pix mula sa store.shopmanila.com/
Pasko, Paksiw
May isang pabigkas na laro, salitan na sinasabi ang “Pasko” at “Paksiw” at ang isasagot ng kalaro ay yaong hindi sinabing kapareha. Kapag sinabing “Pasko,” ang isasagot ay “Paksiw,” at vice-versa. Ang katuwaan sa laro ay ang inaasahang maling pagbigkas ng sagot. Tongue-twister game kumbaga.
Nagkakamali ang bigkas dahil inaasahan niyang magkamali. Pumaloob siya sa larong alam niyang may pagkakamaling magaganap. May banayad na relasyong pangkapangyarihang nagaganap sa laro: mas madalas, ang nagkakamali ay ang sumasagot. Hawak ng naunang nagsasalitan sa dalawang salita ang kapangyarihang pagkamaliin ang kalaro. Ang kalaro ay sunod-sunuran ang pagtugon sa inuhuhudyat ng unang tagabigkas, kaya sunod-sunuran din sa pagkakamali.
Dahil inaasahang sumagot, sumasagot. Dahil inaasahan na magkamali, nagkakamali. Kasi nga ay pumaloob sa laro na may nagtatanong at may sumasagot. May tumpak at angkop na paraan ng pagbigkas, mayroong
Walang direktang relasyon ang dalawang salita maliban sa paghahanda ng bitag ng pagkabulol sa sumasagot. Maaring isipin na sa pasko, kapag may lechon, nagiging paksiw dahil sobra-sobra ang karne at balat (kasama na ang taba) kinabukasan. Ang sarsa ng lechon ay nagiging sabaw sa paksiw na lalo pang pinatingkad ng suka at paminta bilang preserbatibo ng inihaw na karne. Ito ang referens ng dalawang salita. Ang di hayag ngang sinasambit ng relasyon ay ang pagkabitag ng naglalaro, at ang kahandaan ng sumasagot na makipaglaro, mabitag at mabigkas sa bulol na pamamaraan ang mga salita.
Hindi isda ang inaasahang ipaksiw sa kapaskuhan, o iba pang karne. Tanging lechon lamang. Hindi nga ba’t mitolohikal na ang lechon sa mayoryang hapag-kainan? Milyon-milyong kabahayan ang dumadanas na nagugutom, at nagdedeklara ng sarili na sila ay tunay na mahirap. Lechon ang paboritong pagkain ni Sharon Cuneta (at parang di naman tayo nagtataka, di ba?). Lechon ang isa sa “pampabata” na pagkain, tanging di matatandang may hypertension at sakit sa puso ang maaring kumain ng deadly na pagkain na ito.
Nilalaro ang mga naglalaro ng laro. Sa maraming naghihirap, wala na ang kontextual na referens ukol sa lechon. Parang ginawa na lamang silang mga musmos na namamalimos ng Jollibee at McDonalds mula sa kabilang bahagi ng salamin, sa may lansangang makakadungaw sila sa gitnang uring pangarap na araw-araw nilang nakikitang nakakamit nang nakakahigit sa kanila.
Invisible itong salamin, tagusan na natutunghayan ang dalawang mukha ng lipunang Filipino. Isang nagdarahop sa mas malaking labas ng fastfood outlet, at isang nakararanas ng gitnang uring kasiyahan ng buhay, bagamat temporal lang naman, sa mas maliit na espasyo. Natitikis ng kumakain ng Quarter-pounder o Chicken Joy ang mga mukha at karanasang tinatakasan niya kaya nga siya, in the first place, kumakain sa ganitong mamahaling lugar.
Una ay maari siyang magmaan-maangan na parang wala itong kaibang karanasan sinisimbolo ng batang namamalimos. Ikalawa, maari siyang lumipat nang pwesto na kung saan hindi niya mas lubos na matatanaw itong indexical na referens ng kanyang tinatakasan, sa maliit na sulok ng gitnang uring karangyaan. At ikatlo, sa benevolence ng gitnang uri, maari siyang maglabas ng bahaging maipapamahagi sa batang namamalimos, tutal ay pasko naman, maging charitable at tila maririnig pa sa background, “ang pag-ibig ay naghahari.” Naiibsan ang kanyang gitnang uring guilt.
Anuman ang kanyang piliin ay hindi lubos na matatanggal ang kaiba, kaya nga bitbit at sublimated ang guilt ng gitnang uri. Sa pagpasok niya sa fastfood at iba pang establisyimento, sa pag-aaral niya sa kolehiyo at pagmo-malling, pagsakay ng FX o taxi, pinili na niyang maging gitnang uri. At ang lahat na nasa espasyo ng kanyang piniling gitnang uring pook ay ang nagmamarka ng kanyang nais takasan, ibsan, at ang hindi maging kahit pa hindi niya ito malulubos dahil higit na mas malaki at may kapangyarihang hindi rin lubos pang narerealisa ang nasa labas ng kanyang pook.
Kaya naman kapag sinabing “Patalsikin si Gloria” ay hindi maaring mabulol. May aliterasyon din ang pagbigkas, tulad ng sa “Pasko, Paksiw,” pero walang pagmamaliw. Malinaw ang mga kataga, ang indexical na referens, at maging ang kolektibong bumibigkas nito, pati ang kontexto ng pagbigkas, mga mass action. Konsolidado ang bumibigkas hanggang ang koro ng dalawa at higit pa ay marealisa sa waring hindi marerealisang relasyon ng “Pasko, Paksiw” sa nakararaming mamamayan.
No comments:
Post a Comment