Tuesday, June 13, 2006

Iba-iba ang Kulay ng M&Ms GAyong Iisa ang Lasa (Introduksyon-Vol. 5-Paghahanap ng Virtual na Identidad)

Introduksyon sa Serye ng Libro:

Iba-iba ang Kulay ng M&Ms Gayong Iisa Lang ang Lasa (Para sa Vol. 5-Paghahanap ng Virtual na Identidad)

Kapag humarap ka sa salamin, nagugustuhan mo ba ang iyong nakikita? Kung tunay kang kuntento, bakit ka nagpapaganda rin? Pero hindi ito ang nais kong sabihin. Ano ang iniisip mo kapag nakikita mo ang iyong imahen? Nakikita mo ba ang iyong kasalatan—burog na mukhang di makuha ng astringent at anti-acne na gel, pangong ilong na tempted ka tuloy bumili nitong naikwentong gadget sa iyo ng kaibigan mong Hapon na ipapasok sa nostril para maging aquiline ang iyong ilong, malapad na noo na hindi matakpan ng bangs, malulungkot na mga mata na kay tagal nang hindi nakakita ng tunay na kaligayahan. Kung gayon, bakit tumitingin ka pa rin araw-araw, sa umaga, bago umalis ng bahay, at sa gabi, bago matulog, para lamang litanyahin ang alaala ng kakulangan?

Ang pagtingin sa sarili ay pagtatapat ng imahen ng sarili (yung nasa salamin) sa ideal na imahen na nasa utak (yung nakita mo sa salamin ng tv o larawan sa magazines). Kahit kailan ay hindi papantay ang aktwal na imahen sa ideal nito. Sa pagtingin sa sarili sa salamin, dinadanas lamang natin ang pagdusa ng pagbagsak ng sarili sa pag-angkop sa ibang pamantayang wala sa atin ang kontrol. Marahil, kaya wala tayong full-size mirror sa mga banyo o sa anumang bahagi ng bahay di tulad ng mga banyo sa Amerika. Narsisistiko ang ideal sa sarili, na tila ang ako lamang ang nilalang sa mundo. Sa isang banda, wala tayong kabuuang imahen ng sarili na nagpapanatili sa atin sa mapagkumbabang posisyon at designasyon sa global food chain. Sa kabilang banda, wala rin tayong pagkakilala sa imahen. Tila tayo mga musmos na parating kapag natapat sa salamin ay nagdadalawang-isip, nagdududa pa nga, kung sino itong nakatitig rin sa kanya. Misrekognisyon ang nagaganap—hindi natin nakikilala ang imaheng nakatunghay sa atin gayong ito ring imahen ang tumutunghay sa lahat ng tao sa lahat ng oras.

Kaya happy tayo sa sanktuwaryo ng ating kawalang-identidad at maging ang posibilidad ng pagkakaroon ng ibang identidad para sa lahat. Kung ano nila gusto tayo, pwede nating iriimbento ang sarili at itatag ang identidad na pinakaasam-asam nila. Matutunghayan ito tulad sa malling. Kahit wala kang pera ay nag-a-assume ka ng identidad ng pagkakaroon dahil ayaw mong maetsapwera ka sa aktwal. Ang malls ay sterile na kapaligiran, ligtas na sanktwaryo ng pagkakaroon ng maraming identidad at kawalan ng identidad, kung ano ang nanaisin mo, ipagkakaloob ng sterile na environment ng mall. May kaligayahan sa kagandahang pang-eskaparate. Sa nasa labas, ipinamumukha sa iyo ang posibilidad sa nostalgia. Tulad ng Japanese doll sa eskaparate, perfekto ito sa lahat ng aspekto, maliban sa pagiging buhay. Sa nasa loob, wala, kahit alikabok, na makakasira sa iyong perfeksyon. Nasa seguridad ka ng iyong sariling bubble.

Nadadaan ito sa attitude o pagdadala. Aasta ka, at umaasta ka dahil hindi ka ganoon, umaasta kang ibang tao. Parang inferiority complex na coping mechanism naman. Projection ang ginagawa mo sa mall, para kang supermodel kung maglakad dahil hindi ka supermodel. Walang supermodel na Pinay. Kaya pati ang supermodel na Pinay ay umaasta lamang na parang supermodel dahil alam niyang hindi naman talaga siya isang supermodel. Nagtatantrum ang isang matinee idol dahil gusto niyang umastang matinee idol kahit hindi pa siya ganito. Kaya nga umaasta dahil gustong maging, dahil kung naging na ang maging, wala nang pangangailangang umastang maging pa. Maghahanap na naman ng iba pang pagiging para makaasta.

Sa computer gaming, lumilikha ka ng virtual na komunidad ng mga gustong maging. Maari kayong magpatayan, bumulwak ang mga dugo dahil nasa sanktuwaryo ka ng seguridad ng sterile na kapaligiran. Wala naman talagang namamatay sa aktwal, ang virtual lamang. At gusto nating mamatay ang mahihina sa virtual dahil--sa aktwal, tulad ng motto ng mga kapitalista—ang mundo ay larangan ng survival of the fittest, matira ang matibay. Gayong sa huli, wala naman talagang matibay sa virtual na identidad dahil ang lahat naman ng nasa virtual na realidad ay nare-reduce sa information bytes lang naman. Ang magilas na nagtatagumpay sa mortal combat ay may kumokontrol na aktwal na tao—baka bata pa nga na nakapili ng sariling identidad batay sa matrix ng posibilidad sa computer gaming—gayong ang kanyang pagkatao ay isa lamang byte-size na entidad na naka-store sa microchip ng computer at naka-relay sa cable connectiong nag-uugnay sa marami pang pagkatao sa iba’t ibang microchip, handang pumaslang at magtagumpay bilang kampeong mandirigma sa virtual na heograpiya sa computer gaming.

Ganito rin ang chatting at pagkuha ng koneksyon sa buhay ng ibang nilalang. Ang tao ay umaayon sa molde ng inaasahan. Maari kang magreimbento ng sarili para mas maging marketable sa virtual na mundo ng sex chatting. Ako ay medium built imbes na may beer belly dahil hindi sexy ang lawlaw na tiyan sa sex chatting. Ako ay nagiging cute kahit nanay ko lamang ang nagsasabi dahil wala namang makakaalam. Tanging pisikal na kontak ang sisira sa virtual na mundo o kung iisipin natin ay nagiging tulay para muling manaig ang virtual na mundo. Mas perfecto ang virtual na mundo kaysa aktwal na sarili at kapaligiran, mas masayang mag-chat dahil ang indibidwal ang may kapangyarihan. Pwede kang magsemplang ng kausap at ang sukdulan na pwedeng gawin sa iyo ay i-ban ka sa chat group. Pwede kang kumuha ng litrato ng iba at gawin itong sarili mo, at ang kakatwa rito ay alam ito ng lahat ng tao. Ibig sabihin, ang violation ay pwedeng gawin dahil standard ito sa virtual na mundo.

Makulay pero iisa ang lasa. Alam ng mga tao ang pinapasok nila sa mundong ito. Alam nilang malaki ang posibilidad ng reimbensyon, pero umaasa pa rin. At ito ang ginagawa ng karanasan sa virtualidad—ang lumikha ng anthropolohiya ng kaligayahan at pag-asa sa mga mamamayang bahagi nito. Sila na etnograpikal na pinag-aaralan ay mismong umaakda ng kanilang adventura at pakikibaka para maging maligaya kahit pa hindi parating ito dahil nakahagilap na sila ng kapamaraanan na ang katumbasan ng kawalang kaligayahan ay ang paniniwalang may pag-asang maging maligaya. At nagte-take comfort tayo sa pag-asa, hindi sa aktwalidad na maging maligaya. Ang wired na teknolohiya ay lumikha ng bagong panuntunan ng buhay—maging maligaya sa posibilidad na magiging maligaya ka. Ma-in love sa idea na mai-inlove ka, na in-love ka, hindi sa aktwalidad na wala kang pagdanas sa pag-ibig. Kaya ang lahat ng kapaligiran ay nagiging rosy dreariness. Mapusyaw ang kadiliman dahil pinili nating lumikha ng kagandahan sa sarili nating lamay at libing.

Kung iisipin natin, tayo ang nag-embalsa at naglilibing sa ating sarili. May necrophilia rito, maligaya tayo sa pagiging patay, pagiging vampira sa kadiliman dahil ayaw natin matunghayan ang ating sarili sa tanghaling tapat. Kaya rin kapag nag-chat ka ay walang gaanong populasyong naka-log-on sa tanghali. Lahat ay on the go kapag gabi. Sinusuportahan ito ng kultura ng coffe shops, gimmick, ecstacy at droga, 24-hour convenient stores, groceries at fastfoods. Ginagawa tayong buhay kahit kalaliman na ng gabi. Mas gusto natin ang kapaligirang ito. Mas glamoroso ito kaysa sa makikita sa tanghaling tapat kung saan ang lahat ay nagmamadali sa mundane na mga bagay. Para saan ka pa naging manunulat at intelektwal, o nag-aspire maging isa, kung hindi ka napre-pretty-han o nakakakita ng loveliness sa mga bagay sa gabi lamang mawawari. Para kang tauhan sa loob ng masterpiece na pelikula ni Ishmael Bernal, “City After Dark” maganda ang kapangitan ng kadiliman. Nagtratransforma ang kapaligiran sa panahong tulog ang marami. Sa sandaling tulad nito, nagaganap ang tunay na buhay at kwento ng syudad.

