Ewan ko kung bakit ang association ko sa academic excellence ay nakapakat sa Asiaweek survey. Hindi nga ba’t may kasaysayan ng paglikha ng alingasngas ang taunang resulta—ang patuloy na pagdulas pababa ng UP sa ranking? Taunan, may kondemnasyon sa resulta, may pangako ng pagpapabuti, may resolusyon ng patuloy na kagalingan. Taunan din, dismayado pa rin ang pamunuan at burukrasya sa resulta.
Ang ganitong loyalty sa survey ay naka-focus sa bagong libidinal drive na gumigiya sa pamamalakad ng academic matters sa UP. Sa aking palagay, ang drive na ito ay ang globalisasyon, o ang pagnanasa (at ito naman talaga ay isang fantasy-ideal sa yugto ng ating materyal na kalagayan) na maging globally competitive ang UP. Kaya may proliferasyon ng kung ano-anong award na ang layunin ay iangat ang ratings at visibilidad ng UP researches at publications sa global na larangan.
Ang International Publication Award, Most Innovative Teacher Award, International Publication of Literary Works at Creative and Research Scholarship Program ay mga programang naglalayong parehong kilalanin at lumikha ng produktibong environment ng research at publication sa UP, pero batay pamantayan ng isang internasyonal audience.
May dalawang nalilikha ito. Una, nagkakaroon ng cultural super-elite sa UP. Ito ang subkultura sa akademya na di-hamak na nakakaangat sa produksyon ng kaalamang pumapantay sa pamantayan ng kanlurang mambabasa nito. Nire-reinforce ng UP ang pagiging pribilehiyo ng mga piling kolehiyo at institute nito—sila na may pondo at iba pang resources para sa kanilang pananaliksik ay pinagkakalooban pa ng pabuya ng monetaryong pagkilala. Ito rin ang subkulturang sektor na ang pangunahing gawain ay pananaliksik. Samakatuwid, ang nakararami sa ibang kolehiyo ay kailangang doble o tripleng dagdag na pagtratrabaho para makasabay sa ideal na ito.
Pero marami ring mga indibidwal at kolehiyo ang nakasandal sa dubious na mga global na ahensya at negosyo na gumagayak ng mga pag-aaral na makakabuti para sa pagpapaunlad ng mga interes nito. Malawakan ang antas ng kolaborasyon ng imperialistang negosyo at interes, na pati mga tesis ng mag-aaral ay nadidiktahan na ang papaksain at ang gagawing metodolohiya at pagsusuri.
Masungit na nga ang UP sa kabuuan, may inaaruga pang mas masungit na subkultural na sektor na sa isang banda ay nakakapagbigay-rekognisyon at pristehiyo sa pamantasan. Sa kabilang banda, gumagawa na rin ng etikal na paghuhusga ang pamantasan sa kung ano ang lilikhain nitong kaalaman. Halimbawa, ano ang mas kikilalanin: ang pagtitipon at pagsusuri ng panitikang Pangasinese o ang komisyonadong pananaliksik hinggil sa komposisyon ng enzyme ng isang pollutant? Sa kasalukuyan, pinapaboran ng UP ang kahit anong malalathala sa ISSI na mga journal. Siyempre, sa dalawa, ang wikang ingles sa pananaliksik ang mas magtatagumpay. Bakit ka naman magsusulat ng pag-aaral ng panitikang Pangasinese sa ingles, lalo pa’t naunawaan ng mananaliksik ang kahalagahan ng wika sa disiplinang “Philippine Studies”? Sino ba ang nais mong maging mambabasa?
Hindi nga ba’t masusing binatikos ni Ramon Guillermo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ang pananalig sa ISSI, lalo pa sa imperialista at racist na katangian nito? Kaninong daluyan ng kaalaman ang nais lumikha ng ripple? Ang wika, sa isang esensyal (hindi esensyalista) na lebel, ay daluyan ng makabansang kaalaman. Ano ang puwang ng Filipino at iba pang mga wika sa produksyon ng global na kaalaman? Hindi pa ito lubos na tinutugunan ng administrasyon sa UP. Ano, kung gayon, ang pinagkaiba ng UP sa pambansang administrasyon, na nagnanais pumaloob kaagad sa mundo ng GATT at APEC gayong lubos na mahina pa ang mga lokal na produksyon, partikular na nga, ang produksyon ng lokal na kaalaman? Nasaan ang puwang para sa social justice sa mismong diskurso ng civil society na nais pumaloob din ng UP? Saan ba tayo dinala ng ating paniniwala sa Asiaweek survey?
Ang ikalawa kong nakikitang likhang epekto ng interpretasyon ng globalisasyon ng UP ay ang paglikha ng monetaryong subkultura. Alam naman natin na ang mga award na ipinang-aabot ay ginagawa para maiwasan ang burukrasya ng pamahalaan, lalo pa sa pagnanais makaalpas sa SSL (Salary Standardization Law). Dalawang antas ng duplicity ang nagaganap: una, nananaliksik ka para, sa primary, isang global na audience; ikalawa, pinapabuyaan ka ng UP para sa ganitong pananaliksik at etikang gawain. Pero sa maraming mananaliksik, dahil nandiyan ang mga iyan, at sa dismal na liit ng ating mga suweldo, susunggaban na rin. Kabilang na ako rito.
Tinutumbasan ng administrasyong UP ang kakayanan ng indibidwal at pangkolehiyong kapasidad na umakibat sa isang global na pamantayan. Bakit hindi balikan ang mga pamantayang ito? Bakit hindi kumonsulta para sa inkorporasyon at kritisismo ng makabayan at makabansang diwa? Bakit hindi kumonsulta kung ano talaga ang nais ng mga akademiko sa UP hinggil sa kanilang pinapaniwalaang nosyon ng nakaugat na academic excellence?
Bawat gawaing umaabot sa isang flaky at imperialistang pamantayan ay binibiyayaan ng pagkilala, matatamis na pananalita at pat-on-the-back, at monetaryong halaga. Ang ganitong reaksyon ng UP ay hindi na lamang exklusibo sa faculty at REPS, pati na rin sa mga programang aapekto sa mga estudyante ay pumapailanlang na rin sa nosyon ng partisipasyon ng pamantasan sa globalisasyon.
Ang proposal, halimbawa, sa GE (general education) ay magmi-mimic sa reaksyonaryong postmoderno at post-industrial na global na kaayusan. Estudyante, sa pangunahin, ang pipili ng kanyang mga kurso sa programang ito. Ano na ang mangyayari sa “tatak UP” na edukasyon, na siyang nagpaiba sa pagiging “skolar ng bayan” kaysa sa nagbabayad na mag-aaral ng Ateneo o La Salle, halimbawa? Saan ipapasok ang orientasyong makabayan at makabansa sa magiging gawi na mas matatangkilik ang high-profile courses at professor kaysa sa substansyal na pag-aaral ng kasaysayan, panitikan at humanidades?
Ang nakikita kong mga problema ay isang substansyal na isyu ng governance sa UP. Bakit nanggagaling mula sa itaas ang substansya ng pagiging akademiko sa UP—kung ano ang dapat gawin, sa paanong paraan, at gaano kadalas? Mayroon bang konsultasyon sa mga programang isinasakatuparan at isasakatuparan? Sa direksyon na tinatahak natin, nahahanda tayo sa formasyon ng cultural super-elites sa pamantasan, na sa sobrang pagka-chin up at pagkatingin sa kalangitan, ay sabayang nakalutang sa ere at umiikot sa globalisadong mundo, kung saan, ang UP ang sentro ng munting uniberso.
No comments:
Post a Comment