HUKUMANG BAYAN
(working script ng forum ng CONTEND, Recto Hall, Faculty Center, 30 Nobyembre 2004)
Tagubilin sa gaganap: Ang script ay kinakailangang dagdagan ng sariling spiel ng mga tauhan, binabanggit ito sa mga partikular na seksyon ng script. Inaasahan din ng karakterisasyon ng tauhan di lamang bilang hukom at tagapagsalita, kundi pati na rin sa personang popular na madaling matukoy ng manonood. Halimbawa, maaring kunin ang persona—manerismo, pananalita, pagkatao—nina Miriam Defensor-Santiago, Kris Aquino, FPJ at kung sino-sino pang sikat na personahe).
Mga Tauhan:
Pangunahing Hukom
Testigo 1: ukol sa isyu ng komersyalisasyon sa edukasyon
Hukom 1: tagalitis ng komersyalisasyon
Testigo 2: ukol sa isyu ng SABAK
Hukom 2: tagalitis ng SABAK
Testigo 3: ukol sa isyu ng repormang agraryo
Hukom 3: tagalitis ng repormang agraryo
Testigo 4: ukol sa isyu ng digmaan laban sa terorismo
Hukom 4: tagalitis ng digmaan labas sa terorismo
Siyam mula sa audience
Pangunahing Hukom:
Magsimula tayo sa isang maikling-maikling kwento, isang kwento ng kahirapang historikal at panlipunan na lalong pinapatingkad ng higitan pang pambubusabos sa mamamayang Filipino sa ilalim ni Gloria Macapagal Arroyo.
“Sisid at Pagpag”
Lima silang magbabarkada, ni hindi lalampas sa mesang kaninan ang kanilang laki. Matapos ng kanilang eskwela, pag hapon, matapos kumain ng hapunan, kapag madilim na, tutungo sila sa bukana ng imburnal. Susuong sa maliit na butas para mangapa’t manisid ng mga barya sa loob ng madilim na bituka ng imburnal. Apat na oras silang mangangapa sa burak. Ay! walang kasing itim at lapot ang likido. Madalas silang nahihiwa ng kung anong kalawanging bakal o latang naaanod, o matusok ng karayom mula sa iniksyong itinapon ng mga klinika’t ospiral. Hindi naman nakikita ang kulay ng dugo sa itim na likido ng imburnal. Hindi na nila inaantala ang amoy ng kung ano-anong katabing lumulutang, nakalubog, naaanod at nababalaho, o kung ano-anong nasasalat ng paa’t katawan. Sila man ay inaanod lamang ng imburnal.
Kailangang maging sensitibo ang tamapkan, magkamata ang mga tuhod at hita, magkaroon ng x-ray vision ang mga siko’t palad sa mga baryang naligaw sa imburnal, o maari rin naming kusang inihulog ng kung sinong nagmimithi ng kung anong pangarap. Dito sa imburnal ang alkansya ng bayan.
Aba ginoong barya, napupuno ka ng grasya…
Lima silang magbabarkadang sa kabuuan ng gabi ay makakaipon ng tatlong daang pisong halaga ng nanlilimahid na barya. Lulubluban nila ang mga barya, pati na rin ang kanilang mga katawan, tutungo sila sa pasaradong fastfood store. Tamang-tama na inilalabas ng crew ang mga itim na supot ng inaakalang basura. Bibili sila ng pagpag, mga pagkaing tira o ni hini man lamang tinikman ng mga nagtakaw-matang bumili. Papagpagin nila ang mga tiring pagkain mula sa supot ng basura. Kakainin nila ang pagpag, aanurin sa kanilang mga bituka. Hindi inaantala ang mga sugat at natutuyong dugo’t putik. Hindi inaantala ang matsa ng ketsup, upos ng sigarilyo, naliligo sa softdrinks na pagkain. Iuuwi ang matitira. Mamaya din, gagawing baon ang natitirang barya.
Sarap ng Pilipino mula sa Jolibee!
Tunay na bee happy!
Ang panginoong diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa sangkatauhang lahat...
