Thursday, September 27, 2007

Japan Memory 4

Ang Paglalakbay Natin at sa Santacruzan


Ang Santacruzan ay idinadaos taon-taon, tuwing Mayo. At maging dito sa Nagoya, ipinagpapatuloy natin ang tradisyon. Mahalaga ang pagdaraos ng tradisyon dahil ipinapaalaala sa atin kung ano tayo, kung sino tayo, at kung bakit tayo naririto imbes na nadoon.

Ang Santacruzan ay popular dahil nilalaman nito ang kwento ng paglalakbay natin. Hindi nga ba’t ang Santacruzan ay kwento rin ng paglalakbay? Nilalaman nito ang kwento ng paghahanap ni Reyna Elena, ang kanyang anak na konsorte at iba pang personahe para sa krus ni Hesukristo. Naglalakbay siya sa teritoryong hindi familiar sa kanya. Siya ay babaeng matapang na namumuno nitong paghahanap.

Tayo man ay naglakbay, tulad ni Reyna Elena at ang kanyang kalipunan. Ito ang kwento ng pitong milyong migranteng manggagawa. Sampung porsyento ng total na populasyon ng bansa ay nasa labas ng bansa, naglalakbay. Tayo ay naglakbay para sa paghahanap ng kahulugan sa buhay o ang paghahanap-buhay.

Pangunahin sa paghahanap-buhay ay nakabalot sa ekonomiya. Finansyal ang mga kadahilanan kung bakit tayo naririto at hindi nanatili sa loob ng bansa. Tulad ni Reyna Elena na nagpapakamartir sa paglalakbay, handang dumanas ang maraming migrante para sa pangakong finansyal na dulot nitong paghahanap. Ang pangunahin nating hinahanap ay yaong wala sa atin, ito ay kwarta.

Handa tayong magsakrifisyo, maglaan ng malungkot at matinding buhay natin para sa katubusan ng marami sa ating kapamilya at kaibigan na naghihikahos sa bansa natin. At dito nakapaloob ang isa pang dimensyon ng paghahanap-buhay—hindi lamang ito purong kuwarta, purong sakrifisyo rin ito. Sino ba ang gusto rito sa malungkot at malayong lugar? Kaibang lugar na di lamang di pantay ang tingin sa atin, minamaliit pa tayo dahil tayo nga ay kulang, dahil tayo ay dumayo pa rito.

Iba ang wika, iba ang kalakaran. Iba ang ugali, iba ang pakikitungo. At handa tayong mag-iba para sa ating mga mahal sa Pilipinas. Tulad ni Reyna Elena, ang inilalaan natin dito ay hindi para sa atin gayong tayo ang nagpapakahirap. Hindi ito para sa atin gayong tayo ang nagsasakrifisyo, at handa naman tayo, hindi ba? Ang pagtulong sa mga mahal, sa kapwa o ang pakikipagkapwa-tao ay batayang ugaling Filipino.

Hindi nag-iisa si Reyna Elena o tayo. Tayo ay kalipunan kahit hindi natin kakilala ang isa’t isa. Magkahalintulad ang ating hinahanap, ang paghahanap-buhay. Pero ang paghanap-buhay ay hindi simpleng pagtratrabaho at paghahanapbuhay. Hindi rito matatagpuan ang kahulugan ng buhay.

Ang paghahanap ng buhay ay paghahanap sa ating sarili bilang Filipino. Natatangi tayo dahil tayo ay migranteng Filipino. Dala natin ang problema ng bansa, isipin man natin o hindi. Kung bakit tayo naririto ngayon ay dahil galing tayo sa bansang mahirap at naghihirap. Kung paano tayo magsakrifisyo para sa ating mga mahal ay gayundin para sa ating bansa.

Hindi ba’t ang bansa ang nakikinabang sa $8 bilyong U.S. na nireremita ng pitung milyong Filipino? Kalahati ito ng pambansang budget. Ang regular nating padala ang siyang nagtitiyak na kahit papaano ay nakakalutang ang bansa sa pang-ekonomiyang kalagayan pinagdadalhan sa atin ng mga politikong may personal na interes.

Kailangang ipaloob sa ating paghahanap ng buhay ang pamumuhay? Paano ba tayo namumuhay? Ayon nga sa Katolikong pag-aaral, hindi tayo nabubuhay para sa sarili lamang. Tayo ay nabubuhay para sa mga mahal natin, at para sa bayan natin.

Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang ipaloob ang kalagayan ng bansa. Hindi ito Santacruzan na isang fashion show lamang ng mga magagastos na damit at mamahaling porma. Ito ay Santacruzan ng paglalakbay natin bilang mamamayan sa labas ng bansa, at bilang bansa na rin.

Naglalakbay tayo, isang kalipunan, at kailangang magtulungan tayo. Kailangan pa ring ipaloob ang makabansang pag-iisip lalo na nandito tayo sa Japan. Ito lamang ang susi kung paano natin mauunawaan ang ating kalagayan. Lampas sa atin kung bakit tayo naririto. Pinili natin dahil wala tayong pagpipilian. Kung mayroon, kung kasing yaman ng Pilipinas ang Japan, sino sa atin ang mananatili rito?

Ang pagdaos ng tradisyong ito sa Nagoya ay isang paglalakbay. Naglakbay tayo sa Nagoya, pati rin itong Santacruzan. Bahagi ito ng pamamaraan natin para buuin ang ating mga sarili, o ang ating mga anak bilang Filipino. Tayo ay isang pamayanang Filipino, isang komunidad na nagsisikap mapabuti ang ating kalagayan, pati ang ating bansa.

Lahat ng bagay na tinatamasa natin ay resulta ng ating paglalakbay, pakikipagsapalaran at paghahanap ng buhay. Walang libre rito, walang kusang nagbigay sa atin. Ito ay ipinaglaban natin, at ang ating pang-araw-araw na buhay ay kalagayan ng pakikibaka para sa kabutihan ng buhay, ng pamumuhay ng disente at may dignidad. Gunitain natin ito sa Santacruzan at sa iba pang okasyon ng ating buhay.

Mabuhay tayong migranteng Filipino!

Makibaka para sa disente at may dignidad na pamumuhay!

Makibaka para sa tunay na malaya at demokratikong Pilipinas!

No comments: