Pagkatangi ng Huling Balyan at Ilang Isyu Mula Rito
Mahirap maintindihan ang Huling Balyan sa Buhi (Woven Stories of the Other). Apat ang espasyong di direktang nagtatagpo pero pinaghabi ng lokalisadong tunggalian ng hukbong bayan at militar: ang balyan o manggagamot na ang sariling sugat sa mga kamay (parang stigmata) ay hindi niya magamot; ang grupo ng New People’s Army (NPA) na sa pagitan ng paglilipat ng maysakit na kasama ay unti-unting nangapigtas; ang isang sundalo na napalapit, kung posible man ito, sa baylan; at ang magkapatid na tila diwatang naglalaro sa kagubatan, hinahanap ang ina. Ang lahat ng ito ay nakalunan sa katutubong komunidad ng Matisalog at sa Barangay Naplico sa Arakan Valley, North Cotabato.
Ayon sa synopsis ng pelikula para sa 9th Osians Cinefan Festival Sections:
This is a tale about an inter-tribal war and the threat of extinction hanging over the Buhi tribe. Its over-protective Balyan (tibal shaman/village healer) provides the backdrop for parallel tales, about the changing landscape of southern Philippines. Spoken entirely in Mindanao Bisaya and starring local people, Woven Stories of the Other is a revelatory look at a culture in flux. Manay, a priestess and bearer of stigmata, is at the center of several incidents that touch upon themes of identity, loss, and change. While the Balyan rails against her disappearing Buhi traditions, a group of guerrillas studies Marxism in the forest, and two children go on a search. A haunting score complements rich, tableaux-like images to create a vivid and sometimes conflicting portrait of a people. Beautifully shot and sparsely scored, this film is a masterful first attempt to tackle history of colonialism and imperialism in the director’s country.
Mataas ang pamantayang itinakda ng Huling Balyan para sa sarili. Dalawa ang voice-over narration—sa balyan at sa babaeng lider ng NPA—na may katutubo at metapisikal na diskurso ng buhay at kamatayang binabanghay. Madalas gumamit ng real time at long take, tinatalakay ng pelikula ang pagdanas ng kontradiksyong pang-estado (ang digmaan sa pagitan ng gobyerno at ng kanyang militar, at ng NPA) sa loob at labas ng digmaan-bayan, sa laylayan nito sa komunidad at kabundukan. May diskurso hinggil sa nawawalang tradisyon ng katutubo—hindi pa dahil sa modernisasyon o ang kawalan nito, tulad ng kawalan ng serbisyong publiko tulad ng doktor at kanluraning medisina, kundi dulot pa ng militarisasyon sa komunidad ng katutubo. At may metapisikal na agendang inihahaharap sa figura ng magkapatid na paslit na paratihang naglalaro sa kabundukan, hinahanap at natagpuan sa huling eksena ang nawalay na ina.
Sa bigat ng piniling problemahin ng pelikula, ang rekurso ay indikment ng karahasan—ng marxismo ng NPA na mismong mga mandirigma nito ay hindi nakakakuha ng relief; ng estadong nakapalabas na nakapaloob sa komunidad na walang integrasyong nagaganap, bagkus ng kaisa-isang pagtatangkang manilbihan sa sibilyan, ang pagbuhat sa balyan sa duyan para dalhin sa doktor, ay nauwi pa sa encounter; at ng katutubong kaalaman at praktis na walang laban sa inaakalang karahasan ng digmang-bayan. Kaya ang rekurso ay sa metapisikal na katutubo, ang mapayapang paghimlay sa hukay ng mga bata, ang tinukoy na nawalay na ina. Sa simbolikong romantiko ang literal at figuratibong piniling himlayan ng bigat ng suliranin ng kwentong representasyon ng mas malaking kontradiksyon—ang kolonialismo at imperialismo, ika nga sa sinopsis, ay bumabagabag sa bansa. At sa ating manonood dito, hindi na lamang ito bansa ng direktor kundi nating lahat. May pambansang kolektibidad na angkin ang pelikula kahit pa lokalisado ang pagsaklaw nito.
Kung gayon, sa spektakular na gamit ng deep focus sa cinematography, sa inobasyon sa paraan ng pagkwento na tila hindi pa natin napapanood sa pelikulang Filipino, sa partikular, ang ethnograpikong pamamaraan ng paglalahad ng kontemporaryong katutubong kwento, may kaakibat na inobasyon ang pelikula. May kumbiksyon, kumbaga, at may integridad. Mahirap ang paksa, pero ito ang hamong pinili ng direktor ng pelikula—ang hamon sa sinumang nagnanais magpaka-in sa bagong hip na kultural na kapital ng kabataan—ang indie digi film sa kasalukuyan. Kung mangangahas gumawa ng indie film, gaya ng isinasaad ng Huling Balyan, kailangang ito ay isang paksa na hindi pa natutunghayan di lamang sa pelikula kundi sa popular na kolektibong kamalayan. Ito ang bago na sinisiwalat ng Huling Balyan.
Gayunpaman, ang kailangang i-upgrade ng pelikula at ng iba pang indie film sa hinaharap ay ang konsepto ng pag-historicize o paglapat ng panlipunang pagsusuri sa mga indibidwal na karakter ng pelikula. Malinaw ang kasaysayan at lipunang sinasambit sa Huling Balyan, at dahil dito, kailangan ng mas masinop na pag-aangkop ng karakter bilang panlipunang aktor din. Paano pa maaring pag-ibahin ang institusyonal na karahasan ng pamahalaan sa karahasang naglalayon ng panlipunang hustisya ng NPA? Hindi ba’t may disiplinado at makataong organisasyon ang kilusang andergrawnd na nakakapanghimok ng sosyalistang indibidwalismo, kaya hindi ganoon kadaling manamlay at lumisan, gaya ng isang NPA na bigla na lang bumaba at napasama pa sa karaoke ng militar? O ng lider ng NPA na hindi pa kayang tumambang at magpakagayon ay kinain ang mga sinasambit sa edukasyon, bigla na lamang nagtago at bumalik sa sibilisasyon? Anong sibilisasyon ang kanyang kinahaharap? Mayroon bang nasa labas pa ng kasalukuyang digmang-bayan kung ang isa sa pinakaliblib na lugar ay aktibong sinusubstansyahan ng pang-uring tunggalian na ito? Sa huli rin, tulad ng walang kalaban-laban, walang ahensyang baylan na bitbit-bitbit na lamang ng mga sundalong tinambangan ng NPA, ang katutubo ay pasibong entidad sa lahat ng kaguluhang ito. Hindi ito ang nais sabihin ng pelikula, pero ito ang inihahayag ng kanyang diskurso.
Extra-challenge na ito sa direktor ng kanyang unang mahalagang pelikula. At hindi ko alam kung paano niya ito masusundan. Sa kasalukuyang henerasyon ng indie digi filmmakers, marami nang opsyon. May ibang direktor na maghahanap ng bagong exotikong lokasyon, WOW Philippines/Buhayin ang Maynila mode. Walang spesipikong kinalaman ang malalayong magagandang lugar kundi backdrop ng kwentong maaring mangyari sa iba pang malalayong magagandang lugar. Mayroon naman na titigil na lamang, magtitipon ng metapisikal na pagmumuning walang lubos na metapisikal na sagot, bago pumalaot muli, kung papalaot pang muli. Mayroon, tulad ng mas naunang independent filmmakers, ginawa lamang calling card ang indie film para mag-mainstream. Pero mahirap na itong gawin sa panahong naghihikahos ang mainstream cinema. Mayroong mananatili sa laylayan, patuloy ang paggawa ng kanilang art film, madalas kahit walang lokal na audience na di lamang makakatangkilik nito, magugustuhan pa ang mga ito. Madalas walang funding, at sa art festival market, tila ito sa laylayan ng Cannes, Venice at Toronto; ibig sabihin, tila kabahagi ng naunang panahon ng modernismo sa pelikula. Pero sa huli, ito ang least commercial na opsyon sa digi indie filmmakers—ang makapangahas na makakapagbigkas, bigay-representasyon at ngalan sa mundo at imahen gusto nilang marating, at dalhin tayong manonood.
No comments:
Post a Comment