Sa pagdaan ng panahon, marami pa palang pagpipilian.
Sa grocery, lampas-lampasan ang shelves ng kendi at tsokolate.
Alin ang mas mainam, ang karanasang may lalim sa isa o ang karanasan sa marami. May karanasan din ba sa multiplisidad ng karanasan?
Kung ano ang bago, bawal at kasalukuyan ay idinidikta ng namamayaning kaayusan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng combo meal—sapilitan sa isang banda, panghihimok sa kabilang banda. Habang nilalatigo, winawater-cannon o trinu-truncheon ka sa U.S. Embassy, halimbawa, para bigyan-diin sa iyo ang bawal, binabaha naman ang groseriya ng Chips Ahoy at corned beef, rumaragasa naman ang kabayo ng cowboy sa Grand Canyon at iniiyakan ka ng anak o pamangkin mo para bilhan siya ng kiddie meal na may kiddie toy sa McDonald’s. Maari ka ring bigyan ng Fulbright scholarship, gawing bagong pensionado para palaganapin ang gospel ng American dream sa iyong pag-uwi.
Ang bago ay hindi luma gayong ang bago ay hindi bagong-bago. Nanggagaling pa rin ang bago sa tradisyon ng nauna sa kanya, ng luma, pero hindi lumang-luma, lumang bago o bagong luma lamang. Ang bawal ay hindi yaong hindi pwede gayong walang bawal na bawal dahil may gumagawa pa rin nito kahit na ipinagbabawal na hindi ibig sabihin ay pupuwede naman pero dahil ito ay pwedeng ipagbawal at ipinagbabawal na pwede, marami-rami pa rin ang nagtre-trespassing sa ipinagbabawal na teritoryo dahil may kasiyahan ang bawal na hindi matutumbasan sa kasiyahan ng puwede. Ang kasalukuyan ay hindi ang nakaraan at hindi hinaharap, ito ay ang kasalukuyang sandali na kapag lumipas ay hindi na kasalukuyan gayong hindi naman aabot sa kasalukuyang sandali kung walang naunang kasalukuyan o ang nakaraan, ang kasalukuyang sandali na kagyat na nagiging nakaraan ay parating in retrospect lamang iniisip—nagiging kasalukuyan ito dahil handa na ring maging luma sa sandaling ang hinaharap ay nakalampas na sa kasalukuyan, ang kasalukuyan ay naging nakaraan na naging imbakan ng lahat ng lumipas na kasalukuyan. Kung gayon, walang tunay na kasalukuyan dahil ito ay iniisip lamang sa nakaraan at sa hinahanarap. Bakit may kasalukuyan pa?
Sa pahayagan, ang balita kahapon ay pambalot ng galunggong na tinapa ngayon na magiging almusalan ng kung sino man kinabukasan. Hindi ibig sabihin na hindi naganap ang nakaraan. Sinasabi lamang na ang nakaraan ay produktong hindi na bumebenta sa kasalukuyan, na ang tanging silbi ay maghatid ng ibang balita kinabukasan—kung ano ang aalmusalin ng kung sino man. Bakit pa nagbabasa ng balita? At hindi ba ang balita ay paghuhuntahan lamang sa mas higit pang nakaraan na kaganapan? Sa paglipas ng araw at hapon ay mas masahol pa sa galunggong na hindi mabili-bili, hindi dahil sa kamahalan ng presyo nito kundi dahil habang nagtatagal ay lalong nagiging malansa at bilasa na ang balita. Kaya ginagawang tinapa para sa hapag ng kung sino man. At ang kung sino mang kakain nito ay walang balita kung paano nakarating sa kanya ang tinapang galunggong. Tulad ng magic, nanggaling sa paghihirap ng kung sinong taong binabayaran niya para mamutik ang mga paa sa pamamalengke at matilamsikan ng mantika ang mga braso habang nagpipirito. Kung sino ang kakain ng tinapang galunggong ay tulad ng diyaryong mismong pinagbalutan nito—nanlilimahid na rin sa kalumaan at kawalang silbi maliban sa pagiging pambalot ng abang tinapa, na ginagawang tinapa hindi dahil mahal ang galunggong kundi dahil tuluyan nang naging bilasa at malansa na ang tanging silbi na lamang ay gawing tinapa o tuyong daing. Kung sino man ang kakain ng tinapang galunggong ay nanggigitata rin sa mismong embalsamadong isdang kanyang inaalmusalan. Siya na drakula sa tao ay ginagawang drakula ng mga nagnanais bumenta sa kanya.