Ngayon ay formal na binubuksan na natin ang paglilitis sa nasasakdal gayong siya naman ang nagsakdal sa sambayanang Filipino, kay Gloria Macapagal Arroyo. Binigyan ng ikalawang pagkakataon para makapaglingkod, ngunit ngayon pa lamang—sa fiscal crisis, ipo-ipong pagtaas ng presyo ng gasolina at bilihin, serye ng kawalan ng pag-asa at pagtalon ng naghihikahos sa mga billboard at skywalk, serye ng pagkaltas sa budget sa edukasyon at pagkiling sa militar, sampu ng korupsyon at pagdarambong sa karapatang pantao—mga animal kayo!—na ang pinakahuling kasalanan ay ang masaker ng labing-apat na magsasaka ng Hacienda Luisita. Tita Cory, madadala pa kaya ng dasal? Noynoy, bakit di mabuksan ng malapad ngunit ampaw mong noo ang kawalan-katarungan? Kris, anong tsismis ang nais mong ipantabon sa krimeng ito? May bago ka bang nakuhang STD mula sa absentee-fathers mong mangingibig na ikaw mismo ang nais magkumpisal sa dambana ng aming mga telebisyon sa sala! Mahabaging Mulawin, iadya mo po kami sa masasama!
Nakalulunos ang kalagayan ng sambayanan sa rehimeng GMA. Mga tirang pagkain mula sa Jollibee at McDo, tinitipon, pinipirito at ginagawang ulam. Maraming kabataan ang hindi na maipagpatuloy ang edukasyon. Sa atin rito sa UP, kay raming AWOL! Mga kabataang nangarap masalba ang kanilang abang kalagayan sa pamamagitan ng pag-aartista—Star Search, Star Struck, Ultimate Diva—ginagawang Cinderellang modelo para sa higit na nakararaming naghihikahos. Kinahinatnan? GRO sa Pegasus, dancer sa Adonis, magsasayaw ng tinikling nang nakabikini sa kalagitnaan ng winter sa Japan? Kapuso at kapamilya, halinang makinig, maging saksi sa paglilitis kay Mareng GMA.
Ganito ang proseso ng paglilitis: may apat na pangunahing saksi na representante ng apat na pangunahing isyu sa ilalim ng rehimeng GMA; sa bawat pagtatapos ng pangunahing saksi, magbibigay ng paghuhusga ang ating inimbitahang kagagalang-galang na mga hukom, mga pantas na pinanday ng karanasan sa pakikibaka, para magbigay ng paninindigang-bayan; sa huli, kayong mga tagapanood at tagapakinig, mga saksi at biktima ng pandarambong nitong rehimeng GMA ang siyang magbibigay ng husga. Payag ba kayo? Kayong mga na-require na tunghayan itong paglilitis na ito? Itong hukuman ng bayan, katarungan para sa sambayanan!
Unang saksi, para sa pagtalakay ng karunos-runos na lagay ng sistemang edukasyong lalo pang kinatatampukan ng higit na komersyalisasyon, narito si _________, (IPAKILALA). G/Bb, maari ka nang magsimula. Magsabi ka lang kung kailangan mo ng tissue.
PANAYAM NG TESTIGO 1
PANGUNAHING HUKOM:
O hindi, hindi! Bakit nagkaganito? Wala na ba tayong magagawa? Sino ang maysala? Ano ang masasabi ng ating unang hukom, ___________, (IPAKILALA).
HUKOM 1 (Tagalitis ng komersyalisasyon):
Maraming salamat, gurong hukom.
Magsimula rin ako sa isang maikling-maikling kwento:
“Komersyalisayon ng Edukasyon”
Sino ang makakapagsabi na pantas pala itong si Cariňo, dating Secretary ng Edukasyon sa panahon ni Aquino? Promotion job pala ito sa pagiging president ng University of the East, kung saan natransforma niya ang harapan ng campus, sa may Recto, na maging mall. Kumpleto sa sinehan, mula sa dating university theater, fastfood outlets at tindahan ng damit at fashion accessory. At ito pa rin ang main entrance sa campus. Tila nagkru-krus muna ang mga estudyante sa mga santo ng komersyalismo (sa mascot ng Jollibee) at konsumerismo (sa arko ng McDonald’s) bago tumuloy sa dambana ng kaalaman at pag-aaral.
