Noong bata pa tayo, ang pasko ay isang malaking kasabikan. Bawat araw na lumipas ay nagdadagdag sa hiwaga at kulminasyon ng pasko. Ngayon tayo'y tumatanda na, ang pasko ay naging isang malaking agam-agam (anxiety). Ano ang nangyari sa pagitan ng kasabikan at pag-aagam-agam?
Sa pagtungo sa pagtanda, naging skeptikal na tayo. Skeptikal na hindi naman totoo ang pasko, lalo na si Santa Claus. Skeptikal na isa lamang itong bahagi ng sikliko ng buhay natin at ng lipunan. Skeptikal na wala naman tunay na transformasyong mangyayari.
Parang naalaala ko noong bago ako magtrenta anyos. Puno ako ng agam-agam. At nang dumating ang mismong araw, mabilis lamang itong lumipas. Ganoon lamang pala. Ang mga agam-agam ang tila mga indibidwal at kolektibong balakid-literal man, virtual o psyche lamang-sa napipintong pag-agos ng pang-araw-araw na buhay. Dito ko nauunawaan na ako ay isang puso lamang na lulutang-lutang sa malawak na karagatan.
Pero kakaiba ang paskong darating. Ito ay nababahiran ng isang historikal na kaganapan. At alam na natin kung ano ito, huwag nang mag-maang-maangan pa. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may impeachment trial ng pangulo na magaganap. At ito ay tunay na nakapagdaragdag ng agam-agam sa ating kolektibong pagkatao.
Parang iniisip ko, paano ba magpasko kung may kaguluhang nagaganap? Sa isang banda, hindi naman titigil ang pagdating ng pasko. Sa kabilang banda, paano ba maging masaya, munawain at mapagpatawad sa pasko kung hindi naman lubos na tinatamasa ng mga tao ang ating grasya?
Wala pa tayong kompiyansa sa di-pantay na demokratikong proseso sa bansa. Ngayon pa lamang ay may pronouncements na ng "not guilty" ang ilang mga ka-partidong senador ng pangulo. Patuloy pa rin pinapaigting ang protesta, lalo pa para sa resignasyon ng pangulo-na ito man lamang ang kanyang una't huling magnanimous na akto na gawin para sa kanyang mahirap, at higit sa lahat, para sa kanyang pinahirapan.
Magkakaroon ng mabilis at malawakang paglaganap ng kultura ng agam-agam dahil ito ay televised. Talo na ang pang-araw-araw na twists-and-turns sa Marimar at Saan Ka Man Naroroon. Kahit nakaupo lamang, talo ang kinetisismo ng aksyon at salita sa Dragonball Z at iba pang anime.
Inihanda na tayo ng iba pang mga pagkakataon para ma-cue in sa naratibo ng saga ng pangulo. Live telecast ang news conference ni Singson Chavit ukol sa kanyang jueteng expose. Gayundin, pati ang kanyang hearing sa Kongreso at Senado ay napanood nating lahat; pati na ang hearing ng iba pang taong kanyang sinasambit. Isang golden moment sa television broadcasting ang ginawa naman ng dating speaker Villar sa pasigaw at mabilisang pagpapasa ng impeachment case ng Kongreso. Kasado na ang dalawang major television networks para sa matagalang coverage.
Sinasabi na kaya hit ang telenovela format ngayon sa bansa ay sa dalawang bagay. Una ay ang mabilisang pacing ng action nito. Bawat araw na pagkaligtang manood ay mga kwento ng pagtataksil, pagmamahal, pagkatuluyan at pagkasirang mananatili na lamang dumaang lihim. Ikalawa ay ang identifikasyong nabubuo sa pagitan ng mga kaganapan sa buhay ng tauhan at ng manonood. Lahat ay nagnanais maging Rosalindang makakamtan ang kanyang kaligayahan kahit na tila hindi ito gayon sa simula.
Ang dalawang naturang katangian din ang siyang magtitiyak na mayroong patuloy na interes ang mamamayang manonood sa kaganapang pambansa. Tila ito ang reality imitating art. Ang dating napapanood natin sa court room drama na may subplots ng mga kerida at ill-gotten wealth ay ngayong ipapanganak bilang isang political melodrama. At sa konstitusyon ng ating mga senador at maging ang direktang partisipasyon ng pangulo ang magtitiyak na ito ay may elemento rin ng komedi.
