BALAGTASAN 2005
PAKSA: IGINAGALANG BA NG ATING GOBYERNO
ANG KARAPATANG PANTAO SA PANAHONG ITO?
PPO: (Music up and under: Bayan Ko)
LAKANDIWA (Vim Nadera)
Balagtasan, Balagtasan, o, tradisyong nalimutan
Na pagtatalo sa tula na duplo ang pinagmulan.
Sa Iloko ang tradisyo’y binansagang “Bukanegan,”
Sa Pampango ay tradisyong nakilala na “Crissotan.”
Ang paksa ng pagtatalo ay usapin na pambayan,
Akong si Vim Nadera po, Lakandiwang naatasan.
Ang makatang babalagtas, mga makatang premyado
At ang paksang hihimayin, Karapatan na Pantao.
Sa panahong ito ngayon, ‘ginagalang bang totoo
Gayong ating karapatan, kung minsan ay nadehado.
Kaya, bunying Lakan-Ilaw, tanglawan ang pagtatalo,
Bunying makatang Joi Barrios, itong sulo’y itanglaw mo.
(Uupo ang Lakandiwa at tatayo si Lakan-Ilaw.)
LAKAN-ILAW (Joi Barrios)
Bilang Lakan-Ilaw nitong Balagtasan,
Paksang hihimayin, dapat malinawan.
Sa ating pantaong mga karapatan,
Ang ating gobyerno’y mayro’n bang paggalang?
Dalawang makata ang magtatagisan
At ang lilinawi’y panig ng katwiran.
(Babalik sa upuan. Tatayong muli ang Lakandiwa.)
LAKANDIWA
Ang unang titindig, si Michael Coroza,
Wala raw paggalang gobyerno talaga
Sa ‘ting karapatang pantasya’t hustisya;
Palakpakan natin sa pagtindig niya.
UNANG TINDIG: PANIG NA HINDI IGINAGALANG (Michael M. Coroza)
Hindi man mayama’y sarap ding mabuhay
Kung di namamanhid sa gutom ang tiyan,
Kung may pananggalang sa init o ginaw,
Kung mayroong ligtas na tinatahanan,
Kung may layang kamtin, mithing kaganapan
At makipamuhay nang may karangalan.
Subalit sa ngayo’y ano’ng nagaganap?
Lalong dumarami ang nangaghihirap!
Batayang serbisyo ng gobyerno’y salat,
Pobreng taumbaya’y lalong naging hamak.
Karapatan baga ng taong masadlak
Sa lagay na dusta’t wala ni pangarap?
Ang lalong mahirap tanggaping totoo,
Dami sa gobyernong mas sahol sa tsonggo,
Sa kapangyariha’y ibig maimpatso,
Ibig na maghari’t sambahin ng mundo,
Karapatan nating mga Filipino,
Ayaw kilalani’t di nirerespeto!
LAKANDIWA
Ang tutugon naman ng kanyang katwiran,
Si Teo Antonio na naninindigan:
Ang ating gobyerno’y mayroong paggalang
Sa ating pantaong mga karapatan.
Sa kanyang pagtugon ating palakpakan.
UNANG TINDIG: PANIG NG IGINAGALANG (Teo T. Antonio)
Madaling magsabi na walang respeto
Bawat karapatan nating mga tao.
Parang sinasabi, ang ating gobyerno
Ay walang nagawa na lutasin ito.
Subalit maraming nilitis na kaso,
“malalaking isda” itong kondenado.
May General Garcia, ngayo’y nakabimbin
Sa kasong korups’yon sa militar natin;
May ibang heneral na kasangkot mandin,
At may Dennis Roldan, may kasong kidnaping.
Sa Bureau of Customs nasiyasat na rin,
Mga tagong yaman ng opisyal natin.
Ang Pangulong Erap, sa kasong impeachment,
Ngayo’y nililitis itong kasong plunder.
Hirap sa katalo’y nais na lahatin,
Para bang sinabing gobyerno’y inutil.
Ating karapatan ay tanglaw sa dilim,
Apoy na marapat nating pag-alabin.
IKALAWANG TINDIG: PANIG NA HINDI IGINAGALANG (Michael M. Coroza)
Hindi nakikita ng aking katalo
Ang pinakaubog nitong ating isyu.