At unti-unti tayong nagiging katatoniko. Nagugustuhan natin itong pagiging in-love sa kamatayan bilang reaksyon sa over-systematization ng liwanag. Rasyonal ang liwanag, parating nanghihingi ng paliwanag. Ang kadiliman ay kanya-kanyang pagpapaniwala sa sarili. Walang sapilitan, maari kang maging kung sino ka sa kadiliman ng gabi. Mag-cruise ka sa harap ng Philippine Women’s University o Quezon Memorial Circle para maghanap ng bayarang lalake dahil sa liwanag ay hindi mo ito magagawa at gagawin. Maari kang makipag-eb (eye ball) at makipag-cyber sex dahil sa liwanag ay hindi mo ito kayang gawin. May romantisismong hatid ang kadiliman at ito ang romansa sa sarili bilang may kapangyarihang indibidwal.

Magbubukas ka ng websites. Pupuntahan mo lamang ang gusto mong marating. Isasarado mo, bubuksan na naman ng iba, gagawa ng sariling adventura. Hindi mo ito magagawa sa nobela na malinaw ang una at huling pahina. Sa virtual na mundo, ang lahat ay iyo para pakyawin, mag-window shopping o umuwing luhaan. Walang pumipilit sa iyo dahil walang nakatutok sa iyong baril. Tanging ang pisikal na limitasyon mo—nananakit na ang likod o namumula na ang mata—ang magpapasuko sa iyo. Pipilitin mong huwag sumuko dahil malawak pa ang mundong kailangan mong tuklasin at nangangakong maghahatid sa iyo ng isang libo at isang pangako. Virtual ang kasiyahan—ang idea na masaya ka sa paghahanap ng kasiyahan—parang pre-cum gayong puro ganito lamang ang kaligayahan. At natuto nang maging maligaya ang maraming kalalakihan sa premature ejaculation. Parating sablay, mas maaga, wala sa akmang panahon ang kaligayahan. Simulated na kasiyahan ito dahil wala naman talagang akmang panahon ang kaligayahan.

Paratihan lamang itong out there in cyberspace. Humayo ka at magpaligaya gayong walang pangakong katumbasang kaligayahan, simpleng ang pangako lamang na magkaroon ng pangako. At aakuin ito ng indibidwal bilang sarili niyang mantra dahil sa kawalan ng tunay na mantra sa buhay. Tulad ka ni ng karakter ni David Carridine sa “Kung Fu” na nag-wa-walk the earth, walang katapusang adventura dahil ang bawat isang hakbang ay isa nang adventura ng pagtungo roon, ng pagiging kahit walang pangakong maging. Tanging ang pangako ay ang pangakong magiging. Hindi mahalaga ang patutunguhan, mahalaga lamang ang pagbibiyahe. Ni hindi nga mahalaga kung sino ka, ang mahalaga lamang ay may identidad kang magiging pasaporte sa gitnang uri ng buhay—sa mas malaking kapitalistang globalisasyon--na sina-simulate sa virtual na mundo. Matira ang matibay, pero habang nakikidigma ka, gagawin mo pa rin ang ritwal na pagtingin sa salamin. Tulad ng madrasta ni Cinderella, parati mong tatanungin ang katanungang alam mo na ang sagot, “Who is the fairest of them all?” At matutuwa ka sa seguridad ng sagot nitong salamin. Araw-araw ay parating ganito ang ritwal ng utuan ninyo ng salamin. Reafirmasyon ng imahen ng kagandahan ng sarili, wala nang tutumbas pa. Pero bakit muli’t muling tinatanong o may pangangailangang tanungin? Papatayin mo pa nga ang sinumang ibang imahen at ngalang mababanggit ng salamin, dahil sa huli, hindi mo pwedeng patayin ang salaming may kapangyarihang makapagbigay ng iyong imahen.


No comments: