Nagmimistulang ruins sa gitna ng gubat ang UP. Di pa man nakumpleto ang proyekto, naging isa na lang itong labi. Nilalamon na ng kalawang ang mga bakal, ng damo't baging ang mga struktura, ng bitak ang mga fundasyon. Ang kakatwa sa pagiging labi nito ay wala itong pinatutukuyang pagpapahalaga at pagpapakahulugan (signification). Sa sarili nila, walang ipinapahiwatig ang mga struktura. At ang kawalan ng kahulugan na ito ang siyang indikasyon kung bakit ito nagiging isang kultural na penomenon. Naging naturalisado na ang ating pakiwari, lalo na ang pagtingin, sa struktura, sa una, bilang bahagi ng inaakalang pagsulong ng infrastruktura ng unibersidad, ngunit sa kalaunan, bilang bahagi ng pangakong hindi narealisa ng unibersidad.
May afinidad ang adhikain sa uri ng strukturang itinatag para maglunsad ng mga ito. Tulad ng pambansang kaunlaran ni Ramos, ang inaakalang sustenidong pag-angat ng ekonomiya ng bansa, namayagpag ang vertikalisasyon ng mga makabagong pambansang struktura—ang second generation ng skyrise sa Ortigas, ang elevated na mass rail transit sa EDSA, ang skyway, maging ang nabinbin na communication tower para sa centennial celebration. Sa ngalan ng vertikal na infrastruktura ng global na kapital, maraming maralitang tagalunsod ang muli't muling dinedemolish ang tahanan, walang-patid ang traffic, sing-antala ng korapsyon sa mga proyekto, gayong may fantasya ng tunay na kaunlaran.
Kaya tulad sa UP, ang gubat ng ruins ay ang kaudlutan ng mga naturang pangarap ng pambansang pag-unlad sa pamamagitan ng adhikain ng global competitiveness na umaalingawgaw sa polisya ng liberalisasyon, privitization at commercialization. At tulad ng pagkandaugaga ng bansa sa rehiyunal na krisis sa Asia Pacific, ang state university ay siya ring nagkukumahog para matugunan ang kahalintulad na pagbagsak sa realidad ng pagiging handa sa mga global na demand.
Ang kakatwa sa ruins na ito ay nagmimistulang invisible sa maraming tao. Walang nakakapansin sa urong-sulong na pagtatayo at di-pagtatapos ng mga struktura. Ang kultura ng panggitnang uring pamamantasya ay isinisiwalat-mag- ambisyon ng malaki kahit wala pa rito ang materyal na kondisyon. Parang nagwi-window shopping lamang, pinatatakam tayo sa posibilidad ng pagiging maykaya gayong wala naman ang materyal na kondisyon para makabili ng mga naturang produkto. Sa edukasyon ay gayon din, ang taunang disenchantment sa Asiaweek survey ng best universities sa Asia ay kontradiktoryong responsoryo mula sa iba't ibang sektor.
Sa aking palagay, pangunahin sa fantasmagorikal na pamamantasya ng university ay batayang usapin ng pondo para sa pamamalakad nito. Samakatuwid, kawing dito ang usapin ng kawalang prioridad ng estado sa state university at edukasyon ng mamamayan nito. Kaya nga namamantasya nang malaki, sa unang instance, ay dahil ang laki ng discrepancy nito sa materyal na kondisyon.
Kaya rin natatadtad ang ating kapaligiran ng pag-usbong ng ruins. Ito ang tanging labi ng malalaking pangarap at maliliit na budget. Ito ang naghuhudyat na ang pangako ay nananatiling pangako, na hindi pa naihatid ang fantasya sa kinauukulang mga constituent. Sa isang banda, tinatakam lamang tayo sa posibilidad ng pangako. Kaya tayo nananatili sa university na ito—na kahit na papanipis ang payslip o papakaunti ang digit ng sweldo, depende kung maka-ATM na, na kahit na mainit at hindi acoustically friendly ang mga classroom, na kahit na wala pa ring comfort sa kapanghian at kawalan ng flush sa comfort rooms, nandito pa rin tayo at wala sa ibang lugar.