Karapatan natin bilang Filipino
Ang pagkakaroon ng isang gobyerno
Na masasandigan pagkat makatao,
Patas at panlahat, handog na serbisyo.
Presyo ng bilihi’y palaging pataas
Ngunit sa suweldo’y walang nadaragdag,
Pataw pa nang pataw ng samutsaring tax,
Tila ibig yatang dukha ay mag-suicide!
Sa mga banyaga’t mayama’y maluwag,
Kung empleyado lang, daming kinakaltas.
Ang lalong malala’t isusumpang krimen,
Kung gobyerno mismo yaong sumusupil
Sa pagkilos upang katarunga’y kamtin.
Doon sa Hacienda Luisita’y baril
Ang ipinantugon sa mga humiling
Na sakadang sahod nawa’y pataasin.
Nangyaring masaker doon sa Hacienda
Luisita’y tunay na nagpapakitang
Sa gobyernong ito ay walang halaga,
Karapatan niyong mga magsasaka.
Karapatan lamang ng mga maykaya’t
May kapangyarihan ang kinikilala!
Ang mga mahirap, hayop kung ituring,
Kapag nagreklamo, dapat paamuin:
Dal’wang kilong bigas, dal’wang instant noodle,
De-latang sardinas, lamang-tiyan na rin.
Ngunit kung maggiit, katarunga’y kamtin,
Hagisan ng tear gas at pagbabarilin!
IKALAWANG TINDIG: PANIG NA IGINAGALANG (Teo T. Antonio)
Ang aking katalo, daming inilahad
Na maraming krimeng ngayo’y nagaganap.
Totoong ang kaso ay sinisiyasat
Upang katarungan sadyang mailapat.
Diyan sa Hacienda Luisitang tahas,
Ang puno at dulo’y sadyang inuugat.
Huwag mong sabihin, mahal na katalo,
Di iginagalang hustisyang totoo
At ang karapatan na sadyang pantao,
Mayroong hukuman ang ating gobyerno.
Pagtaas ng buwis mayroong Konggreso,
Sinasala nila kung panig sa tao.
May Korte Supremo, batas ang sandigan,
Mayroong Komisyon sa Human Rights naman.
Department of Justice ay tanging hukuman
Sa anumang kaso’y dumidinig naman.
Regional Trial Court bawat lalawigan
Ay maisasampa kasong isasakdal.
Tayo’y isang bansa na may demokrasya,
Mahirap, mayaman, pantay ang hustisya.
Kung walang paggalang tayong nakikita,
Ang ating hukuman ay walang halaga.
Kinakailanga’y mga ebidens’ya
Upang katarungan ilapat talaga.
Ibig mo ba naman ang ating hukuman
Ay maging katulad nitong si Spiderman.
Parang instant coffee, hustisya ay instant,
Mainit na tubig, madaling timplahan.
Mayroong proseso sa nasang katwiran
Na sumisiyasat tungong katarungan.
LAKANDIWA (Vim Nadera)
Pansumandali pong aking inaawat
Ang pangangatwirang umalab na ningas.
Ang ibubuhos ko’y tubig na pang-ampat,
Tubig ng unawang sa puso’y nagbuhat.
Makatang Coroza, Makatang Antonio,
Sa panghuling tindig, linawing totoo,
Mga karapatan natin na pantao,
Uso pa ba ngayon sa ating gobyerno.
Sa panghuling tindig ng dal’wang makata,
Palakpakan natin paghagkis ng tula.
IKATLONG TINDIG: Salitan ang Magkabilang Panig
Panig ng Hindi Iginagalang (Michael M. Coroza)
Dukha at mayaman, kaylan naging patas
Sa gobyerno nating timbangan ay tikwas?
Mga institusyong iyong tinatawag
Sa tingin mo’y sino ang nagpapalakad?
Karapatan nilang mga naghihirap
Gumawa’y kilanlin, iyan ang marapat!
Panig ng Iginagalang (Teo T. Antonio)
Itong katalo ko’y pusang nabanlian,
Malamig mang tubig ay iniiwasan,
Hindi gumagalang sa ating hukuman,
Tubig ng unawa itong katarungan.
Kung gusto mo’y batas nitong kagubatan,
Hanapin sa dilim, lantay na katwiran.
Panig ng Hindi Iginagalang (Michael M. Coroza)
Batas nga ng gubat, umiiral ngayon,
Mga dukha’y daga, ang gobyerno’y leon!
Sa dilim, oo nga, doon po hahantong
Ang mga gahaman oras na maghukom,
Katwirang nadusta’t pusang naparool
Pagkat karapatang pantao’y binaboy!
Panig ng Iginagalang (Teo T. Antonio)
Hirap sa katalo’y madaling magsiklab
At nagiging pikon, paghanap ng batas.
Kahit na ang kahoy sa tubig ay babad,
Pagsalang sa apoy, kusang magliliyab.
Itong katarungan, ibaon mang ganap,
Mangingibabaw din taglay na liwanag.
Panig ng Hindi Iginagalang (Michael M. Coroza)
Ano pang liwanag itong hahanapin
Kung ang mga welga’y bulkang pinipigil
Lagi pong negosyo ang nagiging kiling
Sa pamamalakad ng gobyerno natin
Pag lumago itong salapi ng sakim.
Asaha’t may dukhang nagdidildil-asin.
Panig ng Iginagalang (Teo T. Antonio)
Hindi naman ganyan, gusto ng gobyerno
Pinipigil lamang iyang nanggugulo
Itong patakarang nais ng estado
May kapayapaan sa bawat negosyo
Anong mangyayari pag may terorismo
Di pa tungkulin lang na sugpuin ito?
Panig ng Hindi Iginagalang (Michael M. Coroza)
Mataas ang buwis para sa ahirap
Habang ayayanan ay nangungulimbat
Pook-maralita’y durog sa sangkisap
Dahil po sa batas na butas at hungkag.
Presyo ng bilihin ay parang may pakpak
Mabilis lumipad wala pa mang E-VAT.
Panig ng Iginagalang (Teo T. Antonio)
Ay talagang ganyan, nasang kaunlaran
Merong sakripisyong isaalang-alang.
Presyo ng bilihin kung tumataas man
Ay upang magdagdag sa kaban ng bayan
Upang ang proyekto ng pamahalaan
Ibalik sa tao itong pakinabang.
Panig ng Hindi Iginagalang (Michael M. Coroza)
Halaga ng krudo, kuryente, at tubig
Ano’t tilang sky-is-the-limit?
Imbes na iukol sa dukha ang buwis
Sa IMF-World Bank laging nirereit
Kung ang ating bayan sakali’t magipit
Kahit walang armas, dapat maghimagsik!
Panig ng Iginagalang (Teo T. Antonio)
Huwag mong ilagay ang apoy sa utak
Ibig o ba namang gobyerno’y ibagsak?
Itong ekonomiya’y may krisis na ganap
Hindi agad-agad itong malulutas
Pa’no mararating hangad na pag-unlad
Kung ang ating bansan, mithi’y watak-watak?
LAKANDIWA (Vim Nadera)
Sandali po lamang, aawating ganap
Itong nagtatalong apoy na umalab.
Bunying Lakan-Ilaw, samahang maampat,
Dalawang makatang ningas na lumiyab.
(Papasok si Lakan-Ilaw. Itataas nina Lakan-Ilaw at Lakandiwa ang kamay ng dalawang makata.)
Makatang Coroza, Makatang Antonio,
Nilinaw sa atin ay pambansang isyu.
Itong karapatan natin na pantao
Manatiling hiyas nitong pagkatao.
Kung naduruhagi’y taong karaniwan,
Karapatan nila’y dapat ipaglaban.
Sa harap ng batas, mahirap, mayaman,
Pantay ang paglapat nitong katarungan.
Hatulan po ninyo pag-uwi sa bahay,
Dalawang makata na nagbalagtasan.
(Sabay-sabay na yuyukod sa madla.)
PPO (Music Up and Under, Bayan Ko)
(Performers exit graciously.)
1 comment:
HINDI AKO ANG NAGSULAT NG BALAGTASA NA ITO. I cannot take credit for this. Ako ang nakiusap sa magigiting na makata na isulat ito. Joi
Post a Comment