Mabilis ang mga pangyayari na humantong sa unang bigwas sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo. Mang-iirita ka na lang din, ang inirita mo pa ay ang pinakamaalingasngas na sektor-ang showbiz. Kahit walang politika, nakakahagip sila ng atensyon ng media. Hindi ko lubos na mawari kung bakit nagmamatigas ang administrasyon ni Arroyo hinggil dito, maliban sa pagtataguyod ng "moral recovery program" ng kanyang pamahalaan.
Ginamit din ni Aquino ang ganitong retorika-ang pagsalba sa moralidad ng mga tao. Naiintindihan ito, dahil gusto niyang maging total opposite ng bangkaroteng diktadura ni Marcos. Nawala ang pene-films o mga pelikulang may hayagang sexual penetration. At ipinanganak ang ST-films, o ang bersyon ng soft-porn film na ang bida ay nanggaling sa edukada't maykayang uri (tulad nina Gretchen Barreto at Rita Avila), at ang sex act ay nasa angkop na lugar (loob ng bedroom) at angkop na oras (kapag handa na ang magsing-irog).
Kung wala ang ebolusyon sa ST-films, malamang na bumagsak ang industriya ng pelikula. Hindi nga ba't ang box-office hit sa panahong ito ay ang Fido-Dida series na pinagbidahan ng kanyang anak na si Kris Aquino at ang yumaong komedyanteng si Rene Requiestas? Naalaala mo ba?
Gusto ba nating balikan ang panahong ganito? Ang anumang administrasyon na nagnanais ng pampublikong paglilinis ng moralidad ay nagtitiyak lamang sa posisyon nito ng pagmamalinis. Ito ang taktika ng hypocrisy-ang lantarang pagpuna sa estado ng iba, ang pagpalaganap ng hysteria ng panganib ng pornograpiya, at ang pagiging morality upright at righteous ng naghaharing uri.
Naging total opposite ba ni Marcos si Aquino? Madaling balikan ang kasaysayan para tunghayan na maraming polisiya ni Marcos ang ipinagpatuloy ni Aquino. Malamang, ito rin ang kahinatnan ng administrasyon ni Arroyo na nagnanais maging kaiba sa hayagang corrupt at morally-bankrupt na presidensiya ni Estrada. Ang problema sa ganitong taktika, nire-regress nito ang estado ng naatim na liberalismo sa lipunan. Tila binabalik tayo sa medieval na panahon na may aktwal na kapangyarihan ang konserbatibong simbahan sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka ng mamamayan.
Lumilikha ito ng imminent danger kahit wala. Masyado bang masibo ang kawalan ng moralidad at paglaganap ng pornograpiya. Ang bansa natin ay wala namang kasaysayan ng hard-core pornography? Tanging soft-porn lang, mga suggestive na representasyon ng sexual act ang may pinag-uugatang kasaysayan-ang pre-martial law period. Ito ang yugto ng pagtuklas ng mamamayan sa kapangyarihan ng protesta ng masang kilusan. Tulad ngayon, "inilulugar" ang nakamit na people power.
Ginagawang konsern ang moralidad kahit hindi naman ito ang gustong ipangalandakan. Smokescreen lamang ang isyu sa mas malakihang isyu ng pagkuha ng kontrol ng pamahalaan sa inisyatiba ng mamamayan. Kung baga, ito ang pagkakahon (containment) sa momentum ng people power para tapyasin ang anumang natitirang radikal na potensyal nito sa makabuluhang pagbabago.
Bukod sa pagpunan sa function ng pamamahala, ano ba ang pwedeng masambit ng administrasyong Arroyo na ipinagkaiba nito sa iba pang presidensiya? Balik-pambabayad utang-na-loob muli-kina Ramos, sa simbahang Katoliko at sa militar. Tulad ni Aquino, tila hindi niyayanig ni Arroyo ang poder ng nauna sa kanya. Gagala-gala pa rin si Estrada, kumakandidato pa ang asawa nito. Ayaw yanigin ang status quo, ang niyayanig ay ang "masa."
Historikal na ginagamit ang masa sa pag-sway ng publikong opinyon. Kung si Estrada ay pinangakuan ang naghihikahos na masa na masa ng mga blankong titulo ng lupa, si Arroyo ay nangngako rin ng mga blangkong titulong nagbibigay-karapatan sa masa sa isang moral na administrasyon. Talaga namang muling inilulugar ang kaawa-awang masa sa historikal nitong posisyon-sa kanilang masibong bilang, ang pagbibigay-lehitimasyon sa pambansang administrasyon. Paano mo naman maiaangat ang masa sa substansyal na politikal konsern sa ganitong pamamaraan? Ang aking suspetsa, wala talagang konkretong plano na iaangat ang masa. Dahil sa oras na tumaas ang kamulatan ng masa, mag-aalsa ito.
Kaya paratihan, inilulugmak ang masa sa hysteria ng imoralidad. Binabaluktot ang karanasan sa pornograpiya-kung sino ba ang tunay na kumikita rito-para lumikha ng internal na pangamba sa maraming mamamayan. Ginagawang mga bata ang isip ng masa na maaring madiktahan ng angkop na behavior at kamalayan. Ang kagandahan ng ganitong taktika-nakakapanghimok sa gitnang uri at sapilitan-dahil sa self-preservation-ay tumutugon ang industriya ng pelikula.
Madalas nga, ang ginagamit ay ang isyu ng moralidad. At dahil abstrakto itong isyu, isinasakonkreto ang panic sa moralidad sa pamamagitan ng sensura sa pelikula. Lumilikha ng tensyon ang pamahalaan na ang reel images ay ginagawang real, na aktwal na talik ang natutunghayan sa pelikula. Nilulusaw ang spesipisidad ng media, ang kapangyarihan nitong magbigay-representasyon sa buhay at lipunan ay sinusumbat bilang isang barometrong salamin ng pag-agnas sa moralidad.
Walang panalo ang kalaban (artists, producers at manonood ng porno). Parating may mahihitang pogi points ang nang-aaway. Sino ang ayaw ng moral na lipunan? Sino ang tatanggi sa isang matiwasay na kapaligiran? Sinong magulang ang gustong mawalay sa tamang landas ang kanilang mga anak? Sinong mambabalot ang gustong mangamba habang naglalako sa kalaliman ng gabi? O sinong babae ang gustong manganib sa paglalakad sa gabi?
Pero kaakibat ng ganitong katanungan, sino rin ang may gustong makapanood ng Disney films araw-araw sa buong taon? Sino ang hindi mauumay kung puro mga milagro ng Tanging Yaman ang matutunghayan sa lahat ng sinehan? Na tila semana santa ang mga palabas sa telebisyon at sine? Sino ang gustong matosta ang utak?
Tumingin sa inyong kaliwa at kanan. Narito na ang spectre ng fasismo sa ating paligid.
No comments:
Post a Comment