Tuesday, June 13, 2006

Ang Tsokolate, Gaano Man Katigas Paglabas ng Ref, Nalulusaw Din sa Araw (Introduksyon-Vol. 6-Lalaking Pin-up, GRO at Macho Dancing)

Introduksyon sa Serye ng Libro:

Ang Tsokolate, Gaano Man Katigas Paglabas ng Ref, Nalulusaw Din sa Araw (Para sa Vol. 6—Lalakeng Pin-up, GRO at Macho Dancing)

Mahirap maging lalake sa edad ng globalisasyon. Kinakailangang lamunin mo ang pride mo at magtrabaho ng hindi maka-lalakeng gawain para kumita—magpaganda at mag-gym para makapagshowbiz, magmodelo, mag-callboy para madagdagan ang kita, masayaw ng hubo’t hubad naghuhumindik na harap sa club, mag-GRO (guest relations officer), mag-hosto, mag-midwife o nursing para makapag-abroad. Hindi rin maganda ang kondisyon ng kababaihang mas nagnanais ng kanyang tradisyonal na kakanyahan—magtrabaho sa pabrika at magluto ng hapunan para sa pamilya, maging bold star, dancer sa club, magtinda ng banana cue para magkaroon ng dagdag na kita, iwan ang pamilya at mag-OCW (overseas contract worker), maging breadwinner ng pamilya. Napapasulpot ng globalisasyon ang mga bagong identidad na kakailanganin nito para sa higit pang pagtataguyod ng serbisyo at kultura nito.

Lumantad ang mga figura ng comfort women, lalakeng pin-up, macho dancer, dance instructor (DI), Filipina (domestic helper), hosto at trainee (subcontracted labor) sa Japan, Japayuki, crew sa fastfood, OCW at kung ano-ano pa sa huling tatlumpung taon ng pambansang kasaysayan. Matuwid na may malawakang nagaganap sa material na kondisyon ng pagsasabansa na nagpahintulot ng pagsulpot ng mga bagong identidad. Hindi kakatwa na ang mga bagong identidad ay produkto ng intensifikasyon ng karanasan sa globalisasyon sa bansa. Dahil ang mismong bansa ay dumanas ng reimbensyon ng sariling burukrasya para tanghalin itong pangangailangan sa bagong identidad—pagsulpot, halimbawa, ng POEA at OWWA para sa OCW at iba pang transnasyonal na identidad, labor attaché at tourism officer sa mga embahada, dagdag na personel sa pulisya para sa monitoring ng sex workers at peripheral na identidad, MTRCB para sa pagpolisya ng visualidad, at iba pa.

Ang nagaganap ng impetus para sa pagtatanghal ng bagong identidad ay integral sa proyekto ng nation-building na umaasa sa paggawa ng mga bagong identitad para sa karagdagang kita ng finansyal at moral na pagkabangkarote ng estado. Walang efektibong population control program na umaakma sa sexualidad at relihiyosidad ng Filipino. At hindi ito aksidente, o dikta lamang ng simbahan. May pangangailangan ang politikal na aparato na lumikha ng napakaraming naghihikahos—at kalimitan ay mangmang—bilang masang lehitimasyon ng mga tradisyonal na politiko. Walang tunay na reforma sa edukasyon para angkupan ang pambansang pangangailangan maliban sa yaong makakapagpalabas pa ng mas maraming OCW na magbabalik ng dolyar at foreign currency sa bansa. Walang tunay na proteksyon para sa kanila dahil kinakailangan silang maging docile sa ultra-competitive na market ng OCW, na kay dali silang palitan ng iba pang nasyonalidad na mas behave.

Ginagamit ang masang naghihikahos sa lehitimasyon ng paghihikahos ng estado. At walang pakundangan kung magsayaw ka ng pandango sa ilaw o tinikling na nakabikini sa winter weather sa Osaka o mag-ahit ang lalakeng hosto ng kanyang kilay, magkulay ginto ng buhok para makakubra ng lapad sa mga babaeng kliyente, karamihan din naman ay kababayang entertainers. Ang lalakeng nangangailangan ng pera, mauutusan mong gumawa ng kahit ano. Tulad ng mga katulong sa bahay, ikaw man ang bayaran ng P50 kada araw, papayag ka bang gawin ang mga ipinagagawa mo sa kanila, kasama na ang pagiging nasa beck-and-call mo. Maririndi ka sa sarili mong pagkatao. Ang guwapong lalake napapasayaw mo nang hubo’t hubad sa entablado. Ang guwapo ngang lalakeng mayaman na may baon lamang ambisyon ay nase-seduce pa ng prospective agent nito na magpa-VTR habang hinihimas ang ari nito. May presyo ang lahat, pati ang pagkalalake.

Natutunaw ang matigas na tsokolate. Sa isang banda, tila nababawasan ang pribilehiyo ng pagkalalake dahil sa malawakang feminisasyong nagaganap. Sa kabilang banda, integral lamang ang feminisasyon ng pagkalalake, ang pag-adapt niya rito, para muli nitong mariimbento ang sarili nitong pribilihiyadong status. Nagiging hosto nga siya, pero ang pinaghuhuthutan naman naman niya ng yaman ay ang bored middle-class middle-aged Japanese wives na alienated na sa kanilang mga asawang lalake, at sa marami ring pagkakataon, ang kanyang kababayang entertainers na naghahanap ng fantasya ng romantikong pag-ibig sa piling ng familiar na kulay at hitsura ng kalalakihan. Nagiging GRO o dancer nga siya sa club sa Pilipinas, pero ang tumatangkilik sa kanya ay returning entertainers mula sa Japan o ang mga bading na may pera man ay wala pa ring palag sa mas makapangyarihang status ng ari ng nagtatanghal na heterosexual na lalake. Ipinapasa lamang ng lalake ang kanyang feminisadong kalagayan sa mas feminisadong entidad—ang historikal na pagkasantabi sa mga kababaihan, lesbiana at bakla, halimbawa.

Bakit nila ito ginagawa? May kahalintulad na dimension ang kwento nila sa naratibo ng mga babae sa entertainment work. Gusto nila ng mas mabuting buhay, kadalasan ay lampas sa sariling hangad, ang hangad na tumulong sa pamilya. At hindi naman kakatwang matalisod ang kwento ng may sakit na nanay na iniwan ng tatay, nagpapaaral ng limang kapatid, nagbabayad ng upa, kuryente, tubig at gas sa bahay, at iba pa. Dahil kung hindi ka naman kumirap at napunta sa land of Oz, ito naman ang realidad ng tipikal na Filipino household. Ginagawa ito para sa posibilidad ng materialisasyon ng pangako—ang aspirasyon ng mabuting pamumuhay bago maunahan ng paglubog sa kumunoy ng kondisyon sa paggawa at panlipunang relasyong kinapapalooban ng lalakeng entertainer.

Saan niya natutunan ito? Kahit wala na ang That’s Entertainment na isang wholesome show na nagluwal ng ilang henerasyon ng mga bold stars, macho dancers, lesbiana at bakla, marami pa ring palabas sa telebisyon at media na magpapatotoo sa kanyang hangarin. Naggraduate si Aiza Seguera mula sa cute na child star tungo sa butch na acoustic artist. Natunghayan natin si Ara Mina mula sa pagsasayaw ng folk dances sa That’s tungo sa paghuhubad sa bold films, tungo sa pagkapanalo ng acting awards. O si Patrick Garcia, mula child star tungo sa child actor tungo sa teenage star, tungo sa matinee idol. Sinusundan ang pagsundot sa pangarap. Tumatanda silang lahat na natutunghayan natin, makakaltas ang marami pero mayroon pa ring magpapatuloy ng causa ng Filipino dream—ang maging matagumpay sa showbiz.

Nagsulputan ang friendly neighborhood gyms na sa halagang P20 bawat ensayo ay maaring magkaroon ng matipunong katawan ang maraming jologs bilang pamumuhunan sa pagtratrabaho sa massage parlor, bars, kalsada at clubs; at kung papalarin, ang posibilidad na maging modelo at artista, na muling pamumuhunan—tulad ng kwento ng mga babaeng starlets—ng katawan at pakikipagsex sa mga taong nagmamagandang loob na tumulong. Katawan lang naman, walang mawawala sa pagkalalake, ang patuloy pa ring paniniwala. Sa isang banda ay may katotohanan ito; sa kabilang banda, sa moralistiko, humanistiko at maging sosyalistang pananaw, hindi gagawin ito kung mayroong pagpipiliin. In the meantime na wala, wala munang kokontra o makakapigil. Sa figuratibong antas, lahat naman tayo ay nagpuputa sa sistemang kapitalista. Ang kaibahan nga lamang ay may inaakalang angkop na lugar at panahon para sa lehitimong pagpuputa—opisina, 9 am to 5 pm, at iba pa—na hindi masasabing angkop sa iligal na pagpuputa.

Paano naging malawakan ang pagpuputa? Kailan ba naman ito hindi naging malawak? Hindi naman ito matumal, maging sa panahon ng ekonomikong kasiglahan dahil mas dinudumog lamang ang mga clubs at bars. At sa panahon ng krisis, ang mga historikal na naisantabi ang kinikilalang mayroong naitabi—tuloy ang ligaya sa lalake sa clubs at bars. Sa pisikal na antas, lalo pang nagiging guwapo at maskulado ang mga lalakeng pumapasok sa entertainment work—na hindi naman talaga hiwalay sa sex industry--sa panahon ng krisis. Mas maraming pagpipilian ang kliyente, at sa batas ng surplus labor, marami ang mapapayag gawin ang tila hindi nila gagawin kung mayroon silang pagpipilian. Mawawala ang hiya ng lalake, papahubad habang gumigiling, magbibigay ng oral sex, sa tamang halaga, tutulay ito sa alambre. Basta mayroong kakagat sa mga pisngi ng bawal na mansanas.

