Friday, June 23, 2006

Si Erap, Ang Masa at ang Fad ng Sago Drink (Sapantaha Column)

Marami ang nakapagbigay na ng paninindigang inaasahan sa isang constituent ng UP—Erap resign! Pero marami pa rin ang nagmamaang-maangan, kakatwa na ang karamihan ay ang mga progresibo pa. Batay sa pamumukadkad ng mga pangyayari, ano pa ba naman ang hindi malinaw? Tulad ng fad ng sago drink, saka lang ba tayo titikim at tatantanan ito kapag ginawa na ito ng lahat ng tao?

Wala nang moral na batayan si Estrada para mamuno pa sa bansa. Ako naman ay hindi moralistikong tao pero ako ay naniniwala sa pangangailangang moral sa pamumuno. Wala nang hibla ng decency si Estrada. Hindi na ito isyu ng katotohanan kung tunay nga bang nakinabang ito sa jueteng money. Hindi si Chavit Singson ang unang kumontra kay Estrada. Mahaba na ang kasaysayan ni Estrada ng pamamaltos sa masa. Tulad ng kasalukuyang malawakang pamumudmod niya ng karapatan sa lupa, ginagamit lang ni Estrada ang masa sa panahon ng kanyang matinding pangangailangan.

At ito ang hindi na kapatapatawad kay Estrada—ang wholesale na paggamit niya ng masa. Kung titignan natin sa kanyang kasaysayan ng pelikula, ang kanyang iconography ay nakabatay sa trajectory ng pag-unlad ng kanyang ugnay sa masa. Sa Geron Busabos, siya ang lider ng pack ng latak ng lipunan—mga pulubi, puta at matatandang naghihirap. Siya ang pag-asa sa paratihang panahon ng taghirap. Sa Diligin Mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa, siya ang biblikal na Moses na nag-deliver ng kanyang masa mula sa pang-aapi ng panginoong maylupa tungo sa kanilang lupang pangako. Sa Mga Kuko ng Aguila, siya ang lider ng mga ordinaryong tao sa labas ng base militar ng US, na niyurakan ng imperyalista’t lokal na tauhan nito.

Sa tatlong pelikula niya, ang kanyang karakter ay hindi kusang namuno. Siya ay itinampok ng kanyang masa para pamunuan sila. At nang gawin niya ito, hindi na siya nag-atubili. Ipinaglaban niya ang kanilang karapatan para sa disenteng pamumuhay.

Pero ito ay sa pelikula lamang. Gayunpaman, patuloy pa rin niyang ginagamit ang kanyang iconography para makawala sa kanyang kasalukuyang predikamento. Masa ang nagluklok sa kanya, at siya ay accountable lamang sa kanila. Kaya lupa—ang posibilidad man lamang nito—ang kanyang ginagamit na karote bago muling hagupitin sila. Anong ligaya ng pagkakaroon ng sariling masa!

Kaya, sa aking palagay, hindi jueteng ang huling baraha ng kanyang pamumuro sa mamamayan. Ang mamamayan, kung ating pag-iisipin, ay ang isang mulat na citizen ng civil society. Sa maraming tao, walang akses sa civil society. Ito ay isang burgis na konsepto lamang ng governance na nagpapalaganap ng mito ng access at accessibility sa nakararami.

Muli’t muli lamang tignan ang mob culture ng masa, at makikitang sa nakararami, hilaw pa ang materialisasyon ng potensyal nito. Sino ba ang pumila at nagkagulo para sa application forms para sa trabaho sa labas ng Malacanang? Sino ba ang nahahakot, kahit pa sa tindi ng ulan, para magbigay ng suporta kay Estrada, kapalit ng reported na halaga ng P150? Sino ba ang walang lupa? Sa kadaliang itransforma ng pamunuan ang masa para maging mob nito ay patunay sa kahinaan ng diskurso ng civil society sa bansa.

Dito nakaugnay ang fad ng sago drink ngayon. Sa bawat metropolitan na sulok ng mga syudad, may sago drink stall na nagbebenta ng mga trentang klase ng inumin. Sa mall nga ay bumato ka’t tiyak na may tatamaang taong umiinom nito. Paano ba ito nagsimula? Paano ba ito lumaganap? Matatapos ba ito, tulad ng ating fasinasyon sa iba pang fad na pagkain? Ang aking naiisip ay ang proliferasyon ng shawarma noon kay dating pangulong FVR.

Ang inaakala nating fad ay limitado pa rin. Sino ba ang tumatangkilik nito? Gayundin, hindi ba’t ang franchising scheme nito ay tulad din ng mga skema ng dayuhang negosyo, primarily yung mga nakasanga rin sa pagkain, tulad ng McDonald? Pero ang sago ang hinirang na postmodern drink ng panahon ni Estrada. Maraming flavors na pagpipilian, tulad ng lychee-pandan, ube-buko, coffee, chocolate, at iba pa. Hindi nga ba’t apropriasyon lamang din ito ng kulturang masa, ang samalamig, at ng Timog Asyanong pearl drink?

Samakatuwid, inaalok ang sago drink bilang middle-class na lokal na consumption ng transnasyonal na kultura sa panahong maging ang uring ito ay nababawasan ng access dito. Ang masang pinaghalawan ng artifact na ito ay, sa unang usapin, matagal nang walang access rito. Pero ito ang idinadawit na kanilang middle-class na pangarapin. Ito ang isa na namang signifier ng kumportableng pamumuhay na dapat nilang ambisyunin. At marami rin sa kanila ang tumikim gayong marami ang nakatanaw lamang sa pag-asa.

Si Estrada ay isang malaking sago drink din. Siya ay ang fad, na bago pa man naging fad ay may mahaba nang kasaysayan ng kaulinlingan sa ating kultural at politikal na kamalayan. Hindi natin alam kung bakit siya ang sumulpot, pero hindi tayo nagtataka. At tulad ng kawalan ng paliwanag ng kanyang kagyat na pagsalta at paglaganap, inaantay na lamang ng natural at progresibong pwersa na siya ay mawala, maumay ang panlasa ng kanyang tagapagtangkilik.

Ang middle-class ay isa ring sago drink. Ang kanilang panlasa at pagtangkilik ang nagbigay ng seal of approval dito. Sila naman ang pangunahing tumangkilik nito, ang nag-angat ng karanasan ng mamamayan hinggil dito. Sila ang may fasinasyon sa fabrikasyon nito sa serbisyong sektor. Mayroon nang pagtitiyak sa standardisasyon, kalinisan, isyung pangkalusugan sa serbisyo nitong isang produktong may tatlumpung variation. Ang middle-class ang tumulong iangat ito bilang marka ng isang posibilidad sa nakararami. Sa nakararami, isa na naman pabigat ito sa bagahe ng pamumuhay sa syudad.

Hindi ito ang panahon ng paghahanap ng iba pang posibilidad. Hindi tayo ang naglagay sa kasalukuyang kantong kinasasadlakan ni Estrada. Kagagawan niya ito mismo. Hindi ito ang pag-aakala na panahon ng panunumbas, na mas maari nang makuha ng tao ang kanilang nais na reporma, dahil napahiya na at mahihiya na si Estrada. Alam naman natin na walang hiya si Estrada.

Hindi ang jueteng ang isyu. Kaya hindi impeachment ang solusyon dito. Alam naman nating hindi mai-impeach si Estrada ng sarili nitong Kongreso. Hindi rin sina Cardinal Sin, Cory at FVR ang huhusga. Sa huling usapin, ang mismong masa ang magdedesisyon ng kaangkupan ng kanilang pagkilos. Ngayon pa lamang, ang sago drink ay isa nang lumang uso.

Gaya na rin ng sabi ng isa kong kaibigan sa Math Department, nabangga na sa pader ang jeep ni Erap.

3 comments:

I believe said...

Hello Roland
I'm an online translator. This is just to say that I'm featuring your blog on my site for a month. you may want to visit http://english-to-tagalog.com/tagalog-experts.html

Anonymous said...

kuya... na assign po ako na magreport tungkol sa essay na sinulat m.. "Richard Gomez at ang mito ng Pagkalalaki".. hihingi po sana ako ng tulong... kelangan ko kasing i-report kung sino kau... at ung about sa essay... kung pde po... e-mail kau sakin... o kaya post na lang kau d2... mls0te@yahoo.com po ung e-mail add ko.. sana po pagbigyan nyo ko.. ^ ^ ty po..

Anonymous said...

Hello po Prof. Rolando Tolentino.

Sir I need your help po.
I was assigned by my prof in humanities and arts to report your essay regarding "icons".
I can't find or search any topics about it po that's why I thought of sending a message to you.

I'll visit you blog po asap.
Hope you could help me po.

Please help me po.
Thank you po.
God bless.