Sampung Puntos sa Pagpapakilala sa Akda ni Adam David.
Una ay disclaimer—I do not know Adam from Adam. Ito ang una kong akda na nabasa sa kanya at ito ring workshop ang una kong pagkakataon na nakausap siya.
Ikalawa ay komentaryo sa porma ng CNF—nasa extreme na dulo ng sanaysay—hypertext of sorts—walang chronology, simultaneity of text at experience, pwedeng pumili lang ang mambabasa gaya ng ginawang pagpiling ikumpisal at ipostura ng manunulat. Sa unang bahagi ng akda, mga flash cards para sa inclined maging manunulat; sa ikalawang bahagi ng akda, tila blog entries na may randomness of thoughts batay sa profile ng manunulat.
Ikatlo ay ang persona ng akda-- na estudyante ng malikhaing pagsulat na dumaan na sa workshop circuit (tulad ng marami sa mga fellows) at mahilig sa hypertexts o hindi lang postmodernong laman ng akda, mismong ang porma ng akda ay postmoderno na rin (na nagpapatangi sa manunulat). Isang pusong o trickster na underdog at may pangarap na mas egalitaryong kaayusan sa panitikan at kanyang espasyo rito.
Ikaapat at ikalima ay ang pagtitulo sa dalawang seksyon ng akda bilang paraan ng pagbasa sa akda. Sa unang bahagi, “Brief Exercises in Youthful Blasphemy,” pambubuska sa mga ikonikong tao, karanasan, kalakaran at kaayusang pampanitikan. Maiikli itong pandadaot bilang instructional material sa mga may inklinasyong mapabilang sa mundo ng panitikan—pagbabala, pagmarka ng yellow line—at ang excuse ay dahil kabataang manunulat lang naman ang nandadaot na ito, pwedeng hindi pansinin at seryosohin. Sa isang banda, batu-bato sa langit, tamaan ay huwag magalit. Sa kabilang banda, dahil ang mga ito ay ehersisyo lang naman, mambabasa na ang huhusga kung ito ay exercise in futility.
Sa ikalawang section, “Twelve Chapters from Oblique Strategies” na mas masalimuot pa sa Kennon Road ang daan tungo sa Baguio City. Mga kabanata sa hindi pa nabubuo at hindi naman magpapabuong direksyon tungo sa kung saan man. Di magkakapantay pero pawang mga estratehiya. Estratehiya para saan? Ng pagkatao o subjectivity na sinasambulat ng persona ng akda. Na sa mga natunghayan na natin sa workshop na ito, parating in-progress at hindi mahuhulma sa iisang dimension o direksyon lamang.
Ikaanim, ang libidinal economy ng hypertext. Engagement ito ng mambabasa at ng manunulat. May ipinapakita ang manunulat at may nais matunghayan ang mambabasa. At maging ito ay mas parating hindi naaayon na arrangement. Malinaw na may publiko ang manunulat at handa ito sa uri ng exhibitionism, maging ang mambabasa sa voyeurism para sa narcissitikong layon. Sa akto ng pagsulat ng kung ano-anong zigzag na pagmapa sa pagkatao ng manunulat, may napipick-up ang mambabasa para tunghayan ang sarili nitong subjectivity.
Ikapito, solo o companion pieces ba ang dalawang bahagi? Maging ito ay ipinapaubaya na ng may-akda sa mambabasa. Wish niya lang, mabasa pa rin ang mga ito.
Ikawalo, tulad sa hypertext ng blogs sa internet at zines sa print, may cataloging na nagaganap—mga librong nabasa, quotes na nais maalaala, sandamakmak na listahan, at iba pa. Kalakhan ay driven ng information age, ang reliance nating lahat sa informasyon na nagiging trivia na kahit magpakagayon ay mahalaga, kahit padaplis lang, na humuhulma at nagsusubstansya sa subjectivity ng persona.
Ikasiyam, kung ang mantra sa unang bahagi ay “assume the right to make others think” ay ang lisensya kung bakit naisulat ang nakasulat, ito na rin ang mantra sa hypertext.
Ikasampu, sa komento ni Vim Nadera ng ICW tungkol sa persona ng akda, “Ano ba nangyari sa yo? Guwapo ka naman, e, kung payat ka nga lang?” ay maari ring pansinin bilang paraan ng paghusga sa akda: hindi ito perfekto dahil mayroon tayong hinahanap na alam nating hindi maibibigay ng akda nang lubos.
Pahabol na puntos, paalaala na ang anumang komentaryo natin ay maaring magamit na materyales sa susunod na hypertext ng manunulat na katabi ko o ang manunulat na nasa harapan natin.
No comments:
Post a Comment