Mga tatlumpung taon matapos gawin ang kanyang inobasyon, nagsusunuran ang mga unibersidad para makakuha ng dagdag na kita mula sa taunang binabawasan budget. May taniman ng saging ang Don Mariano Marcos University, ginagawang banana chips. May nabibiling basi at paso ng herbal sa tindahan sa loob ng campus. Ang U.P. Film Center ay nagpapaupa ng kanyang facilidad para sa buwanang pagtitipon ng grupong born-again. Ang University Theater ay naging venue na ng graduation mula sa iba’t ibang high school at computer school, Gawad Urian, Ginoong Filipinas at iba pang contest. Dini-develop ng Ayala Corporation ang techno park sa isang bahagi ng campus. At may blue print na para sa mas malakihang bersyon nito sa mga di ginagamit na lote ng kampus.
At kung matutupad ang plano ng mga namumuno, magiging mall ang shopping center. Magkakaroon ng mega-dorm sa gitna ng pool at College of Law. Privatized na ang hotel ng AIT. At ang mga klasrum sa bagong bawat itatayo at aayusing building ay may plake sa bawat pinto, kinikilala ang nag-donate ng facilidad.
Kung sukdulan talaga ang komersyalisasyon, magiging kasing taas na ng Ateneo at La Salle ang matrikula sa U.P. Ipapaokupa na sa iba’t iba pang negosyo ang mga bahagi ng kampus. May proposal kang kikita rin ang U.P., idulog sa administrasyon. Pwede pang kayanin ang apat na Jollibee at McDonald’s sa iba’t ibang bahagi ng kampus. O ilan pang gasolinahan at bangko. Ipaparenta, makikihati sa tubo. Sa kalaunan, baka kumita pa nga ang U.P. Bargain price dahil nasa loob ng Salary Standardization Law ang sweldo ng kawani at guro nito. Bonus lamang ang makukuha, hindi obligadong itaas ang sweldo.
Kung tunay na komersyalisado ang edukasyon sa U.P., mag-iisue ito ng ID card na may black strip na maglalaman ng lahat ng datos ng estudyante—mga grado, mga kurso, transcript, binayaran na supplies, mga librong hiniram sa library, health record at iba pa. Makakabili na rin ng mga makinang makakakilala sa strip, aalarma kapag ang status ng mag-aaral ay hindi pa nakakabayad ng tuition. Kung tunay na komersyalida ang edukasyon sa U.P., tataniman na rin ng saging ang sunken garden para magawang banana chips. Paglulutuin ng atsara at red wine ang taga-Home Economics. Pagagawin ng komersyal ang taga-Broadcast. Iaalok ang serbisyo ng estudyante sa Fine Arts para sa paggawa ng mural ng bagong pelikula. Magiging SM City Annex B ang Philcoa.
O dakilang pantas na Cariňo brutal, napakasaklap ng hantungan ng inyong experimentong ginawang natural at kumbensyonal para sa lahat. Walang ipinagkaiba ang U.P. sa U.E. Ang U.P. pa nga ang humahawi ng ikalawang landas ng komersyalisayong sinimulan ng U.E. O Santo Oblation, ikaw na simbolo ng pagkatao sa anino ng kaalaman, iadya mo po kami sa lahat ng masasama. Siya nawa, siya nawa.
(SPIEL O REAKSYON SA TAGAPAGSALITA UKOL SA KOMERSYALISASYON NG EDUKASYON, AT INDICTMENT SA REHIMENG AQUINO.)
Tinimbang ka, GMA pero nakitang ikaw ay nagkukulang!
PANGUNAHING HUKOM:
Tinimbang pero dahil kinurakot, hangin na lamang ang natira para sa masang Filipino. Paano maninimbang ng pangulong hindi naman naninimbang ng interes ng kanyang mamamayan, na ang pinapangunahang interes ay ang interes lamang ng iilang may kaya na nga sa lipunan, at nang kanyang tunay na among George Bush. O hail can you see…. Paano sisikaping maging tunay na Filipino sa isip, sa salita at sa gawa kung kinakanduli naman ng dolyar na nabahiran ng dugo?
Ang ikalawang testigo para sa usapin ng SABAK, hindi ito ang bagong gay bar sa Timog. SABAK—sahod, trabaho, karapatan—na syeyring ni kasamang ____________ (IPAKILALA).
PANAYAM NG TESTIGO 2
PANGUNAHING HUKOM:
Ang gumagawa ng gusali, walang matirahan. Ang nagtatanim, walang makain. Ang naglilinis ng ospital, hindi kayang bumili ng aspilet para sa anak na maysakit. Ang nagwawalis ng kalsada, walang pamasahe. Ang nagtratrabaho sa imprenta, walang pambili ng libro ng anak. Ang gurong ina, lilipad sa Singapore para alagaan ang anak ng iba.
Kailangang hindi magsayang ng panahon. Ano ang husga ng ating ikalawang hukom, si ________________ (IPAKILALA).
HUKOM 2:
Maraming salamat, kasamang hukom.
Ang kahirapan ng sambayanang Filipino ay lalong tumitingkad dahil sa malawakang pangungurakot ng mga opisyal na dapat ay naglilingkod sa kanila.
Magsisimula ako sa maikling-maikling kwento:
“Komparatibong Korupsyon”
Kapag nandehado ka sa kapwa, pumanig sa interes ng kaaway, ikaw ay taksil. Kapag marami kang nilamangan, ikaw ay tuso. Kapag sarili mo lang ang niloloko, ikaw ay hibang.
Kapag nakakamkam ka ng maliit na halaga, masuwerte ka. Kapag nakakamkam ka ng malaking halaga, mandarambog ka. Kapag nahuli ka. Kapag hindi, mas masuwerte ka.
Kapag sistematiko ang pangangamkam mo at nahuli ka, ikaw ay mambubusabos. Kapag sistematiko ang pangangamkam mo at hindi ka nahuli, ikaw ay presidente ng Pilipinas, o kaibigan o kapamilya nito.
Sa Japan, kapag nahuli kang nangungurakot, ikaw ay inaaresto at pinababalik ang halagang nakamkam mo. Sa Pilipinas, ipro-promote ka o bibigyan ng mas mataas na posisyon. O tatakbo ka sa kongreso at makakapiling ang iba pang nabiyayaan ng pagkamkam.
Sa U.S., kapag nangamngam ka, pupunta ka sa kulungan. Sa Pilipinas, kapag nahuli ka o hindi man na nangangamkam, pupunta ka sa Amerika.
(SPIEL O REAKSYON SA TAGAPAGSALITA UKOL SA SABAK AT INDICTMENT NG REHIMENG GMA).
Kasamang hukom, walang titimbangin dahil walang naidulot na biyaya ang Gloria Macapagal Arroyo sa manggagawa at sambayanang Filipino!
PANGUNAHING HUKOM:
Wala na nga? Wala?
Binababoy tayo ni GMA. Ayoko ng pambababoy. Ayoko ng baboy, este piglet lang pala. Ayoko, ayoko!
Kung ayaw nyo, ayaw ko na rin. Walang katarungan sa baboy kural. Walang katarungan sa mundo ng matadero at manininda ng laman ng manggagawang Filipino. Hindi karneng baboy ang yaman at talino ng manggagawang Filipino.
Anong klaseng pamahalaan ang gumagawa nito?
Anong klaseng mamamayan tayong pinapahintulutan ang ganitong pamahalaan?
Kahanay ng pamdudustos sa manggagawa ay ang sustenidong pagyuyurak sa karapatan ng pinakamalaking pwersa sa lipunang Filipino, ang uring magsasaka at ang bogus na repormang agraryong ipinatupad sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Narito ang ikatlong testigo, si ____________ (IPAKILALA).
PANAYAM NG TESTIGO 3
PANGUNAHING HUKOM:
Silang nagpapakain ng bansa, hindi sapat ang kinikita para makabili ng pagkain. Silang nagtatanim, nagtatanim pangunahin para sa among haciendero. Silang nagtratrabaho sa ilalim ng sikat ng araw, tanging pawis at natutong na putik ang iuuwi sa kanyang pamilya sa bawat gabi. Silang nagtatanim, walang aanihin. Silang nagtatanim sa lupa, hindi kanila ang lupa.
Husgahan siya, kagalanggalang na hukom, sa isyu ng repormang agraryo, Hukom ___________ (IPAKILALA).
HUKOM 3:
Walang lupa sa kapanganakan, walang lupa maging sa paglilibingan. Ano ang hustisya nito?
Ilan daang taon ang kasaysayan ng pagkakatali ng magsasaka sa lipunan ng haciendero at ng sistemang hacienda. Ang nangyaring masaker sa Hacienda Luisita ay patuloy na hindi pa rin nareresolba ang problemang agraryo sa bansa. At hanggang hindi nareresolba ang problema ng kawalan ng lupa ng pinakamaraming Filipino, walang kapayapaang magaganap dahil walang katarungang mananaig.
Ang kwento ng magsasaka ay kwento nating lahat dahil lahat tayo ay ibinabaon sa utang ng ating mismong pamahalaan. Ito ang isinasaad ng dagli:
“Huli”
Ikatlong bahagi hanggang 40% ng pambansang budget ay pumupunta sa pagbabayad-utang. Noong 1999, ito ay P200 bilyon. Isa sa bawat tatlong pisong kinikita ng pamahalaan ay hindi napupunta sa serbisyong pampubliko. Ito ay binabayad sa Paris Club, Chase Manhattan, mga bangko sa Japan, at kung saan-saan pa.
Noong Pebrero 2002, ang utang panlabas ng bansa ay P2.437 trilyon. Aabot pa nga ito ng P3 trilyon sa 2003. Kung tayo ay 70 milyong katao, ang utang ng bawat isa ay P34,814.29. Saang kamay ng diyos natin kukuhanin ang pambayad nito? Ilang henerasyon bago ito mabayaran?
Tayong lahat ay mga anak ni Huli, ginawang pambayad-utang.
(SPIEL O REAKSYON SA TAGAPAGSALITA HINGGIL SA REPORMANG AGRARYO AT INDICTMENT NG REHIMENG GMA).
Tinimbang si GMA at natagpuang siya pa ang may utang sa sambayanang Filipino.
PANGUNAHING HUKOM:
Ang tawag rito ay trahedya! Silang naghihikahos ay lalong dinarambong. Silang walang kapangyarihan ay lalong pinagsasamantalahan. Silang walang kakayanan ay lalong pinagmumukha pang mangmang. Sila ay tayo rin, hindi sila nasa labas nitong hukuman, sila ay nasa loob. Tayo na nasa loob ay siya rin namang silang nasa labas.
Ang huling testigo ay si ___________________ para sa isyu ng digmaan sa terorismo.
PANAYAM NG TESTIGO 4
PANGUNAHING HUKOM:
Mapangahas! Silang dapat nagpapatupad ng batas ang una pang lumalabag rito! Diyata’t malinaw ang nasa likod ni GMA, ang tunay na humahawak ng kapangyarihan sa bansang ito! Hindi bushilak si Bush, hindi!
Ano ang masasabi ng ating huling hukom? Si ___________ (IPAKILALA) para magbigay-husga kay GMA sa krimeng digmaan sa terorismo.
HUKOM 4:
Maraming salamat, makatang hukom.
Hindi puso ang nagdidikta ng galaw ng Amerika. Sarili nitong interes. At si GMA ay kinakailangan ang Amerika para sa makahiram sa dayuhang bangko, mapondohan ang modernisasyon ng military, makapagpadala ng marami pang manggagawa sa bansang numero unong nagreremit ng dolyar sa Pilipinas.
Ito ang praktikal na Amerika, ang motibasyon ay sa higit pang kita—kaya ang digmaan nito sa terorismo ay inaako na ring digmaan ni GMA, lampas na sa terorismo, kundi laban sa mismong mamamayan nito.
Hayaan ninyo akong magbasa ng dagli:
“9/11/01”
May nagtext sa akin, buksan ko raw ang cable. Sa CNN, live ang coverage ng eroplanong tumagis sa World Trade Center. Hanggang mangyari ang di inaasahan ng lahat. Gumuho ang dalawang tore. Parang sa pelikula lamang nina Schwazenager o Stallone maaring mangyari ito. Naganap ang pagguho ng simbolo ng kapitalismong Amerikano.
Nilusob ng pwersang Amerikano ang Afghanistan. Pinulbos ang mga kwebang maaring pagtaguan ni Osama bin Laden, ang tinarget na lider ng terorismo ng mga Amerikano. Natlo ang mga Taliban, pero hindi pa rin nakikita si bin Laden.
Sa San Francisco, mawawalan ng trabaho ang 1,200 na Filipinong imigranteng nagtratrabaho sa airport. Batay sa ipinasang U.S. Aviation Security Law, ipinagbabawal ang pagtratrabaho ng imigrante bilang airport screeners. Ang ganitong trabaho, sinubcontract sa pribadong ahensiya, ay dating nakalaan sa imigranteng handing tumanggap ng mabigat na trabaho sa mababang pasahod.
Titingala si Johnny, isang Filipinong imigrante, sa himpapawid, at pati pala ito ay pag-aari na rin ng mga Amerikano. At bakit hindi? Matagal na itong sa kanila. Tumingala rin sa parehong himpapawid ang kanyang amain noong 1969, sa Apollo 11 landing sa buwan. Live via satellite habang inaako ni Neil Armstrong ang buwan para sa Amerika.
(SPIEL O REAKSYON SA TAGAPAGSALITA SA LABAN SA DIGMAANG TERORISMO AT INDICTMENT KAY GMA).
Tinimbang si GMA, at ang nagtamasa ng pasakit ay ang mamamayang Filipino.
PANGUNAHING HUKOM:
Kulang, may utang pa, ano ang husga sa ating nasasakdal? (Tatanungin paulit-ulit at aantayin hanggang maging masigasig ang tugon ng manonood).
Hindi malayo ang rebolusyon sa paglala ng sitwasyon ng sambayanang Filipino.
“Rebolusyon”
(PUMILI NG SIYAM MULA SA AUDIENCE, BIGYAN NG KOPYA NITO PARA BASAHIN NG MALAKAS).
AUDIENCE 1:
Sa Philcoa, nakatanghod ang mga batang namamalimos sa bintanang salamin ng McDonald’s, kumakatok sa kumakain kapag hindi nakatingin ang gwardiya. Lilipat lang ng tingin ang ngumunguya ng Big Mac. Magkukunwang walang nakikita.
AUDIENCE 2:
Sa eskinita, nagbebenta ng pirated CD. Murang-mura lang na kopya ng inyong paboritong banda. Sino ang bibili ng tunay sa P450 kung may mabibili ng peke ng P30? Sino ang walang pirated CD sa kanyang koleksyon?
AUDIENCE 3:
Sa bukana, nagtitinda si Manang ng mansanas at kahel. Mas mabili ito kaysa sa lanzones, chiko o singkamas kahit paminsan ay nagtitinda rin ito. Mas mura ang piraso ng mansanas at kahel, sa hindi niya mawaring dahilan. Dati ay sa pasko niya lamang ito naaanigan, ngayon ay buong taon ang lasa nito. Pahiran lang ng formalin, nagmumukha pa ring malutong at makinang ang balat.
AUDIENCE 4:
Sa canteen sa itaas, umaangal ang estudyante sa maling order. Nagtataas na ito ng boses, kanina pa raw siya gutom at nag-aantay ng pagkain. Kahit anong sorry ng nagsilbi ay ayaw paawat ng kostumer. Mabilis na nag-init ng corned beef ang kusinero habang naririnig niyang pinagagalitan ng bisor ang waitress. Huminga ang cook sa lalamunan at inilabas ang nakaipit na plema sa sisig, sabay bigay ng thumbs up sa maiiyak na waitress. Isisilbi niya ang sisig rice sa kostumer nang may bahagyang ngiti.
AUDIENCE 5:
Sa flyover, huminto ang jeep. Namimilipit na ang driver pero wala siyang oras umihi. Hindi siya makaihi sa harap ng tao, kaya hindi siya makatanghod sa gulong, tulad ng ginagawa ng iba. Doon na lamang sa may talahiban. Isa’t kalahating oras na niyang pinipigil. Namumuo na ang bato sa pantog at kidney sa paratihan niyang ginagawang pagpigil, nanganganak nang mas marami pa. Araw-araw ay ganito sa pagdelihensya ng kita.
AUDIENCE 6:
Sa itaas, sa beauty parlor, nagpapagupit ang matrona sa bading. Kinukwentuhan siya ng bagong tsismis sa showbiz—kung sino ang sister, kung sino ang buntis, kung sino ang kabit nino, kung kanino ibinenta ng ama ang starlet na anak. Natatawa lamang ang matrona, inaantay maging blonde ang kanyang uneven cut. Tamang-tama para sa kanyang ballroom dancing mamaya.
AUDIENCE 7:
Sa ibaba, tila ahas na nag-aalumpihit ang pila sa jeep papuntang unibersidad. Naglulundagan ang mga tao sa putik para hindi madumihan ang bagong sapatos. Dinaan na naman sa araw-araw na order ng kanin at kalahating ulam sa siyam na buwan para lamang mabili ang sapatos. Pero nagkamali, nalubog ang paa sa putik. Madilim na kasi. Nagalit pa nga ang mga katabi mong naputikan din ang mga pantalon at hita. Lalo na ang limang taon na barker ng sasakyan.
AUDIENCE 8:
Sa housing, inaasahang pumunta ng middle-age na babae ang kanyang lalakeng bisita, di hamak na mas bata sa kanya. Aalukin niya ito ng maiinom, pakakainin ng masagang hapunan, mula sopas hanggang mochi ice cream na dessert. Aalukin ang sarili pagkatapos. Para saan pa ang paghihirap nang paghahanda? Hindi makakatanggi ang lalake, kahit may girlfriend na siya. Alam kaya ng middle-age na babae na fling lang ito? isip ng lalake.
AUDIENCE 9:
Humuhuni ang kuliglig habang pinapa-start ang jeep, bibiyahe na. Ang tindera ay busy pa rin sa mga bumibili ng mansanas. Nahihilo na sa gutom ang batang namamalimos. Dumating na ang girlfriend ng tinapatan ng bata. Nauna na siyang kumain. Oorder na lamang siya ulit. Pinupunasan ng panyo ng lalake ang kanyang bagong sapatos. Tinatanaw ng matrona ang kanyang buhok habang hawak ng bading ang salamin sa likod, iniisip ang kanyang tip. Nagtatawa ang waitress at cook habang papaalis ang estudyante, mamimili pa ng CD sa ibaba.
SABAY-SABAY AUDIENCE 1-9:
Humuhuni ang kuliglig, humaharurot na ang tambutso at makina ng jeep, masaganang bumubuhos na ang ihi ng driver sa talahiban. Hindi pa gabi, hindi na araw. Pero sa isang saglit, nakatanaw na pumula ang silangan.
PANGUNAHING HUKOM:
Iisa ang maaring kulay ng ating paglaya. At hindi na kailangang tumanaw sa Sierra Madre para matunghayan ang pagtingkad ng kulay na ito. Binabalot tayo ng kondisyong sumusupil at nagpapahimagsik sa atin para sa minimithing:
“Kalayaan”
Ang kakayahang lumipad sa ere nang hindi nahuhulog; ang kakayahang pumili na mahulog kapag ninais; ang kakayahang manatili sa ere, paglipad pa rin ba ito kung nakalutang ka lang sa ere? ang kakayahang maging nasa pagitan, hindi itaas, hindi ibaba; ang kakayahang lumipad sa dagat kapag pinili, paglipad pa rin kahit na sa dagat; ang kakayahang bumagsak kapag pinili; ang kakayahang tumungo sa nais patunguhan, saan nga ba ang direksyon ng paglutang nang hindi sumusunod sa direksyon ng hangin? ang kakayahang sumabay sa paglipad ng iba, pag-indayog sa ere; ang kakayahang lumipad mag-isa sa pagitan ng asul na langit at madilim na bughaw na dagat; ang kakayahang magtakda ng bilis o bagal ng paglipad, kung nakalutang nga sa ere, ano ang bilis nito, kumakampay ka pero hindi ka umuurong, hindi rin naman sumusulong; ang kakayahang manatili sa isang lugar, hindi doon, dito; ang kakayahang mangibang lugar, hindi rito, roon; ang kakayahang maging ibon o tao o babae o bata o labahita sa paglipad; ang kakayahan, kung ibon, na maging albatross, seagull, maya, tikling o agila, kung pipiliin; ang kakayahang mawalan ng kakayahan; ang kakayahang makaya ang nais mangyari at sa nangyayari; ang kakayahang magkaroon ng kakayahan. Kung nais.
At sa paglayang ito ng kolektibo at indibidwal, lalaya ang sambayanan. Makibaka para sa tunay na kalayaan ng sambayanan! Ang kalayaan, ipinaglalaban, hindi ito ibinibigay, hindi ito ipinapataw.
Sa okasyon ito ng hukumang-bayan, sa desisyong natagpuang maysala ang nasasakdal, kailangang sumumpa tayo at manindigan bilang iskolar ng bayan, na ipaglaban ang karapatan, igiit sa pinapakitid na espasyo at pandarambong ni GMA sa sambayanang Filipino. Sabay-sabay nating awitin ng may paninindigang maglingkod sa sambayanang nagpapaaral at tumutustos sa atin sa Unibersidad, ang “UP Naming Mahal.”
No comments:
Post a Comment