Ang litrato ni Sherilyn na nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda
Walang palya na kapag nagsalita si Nanay Linda ukol sa abduction ng kanyang anak na si Sherilyn ay parati itong naluluha. Hindi Nora Aunor na ang pagluha na paisa-isang patak lamang pero mas Vilma Santos pa na napapagsabay ang fountain ng luha sa pagbigkas ng pananalita. Mapait ang kwento ni Nanay Linda bilang ina ng desaparasido, pero tiyak at malinaw ang kanyang pananalita.
Ang orihinaryo sa karanasan ay ang kanyang anak at ang simbolo nito—pagmamahal, pagkalinga, pagiging anak, skolar ng bayan at iba pa. Kaya tila agimat ang litratong nakatapat sa dibdib ng ina dahil paratihan itong ginagawang abot-kamay, abot-tanaw ang imahen ng orihinaryong pag-ibig.
Ang pag-iyak at pananalita ni Nanay Linda ay ang reproduksyon ng orihinaryo dahil ito ay sapilitang iwinala ng pangunahing tagapagsiwalat ng pagpapakahulugan sa batas at kaayusan—ang estado sa pangkalahatan, at si Arroyo at militar sa partikular. Umiiyak tayo dahil malungkot tayo, umiiyak tayo dahil masaya tayo. Ano ang pinagkaiba?
Tila isinasaad na ang kontexto—hindi ang aktwal na texto ng pagkawala at ang posibilidad na muli siyang manumbalik—ang nagbabago kahit pa magkasabay at magkabilang pisngi lamang ng karanasan ang rasyonal ng pag-iyak. Sa bawat siklo ng pag-iyak at pananalita, may temporal na napupurgang mabigat para kay Nanay Linda gayon baka iba ang resepsyon ng mga nakakatunghay sa kanya, na baka nawawalan-bisa ang walang puknat na pagdalamhati.
Sino ang hindi maantig kapag natunghayan si Nanay Linda? Pero kapag paratihang natutunghayan ang akto ni Nanay Linda, nawawalan ng orihinalidad ang reprodyusabilidad ng kanyang pagtatanghal. Na ang itinatanghal ni Nanay Linda ay ang pasismo ng estado ni Arroyo ay nananatiling napakaabstraktong entidad kahit pa lumuha ito ng bato.
At dahil hindi siya makakaluha ng bato, paratihan na lamang siyang iiyak na tila isinasaad na sa kanyang pananaw, parating orihinal ang pagdanas ng reprodyusabilidad ng biktimisasyon ng estadong karahasan. Kumbaga, sinusunod lamang ni Nanay Linda ang payo ng manunulat na si Amado V. Hernandez, na “May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,/ may araw ding di na luha sa mata mong namumugto/ ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,/ samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;/ sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo/ at ang lumang tanikalay’y lalagutin mo ng punglo!.”
At ito ang tanging magagawa ng ina sa publiko sa kasalukuyang yugto na ang publiko ay hindi pa nayayanig sa tumataas na bilang ng nawawala at pinapatay na mga aktibista. Ang spektakularisasyon ng kanyang pag-iyak—hindi natin natutunghayan ang pribadong pag-iyak—ang politikal na tugon at pakikitunggali ng ina ng desaparasido. Ang anak ay naging labi na lamang—hindi alam kung buhay o patay; kung patay, nasaan ang labi; kung buhay, saan dinedetina ang anak?--ng pribadong pagmamahal sa pagbara ng estado ng historikal na posibilidad na madanas ang kabuuang pagmamahal sa karanasan ng anak at ina.
Paano magmahal ng nawawala? Paano maglibing nang hindi alam kung buhay pa o patay? Kaya lumuluha sa publiko si Nanay Linda dahil ang atas niya sa sarili ay gawing buhay ang politika ng pagkawala ng kanyang anak at ng iba pang mga anak, magulang at kaibigan. Dahil sa marami sa atin, sa ating kamangmangan ay di pa nga ito isinisilang, paano aalalahin ang di pa ipinapanganak; at sa ating hindi na napupukaw at hindi makahagulgol na tulad ni Nanay Linda, dahil wala tayong direktang orihinaryo tulad nang kay Nanay Linda, ang orihinaryo ay ang pangangailangang maging gitnang uri ayon sa media at pamahalaan—magkaroon ng mga bagay na magpapakilanlan sa sarili at sa isa’t isa na mataas na ang ating narating.
Hindi bahagi ng gitnang uring panuntunan na may mga nawawala o pinapaslang—hindi rin ito kabahagi ng liberalismo sa ideal na sinisiwalat ng gentrifikasyon. Kaya hindi inaako ng estado ang mga nawawala. Pinili ni Nanay Linda na hindi manahimik, umiyak sa publikong spero para ipaalaala sa ating pumanig na sa imahinaryo ng gitnang uring pangangarap na hindi tayo ganito, hindi tayo malulubos, at hindi tayo magiging.
Alin ang mas malaking trahedya? Ang kay Nanay Linda o sa ating nagmamaanmaangang orihinal ang reprosyusabilidad ng biniling gitnang uring karanasan?
No comments:
Post a Comment