong ginagawang abot-kamay, abot-tanaw ang imahen ng orihinaryong pag-ibig. Ang pag-iyak at pananalita ni Nanay Linda ay ang reproduksyon ng orihinaryo dahil ito ay sapilitang iwinala ng pangunahing tagapagsiwalat ng pagpapakahulugan sa batas at kaayusan—ang estado sa pangkalahatan, at si Arroyo at militar sa partikular. Umiiyak tayo dahil malungkot tayo, umiiyak tayo dahil masaya tayo. Ano ang pinagkaiba? Tila isinasaad na ang kontexto—hindi ang aktwal na texto ng pagkawala at ang posibilidad na muli siyang manumbalik—ang nagbabago kahit pa magkasabay at magkabilang pisngi lamang ng karanasan ang rasyonal ng pag-iyak. Sa bawat siklo ng pag-iyak at pananalita, may temporal na napupurgang mabigat para kay Nanay Linda gayon baka iba ang resepsyon ng mga nakakatunghay sa kanya, na baka nawawalan-bisa ang walang puknat na pagdalamhati. Sino ang hindi maantig kapag natunghayan si Nanay Linda? Pero kapag paratihang natutunghayan ang akto ni Nanay Linda, nawawalan ng orihinalidad ang reprodyusabilidad ng kanyang pagtatanghal. Na ang itinatanghal ni Nanay Linda ay ang pasismo ng estado ni Arroyo ay nananatiling napakaabstraktong entidad kahit pa lumuha ito ng bato. At dahil hindi siya makakaluha ng bato, paratihan na lamang siyang iiyak na tila isinasaad na sa kanyang pananaw, parating orihinal ang pagdanas ng reprodyusabilidad ng biktimisasyon ng estadong karahasan. Kumbaga, sinusunod lamang ni Nanay Linda ang payo ng manunulat na si Amado V. Hernandez, “May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,/ may araw ding di na luha sa mata mong namumugto/ ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,/ samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;/ sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo/ at ang lumang tanikalay’y lalagutin mo ng punglo!.” At ito ang tanging magagawa ng ina sa publiko sa kasalukuyang yugto na ang publiko ay hindi pa nayayanig sa tumataas na bilang ng nawawala at pinapatay na mga aktibista. Ang spektakularisasyon ng kanyang pag-iyak—hindi natin natutunghayan ang pribadong pag-iyak—ang politikal na tugon at pakikitunggali ng ina ng desaparasido. Ang anak ay naging labi na lamang—hindi alam kung buhay o patay; kung patay, nasaan ang labi; kung buhay, saan dinedetina ang anak?--ng pribadong pagmamahal sa pagbara ng estado ng historikal na posibilidad na madanas ang kabuuang pagmamahal sa karanasan ng anak at ina. Paano magmahal ng nawawala? Paano maglibing nang hindi alam kung buhay pa o patay? Kaya lumuluha sa publiko si Nanay Linda dahil ang atas niya sa sarili ay gawing buhay ang politika ng pagkawala ng kanyang anak at ng iba pang mga anak, magulang at kaibigan. Sa marami sa atin, sa ating kamangmangan ay dahil di pa nga nagsisilang ng orihinaryo, paano aalalahin ang di pa ipinapanganak; at sa ating hindi na napupukaw at hindi makahagulgol na tulad ni Nanay Linda, dahil wala tayong direktang orihinaryo tulad nang kay Nanay Linda. Ang orihinaryo ay ang pangangailangang maging gitnang uri ayon sa media at pamahalaan—magkaroon ng mga bagay na magpapakilanlan sa sarili at sa isa’t isa na mataas na ang ating narating. Hindi bahagi ng gitnang uring panuntunan na may mga nawawala o pinapaslang—hindi rin ito kabahagi ng liberalismo sa ideal na sinisiwalat ng gentrifikasyon. Kaya hindi inaako ng estado ang mga nawawala. Pinili ni Nanay Linda na hindi manahimik, umiyak sa publikong spero para ipaalaala sa ating pumanig na sa imahinaryo ng gitnang uring pangangarap na hindi tayo ganito, hindi tayo malulubos, at hindi tayo magiging. Alin ang mas malaking trahedya? Ang reprodyusabilidad ng orihinal kay Nanay Linda o sa ating nagmamaanmaangang orihinal ang reprosyusabilidad ng mga binili at pinakyaw na gitnang uring karanasan?
No comments:
Post a Comment