Isang Tula ng Pag-ibig
sa gabi ng kasal nina Silay at Vencer
Para na rin akong umibig, minsa’y nahila ako para sumama, isang mainit na gabi. Matapos ng hapunang curry at putanesca, ilang sunod-sunod na basong red wine, pati ako ay nakumbinsi na ang pag-ibig ay matanda na kahit hindi halata sa kanilang murang edad.
Sabi ng makatang Chileano, si Pablo Neruda, para makatula ng pag-ibig, kailangang makatula tungkol sa rebolusyon. At para makatula ng rebolusyonaryo, kailangang marunong tumula ng pag-ibig.
Habang hinihigop ko ang huling patak ng red wine, narinig ko ang koro ng mga anghel, kasabay ng martsa ng rally, natanaw ang imahen ng sabayang taas-kamao, palitan ng pilak na singsing, at pagtatakipsilim at pagbubukang-liwayway na puno ng pag-asa at pagsusumamo.
At narito sa gabing yaon at ngayon, sa maalingsangan na gabing tulad nito, ang uri ng tula ng pag-ibig at rebolusyon, tulad ng paghahalaman ng mababango’t makukulay na bulaklak sa lupang pinagyayaman ng pawis at dugo, na pinakahahanap at pinakakaingatan ni Neruda.
3 comments:
line cut ba ang tawag sa ganyang porma?
dagli o prose poetry.
je suis ici pour toi.
Post a Comment