Hindi nga ba’t sa tradisyonal na sining ay nagpapaubaya ang mga kalalakihan para sa posibilidad na matuto mula sa masters? Natuto ang mga kalalakihan sa entertainment work na magkaroon ng McDonald’s o SM (Shoemart) personality, magiliw kahit ayaw nila, dahil kailangang suportahan ng personalidad ang katawan bilang atraksyon sa kapital. Disimulado ang personalidad—kinokopya ang pagkilos ng pera. Kung ano ang kliyente—born-again, parlorista, designer, TV host—maglalaro ang personalidad—ng kanyang attitude at persona—para umangkop sa inaasahan sa kanya. Siya ang temporal na butihing maybahay gayong siya rin ang inaasahang maging ideal na padre de familia, kahit hindi sa kanya nanggagaling ang yamang magpapatakbo sa affairs ng tahanan. Nagiging plastic ang lalake sa dalawang antas—nagiging itong artifisyal, pabalat-bunga, tulad ng Tupperware at nang sa gayon ay nakamit nito ang perfekto nitong estado—ang umakma sa anumang hulmahan.

Ang kanyang matipunong katawan ay aksesorya lamang—bagamat mahalagang aksesorya—sa kanyang designasyon bilang lalakeng puta. At bilang lalakeng puta, tulad ng beteranang puta, maari siyang maging kahit ano ang gustohin ng kliyente. Prolong the seduction, dahil hindi naman mahalaga ang destinasyon—ang sexual climax. Ang sa kliyente ay ang kapangyarihan na itong lalakeng kay guwapo at matipuno ay mapapasakanya, temporal man ay para siyang lalakeng macho rin na nagdadagdag ng conquest sa kanyang invisible na black book. Sa lalakeng puta, ang pagpuputa ay kapalit ng tamang halagang tutumbas sa kanyang inaakalang sexual na kapangyarihan, na maging ang kanyang pangangatawan ay instrumentalisado para rito.

Sa huli, ang katawan ng lalakeng entertainer ay insidental lamang. Basta naroroon, hindi kailangang pinakamalaki at pinakamatipuno. Ang crucial sa kanyang tagumpay sa sex at entertainment work ay ang personalidad na nagbabago at naglalaro sa anumang hulmahang nais paglagyan sa kanya. Ang katawan ay imahen lamang ng virile na pagkalalake na insidental lang dahil gagawin naman itong feminisadong entidad sa kanyang lalo pang paglubog sa entertainment work. Mutual seduction sa co-dependents. Ano pa ba naman ang mas perfektong relasyon?

Mapapasayaw ang tila nalalaos na lalakeng bida. Magmomodelo muli ng underwear sa fashion show ng brand na nagbigay sa kanya ng unang tagumpay. Kakanta ito kahit sintunado. Papatol sa mayamang bading na magpapapatol, maganda kung politiko dahil mas tahimik ang buhay. At itatanghal niya ang kanyang pagkalalake na sa bawat akto ng pagtatanghal ay lalo lamang nakikitang tila nababawasan o wala sa stable na posisyon, na siya ay binabayaran hindi para mag-sing at dance, pero para itanghal ang kanyang pagkalalake habang umiindak at lumalabas ang kung ano mang salita at tono mula sa kanyang bibig.


7 comments:

Anonymous said...

ang galing po ninyo.. isa po ako sa mga taga hanga niyo po.. gusto ko po ang mga ideya niyo at ang mga nalikha ninyong teksto. dahil sa likod ng mga textong iyong nalikha ay may kakabit na mensahe na nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng ating bansa..

Fishgills said...

Hi. Paalam lang ako sa paggamit ng artikulong ito para sa paghahanda sa klase. Tunay na maganda ang mga insights mo dito. Luna

ROLANDO B. TOLENTINO said...

salamat, luna sa iyong vote of confidence. inaabangan ko rin ang iyong bagong entries sa iyong blog. :) ganyan talaga ang tunay na magkababatang manunulat.

roland

lVlilo said...

hello po, gumagawa po ako ng paper, kaso hindi ko po masagot kung bakit bumaba ang macho culture ng Pilipinas at paano nabigyang daan ang feminity ngayong dekada. ano po ba ang mga factors na naaffect ang social change ngayon?

ROLANDO B. TOLENTINO said...

macho pa rin ang kultura sa pilipinas, ibig sabihin, patriarchal o kiling sa makalalaking kaayusan. na kahit babae ang nagiging pangulo at iba pang ofisyal sa bansa, ang kaisipang feminista ay malayo pa para lubos na matupad.

ROLANDO B. TOLENTINO said...
This comment has been removed by the author.
ROLANDO B. TOLENTINO said...
This comment has been removed by the author.