Kahirapan at Pelikula
Isang matingkad na katangian ng pelikulang Filipino ang pagpaksa at pag-estetika sa kahirapan. Sa tinatawag na unang ginintuang panahon ng pelikulang Filipino sa 1950s, ang mga pelikulang Badjao at Anak-dalita ay tumalakay ng kahirapan sa hanay ng katutubo at maralitang tagalunsod. Sa ikalawang ginintuang panahon sa 1970s hanggang 1980s, ang mga pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag, Manila After Dark, Himala, Kisapmata at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ay ilang maningning na halimbawa ng kasiningan na humalaw sa karanasan ng politikal na kahirapan bilang paraan nang pakikipagtunggali sa diktadurya ng mga Marcos.
Sa kasalukuyang pagbunsod ng tinatawag na new indie digi cinema—new dahil bago muli ang isinasaad nito, independent dahil hindi big studio kahit pa malalaking negosyo ang pumopondo rito at dahil hindi komersyal at mainstream ang layon, digital dahil ito ang medium na gamit, hindi na celluloid—pinili rin ng mga tumingkad na pelikula na gamitin ang kahirapan. Gamit ito, hindi sa politikal na layon gaya ng naunang panahon sa pelikula, pero sa paglalahad ng postmoderno at multiple na karanasan ng pagkatao. Ang Batad ay tungkol sa batang lalakeng Igorot na nangarap magkasapatos sa turistang lugar ng Kordilyera. Ang Kadin ay tumalakay sa batang Ivatang naghahanap sa nawawalang kambing. Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ay tungkol sa teenager na baklang maralitang tagalunsod na may pamilyang lumpen.
Nawawala ang politikal na proyekto ng panlipunan at historikal na antas tungo sa politika ng pang-araw-araw na karanasan sa kahirapan. Tanggap na ang kahirapan, nilikha na bilang exotika na kahali-halina. Kaya ito rin ang dahilan kung bakit ang pelikula ng kahirapan ang siyang umiikot sa art film festival market para bigyan-representasyon kung ano ang pelikula/karanasan/lipunang Filipino, kung ano ang Pilipinas na ma-e-export para sa art house market.
Ang iniisip kong imahen ay ang opening scene sa Maximo Oliveros. Lumulutang ang isang orkidya sa imburnal ng syudad. Nawawala ang orkidya sa akma nitong lunan. Kakatwa ang ganitong eksena na sumisimbolo sa kabuuan ng pelikula at ng new indie digi cinema sa bansa: ang paghahanap ng humanismo sa gitna ng malawakan, malaliman at malakas na pwersa ng kahirapan. At ito ang isinisiwalat ng mga pelikula: ang posibilidad ng maging tao kahit sa sistematikong kahirapang nagsasaad na burahin ito.
Ito ang pumapalit sa politikal na proyektong naging pamana ng henerasyon nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Kidlat Tahimik at Nic deocampo, mga direktor na nagpakilala sa pelikulang (kahirapan) sa dayuhang publiko. Hindi umakma ang sumunod na henerasyon ng mga direktor. Ang pagtatangka ni Carlitos Siguion Reyna na i-adapt ang mga klasikal na nobela para sa kalagayang Filipino ay hindi lubos na nagtagumpay. Ang mga sumunod na mga pelikula ng kahenarasyon nina Brocka at iba pa ay hindi rin nakasapat na bigyan-definisyon ang post-Marcos na yugto ng pagsasabansa.
Ang pagtatangka ng mga kababaihang direktor na gumawa ng OCW (overseas contract worker) na pelikula, tulad ng Milan at Anak, ay mga pagtatangka pang palawakin ang market kaysa tumampok sa kritikal na panloob at panlabas na manonood. Ang huling pagtatangka, ang maging indie sa pelikula, ay mas naging matagumpay pa, at naging simulain ng kasalukuyang new indie digi cinema. Ang mga pelikulang Magnifico, Babae sa Breakwater, Pila-Balde, Tuhog at ang mga trabaho ni Lav Diaz, ang pinakaexperimental sa grupong ito, ang naghudyat ng panibagong tunguhin ng pelikulang Filipino at kahirapan—politikal at independent.
Inilalahad ang humanismo hindi parang bagong biling prolerang tutunghayan sa barong-barong kundi para ipakita ang kontradiksyon sa modernong buhay—nahihirapan maging tao dahil sa sistemikong kahirapan. Parang paano ka magiging mabuting tao kung sistematiko kang hindi itinuturing na tao? Ano ang mga bagong pagkataong dulot ng patuloy na paglaganap ng kahirapan?
May sagot ang Maximo Oliveros, at pangunahing naging tugon ng marami pang indie digi na pelikula: palutangin ang kagandahan, kahit pa ligaw ito. Ang tugon naman ng Tribu, ibuyanyag ang epistemiko at literal na karahasan. Walang pagpipigil ang pelikulang ito tungkol sa gangs sa Tundo, hanggang sa lamunin nila ang isa’t isa. Walang redempsyon. O tulad ng pelikula Endo (End of Contract), tungkol sa pag-ibig at pakikibakang mamuhay ng disente ng army ng subcontractual na manggagawa, ang katubusan ay sa indibidwal na antas lamang. Ngingiti ka sa sarili o sa kapwa, na kahit pa wala kang trabaho matapos ng ikalimang buwan, wala kang pag-ibig na tunay na makakapag-ugat, tila maganda pa rin ang mundo dahil may temporal kang trabaho at dahil nakaranas kang tunay na umibig.
No comments:
Post a Comment