Pambungad na Pananalita, Culture Day, 7 Nobyembre 2003
Mga kaguro at Ginoong Tsuda, Oue at Miyahara-senseis, mga mag-aaral at kaibigan,
Magandang hapon sa inyo at mabuhay kayo sa pagdalo sa Culture Day ng mga mag-aaral ng Araling Filipino. Matutunghayan ninyo ngayon hapon ang ilan sa mga kontexto ng pag-aaral ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga sayaw, awit at tula, matutunghayan ninyo ang yaman ng kulturang Filipino. At mula rito, harinawa ay magpasalamat kung bakit kayo nag-aaral sa inyong larangan.
Ayon nga sa Hapong makata, si Basho, “Silence/into the rocks seep the voices of cicada” o “Katahimikan/sa ilalim ng mga bato ang bahid ng mga tinig ng kuliglig.” Kailangang magnilay at nang malamlam ang yaman at ganda ng kulturang inyong pinapag-aaralan.
At paratihan, sa inyong pag-aaral, ang kulturang Filipino ay kinakailangang ihalintulad at ikumpara sa kulturang Hapon. Mahaba at masalimuot ang kasaysayan ng pagkikisalumuha at migrasyon ng Filipino at Hapones. Kung kaya nandito ang aking mga maraming kababayan at wala sa bansa, kung bakit nandito kayo at wala sa ibang larangan.
Kailangang pagyamanin pa ang inyong apresiasyon ng kulturang Filipino nang sa gayon ay magpagyaman ninyo ang inyong apresiasyon sa kulturang Hapones. At gaya nga ng kasabihan sa Filipino, “Walang naitatago sa sikat ng araw.” Walang katotohanan ang hindi mabubunyag sa tamang panahon. Ito ang inyong panahon, pati ang hapong ito.
Mabuhay ang kulturang Filipino. Mabuhay ang kulturang Hapon.
No comments:
Post a Comment