Kayrami pero wala kang mapagpilian. Nagtratrabaho tayo at ito ang investment sa atin ng mga kompanya at industriya ng kulturang popular. Hindi biro ang ginagawa ng telecommunications company, halimbawa, na kumuha ng dalawang full-page, color ads sa pangunahing diyaryo araw-araw. Dagdag pa rito, ang kanilang promo sa malls at events. Dagdag pa rin dito, ang kanilang mga komersyal sa mga pangunahing palabas sa telebisyon—araw-araw. Hindi pa isinasama rito ang multi-bilyong piso na capital outlay para sa kanilang cell sites, underwater cables, hardware at iba pang infrastructures. Paano ka namang makakatakas sa pressure na magka-cellphone o imentina pa rin ito, kahit pa hindi lubos na kaya ang gastos sa konsumpsyon nito? Dahil kung iisipin naman natin, walang mamamatay kapag walang cellphone. Kailangang ipaalaala sa atin ng industriya ng kulturang poular na vital itong komoditi. Kung iisipin natin, tanging ang nasa bundok na lamang, ang mga nasa liblib na lugar, ang walang kontak sa advertising at mass media ang hindi pressured umalinsabay sa constructed na pangangailangang ito. Pero maging ang ilang mga katutubo at mga NPA (New People’s Army) ay wired na rin. Madalang na rin naman na ang purong labas. Nagkakaroon na rin ng daloy ng loob at labas, ng mataas at mababa—sa pamamagitan ng kulturang popular.
Ang kulturang popular ang pangunahing lagusan ng transnasyonal na kapital. Hindi lang sa Pilipinas nagaganap ang telecommunication revolution. Nagaganap din ito sa lahat ng panig ng mundo, pero penomenal ang pagtanggap ng developing countries sa ganitong larangan at negosyo ng teknolohiya. Ang mga pangunahing kompanya ng cellphones sa bansa ay may backing ng mas higanteng global na korporasyon. Hindi rin aksidente na nagaganap ang lokal sa global na pagbabago ng ekonomiya. At ito ang biyaya sa atin ng globalisasyon—mas madaling magkaroon ng linya ng telepono. Kulang na lamang ng dose oras para makabitan tayo ng linya ng cellphones o isang working day kapag landline. Nagiging di kapanipaniwalang alaala na lamang ang panahon na nag-aantay ng
Ito rin ang sumpa. Bagong teknolohiya, bagong produkto, bagong pangangailangan. Ang walang cellphone, hindi “in.” At walang gustong maging “out” forever, pwera na lang kung openly gay ka. Pero ibang kontexto naman yon. Ang ginagawa sa ating inclusion at exclusion ay halaw sa ating relasyon sa sarili at iba pang pangunahing institusyong kinabibilangan ng panggitnang uri, tulad ng pamilya, skwelahan at pamayanan. Dahil salat naman ang mga entidad na ito, ginagawa na lamang ideal ang nais nitong maipalaganap. Sa maraming pagkakataon, nakikilala natin ang ating sarili na dehado kung ikukumpara sa standards na sinet ng mga institusyon. Paratihan tayong kulang, paratihan tayong mangangapa sa ere, paratihan tayong magiging sunod-sunuran hanggang sa puntong may materyal na batayan na tayo—kahit manipis at kulang-kulang pa rin—at makakabili na tayo ng sarili nating identidad. Matatangkilik na natin ang ating sarili sa pagtangkilik natin sa mga produkto at komoditi. Ang extensyon ng ating sarili ay ang mga komoditing ating tinatangkilik. At dahil hindi naman natin matatangkilik ang lahat, paratihan tayong kulang, paratihang said pa rin ang komoditing ating pinili bilang self-extenders.
Kaya sa liberal na demokrasya, susubukan natin ulit. Sa kapitalismo, titiyakin nating maging panggitnang uri o lampas pa rito. Nagkakaroon tayo ng fantasy-ideal na makakapagpabuti sa ating mga sarili, kahit hindi paratihang happy ending ito. At para malaman ito, ang karumal-dumal ay patay na tayo. In hindsight lamang nating matutunghayan ang kabuuan, at imposibleng matunghayan ang pinaka-kabuuan dahil hindi natin alam kung kailan tayo kukuhanin ni Lord. Kaya ang ating pagbabalik-tanaw sa buhay ay periodikong temporal lamang. Sa maiikling panahon lamang tayo nakakapagnilay sa ating mga ginawa’t pinili. Kahit pa nga ito ay hindi rin lubos. Tulad ng uso sa fashion, ni hindi mo na nga pinag-iisipan ang paradigm shifts. Mas hindi kumplikado ang pagsunod na lamang sa daloy, kung saan tayong istilong dadalhin at patatangkilikin. Mas less stressful kung sumunod ka na lamang sa daloy kaysa huminto at hadlangan pa ito.
