Kakatwa na ang iniikot na Revitalized GE Program ay gumagamit ng retorika ng globalisasyon at ng lohika ng neoliberalismo. Hindi naman ito hiwalay sa lohika ng pagpapasulpot ng bagong pondo sa isang state university, tulad ng planong IT park sa Commonwealth area o ng pagtaas ng tuition fee sa mas “realistiko” nitong antas. Tulad sa pambansang kalagayan, wala pang materyal na infrastrukturang nakahanda para sa isang globalisadong bisyon ng GE.
Ang kasalukuyang reimbensyon ng GE ay nakasadlak sa idea ng “choice not prescription.” Tila maganda ang inobasyong ito, pero umaakma sa neoliberal framework. Ang mga kolehiyo ay bukas sa kompetisyon sa pagko-corner ng GE audience. Bawat kolehiyo o departamento ay may kakayanan nang mag-offer ng GE courses.
Maigting ang reliance ng ganitong reimbensyon sa market forces. Ito na ang magtatakda ng demand, at sa gayon ng supply, ng GE courses. Ipinaloob sa dikta ng free competition ang mga kolehiyo. Sa simula, tila maganda ang idea dahil liberal na ipinagpapantay-pantay ang mga value at kritikal na perspektiba ng mga kolehiyo. Sa kalaunan, nalulusaw ang produktibong aspekto ng nasyonalismo, kahit pa inilugar ito bilang isa sa tatlong pamantayan ng GE courses.
Ang kalakaran ng pagtakda ng GE courses ay gumagamit ng pagsasaklaw sa dalawa sa tatlong pamantayan. Ibig sabihin, maaring makapagtapos ang isang mag-aaral ng hindi nababahiran ng pamantayang nasyonalismo. Dagdag pa, ang nasyonalismo ay binabalanse sa internasyonalismo, isang 1960s call para sa international solidarity ng mga aping sektor pero isang 2000 turn sa globalisadong ekonomiya.
Saan ang tunay na puwang ng kritikal na pagka-Filipino? Lalo pa nga’t hindi pa lubos ang proseso ng pagbibigay-definisyon at substansya nito ay itinatalaga na natin ito sa isang market ng free competition?
Ang proposal ay isang uri ng privatization dahil iniaasa sa spesyalisasyon ng guro ang mga posibilidad ng GE courses. Pero gagawin ba ito ng senior faculty, lalo pa nga’t bumibigat ang demand sa kanya ng university sa academic excellence gayong gumagaan naman ang kanyang take-home pay? Hindi ba’t, tulad sa kasalukuyan, ang GE courses ay itinuturo ng mga batalyon ng junior faculty na subjected sa kawalan ng item at tenure, maliit na pasahod, at mabigat na committee at academic load? Sa isang nakakalungkot na ngang kalakaran na maraming faculty ang nagsasagawa ng consultation work, hindi kaya, sa huli, ang GE courses ay tumutugon sa privatized interest?
Kung gayon, itong neoliberalismo sa ekonomiya ng pamamalakad sa Revitalized GE Program ay suwabeng dumadaloy din sa partikular na neoliberalismo sa edukasyon. Sa neoliberalismong ito, may reliance sa kapasidad ng indibidwal na hulmahin ang kanyang sarili, at tumanggap sa pluralidad at multiplisidad ng opinyon at kaalaman.
Ano na ang “tatak UP” sa ganitong proseso? May reliance din sa faculty na ipalaganap ang adhikaing ito pero binubuwag naman sa kanila ang fantasya at materyalidad ng ganitong bisyon. Sa pagdaan pa ng panahon, kung matagumpay na magiit ang programa, maaring wala nang historikal na ugnay (tatak UP) na maipapagpatuloy. Tayo’y magiging isa na lamang peripheral na university sa isang globalisadong ekonomiya. Samakatuwid, ang negligible emphasis sa “tatak UP” ay isang abdication ng historikal na misyon ng UP bilang pangunahing state university ng bansa. Sa pagitan ng dalawang naturang posisyon, mas kinikilala ng Unibersidad ang globalisadong diin.
Ang neoliberal na edukasyong ito ay isang uri ng deregularisasyon. Mga departamento at kolehiyo na—na sa unang instance ay hindi naman pantay ang playing field—ang magtataguyod ng imbensyon at proliferasyon ng mga kurso. Maging ito ay isang fallacy din, dahil sa huling instance naman, mga estudyante ng GE ang pipili ng kanilang magiging kurso. Neoliberal ito dahil populist ang stand—ang mga mananatili at marereproduce na GE courses ay yaong mga popular dahil popular ang guro, popular ang paggragrado, popular ang pangalan at laman ng kurso, popular ang kolehiyo. Hindi ito, sa pangunahin, magiging popular dahil sa etikal na isyu na mayroong substansya tungo sa kritikal na pananaw at pagtataya, lalo pa nga’t may paghubog sa pagiging UP bilang ahensya ng panlipunang pagbabago at transformasyon.
Ito rin ay isang uri ng komersyalisasyon. May karagdagang lab fees at production fees para sa mga kursong popular. Wala namang lubos na inaasahan sa administrasyon. Ang pagtataas ng fees ang kakailanganin para sa dagdag na gastos sa expansion ng facilidad ng mga popular na kurso.
Ang proposal at iba pang nagaganap ay isang “worlding ng UP” o kung paano ito inihahanda—binibigyan ng sustansya at substansya—para sa isang bisyon ng mundo. Batay sa maraming pambansang polisiya hinggil sa globalisasyon, wala pang kahandaan ang bansa sa lakas ng global na pwersa. Ni walang safety nets o social issues na ipinapaloob sa globalisasyon, hanggat hindi ito hayag na nagiging malaganap o hanggat mapapagtakpan pa ang peryodikong krisis na partner nito. Bakit napakainteresado ng Unibersidad na ipaloob tayo sa globalisasyon? Na para bang, tulad ng pambansang gobyerno, nandito na ito at wala na tayong magagawa pa? Hindi ba’t isyu ng governance ng Unibersidad kung saan tayo dinadala o kinakaladkad nito, sa ayaw at gusto natin? Bakit patuloy nating binibili ang tinagurian na ng kanluran bilang “free white middle-class democracy”?
Paano ba bibigyan ng Unibersidad ng politikal na ahensya ang mga mag-aaral na hinuhulma nito? Ang kaibahan ng UP graduate ay ang kapasidad nitong maging accountable at responsible sa mas maraming mamamayang hindi nakapasok sa institusyong ito. Sa kanya iniaasa ang makabuluhang transformasyon ng lipunan at bansa. Pero hindi ito ang usaping itinatakda ng kasalukuyang Unibersidad. Walang pagtatalo sa usaping ito. Ang itatanong sa ganitong kritisismo ay saan sustenidong kukuha ng pondo? Kailangang ibalik ang usapin ng pondo sa estado. Hindi nakakatulong na ang bisyon ng estado ay sinasalamin ng Unibersidad. Tulad ng GE program, ang hamon ay nakapaloob sa pagpapabuti ng produktibong elemento nito tungo sa nasyonalista at maka-mamamayang edukasyon. Ang atas sa atin ng kasaysayan ay ang pagpapabuti ng kalagayan at kagalingang makabansa, bago pa man buksan ang ating pwesto sa lahat na nagnanais dumayo.
No comments:
Post a Comment