Napanood ko kamakailan ang The Perfect Storm. Ito’y isang pelikula tungkol sa kapitan at manggagawa sa isang fishing vessel na nagnanasang mapabuti ang lagay ng kanilang mga buhay. Pumalaot sila sa mas malalayo’t masasaganang lugar ng pangingisda. Nakaengkwentro sila ng kambal na bagyo na lumikha ng mas malaking sigalot.
Sumugal sila, lahatan o wala. Kapag umikot sila sa bagyo, masisira ang kanilang huli. Bumigay na ang makina ng yelo, mabubulok ang mga isda. Kapag dumiretso sila, maari silang mamatay. At dahil puro sila macho na nanghihinayang sa kauna-unahang masaganang huli matapos ang matagal na panahon, inisip na lang nilang pumagitna sa bagyo.
Ang pelikula’y naglarawan ng produksyon ng sentimentalidad sa kapitalismong kaayusan. Sa aking palagay, ang patuloy na produksyon ng sentimentalidad ang nagsisilbing adiksyon ng mga nasa ibaba para pagbutihin nila ang kanilang pwesto sa lipunan. Di ba ang sentimentalidad na lamang ang siyang nagpapanatili sa isang manggagawa sa abang kondisyon ng kanyang trabaho—mababang sahod, mabigat na gawain, mapanupil na kaayusan, at iba pa?
Tayong mga guro’t kawani ng U.P. ay nakapaloob din sa ganitong predikamento. Sa ating indibidwal o grupong pagkilos, naipapanatili sa atin ang pangangailangan sa patuloy na produksyon ng sentimentalidad. Halimbawa na lamang, isaalang-alang natin: sino sa atin ang kayang i-off ang isip at utak, isipin na ang ating ginagawa ay trabaho lamang?
Hindi ba’t kahit tapos na ang klase ay iniisip pa natin ang mga katanungang hindi nasagutan o kung paano mas angkop na natugunan sana ang kahilingan ng kondisyon? Maging ang pananaliksik sa dis-oras ay bahagi ng sentimentalidad. Hindi naman kailangan. Pero dahil may naidrowing na larawan ang U.P. ng ideal na skolar, nakikipagpatayan tayo para sa mga ninanais na resulta. Sa kalaunan, ang ipinakikibaka natin sa harap ng kompyuter ay ang ating inaakalang karapatang kamkamin ang ideal na imahen.
Sentimental lamang ito. Pero dahil ito ang undercurrent ng ating angst sa trabaho, hinahayaan natin itong maging dominante. Tulad ng creature sa The Blob na lumalamon ng lahat ng bagay sa kanyang daan na siya niyang ikinalalaki, ang sentimentalidad ay may kakayahang mag-ugat at magsanga sa idealismo. At ang kakatwa rito sa idealismo ay ang pagiging mito nito. Ang anumang bagay na inaakalang ideal, sa huli, ay hindi naman lubos.
Nagbukas ang pelikula sa pag-pan ng camera sa isang talaan ng mga pangalan at taon sa loob ng isang hall. Patay-bukas ang liwanag dahil sa kidlat sa labas. At dito rin nagtapos ang pelikula, sa mala-Titanic na orkestral na musika at muling pag-pan ng camera sa mga bagong pangalang nadagdag. Sila na nga itong mga nakipagsapalaran sa at natalo ng bagyo.
Bakit handang mag-alay ng buhay ang mga lalakeng manggagawa sa ngalan ng kapitalismo? Maraming kadahilanan ang inilahad ng pelikula. Sa personal na antas, ito ang magdudulot sa kanila ng temporal na kasaganahan sa mga problemang kawing sa kapitalismong kalakaran. Halimbawa nito ang alimonya sa anak ng diborsyadong manggagawa. Maari rin sa indibidwalistang pananaw. Ito na ang nakagawian, wala nang ibang alam na kakayahan. Halimbawa nito, ang karakter na pinipigilan ng kasintahan. Wala na siyang alam na ibang kayang gawin.
Maari naman, para sa kabutihan ng komunidad. Papaliit na ang huli, naghihirap na ang isang bayang nasa pangingisda ang tradisyonal na negosyo. At maari rin naman, dahil nababawasan ang pagkalalake. Ang kapitan ay paratihang natatalo sa produksyon ng isda ng babaeng kapitan ng ibang barko.
Sa mga naturang dahilan, walang nakakasapat para makipagsapalaran ang buhay sa bagyo. Pero sino tayo para humusga? Bawat isa’y na-internalize na ang kapitalismong sistema sa sariling mga katawan at pagkatao. Gagawin nila ang lahat sa ngalan ng pagpapabuti ng kanilang lagay.
Sa huli, ang anumang pagpapabuti ng indibidwal na lagay ay hindi nakakasapat sa pamantayan ng kapitalismo. Kaya nga patuloy ang produksyon ng sentimentalidad.
Kaya nga patuloy tayo sa mga overload at extra-income generating activity. Patuloy tayo sa pananaliksik. Nagkaroon tayo ng taliwas na nosyon na ang pagpapakadakila ay glorious. Nagkaroon tayo ng sakit ng nostalgia, hindi tayo makaagpas. Marami tayong produksyon pero hindi naman tayo nagkakasanga’t nakakapagbigay-lilim sa iba.
Sa huli, ang pangalan natin ay invisible na nadagdag sa talaan ng buhay na nanilbihan, pero natalo, sa pwersa, mapabagyo o institusyon man.
No comments:
Post a Comment