Maari nating isipin ang negosyong kalahok sa media para maunawaan kung paano mas swabe kaysa hindi na ipinapatanggap sa atin ang mga pagbabagong ating tatangkilikin. Sa media, partikular sa news at public affairs, ang pagbabalita ay ginagawang tila isang benevolent na aktibidad ng korporasyong kalahok dito. Tila ba buhay ng kanilang field reporters ay handang ialay para matunghayan natin ang mga lindol, pagbaha, pagputok ng bulkan, storming ng Malacanan at impeachment trial. Sa maraming pagkakataon, hindi sila kaagad kumikita mula rito. Walang advertisements sa panahon ng araw-araw na anim na oras na coverage ng impeachment trial ni Estrada. Pero wala silang magawa dahil ito ang gustong tunghayan ng mga tao. Tulad ng coverage ng disaster, ang politikal na pangyayari ay hindi naman panghabang-buhay. Ito ay may temporal na katangian, panandalian lamang o may panahong kinakailangan lamang bago ito kailangan na muling kalimutan.
Ang balita ay kumikita rin. May sandamakmak na komersyal sa mga balita sa primetime. Maging ang hourly updates ay sponsored ng kung ano-anong brand ng mami, sabon, shampoo at bitamina. At kailangan itong balita para tangkilikin natin ang iba pang palabas—mula anime hanggang telenovella, game shows hanggang pelikula sa telebisyon, at iba pa. Pwera na lamang kung National Geographic o Cartoon Channel ang pinapanood mo, ang balita sa pangunahing telebisyon ang siyang rasyonal kung bakit may mga regular na channel. Kailangan nilang gawin ang hindi kayang gawin ng iba pang cable channels, ang paghahatid ng pinaka-up-to-date na balita. Bakit, maasahan mo ba sa E o CNN ang regular na balita tungkol sa pagkakulong kay Estrada o ang mga pang-araw-araw na biyahe at mensahe ng kasalukuyang pangulo? Mababalitaan mo ba sa cable channels ang periodikong denial sa sexualidad, pagbubuntis, pagpapa-abort, paghihiwalay at bagong pakikipagrelasyon ng mga lokal na artista?
Ipinapadaloy ng balita sa telebisyon ang ating pagtangkilik sa araw-araw na komoditi ng kulturang popular. Ang komersyal ng mami sa prime-time na balita ay isinasagawa dahil sa katumbas na oras ng hapunan. Ang mga iba’t ibang produktong pambahay at pampamilya sa mga komersyal sa telenovella ay panghatak sa mga inang pangunahing nanonood nito. Ang daloy ng prime-time na balita sa susunod na telenovella ay pagdaloy ng pambansang anxiety sa mga domestikong saga ng babaeng bida. Daloy ang pangunahing proseso ng pagkilala, familiaridad at pagtangkilik natin sa mga produkto. Ipinapamukha sa atin ang mga larangan ng ating panlipunang buhay para gawing kulang, para remedyuhan ng isang daan at isang produkto. Sa proseso, ang pagkilala sa pangangailangan ay pagkilala sa produkto, na maghahatid ng familiarisasyon, na magdudulot ng pagtangkilik, kundi man aktwal na pagbili ng produkto. Dahil nga hindi naman tayo nauubusan ng pangangailangang pampunan sa ating primordial na kakulangan, lahat tayo ay mga balong pinahahalawan ng kolektibong kakulangan ng mga industriya ng kulturang popular. Ang ating pagtangkilik ay paratihang hindi nakakasapat. Ang sobra ay nananatiling kulang kahit ang kulang ay punan ng sobra-sobra.
3 comments:
ano po bang kahulugan ng prime meridian,ng globo,ng grid, ng date line,ng tropic of cancer,ng tropic of capricorn,ng ekwador,ng longhitud,ng latitud??????????????????
Pakisagot naman po... kailangan lang talaga... ano po ba ang kahulugan ng grid sa globo o kahit sa mapa??? Tnx!
ano po bang kahulugan ng prime meridian,ng globo,ng grid, ng date line,ng tropic of cancer,ng tropic of capricorn,ng ekwador,ng longhitud,ng latitud??????????????????kasi po takdang-aralin namin yan...
Post a Comment