Ang dayoý kay sarap nguyain. Ang lokal ay hindi nangunguya, ibinababad lamang sa bibig.
Ang dayoý kay dali’t sarap ubusin. Ang lokal ay kay familiar at kay tagal ubusin. Nakakumay.
Sa huli, wala nang dayo’t wala nang lokal.
Babae ang representasyon ng kulturang popular. Exotika fabulosa ang babae, ginagawang spectacle para makatawag-pansin, babae ang kalabisan sa kulturang popular. Ito ang babaeng aping bida sa melodrama na bumubuhos ng balde-baldeng luha. Ito ang mabigat na kamay at maanghang na bibig na babaeng kontrabida at tormentor ng inaapi. Ito ang mga news anchor na naghahatid sa atin ng desidido’t makabagbag-damdaming balita sa bansa at showbiz. Ang mga media ay mga babaeng venue, na tulad ng babae ay lumilikha ng ingay at spectacle sa isang banda, at sa kabilang banda naman ay tinatangkilik ng mismong mga babaeng manonood at tagasubaybay. Sila ang dagsa-dagsang liga ng manonood ng sine, tagasubaybay ng telenovella, tagapakinig ng mga gabi ng lagim na serye sa radyo. Sila ang bumibili at tumatangkilik ng romance novels, nagpapalitan ng libro at balita tungkol sa mga bida sa nobela, lumilikha ng pamayanan ng mambabasa.
Ito ang heograpiya ng babae sa kulturang popular. Sa pamamagitan ng kanyang katawan at pagkatao nabubuo ang pagmamapa ng kulturang popular. Ang disenyo ng mall halimbawa—ang kawalan nito ng mga bintana at anumang tagusan na magpapakita ng aktwal na panahon sa labas—ay tulad ng kanyang sinapupunan. Kalmado, matiwasay at mabuti ang lagay sa lugar na madilim at malamig, tulad din ng pakiwari sa loob ng sine. Siya na naghahanda ng mainit na sinigang na sugpo habang inaantay ang mga miyembro ng pamilya na isa-isang umuuwi at tumatakas sa pagbagyo ay ang aktwal na babae sa kusina—mapananay man ito o katulong. Nakakapag-opisina naman siya dahil may ibang babae na nag-aaruga ng kanyang tahanan at pamilya. Tulad ng tv, babae siyang walang kibo. Tulad ng kalan, babae siyang laging handing magpainit. Tulad ng inodoro, babae siyang tambakan ng lahat ng dumi mula sa katawan ng kanyang pamilya. Siya ang birheng nasa altar, ang santang puta, ang sinusuyo ng awitin ng lalakeng nakaamerikana sa ilalim ng puno ng mangga. Siya ang ilaw ng tahanan na ang ningas ay tunay na nakakapagpayapa kanino mang naglalagi sa kanya. Siya ang substansya. Siya ang puta.
Ang babae rin ang ginagawang substansya ng kulturang popular. Ang produksyon ng modernong babae sa lipunan ang siyang hulmahan ng diwa ng modernisasyon sa bansa. Pero ito ay mala-malang babae—mala-moderno gayong mala-konserbatibo labatiba rin, hindi madapuan ng lamok gayong handa magpakamatay para sa pag-ibig, mahinhin pero matapang, matapang pero mapagmahal, mapagmahal pero makakapatay. Siya ang manananggal na nagpapakita tuwing eleksyon, siya si Darnang pumapatay sa manananggal. Siya ang babae sa karnabal, ang babaeng gagamba, ang babaeng talangka, ang babaeng kuba, ang babaeng kumakain ng basag na bote, pumapatay ng nagliliyab na apoy sa kanyang bibig, ang sumasamsam ng dugo ng mga biktima. Siya ang kamatayan, ang naghuhudyat ng apokalips. Siya ang katarungan, ang tumitimbang sa lahat, kahit pa kulang. Siya ang medisina, ang gumagamot at nagtatarak ng punyal sa lagim ng kamatayan. Siya ang buhay, ang nagpupunla at nag-aaruga sa lahat ng nakikisilong sa kanya.
Babae ang pinagmulan, babae ang patutunguhan. Babae ang putang umaapi sa inosenteng batang babae na lalaking magandang babaeng babangon at dudurog sa lahat ng umapi sa kanya, para mapasakanya ang prince charming. Babaeng nagkasala, babaeng binibitay, babaeng nagpapatawad. Ang lahat ng spero ay sa kanya, at ang bawat spero ay kanyang bubble na kulungan.
Kapantayan. Ang basehan ng ating pag-asa’y ang sariling kakulangan. At para ito mapunan, pumupukaw ito sa balong walang kasing lalim—ang primordial nating kakulangan. Parang hindi naman kakatwa, dahil ang imaheng nanghahalina’t kumakausap sa atin ay puro paibabaw lamang—walang lalim—ngunit masibo ang dami. Ang ating kulang ay pinupunan ng dami ng imahen, pumapaibabaw sa bagay pero pumapailalim sa ating kamalayan. Kulang tayo, pangit tayo dahil mayroong sobra, mayroong maganda—ang ideal ng imahen, ang simulacrum.
Kahit hindi patas ang kapasidad nating bumili ng mga produkto ng kulturang popular ay kakatwang patas naman ang ginagawa natin para tumangkilik. Lahat tayo ay pinagle-labor—pinagtratrabahuan natin ang perang ipambibili, at nagtratrabaho pa rin tayo sa utak para malibang sa mga komoditi. Tayo na nagtrabaho para makabili ay nagtratrabaho pa rin para maging ganap ang pagkalibang. Nagpapakita ito ng bagong kalakaran sa nosyon natin ng labor at libang (leisure). Sa kapitalismo, ang nakakaraming manggagawa ay binabayaran lamang ng sahod para sa kanyang survival—walang luho, kasya lamang para hindi siya lubos na magkasakit at muling makapasok kinabukasan. Samakatuwid, hindi sa kanya laan ang mundo ng kulturang popular. Pero sa realidad na maari pa ring kumita itong manggagawa nang sobra (surplus) para makatangkilik ng mga produktong lampas sa kanyang ordinaryong sahod—tulad ng double-income sa household, bonuses, productivity pay, iba pang allowances, sideline, overtime, remittance dito ng overseas contract workers, at di inuulat na partisipasyon sa informal at underground economies, halimbawa—nagiging quasi-kasapi na rin ito ng mundong iniinog ng kulturang popular. Sa huli, tripleng beses siya nagle-labor—una, sa pagkamit ng kanyang mababang sahod; ikalawa, sa “sideline”na kita bilang regular na gawi; at ikatlo, ang labor bago at pagkatapos bumili ng komoditi. Samakatuwid, ang buhay ng manggagawa sa partikular, at anakpawis at panggitnang uri sa pangkalahatan ay isang walang katapusang pagtratrabaho.
Nagle-labor tayo bago at pagkatapos bumili ng komoditi. Sa masibong paraan para tayo tumangkilik—sa regularisdong pagtunghay sa ads, komersyal, pelikula at mall, halimbawa—ay ginagawa nating personal na isyu ang mga komersyal at pampublikong adres. Parang tayo lamang ang kinakausap. At matapos nating mabili, kailangan muli nating mag-labor. Pinapag-aralan natin ang bagong skills na kailangan para matutunan nating mag-text, mag-store ng numero, mag-save, mag-send, mag-retrieve at mag-delete ng messages sa cellphone. Na sa kalagitnaan ng ating pagtulog sa gabi, napapatayo pa tayo para tignan kung sino ang tumawag o nag-text ay isang hudyat ng ating voluntaryong kahandaan para magtrabaho para sa komoditi. Tunay nga ang sinabi ni St. Brad Pitt sa pelikulang , “Things that you own eventually own you.” Sinasabi ng ating pinaglilingkuran at nagmamay-ari sa atin na komoditi ang mga bagay na dapat nating gawin para malibang.
At heto ang kakatwa, kailangan na nating magtrabaho para sa ating libangan. Lumalampas na ang panahon na ang libangan ang siya nating relief sa trabaho. Maglakad ka lamang sa parke ay magiging klaro ang iyong pag-iisip at muli kang makakabalik sa sikliko ng buhay. Ngayon, mula sa ating pagtulog, paggising, pagtratrabaho at pahinga, hindi natatapos ang pagtratrabaho. Tunay na tayong worker ant sa punso na walang katapusan ang pagtratrabaho, pati ang pahinga ay crucial para mapanatili ang pagtratrabaho. Manonood tayo ng sine, at napapaisip tayo tungkol sa mundong isinisiwalat sa atin ng higanteng tabing. Napapaiyak at tumatawa tayo sa mga taong hindi naman natin kaano-ano. Nakikita natin sa kanila ang ating buhay. Pinagtratrabaho tayo na matagpuan natin ang ating mga sarili sa kanila, mga taong kilala na natin pero hindi naman tayo kilala maliban sa masa ng manonood at fans. Kilala natin silang gumaganap sa pelikula bago pa man tayo manonood, pinagtrabahuan na natin ito para maging kakilala natin sila. Sila na alam natin ang kasaysayan ng kanilang mga relasyon, paboritong awit at pagkain, memorable na anecdotes at iba pa—sila na mas kilala natin kaysa sa ating mga kaibigan at kapamilya—ay hindi man lamang tayo bibigyan ng limang segundo kung sakaling makita natin sila sa loob ng mall. Kilala natin sila pero hindi nila tayo kilala. Anong klaseng relasyon ito?
Sa komoditi, silang mga produkto ay nagiging commodified. Mga tried-and-tested na silang produkto—hindi magbabago ang lasa ng Spam o corned beef, hindi magiging maldita si Judy Ann Santos at magiging anghel si Mylene Dizon—na hindi na natin sila makikilala nang lampas o kulang pa rito. Ayaw natin silang makilala sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Sila ay sila lamang, dahil sa pagiging sila kaya tayo nagiging tayo. Pero tayo na may kakulangan at kalampasan ay hindi rin naman kayang punan ng sobra-sobrang familiaridad at maging pagtangkilik ng sila. Kaya muli’t muli tayong tatangkilik dahil wala namang nasa labas nitong sistema ng produksyon at konsumpsyon sa kulturang popular sa kapitalismo. Titigil lamang tayo pamandali para tunghayan ang reimbensyon ng ating komoditi--halimbawa, naging baligtad na ang bote ng ketsup o naging tv icon at hindi na pelikula ang konsentrasyon ni Sharon Cuneta, o may iba nang sikat na gusto nating maka-identify—pero kailangan pa rin natin sila. Ginawa na tayo ng sistema na mga addict sa komoditi. Hindi na tayo mabubuhay nang wala sila, hindi tayo magiging ganap. Magiging hayag ang kalungkutan ng ating sariling mga buhay. Alin ang mas matimbang: ang manipis na kasiyahan ng pagtangkilik at pagsamba, ng pagpapakaalipin at walang katapusang pagtratrabaho, o ang mundo ng nakamamatay na kalungkutan, walang sinasamba at walang sumasamba?
Ginagawa ng kulturang popular na burgis ang anakpawis, at ang burgis na may katanggap-tanggap na aspekto ng buhay anakpawis. Nagiging bourgeoisified ang panlasa, pag-iisip at pagkilos ng lahat. Magwawala ang musmos kapag hindi ito naibili ng bagong laruan, magnanakaw ang teenager kapag hindi ito makabili ng cellphone, magtatampo ang lolo kapag hindi ito napasalubungan ng kanyang paboritong hamburger. Ikamamatay natin dahil ginawa na itong bahagi ng ating sistemang siyang nagdetermina ng ating hangin na ihihinga, ice cream na magbibigay ng ngiti sa ating mga labi, matikas na lalakeng mag-a-arouse sa atin, tissue paper na dapat ipamunas sa ari kapag kailangang umihi sa liblib na mga lugar, at kung ano-ano pang ginagawang kailangan natin kahit hindi naman. Kailangan natin, sabi nila, pero pinili rin naman nating gawing kailangan. Ang voluntarismo ay hindi naman absoluto—hinikayat at dinahas tayo para gawin natin ito ng kusa, kundi man ng lubos.
No comments:
Post a Comment