Ang nalilikha nito sa isang faculty ay ang pagiging transient niya sa iba pang mga lokasyon ng higit na may ekonomiyang aktibidad. Ibig sabihin, nananatiling nakalutang na base ang university para makapanghikayat ng iba pang pagkakakitaan—na dahil hindi lubos na matugunan ng university ang ekonomiyang pangangailangan ng kanyang faculty, magsasideline na lamang ang faculty sa iba pang lunan na makakatugon nitong batayang pangangailangan. Ang profesor ay hindi na isang intelektwal-subject, siya ay isa na ring economic-subject, at ito ang kanyang afinidad sa iba pang kasapi ng working class. Hindi malalampasan ng kanyang pagsisikap ang halaga ng batayang pangangailangan sa buhay. At kung siya ay isa namang high-paying consultant, nababaligtad ang sitwasyon-ang pagturo ay nagiging isang committed leisure (libangan) kaysa kabuhayan.
Sa kabilang banda, ang labi na ang nagmimistulang realidad. Bagamat ang labi ay nagpapahiwatig ng isang maliit na bahagi lamang ng naratibo, sa kawalan ng iba pang kohesibong naratibo, ito na ang pumoposisyon bilang naratibo. Ang implikasyon nito ay ang katanggapan sa kapangyarihan ng labi para organisahin ang ating buhay at karanasan sa UP. Ang pagtanggap sa kwartong nagmimistulang sauna sa init at simbahan sa Quiapo sa ingay ay pagtanggap sa kapangyarihan ng labi—ang kawalan ng kapangyarihan sa loob ng sistemang wala rin namang ganap na kapangyarihan.
Kahit pa ang UP ay UP—rurok ng matatalinong nilalang, rurok ng nagiging kapangyarihan sa kinabukasan ng bansa—ang UP ay UP lamang, isa na rin itong labi ng pangako ng posibilidad. Bagamat totoong may tagumpay na nakamit na ang UP, ito ay tagumpay na likha rin naman ng ahensiya ng nilalang—halimbawa, mga estudyanteng nalampasan ang burukrasya, nakagraduate at naningkad sa kanilang mga larangan—o ng afinidad sa iba pang larangan sa labas ng university-ang banking, siyensya o humanidades.
Sa aking palagay, ang tunay na tagumpay ng university ay ang kakayahan nitong humubog ng substansyal na kaisipan sa isang kapaligiran may substansyal na resources. Kung nagtitiis na lamang tayo sa kasalatan ng ating kapaligiran, walang interes ang nakararami kundi ang kumita. Kung ano ang kulang sa kanila'y siyang pinagtratrabahuhan sa pagnanasang makamit ito. Kaya rin, ang aktibismo sa UP ay isang reaksyong una sa lahat, sa uri ng pamamalakad sa at simbolisasyon ng UP. Ito ang kontraryong idea't kilusan na siya rin namang nanggaling sa dominanteng kalakaran. Ang aktibismo ay ang negation ng negation—negated ang ating realidad sa UP, kaya ito tinatangkang i-negate ang aktibismo.
Kung baga, ang UP ang may katungkulang i-subsidize ang ating posisyon bilang bahagi ng sistema at komunidad nito. Marami ang nagtagumpay sa UP dahil sa patuloy na subsidy ng mga magulang at pamilya. Ang pagsisiksikan na lamang ng sasakyan sa Faculty Center parking lot ay hudyat na kahit pa salat ang benefisyo ng UP, hindi naman gayon ang benefisyo ng maykayang mahal sa buhay.
Pero marami pa rin ang nananatili dahil sa UP bilang UP.
Ang fantasya ng mobilidad ay likha ng isang imperialistang globalisasyon na nanghihikayat pumaloob sa sistema nito. Ang ating mga larangan ay nananatiling 32nd o 25th, depende sa kasinupan sa pagsagot sa criteria ng Asiaweek. Ang isang historikal na papel ng university—mula sa liberalismo ng Amerikano hanggang sa radikalismo ng First Quarter Storm—ay reimbentuhin ang sarili bilang distinktong entidad na humuhubog ng bansa, na maging imahen ng kalakarang pampamahalaang administratibo na mas mataas mangarap. Sa ganito, kailangan ng bagong fantasya na uugma sa ating material na realidad at kinabukasan. Pero bago pa iyon, kailangan muna ng transformasyon ng ating material na realidad—mga ekonomikong benefisyo na magdudulot ng mas mayabong na pag-ani ng kaalaman. Kung hindi, tulad ng gubat ng relics, ang ating mga kaisipan at pagkilos ay nagmimistula, kung hindi man nagmistula, nang labi na rin nitong relics.
No comments:
Post a Comment