Panahon na ngayon ng graduation. Nariyan ang excitement sa huling exam, approval ng thesis matapos ng ilang rebisyon at dasal, pagtapos sa huling requirement, pagsuot ng sablay at pagmartsa. Sa aktwal na graduation, kontodo ang documentation-kodakan at videocam. Gustong i-frame ang sandali ng tagumpay. Proud si father, equally proud si mother na may bitbit na kwintas ng sampaguita. Pagbati mula sa mga kasama, ka-brod, kaklase at sa naging guro.
The day after, reality-check. Tapos na ang yugto ng pag-aaral. Simula na ng tunay na buhay, yung nagtratrabaho at sumusustento na sa sarili. Kung hindi man, yung nakakatulong-tulong na sa pamilya. Pinaghahanda naman ang graduate sa ekonomiya ng pagkakaroon ng sariling pamilya. Nagsisimula na ang metro, unti-unti nang nauubos ang libreng oras.
Sa isang iglap, nagiging schizophrenic ang graduate. Kahapon lamang, dinadakila sa pagtatapos. Ngayon naman, pinapakumbaba ng pagsisimula. Tunay ngang nagsimula na ang paglutang sa ere, pumalaot na sa gitna ng kawalan-katiyakan. Paano magsimula sa isang kaayusang hindi malinaw ang simula at simulain?
Kung dati, kurso lamang ang pinipili, set for undergraduate life na. Alam na ang tatahakin sa susunod na apat hanggang limang taon, pwera na lang kung nag-overstay. At kung normal ka, tiyak ay lumampas naman sa prescribed period. Ngayon, ang panahon ng krisis ay panahon ng kawalan-katiyakan. Ano ang naroon sa dakong paroon? May higit na pangambang dulot ang graduation dahil sa kauna-unahang pagkakataon, ang graduate ang pinapatungan ng ahensiya ng kapangyarihan sa kanyang balikat. Kung dati ay nag-aaral siya para sa kanyang magulang, dahil hindi pa malinaw ang relasyon ng estudyante sa kurso, ngayon naman ay nagtratrabaho siya, sa pangunahin, para sa sarili.
At ang bind dito ay kailangang gawin ang pagtratrabaho para sa sarili. Walang option. Hindi ito tulad ng pag-aaral na maaring magshift at magdrop, maaring mag-cut ng klase, maaring bumagsak; ang pagtratrabaho ay may bayad, kaya may inaasahang katumbas na pagpupunyagi at resulta. Mula sa peti-burgis na status, ang graduate ay nagkakaroon ng afinidad sa ibang uri—ang uring manggagawa—para lamang igpawan ito sa pagkamit ng middle management na posisyon sa negosyo. Pero matagal pa itong promotion.
Sa ngayon, nakakadismaya ang mga balita. Mga graduate ng Philippine Studies, halimbawa, na nagiging teller ng bangko. Ito ba ang kahahantungan ng mga taon ng pagpupunyagi?
Higit sa lahat, ang usapin ng graduation ay nasa simbolikong antas. Simboliko nitong minamarkahan ang pagtatapos at ang pagsisimula. Mula sa economic dependency sa allowance at pera ng magulang, tungo sa economic independence sa sariling pagpupunyagi.
Batay pa sa legacy ng sistemang edukasyon ng Amerikano, simbolikong binibigyan ang graduate ng akses sa panlipunang mobilidad. Kaya nga ang diploma ay i-frine-frame at dinidispley sa sala. Gustong ipagbunyi ng pamilya ang pagkakaroon ng isang kasapi nito ng marka ng panggitnang uri.
Batay naman sa elitismo ng UP, simbolikong nabibiyayaan ang graduate ng kultural na kapital na mahalaga sa pagbubukas ng maraming pinto ng oportunidad. Iba pa rin ang UP diploma dahil sa persepsyong natatangi ang mga graduate nito. At hindi ba naman, maraming trabaho ang malinaw na humahanap ng graduate nito at ng dalawa pang katapat na unibersidad nito sa Metro Manila?
At ito ang ikinakalungkot at ikinakatakot ko. Pinaghahandaan natin ang mga estudyante sa inaakalang kaalaman at skills na kakailanganin nila. Pero sa aktwal na buhay, hindi naman nakakalubos ang ating itinuro.
Naisip ko ang isa kong guro na naghahanda ng review ng isang libro tungkol sa kulturang popular at ang pang-araw-araw nitong ehersisyo. Biglang lumindol at bumagsak ang kanyang shelves ng mga libro. Sa kadiliman, ni hindi niya nagamit ang kanyang binasang libro para igpawan ang takot at pangamba, o mag-ala MacGyver at iligtas ang sarili.
May anxiety na dulot ang masasayang okasyon, tulad ng graduation. Dahil napakaikli ng sandali ng ligaya, alam na manunumbalik ang mas normal na anxiety ng pamumuhay sa pang-araw-araw. Ang pagdanas ng ligaya ay temporal na disruption ng krisis.
Kaya ang inaakalang krisis ay hindi temporary. Ito ang estado hindi lamang ng ating pang-ekonomiya at politikal na lagay. Ito, higit sa lahat, ay ang estado ng ating indibidwal na pagkatao at kolektibong ugnayan.
Ang inaakalang pagsisimula ng paglutang sa ere ay matagal nang naganap. Dahil sa krisis na lumilikha ng abnormal bilang normal na sitwasyon, lahat pala naman tayo ay nakalutang na sa ere. Kumakampay sa pag-aakalang makalipad, tulad ni Icarus. Pero lahat tayo ay bumabagsak, pero hindi sumasalat sa lupa. Tayo ang henerasyong nakaakma sa pinid ng pagtalon, kundi man nakatalon at pabagsak na.
Sa simula ng pelikulang La Haine, may voice-over na nagkukwento ng isang taong tumalon sa isang building. Sa bawat palapag na dinadaanan nito, sinasabi niya, "So far, so good." Hanggat hindi bumabagsak sa lupa at nagiging bahagi nito ang kalamnan, ayos pa naman.
Happy graduation.
No comments:
Post a Comment