Pasaporte sa Pangarap na Bituin
Malapit nang maging machine readable ang pasaporte ng Pilipinas. Ibig sabihin, hindi na manwal naie-encode pa ito ng mga immigration officer, o gagamitin ang mga visang nakapakat sa pahina para matunghayan ang manlalakbay. Iska-scan na lamang ang unang pahina nito at malalaman na ang detalye ng manlalakbay, pati na ang kanyang status.
Tila umuunlad na ang berdeng pasaporte. Pero mapipigilan pa rin kaya nito ang mga insidenteng tunay na nagpapahina sa paglalakbay—ang pag-ismid ng immigration officer sa pag-abot pa lamang ng pasaporte ng manlalakbay, ang mas mahabang interogasyon dahil sa bansang pinanggalingan ng pasaporte, ang kawalan ng tiwala ng officer at kumpiyansa ng manlalakbay?
May isang historian na nagsabi ang pasaporte ay ang bagong birth certificate para sa mga Filipino. Kinakailangan ito, tulad ng birth certificate, para maisakatuparan ang panlipunang mobilidad: makahanap ng trabaho, makapaglakbay, makapagtrabaho, makauwi, at muling makapagtrabaho. Ito ang nagmamarka ng pagkatao ng Filipinong overseas contract worker (OCW).
Dati ay mayayamang Filipino lamang ang nakakapaglakbay para magbakasyon at makipagnegosyo. Ang nagawa ng uri ng pag-unlad ng bansa, sa pangangailangan nitong makalikom ng higit na kita mula sa export, ay in-export nito ang sarili nitong paggawa. Sa nakaraang survey, ang Filipino na ang number one na exporter ng paggawa! Nalampasan na nito ang mas populadong mga bansa ng China at Mexico.
Nang minsang humingi ako ng tulong sa aking tatay na magpahanap ng katiwala sa bahay, ang ulat nito matapos ng paghahanap sa Camarines Norte ay lubhang napakahirap nang makakita ng katulong dahil una, may sweldo na rin doon na hindi na rin kaliitin kung ikukumpara sa sweldo sa Maynila, at kung magpakaganito ay mas nanaisin pang doon na lamang magtrabaho; at ikalawa, at ito ang mas mabigat na dahilan, kung lilisan lang din sa probinsya, mas nanaisin nang sa ibang bansa maging katulong.
Ang sasabihin ng gobyerno, nademokratisa na ang paglalakbay. Maging si Manang Maria na katiwala sa Singapore ay nakakapaglakbay na. Ipinauso na rin ang three-day holiday o ang paglilipat ng holiday sa Lunes para magkaroon ng tatlong araw na bakasyon. At ang rason ng gobyerno ay para mapayaman pa ang lokal na turismo at the very least. Sa fantasya nito, dahil na rin sa pagpasok ng napakaraming value airline, daragsa na rin palabas ang Filipino. Sa katunayan, may nakapagsabi sa akin na ang turistang Filipino sa Singapore ay umaabot na ng 2.5 milyon, na tila ito rin ang turista sa Pilipinas kada taon!
Ang pasaporte ang tila sinasambit na mahikang bagay, isang agimat, na makapagbigay sa ordinaryong nilalang ng superpower: makapagbiyahe nang mabilisan at sa iba’t ibang lugar, kumita nang higit sa kikitain niya sa pangkaraniwang pagkakataon, mailigtas sa kapahamakan ang kanyang mahal sa buhay. Ang ganda-ganda lang, di ba?
Kalakhan ng agimat sa tradisyonal at lokal na akda ay biyaya ng mas nakakataas na nilalang, at nilulunok o tinutunghayan. Ang kay Darna ay isang bato, ang kay Pedro Penduko ay isang patak mula sa puso ng saging. Ipinapaloob ang kapangyarihang external sa mismong indibidwal. Maging si Lastikman ay nagiging superhero dahil nakapaloob na ito sa kanyang sistema. Ang agimat na barbell ni Captain Barbell ay tinutunghayan, binubuhat bago bigkasin ang pangalan na makapagpalit ng anyo at substansya.
Ano ang sa OCW? Ito ang berdeng pasaporte. Pero hindi lubos ang powers nito. Sa loob ng bansa, parang kakaibang nilalang ang migranteng manggagawa kahit hindi pa nga nito nalulubos ang pagpapalit-anyo. May potensyal pa lamang at keri na ito sa maraming nakakatunghay ng kanyang agimat. Sa labas ng isang bansa, walang lubos na reli (relevance) ang pasaporte dahil pwedeng dustain, laitin, yurakan, apak-apakan ang pagkatao kahit nagpalit-anyo na ang OCW! Dahil mababa ang tingin sa OCW sa uri at kalidad ng gawain ng mga Filipino sa labas ng bansa.
Ang kaibahan ng pasaporte sa agimat ay dapat kasing hindi nalalaman kung sino ang may hawak ng agimat. Hindi natin bistado si Narda na siya pala si Darna, hindi ba? Pero dahil napakarami nang bilang ng mamamayan ang pwedeng maging “bagong bayani” da superhero, tila kahit anong gawin ng mga ito ay mabibisto pa rin dahil sa pampublikong resolba (mga tatlong libong ang lumilipad palabas ng bansa araw-araw) ng pribadong pangangailangang mapabuti ang lagay ng pamilya at mahal sa buhay.
Kaya ang pasaporte ng OCW ay nananatiling aginaldo ng estado. Ito ang sinasaad na bagong agimat para sa indibidwal na antas ay maresolba ang pangangailangan pang-ekonomiko ng pamilyang Filipino. Hindi ba kung may choice ka naman, kung mataas lang ang sweldo sa loob ng bansa, ay hindi ka naman magtratrabaho sa loob ng bansa? Dito pumapasok ang baluktot na rason nang ibang kritiko na nagsasabing tunay na may nunal ang mga Filipino, mahilig maglakbay. Pero kung kikitain mo ang sweldo mo sa loob ng bansa, mangingibang-bayan ka nga ba?
Hinihimok sa malawakang antas ng estado na mag-OCW ang kanyang mamamayan para sa dalawang pang-ekonomikong bagay: una, para hindi na ito ang lilikha ng kondisyong makakapagtrabaho ang milyon-milyong manggagawa sa loob ng bansa; at ikalawa, kikita pa rin ito, at sigurado ang kita dahil alangan namang hindi magpadala si Aling Josie o si Mang Kandor kapag pasukan sa klase, pasko at birthday? Dumadagsa pa rin ang remittance dahil buhay ang ugnay ng OCW sa kanyang mahal sa bansa.
Sa mga makabagong Darna at Captain Barbell, sa mga nagplaplanong maging da superhero, ialay ang sarili nang buong-buo at buong tapang sa dambana ng estadong magbibigay ng pasaporte. Kailangan na muling mag-appearance para makapirma at ma-thumb print, para makumpirma ang nais bigyan ng estado ng pasaporte. Pumila nang maaga dahil lubhang napakarami ang inaasahang pipila sa araw-araw. Happy trip!
No comments:
Post a Comment