Ang televisual component ng coverage ang sustenidong magpapalaganap ng spectacle ng pambansang okasyon. Ito ang isa sa madalang na pagkakataon na lahat tayo ay hindi makakahinga, tataas ang presyon at iinit ang mga ulo. Dahil sa isang iglap, lahat tayo ay mayroong iisang balon ng imahe at tunog na pinaghahalawan. Pati ang ngisi ni Chavit ay nakikita habang namimilipit sa pagsagot si Atong Ang. Pati ang kibit ng bibig ni Estrada ay makikita habang siya ay nagtatalumpati sa bansa. Hindi nagsisinungaling ang live na imahen.
At kung susuriin natin hanggang sa huli, ang ating mahihinuhua ay ang ating mismong agam-agam ang ginagawang televised spectacle. Ang pinapanood natin ay hindi lamang ang mga proseso ng impeachment ng pangulo o ang kaguluhang politikal sa bansa. Ang natutunghayan natin sa telebisyon ay ang ating mismong agam-agam na unti-unting nabubunyag at napupunan ng unti-unting pagbubunyag ng inaasam na resolusyon.
Ang Pilipino ay mahilig sa multi-genre na mga palabas. Halo-halo rin ang mga bida, na tinatawag na ensemble acting. At dahil ito ay pinaghalo-halong kung ano-anong samu't sari, ang tanging katiyakan ay ang kawalan ng katiyakan.
At dito nanggagaling ang kultura ng agam-agam. Saan tutungo ang lahat ng ito pagkatapos? Anong inaasahan na happy ending ang kahihinatnan ng lahat ng ating interes at debosyon sa pambansang telenovela? Bagamat ang formula ng anumang format ay pumapabor sa bida, lalo lamang umiigting ang agam-agam kapag ang inaasahang mangyari sa bida ay hindi maganap.
Sa simula ay malinaw na bida si Estrada. Sa maraming namulat na tao, naunawaan na mayroon siyang serye ng maling paghuhusga sa mga bagay na nagtaguyod ng kanyang personal na interes higit sa nakararami. Sa marami, ang tinitignan na masa, siya pa rin ang pag-asa sa paghango sa kahirapan. Sa puntong nawawala na ang kanyang suporta sa gitnang uri, si Estrada ay dumulog sa masa. Muli siyang naging visible sa kanila, namumudmod ng titulo ng karapatan sa kanilang lupa. Sa kauna-unahang pagkakataon siya ay naging working president. At tulad ng mga nauna sa kanya, media ang nagpahiwatig ng kanyang pagiging masigasig na pamunuan.
Media ang lumikha ng visibilidad ng pangulo sa panahong nais nitong lumikom ng kakaibang imahen sa sarili. Sa ngalan ng obhetibidad, tinutukan nito ang mga aktibidad ng pangulo. Muli na namang lumaganap ang imahen ng isang bangkaroteng pangulo na kaisa ng kanyang masa. Hindi maitatatwa na muli na namang bumenta ang imahen ng pangulo sa masang kanyang binibigyan ng pag-asa sa lupa.
Ambivalent ang instance ng reception ng nakararami kay Estrada. Pero malungkot man sabihin, hindi naman nakararami ang huhusga kay Estrada. Ang mga senador lamang para sa impeachment trial, at ang mulat na masa pagkatapos nito. Dahil matapos man sa isang paborableng desisyon ang kaso ni Estrada, hindi pa rin natatapos ang televisual na pagtutuos sa mamamayan. Kung ang EDSA Uprising ay isang radio-broadcasted na transformasyong panlipunan, ang susunod na transformasyon ay itetelecast sa atin ng telebisyon. Maari tayong nanonood lamang sa mga sala o maging subject ng telecast-ibig sabihin, kalahok sa pagbabago ng lipunan. Hindi pa rin natatapos ang ating kolektibong agam-agam. Pero gayunpaman, maligayang pasko na rin sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment